Pumunta sa nilalaman

Teknikal na pagsulat

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Teknikal na pagsusulat)

Ang teknikal na pagsulat ay pagsulat o pag-draft ng teknikal na komunikasyon na ginagamit sa mga larangang panteknikal at pantrabaho, gaya ng hardware at software ng kompyuter, inhenyeriya, kapnayan, eronautika, robotika, pananalapi, medisina, consumer electronics, biyoteknolohiya, at agham pangkagubatan. Saklaw ng teknikal na pagsulat ang pinakamalaking subfield sa teknikal na komunikasyon.[1]

Ipinaliliwanag ng Society for Technical Communication ang teknikal na komunikasyon bilang anumang uri ng komunikasyon na nagpapakita ng isa o higit pa sa mga sumusunod na katangian: "(1) pakikipag-usap tungkol sa mga teknikal o dalubhasang paksa, gaya ng mga aplikasyon sa kompyuter, mga prosesong medikal, o mga regulasyong pangkapaligiran; (2) pakikipag-usap gamit ang teknolohiya, gaya ng mga web page, mga help file, o mga site ng social media; o (3) pagbibigay ng mga panuto sa kung paano gawin ang isang bagay, hindi alintana kung gaano kateknikal ang gawain".[2]

Pangkalahatang-ideya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isinasagawa ng isang technical writer (o technical author) ang teknikal na pagsulat. Ito ay ang proseso ng pagsusulat at pagbabahagi ng impormasyong teknikal sa isang propesyonal na setting.[3]:4 Ang pangunahing gawain ng isang technical writer ay iparating ang impormasyong teknikal sa ibang tao o partido sa pinakamalinaw at pinakamabisang paraan na posible.[3]:4 Madalas na kumplikado ang impormasyong ibinabahagi ng mga technical writer. Nangangailangan ng mga matibay na kasanayan sa pagsulat at komunikasyon ang isang mahusay na technical writer. Hindi lamang sila naghahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng teksto; bihasa rin dapat sila sa mga kompyuter. Gumagamit ang mga technical writer ng isang malawak na hanay ng mga programa upang lumikha at mag-edit ng mga larawan, mga diagramming program upang lumikha ng mga visual aid, at mga tagaproseso ng dokumento upang magdisenyo, lumikha, at mai-format ang mga dokumento.[4]

Bagaman karaniwang nauugnay sa mga online help at mga manwal ng gumagamit ang teknikal na pagsulat, makasasakop ng isang mas malawak na hanay ng mga genre at mga teknolohiya ang term na technical documentation. Ilang halimbawa lamang ng pagsusulat na maaaring ituring na teknikal na dokumentasyon ang mga press release, mga memo, mga ulat, mga panukala sa negosyo, mga datasheet, mga paglalarawan at mga ''specification'' ng produkto, mga puting papel, mga résumé, at mga aplikasyon sa trabaho.[5] Hindi karaniwang hinahawakan ng mga technical writer ang ilang uri ng teknikal na dokumentasyon. Halimbawa, karaniwang isinusulat ng isang manunulat ng ugnayang pampubliko ang isang press release, bagaman ang isang technical writer ay maaaring may input sa anumang impormasyong teknikal na kasama sa press release.

Bagaman kinilala lamang bilang isang propesyon mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang teknikal na pagsulat,[6]:2 maaaring masundan sa classical antiquity ang mga pinag-ugatan nito.[7]:233 Binanggit ng mga kritiko ang mga gawain ng mga manunulat gaya ni Aristoteles bilang mga pinakamaagang anyo ng teknikal na pagsulat.[7]:234 Ang gawain ni Geoffrey Chaucer, ang Treatise on the Astrolabe, ay isang maagang halimbawa ng isang teknikal na dokumento, at itinuturing ito na unang teknikal na dokumentong inilathala sa Ingles.[8]

Dahil sa pag-imbento ng de-makinang palimbagan, ang pagsisimula ng Renasimiyento, at ang pagbangon ng Panahon ng Pagkamulat, naging isang pangangailangan ang pagdodokumento ng mga natuklasan. Ang mga imbentor at siyentipikong gaya nina Isaac Newton at Leonardo da Vinciay naghanda ng mga dokumentong nagsasalaysay ng kanilang mga imbensyon at natuklasan.[6]:1 Bagaman hindi kailanman tinawag na mga teknikal na dokumento noong panahon ng kanilang paglalathala, may mahalagang papel sa pagbuo ng mga modernong anyo ng teknikal na komunikasyon at pagsulat ang mga dokumentong ito.[6]

