Suplementong bakal

Ang mga suplementong bakal, na kilala rin bilang mga asin ng bakal (iron salts) at mga tabletang bakal (iron pills), ay iba't ibang pormulasyon ng bakal na ginagamit upang gamutin at maiwasan ang kakulangan sa bakal (iron deficiency), kabilang ang anemya dahil sa kakulangan sa bakal.[1][2] Para sa pag-iwas, inirerekomenda lamang ang mga ito sa mga taong may mahinang pagsipsip ng bakal, may mabigat na pagreregla, buntis, sumasailalim sa hemodiyalisis, o may pagkain na kulang sa bakal.[2][3] Maaari ring gamitin ang mga ito bilang pang-iwas sa mga sanggol na may mababang timbang sa kapanganakan.[2] Maaaring inumin ang mga ito sa bibig, iturok sa ugat, o iturok sa kalamnan.[2] Bagaman maaaring makita ang mga benepisyo sa loob ng ilang araw, maaari pa ring umabot ng hanggang dalawang buwan bago bumalik sa normal ang antas ng bakal sa katawan.[4]
Kabilang sa mga karaniwang epekto ang paninigas ng dumi, pananakit ng tiyan, maitim na dumi, at pagtatae. Ang iba pang mga epekto, na maaaring mangyari kapag labis ang paggamit, ay labis na pag-iipon ng bakal sa katawan at pagkalason sa bakal. Kabilang sa mga asin ng bakal na ginagamit bilang suplementong iniinom ang pumarato perroso, glukonato perroso, susinato perroso, at sulpato perroso.[3] Samantala, kabilang sa mga itinuturok na anyo ang yero dekstrano at yero sakarosa.[3] Gumagana ang mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng bakal na kailangan ng katawan upang makagawa ng mga pulang selula ng dugo.[4]
Ginagamit na sa medisina ang mga tabletang bakal mula pa noong hindi bababa sa 1681, at isang madaling gamiting pormulasyon ang nabuo noong 1832 gamit ang mga katas mula sa atay ng manok, at ang karamihan ay mula sa mga halaman.[5] Ang asing perroso ay kabilang sa Listahan ng Mahahalagang Gamot ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (World Health Organization List of Essential Medicines).[6] Ang mga asin ng bakal ay mabibili bilang mga henerikong gamot at maging nang walang reseta.[1] Bagaman may mabibiling mga pormulasyong may mabagal na paglabas, hindi inirerekomenda ang mga ito.[2] Noong 2021, ang sulpatong perroso ang ika-105 pinakakaraniwang inireresetang gamot sa Estados Unidos, na may mahigit 6 na milyong reseta.[7][8]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1 2 Hamilton R (2015). Tarascon Pocket Pharmacopoeia 2015 Deluxe Lab-Coat Edition (sa wikang Ingles). Jones & Bartlett Learning. p. 217. ISBN 978-1-284-05756-0.
- 1 2 3 4 5 British National Formulary: BNF 69 (sa wikang Ingles) (ika-69 (na) labas). British Medical Association. 2015. pp. 660–664. ISBN 978-0-85711-156-2.
- 1 2 3 World Health Organization (2009). Stuart MC, Kouimtzi M, Hill SR (mga pat.). WHO Model Formulary 2008 (sa wikang Ingles). World Health Organization. pp. 247–250. hdl:10665/44053. ISBN 978-92-4-154765-9.
- 1 2 "Iron Preparations, Oral" (sa wikang Ingles). The American Society of Health-System Pharmacists. Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Mayo 2016. Nakuha noong 8 Enero 2017.
- ↑ Upfal J (2006). Australian Drug Guide (sa wikang Ingles). Black Inc. pp. 378–379. ISBN 978-1-86395-174-6. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Setyembre 2017.
- ↑ World Health Organization (2019). World Health Organization model list of essential medicines: 21st list 2019 (sa wikang Ingles). Geneva: World Health Organization. hdl:10665/325771. WHO/MVP/EMP/IAU/2019.06. License: CC BY-NC-SA 3.0 IGO.
- ↑ "The Top 300 of 2021". ClinCalc (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Enero 2024. Nakuha noong 14 Enero 2024.
- ↑ "Ferrous Sulfate - Drug Usage Statistics". ClinCalc (sa wikang Ingles). Nakuha noong 14 Enero 2024.