Pumunta sa nilalaman

Teodoro Agoncillo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Teodoro Agoncillo
Kapanganakan9 Nobyembre 1912
  • (Batangas, Calabarzon, Pilipinas)
Kamatayan14 Enero 1985
MamamayanPilipinas
NagtaposUnibersidad ng Pilipinas
Trabahohistoryador

Si Teodoro A. Agoncillo (1912 – 1985) ay isang Pilipinong historyador at manunulat na kilala sa kanyang mga mahahalagang kontribusyon sa pagsulat tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Nakapagsulat siya ng mahigit na 20 aklat at mga artikulo ukol dito. Nagsulat din siya ng mga tula at sanaysay na naglalaman ng mga nasyonalistang pananaw sa kasaysayan. Siya ay tinuturing bilang ”ama ng makabansang pananaw sa pagsulat ng kasaysayan.” [1]

Ipinanganak siya noong ika-9 ng Nobyembre 1912. Ang kanyang mga magulang ay sina Pedro Medina Agoncillo tubong Taal, Batangas at Feliza Zaraspe Adan tubong Lemery, Batangas. Teodoro ang tunay niyang pangalan ngunit kilala sa katawagang "Teddy" o "Ago" ng mga kaibigan. Lumaki siya sa Intramuros, Maynila. Nakapagtapos si Agoncillo ng kanyang doctorate degree (Ph. B.M.A.) noong 1934 at Philosophy (1935) sa Unibersidad ng Pilipinas. Naghanapbuhay siya sa pagiging isang kinatawan ng lingguwistika sa Surian ng Wikang Pambansa at naging isang tagapagturo sa Pamantasan ng Malayong Silangan at Pamantasang Manuel L. Quezon. Noong 1956, inilathala niya ang kanyang matagumpay na akda na pinamagatang "Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan". Nakatanggap siya ng mga pagkilala para sa librong ito, pati na rin ang ilang mga pagpuna mula sa mga historyador na mas konserbatibo ang pananaw dahil nabahala sila sa mga paksang kaakibat ang pagiging nasyonalista

Noong 1958, naimbitahan si Agoncillo na sumali sa Kagawaran ng Kasaysayan ng kanyang inang-diwa, ang Unibersidad ng Pilipinas. Naging pinuno siya ng Kagawaran ng Kasaysayan mula 1963 hanggang 1969 at nanatili siya sa unibersidad hanggang sa kanyang pagretiro noong 1977. Matapos magretiro mula sa UP, nagturo si Agoncillo ng kasaysayang Pilipino bilang isang dalaw na propesor sa International Christian University sa Mitaka, Tokyo, Hapon, sa loob ng isang taon mula 1977 hanggang 1978. Ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Diosdado Macapagal ay pinangalanan si Agoncillo bilang kasapi ng Pambansang Makasaysayang Instituto noong 1963. Nagsilbi siya sa hanggang sa kanyang kamatayan noong 1985. Si Agoncillo ay pinuno ng Kagawaran ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas kasabay ng panahon ng kanyang pinsan, si Heneral Abelardo Andal, na nagsilbing Komandante (Tagapangulo) ng Reserve Officers 'Training Corps sa parehong pamantasan.

Mga pagkilala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Agoncillo ay kabilang sa ilang mga akademikong nakakamit ng antas sa pagiging isang propesor ng unibersidad, isang pang-akademikong antas na ibinibigay lamang sa mga mahuhusay na kasapi ng kagawaran na may labis na kaalaman sa higit sa isa sa mga tradisyunal na aspektong akademiya (Agham at Teknolohiya; Agham Panlipunan; at Sining at Humanidadidad) sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nagawaran din siya ng Doctors of Letters, Honoris Causa ng Pamantasan ng Gitnang Pilipinas, taong 1969.

Siya ay hinirang bilang isa sa "Ten Outstanding Young Men (TOYM)", ng Junior Chamber of the Philippines noong 1963 at bilang "Distinguished Scholar of the University of the Philippines" noong 1968. Nagkamit si Teodoro Agoncillo ng iba pang mga parangal tulad ng Republic Cultural Award (1967), UNESCO Prize for Best Essay (1969), at ang Diwa ng Lahi (1982)—ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng Lungsod Maynila.[1] Tinanghal siyang Pambansang Alagad ng Agham ng Pilipinas noong 1985 para sa kanyang kilalang mga kontribusyon sa larangan ng kasaysayan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ilang buwan matapos ang kanyang pagpanaw.[2]

Mga gawa at pamana

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang kanyang mga aklat na isinulat mula sa pananaw ng isang Pilipino para sa mga Pilipino ang pinakamahalagang pamana niya sa bansa. Ngayon, ang kanyang mga gawa ay itinuturo sa maraming mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ilan sa kanyang mga libro ay ang mga sumusunod:

  • Ang Kasaysayan ng Pilipinas (kasama si Gregorio F. Zaide, 1941)
  • Ang Maikling Kuwentong Tagalog: 1886-1948 (1949, 1965, 1970)
  • The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan (1956), isang makasaysayang pagtatala noong 1896 tungkol sa Katipunan laban sa pamamahala ng Espanya at ang pinuno nito, si Andres Bonifacio.
  • Malolos: The Crisis of the Republic (sequel to Revolt of the Masses which discusses the events from Biak-na-Bato to the end of the Philippine–American War, 1960)
  • History of the Filipino People (walong mga edisyon: 1960, 1967, 1970, 1973, 1977, 1984, 1986, 1990)
  • The Writings and Trial of Andres Bonifacio (1963)
  • The Fateful Years: Japan's Adventure in the Philippines (Kasaysayan ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dalawang bolyum, 1965)
  • A Short History of the Philippines (1969)
  • Filipino Nationalism: 1872-1970 (1974)
  • Introduction to Filipino History (1974)
  • Sa Isang Madilim: Si Balagtas at ang Kanyang Panahon (1974)
  • Ang Pilipinas at ang mga Pilipino: Noon at Ngayon (1980)
  • The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration Case (1984)

Kadugo ni Agoncillo si Don Felipe Agoncillo, ang Pilipinong diplomatiko na kumatawan sa Pilipinas sa negosasyong humantong sa Kasunduan sa Paris (1898), at si Doña Marcela Agoncillo, isa sa punong mananahi ng watawat ng Pilipinas.

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Agoncillo, Teodoro. (2015). Sa V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Maynila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining. Nakuha mula sa https://philippineculturaleducation.com.ph/agoncillo-teodoro/
  2. Teodoro A. Agoncillo: GOVPH. (walang petsa). Nakuha noong Enero 15, 2021, mula sa https://www.officialgazette.gov.ph/teodoro-a-agoncillo/

Karagdagang Pagbasa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 https://philippineculturaleducation.com.ph/agoncillo-teodoro/
  2. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-02-25. Nakuha noong 2021-01-15.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)