Lumago sa panahon ng Rebolusyong Pang-industriya ang larangan ng teknikal na komunikasyon.[9]:3 May pagtaas ng pangangailangang magbigay sa mga tao ng mga panuto para sa paggamit ng mga mas kumplikadong makinang naimbento.[9]:8 Gayunpaman, hindi gaya ng nakaraan, kung saan ipinasa sa pamamagitan ng mga tradisyon pasalita ang mga kasanayan, walang sinuman bukod sa mga imbentor ang nakaaalam kung paano gamitin ang mga bagong aparato. Sa gayon, ang pagsulat ay naging pinakamabilis at pinakamabisang paraan upang magpakalat ng impormasyon, at ninais ang mga manunulat na makapagdodokumento ng mga aparatong ito.[9]

Sa panahon ng ika-20 siglo, tumaas ang pangangailangan para sa teknikal na pagsulat, at, sa wakas, opisyal na kinilala ang propesyon. Humantong sa pagsulong sa medisina, hardware ng militar, teknolohiya ng kompyuter, at mga teknolohiya sa aerospace ang mga kaganapan ng Unang Digmaang Pandaigdig at Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[6]:2 Ang mabilis na paglago na ito, kaakibat ng kahalagahan ng giyera, ay lumikha ng agarang pangangailangan para sa mahusay na pagkakadisenyo at pagkakasulat ng mga dokumentong nagsalaysay ng paggamit ng mga teknolohiyang ito. Mataas ang pangangailangan sa panahong ito ang teknikal na pagsulat, at naging isang opisyal na titulo sa trabaho sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang "technical writer".[6]:1

Kasunod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, humantong sa pagdami ng mga consumer goods at pagtaas ng mga pamantayan ng pamumuhay ang mga pagsulong sa teknolohiya.[6]:3 Sa panahon ng biglang paglago ng ekonomiya pagkatapos ng digmaan, ang mga serbisyong pampubliko gaya ng mga silid-aklatan at mga unibersidad, pati na rin ang mga sistema ng transportasyon gaya ng mga bus at mga highway, ay nakaranas ng napakalaking paglago. Nadagdagan ang pangangailangan para sa mga manunulat na maiulat ang mga prosesong ito.[6]:1 Sa panahong ito rin nagsimulang magamit ang mga kompyuter sa mga malalaking negosyo at unibersidad. Kapansin-pansin, noong 1949, isinulat ni Joseph D. Chapline ang unang computational technical documentation, isang instruction manual para sa kompyuter na BINAC.[10]

Nagbigay ng pagkakataon ang pagtuklas ng transistor noong 1947 upang magawa nang mas mura kaysa sa dati ang mga kompyuter.[6]:3 Ang mga pinababang presyo na ito ay nangangahulugang maaari nang mabili ng mga indibidwal at mga maliliit na negosyo ang mga kompyuter.[6]:3 Bilang resulta ng lumalaking katanyagan ng kompyuter, lumaki ang pangangailangan ng mga manunulat na nakapagpapaliwanag at nakapagdodokumento ng mga aparatong ito.[6]:3 Ang propesyon ng teknikal na pagsulat ay nakaranas ng karagdagang paglawak noong 1970s at 1980s dahil dumarami ang bumibili ng consumer electronics.[6]

Sa mga nagdaang taon, ang katanyagan ng mga kompyuter sa lipunan ay humantong sa maraming pagsulong sa larangan ng mga digital na komunikasyon na humahantong sa mga pagbabago sa mga kagamitang ginagamit ng mga technical writer.[6]:3 Ang hypertext, mga tagaproseso ng salita, mga programa sa pag-''edit'' ng grapika, at software ng layout ng pahina ay nakagawa ng paglikha ng mga teknikal na dokumento nang mas mabilis at mas madali kaysa sa dati, at dapat maging bihasa sa mga programang ito ang mga technical writer ng ngayon.[3]:8-9

Ang mahusay na teknikal na pagsulat ay maikli ngunit malaman, nakatuon, madaling maintindihan, walang mga mali, at nakabatay sa audience.[11]:7 Ang mga technical writer ay nakatuon sa paggawa ng kanilang mga dokumento nang malinaw hangga't maaari sa pamamagitan ng pag-iwas ng masyadong teknikal na mga parirala at mga stylistic choices gaya ng balintiyak na tinig at mga nominalisasyon.[3]:236-245 Dahil ginagamit sa mga sitwasyon sa totoong buhay ang mga teknikal na dokumento, dapat palaging sobrang malinaw kung ano ang paksa ng isang teknikal na dokumento at kung paano gamitin ang iminungkahing impormasyon. Ito ay nakakapinsala kung, halimbawa, mahirap maintindihan ang mga panuto ng isang technical writer kung paano gumamit ng isang makapangyrihang makina ng X-ray.

Kinakailangan sa teknikal na pagsulat na malawakang suriin ng isang technical writer ang kanilang audience.[3]:84-114 Kailangang magkaroon ng kamalayan ang isang technical writer sa umiiral na kaalaman ng kanilang audience tungkol sa impormasyong tinatalakay nila dahil dinedetermina ng base ng kaalaman ng audience ng manunulat ang nilalaman at pokus ng isang dokumento.[3]:84-114 Halimbawa, ang isang ulat ng pagsusuri na tumatalakay sa mga natuklasan ng isang siyentipikong pag-aaral na isinusulat para sa isang pangkat ng mga napakahusay na siyentipiko ay magiging iba ang pagkakagawa kaysa sa isang inilaan para sa publiko. Hindi kailangang maging mga subject-matter expert (SME) mismo ang mga technical writer. Madalas silang nakikipagtulungan sa mga SME upang makumpleto ang mga gawaing nangangailangan ng mas malawak na kaalamang hindi nila angkin tungkol sa isang paksa.[3]:51

Dapat na tama ang teknikal na pagsulat. Ang isang technical writer, matapos suriin ang kanilang audience, ay alam kung ano ang kailangan nilang ipabatid. Ang layunin mula roon ay iparating ang mensahe sa isang eksakto at etikal na pamamaraan. Maaaring magresulta sa mga pisikal, pangkapaligiran, o pampinansyal na mga epekto kung hindi ito nagagawa nang tama ng isang manunulat. Mahalaga sa kawastuhan ang pag-alam sa audience sapagkat ang wika ay iaakma ayon sa kung ano ang naiintindihan na nila tungkol sa paksa. Halimbawa, kasama sa bilihin ang mga panuto sa kung paano buuin nang wasto at ligtas ang isang istante ng libro. Binuo ang mga panutong iyon upang ang sinuman ay makasunod, kasama ang mga tamang detalye sa kung saan ilalagay ang bawat pangkabit. Kung hindi tama ang mga panutong iyon, maaaring mabuway at bumagsak ang istante ng libro. [12]

Mga mahahalagang sangkap din ng teknikal na pagsulat ang disenyo at layout ng dokumento.[3]:261-286 Ang mga technical writer ay gumugugol ng maraming oras sa pagtiyak na nababasa ang kanilang mga dokumento dahil pumipigil sa pag-unawa ng isang mambabasa ang isang dokumentong hindi maganda ang disenyo. Binibigyang-diin ng disenyo ng teknikal na dokumento ang wastong paggamit ng mga pagpipilian sa disenyo ng dokumento gaya ng mga bullet point, laki ng font, at naka-bold na teksto.[13] Karaniwang ginagamit din ng mga technical writer ang mga imahe, mga daygram, at mga bidyo sapagkat madalas na makapaghahatid ng kumplikadong impormasyon ang media na ito, gaya ng taunang kita ng isang kumpanya o mga katangian ng disenyo ng isang produkto, nang higit na mahusay kaysa sa teksto.[3]:306-307

Mga teknikal na dokumento

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Saklaw ng teknikal na pagsulat ang maraming genre at istilo ng pagsulat, depende sa impormasyon at audience.[3]:84-114 Hindi lamang nililikha ng mga technical writer ang mga teknikal na dokumento. Halos kahit sinong nagtatrabaho sa isang propesyonal na setting ay gumagawa ng iba-ibang teknikal na dokumento. Kabilang sa ilang halimbawa ng teknikal na dokumentasyon ay mga:

  • Ang mga panuto at mga proseso ay mga dokumentong nakatutulong sa mga developer o mga gumagamit na mapatakbo o mai-configure ang isang aparato o programa.[11]:226 Kabilang sa mga halimbawa ng mga instructional document ay mga manwal ng gumagamit at mga gabay sa pag-troubleshoot para sa mga programa sa kompyuter, hardware ng kompyuter, mga produktong pambahay, kagamitan sa medisina, mga produktong de-makina, at mga kotse.
  • Mga panukala. Karamihan sa mga proyekto ay nagsisimula sa isang panukala—isang dokumentong naglalarawan ng layunin ng isang proyekto, mga gawaing isasagawa sa proyekto, mga pamamaraang ginamit upang makumpleto ang proyekto, at sa wakas, ang gastos ng proyekto.[11]:191 Saklaw ng mga panukala ang isang malawak na hanay ng mga paksa. Halimbawa, makasusulat ang isang technical writer ng isang panukalang nagbabalangkas kung magkano ang gagastusin sa pag-install ng isang bagong sistema ng kompyuter; makasusulat ang isang marketing professional ng isang panukalang kasama ang mga inaalok na produkto; at makasusulat ang isang guro ng isang panukalang nagbabalangkas kung paano aayusin ang isang bagong klase sa biyolohiya.
  • Ang mga elektronikong liham, mga liham, at mga memorandum ay ilan sa mga pinakamadalas isulat na mga dokumento sa isang negosyo.[11]:117 Ang mga liham at mga elektronikong liham ay maaaring likhain gamit ang iba't ibang mga layunin—ang ilan ay karaniwang nilalayon sa simpleng pagbabatid ng impormasyon habang ang iba ay idinisenyo upang kumbinsihin ang tatanggap na gawin ang isang gawain. Habang karaniwang isinusulat sa mga taong hindi bahagi ng isang kumpanya ang mga liham, ang mga memorandum (memo) ay mga dokumentong isinusulat sa ibang mga empleyado sa loob ng negosyo.[11]:118
  • Mga press release. Kapag nais ng isang kumpanyang ibunyag sa publiko ang isang bagong produkto o serbisyo, magpapagawa sila sa isang manunulat ng isang press release. Isang dokumento ito na naglalarawan ng mga kakayahan at halaga ng produkto sa publiko. [14]
  • Ang mga specification ay mga balangkas ng disenyo na naglalarawan ng istraktura, mga bahagi, pagbabalot, at paghahatid ng isang bagay o proseso nang sapat ang detalye upang malikha muli ito ng ibang partido. [15] Halimbawa, ang isang technical writer ay maaaring magdayagram at magsulat ng mga specification para sa isang smartphone o bisikleta upang makagawa ang isang pabrikante.
  • Ang mga paglalarawan ay mga mas maiikling pagpapaliwanag ng mga pamamaraan at proseso na tumutulong sa mga mambabasang maunawaan kung paano gumagana ang isang bagay.[3]:564 Halimbawa, ang isang technical writer ay maaaring magsulat ng isang dokumentong nagpapakita ng mga epekto ng mga greenhouse gas o nagpapakita kung paano gumagana ang sistema ng pagpepreno sa isang bisikleta.
  • Ang mga résumé at mga aplikasyon sa trabaho ay isa pang halimbawa ng mga teknikal na dokumento.[11]:284-285 Ang mga ito ay mga dokumentong ginagamit sa isang propesyonal na setting upang ipaalam sa mga mambabasa ang mga kredensyal ng may-akda.
  • Ang mga teknikal na ulat ay isinusulat upang bigyan ang mga mambabasa ng impormasyon, mga panuto, at pagsusuri para sa mga gawain.[11]:141–143 May iba't ibang anyo ang mga ulat. Halimbawa, maaaring suriin ng isang technical writer ang isang gusaling ipinagbibili at gumawa ng isang ulat ng paglalakbay na nagbibigay-diin sa kanyang mga natuklasan at kung naniniwala ba siya o hindi na dapat bilhin ang gusali. Ang isa pang manunulat na nagtatrabaho para sa isang kumpanyang hindi pangkalakalan ay maaaring maglathala ng isang ulat ng pagsusuri na nagpapakita ng mga natuklasan ng pananaliksik ng kumpanya sa polusyon sa hangin.
  • Ang case study ay isang nailathalang ulat tungkol sa isang tao, grupo, o sitwasyon na napag-aralan sa paglipas ng panahon; at : isang sitwasyon sa totoong buhay na maaaring tingnan o pag-aralan upang malaman ang isang bagay.[16] Halimbawa, ang mahirap na sitwasyon ng isang indibidwal sa kanyang pinagtatrabahuhan at kung paano niya ito nalutas ay isang case study.
  • Ang mga puting papel ay mga dokumentong isinusulat para sa mga dalubhasa sa isang larangan at karaniwang naglalarawan ng isang solusyon sa isang hamon o problema sa teknolohiya o negosyo.[11]:644 Kabilang sa mga halimbawa ng puting papel ay isang kathang nagdedetalye kung paano mapansin ang isang negosyo sa merkado o isang kathang nagpapaliwanag kung paano iwasan ang mga cyber attack sa mga negosyo.
  • Mga websayt. Binago ng pagdating ng hypertext ang paraan kung paano basahin, ayusin, at i-access sa mga dokumento. Ang mga technical writer ng kasalukuyan ay madalas na responsable para sa pagsusulat ng mga pahina sa mga websayt gaya ng mga pahina na "Tungkol sa Amin" o mga pahina ng produkto. Kadalasang inaasahan silang maging bihasa sa mga web development tool.[17]:484-504
  • Ang mga datasheet ay ang mga dokumentong nagbubuod ng mga kakayahan, mga key specification, mga teknikal na katangian, mga application circuit, at ilang iba pang mahahalagang impormasyon tungkol sa produkto, makina, kagamitan, software, aplikasyon, o sistema, sa madaling sabi.
  • Ang mga gabay ng API ay isinusulat para sa pamayanan ng developer at ginagamit upang ipaliwanag ang mga application programming interface.
  • Ang mga help system ay mga online help center na nagbibigay sa mga gumagamit ng teknikal na impormasyo tungkol sa mga produkto at mga serbisyo. Nagbibigay ang mga ito ng nilalaman bilang mga web page na tinitingnan sa isang browser. Maaaring likhain ang nilalaman sa help center software, tulad ng Zendesk, o sa mga kagamitan sa pagsulat ng ''help system'' o mga component content management system na makalilikha ng isang help center bilang isang output ng HTML.

Mga kagamitan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga sumusunod na kagamitan ay ginagamit ng mga technical writer sa pagsusulat at pagpapakita ng mga dokumento:

  • Mga kagamitan sa paglalathalang pangmesa o mga tagaproseso ng salita. Gumagamit ang mga technical writer ng mga tagaproseso ng salita gaya ng Scrivener, Microsoft Word, Apple Pages, at LibreOffice Writer upang isulat, i-edit, idisenyo, at i-print ang mga dokumento. Dahil importante ang layout ng pahina gaya ng nakasulat na wika sa teknikal na pagsulat, ginagamit din ang pinahusay na mga kagamitan sa paglalathalang pangmesa gaya ng Adobe InDesign at LyX.[4] Gumagana nang katulad sa mga tagaproseso ng salita ang mga programang ito, ngunit binibigyan ng mga ito ang mga gumagamit ng maraming pagpipilian at kakayahan para sa disenyo ng dokumento at gawing awtomatiko ang karamihan sa pagfo-format.[18]
  • Mga kagamitan sa pagsulat ng ''help system''. Ginagamit ang mga ito ng mga technical writer upang lumikha ng mga help system na isinama sa mga produktong software na inihatid sa pamamagitan ng mga web browser o ibinigay bilang mga file na maaaring tingnan ng mga gumagamit sa kanilang mga kompyuter. Kapag nagsusulat ng mga instructional procedure upang ilarawan ang mga programang de-makina, de-kuryente, o software, ginagamit ng mga teknikal na manunulat ang mga kagamitang ito upang tulungan sila sa pagpapasimple ng pagbubuo, operasyon, o mga proseso sa pag-install.
  • Mga Component Content Management System. Ginagamit din ang mga ito ng mga technical writer upang lumikha ng mga help system at mga dokumento. Binibgyan ng pagkakataon ng mga Component Content Management System (CCMS) ang mga manunulat na lumikha ng mga kaparehong output gaya ng mga kagamitan sa pagsulat ng help system, ngunit may mga kakayahan din ang mga ito sa pamamahala ng nilalaman gaya ng pamamahala ng bersyon at mga built-in workflow.
  • ''Software'' sa pag-''edit'' ng imahe. Kadalasan, ang mga imahe at iba pang mga elementong biswal ay nakapagbabatid ng impormasyon nang mas mahusay kaysa sa mga talata ng teksto.[3]:306-307 Sa mga pagkakataong ito, ang software sa pag-edit ng imahe gaya ng Adobe Photoshop at GIMP ay ginagamit ng mga technical writer upang lumikha at mag-edit ng mga aspetong biswal ng mga dokumento gaya ng mga larawan, mga icon, at mga dayagram.
  • Mga collaborative software program. Dahil madalas kailangan sa teknikal na pagsulat ang komunikasyon sa pagitan ng maraming indibidwal na nagtatrabaho para sa iba't ibang kumpanya, maaari itong maging isang pakikipagtulungan.[3]:57 Gumagamit ang mga technical writer ng mga Sistemang Wiki at nagbahagi ng mga document workspace upang makipagtulungan sa ibang manunulat at partido upang makabuo ng mga teknikal na dokumento.[3]:74
  • Mga web development tool. Hindi na limitado sa paggawa lamang ng mga dokumento ang mga trabaho ng technical writer. Minsan, gumagawa rin sila ng nilalaman para sa corporate at iba pang mga propesyonal na websayt ng isang kumpanya.[17]:485 Samakatuwid, maaaring asahan na maging bihasa sa mga web development tool gaya ng Adobe Dreamweaver ang mga technical writer.
  • Taga-''edit'' ng teksto. Ang mga programang gaya ng Microsoft Notepad, TextEdit, o Wordstar ay nagbibigay-daan sa mga technical writer upang i-edit ang payak na teksto. Magagamit ang mga taga-edit ng teksto upang baguhin ang nilalaman gaya ng mga configuration file, mga file ng dokumentasyon, at source code ng wikang pamprograma. Ang mga taga-edit ng teksto ay malawakang ginagamit ng mga technical writer na gumagawa ng nilalaman online.
  • Software sa pag-graph. Upang maipabatid ang impormasyong pang-estadistika gaya ng bilang ng mga pagbisita sa isang restawran o ang halaga ng perang ginugugol ng isang unibersidad sa mga programang pampalakasan nito, gumagamit ng mga grapiko at mga flowchart ang mga technical writer.[3]:306-307 Bagaman nakagagawa ng mga simpleng grapiko at mga tsart ang mga programang gaya ng Microsoft Excel at Word, minsan, ang mga technical writer ay kailangang gumawa ng mga mas kumplikado at detalyadong grapikong nangangailangan ng mga kakayahang hindi matatagpuan sa mga programang ito at maaaring kailanganing lumipat sa mga kagamitan sa pag-graph at pagdayagram (hal., Microsoft Visio).[19]
  • Mga kagamitan sa pagkuha ng litrato ng screen. Minsan, gumagamit ng mga kagamitan sa pagkuha ng litrato ng screen gaya ng Camtasia at Snagit ang mga technical writer[20][4]. Kapag lumilikha ng mga panuto para sa software ng kompyuter, maaaring mas madali para sa isang technical writer na magrekord lamang ng isang maikling bidyo ng kanilang mga desktop habang kinukumpleto nila ang isang gawain kaysa sa pagsusulat ng isang mahabang serye ng mga panutong naglalarawan kung paano dapat isagawa ang gawain. Ginagamit din ang mga kagamitan sa pagkuha ng litrato ng screen upang kunan ng mga litrato ang screen ng mga programa at software na tumatakbo sa mga kompyuter ng gumagamit upang lumikha ng mga kasamang dayagram.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. What is Technical Communications? TechWhirl. Na-access noong Disyembre 9, 2014.
  2. "Defining Technical Communication". Society for Technical Communication. Nakuha noong Pebrero 10, 2019.
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 3.11 3.12 3.13 3.14 Mike Markel (2012). Technical Communication 10th Edition. Bedford/St. Martins.
  4. 4.0 4.1 4.2 Johnson, Tom (Disyembre 19, 2011). "What Tools Do Technical Writers Use" I'd Rather Be Writing. Nakuha noong Mayo 4, 2014.
  5. Perelman, Leslie C.; Barrett, Edward; Paradis James. "Document Types" The Mayfield Handbook of Technical & Scientific Writing. Nakuha noong Mayo 4, 2014.
  6. 6.00 6.01 6.02 6.03 6.04 6.05 6.06 6.07 6.08 6.09 6.10 6.11 O'Hara, Fredrick M. Jr. "A Brief History of Technical Communication" Naka-arkibo 2012-09-07 sa Wayback Machine.. Montana State University Billings. Nakuha noong Abril 22, 2014.
  7. 7.0 7.1 Doody, Aude; Follinger, Sabine; Taub, Liba (Pebrero 8, 2012). "Structures and Strategies in Ancient Greek and Roman Technical Writing: An Introduction". Studies in History and Philosophy of Science. Unibersidad ng Cambridge. 43 (2): 233-236 doi Naka-arkibo 2020-10-24 sa Wayback Machine.:10.1016/j.shpsa.2011.12.021 In-archive mula sa orihinal Naka-arkibo 2012-08-03 sa Wayback Machine. noong Agosto 3, 2012. Nakuha noong Abril 22, 2014.
  8. "The Way to the Stars: Build Your Own Astrolabe". Saint John's College. Nakuha noong Abril 22, 2014.
  9. 9.0 9.1 9.2 Crabbe, Stephen (2012). "Constructing a Contextual History of English Language Technical Writing". Unibersidad ng Portsmouth. In-archive mula sa orihinal noong Mayo 12, 2014. Nakuha noong Abril 30, 2014.
  10. "History of Technical Writing". Proedit. 14 Setyembre 2012. Nakuha noong Mayo 9, 2014.
  11. 11.0 11.1 11.2 11.3 11.4 11.5 11.6 11.7 Tebeaux, Elizabeth; Dragga, Sam (2010). The Essentials of Technical Communication. Oxford University Press.
  12. Diane Martinez, et. al., "Technical Writing: A Comprehensive Resource of Technical Writers at All Levels."
  13. Waller, Rob (Abril 2011). "What Makes a Good Document? The Criteria we use" Naka-arkibo 2021-02-02 sa Wayback Machine.. The University of Reading: 16-19. Nakuha noong Mayo 4, 2014.
  14. Perelman, Leslie C., Barrett, Edward, at Paradis James. "Press jaylan peregrino". The Mayfield grave naba Handbook of Technical & Scientific Writing. Nakuha noong Mayo 4, 2014.
  15. Perelman, Leslie C., Barrett, Edward, at Paradis James. "Specifications." The Mayfield Handbook of Technical & Scientific Writing. Nakuha noong Mayo 4, 2014.
  16. "Dictionary and Thesaurus | Merriam-Webster" Naka-arkibo 2015-12-22 sa Wayback Machine.www.merriam-webster.com Nakuha noong 2016-01-22.
  17. 17.0 17.1 Anderson, Pau; V. (2007). Technical Communication [A Reader-Centered Approach] 6th Edition. Thompson Wadsworth.
  18. "What is LyX". LyX. Nakuha noong Mayo 9, 2014.
  19. Hewitt, John (Enero 18, 2005). "How Technical Writers use Microsoft Visio" Poe War. In-archive mula sa orihinal noong Mayo 12, 2014. Nakuha noong Mayo 9, 2014.
  20. Brierley, Sean (2002). Screen Captures 102 Naka-arkibo 2016-08-07 sa Wayback Machine.. STC Carolina (Ulat). pp. 5-8. Nakuha noong Mayo 9, 2014.
[baguhin | baguhin ang wikitext]