Undas
Ang kapistahan ng Todos los Santos[1], Araw ng Lahat ng mga Santo o Araw ng mga Santo, tinatawag na All Saints' Day, All Hallows o Hallowmas sa Ingles (ang katagang “hallows” ay “santo” at ang “mass” ay misa), ay ipinagdiriwang tuwing ika-1 ng Nobyembre o unang Linggo ng Pentekostes bilang paggunita sa lahat ng santo o banal, kilala o hindi. Ang ika-31 ng Oktubre naman ay tinatawag na Halloween sa Ingles, katumbas ng "Ang Bisperas ng Todos los Santos" o "Gabi ng Pangangaluluwa." Ang Todos los Santos ay isa ring pormulang Kristiyano na humuhingi ng tulong sa lahat ng santo at martir, kilala o hindi. Sa Pilipinas, palansak na tinatawag itong Araw ng mga Patay, Pista ng Patay, o Undas.[2]
Sa Iglesya Katolika Romana, ang Araw ng Todos los Santos ay parangal sa mga taong nakatamo ng beatipikong pananaw ng kalangitan habang ang sumunod na araw, ang ika-2 ng Nobyembre, ang Araw ng mga Kaluluwa ay paggunita sa lahat ng yumaong mananampalataya na hindi pa nadadalisay at nakararating sa langit.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong unang panahon ng Iglesya, ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang anibersaryo ng pagkamatay ng isang martir kay Kristo (kilala bilang “pagsilang” ng santo) sa pagsasagawa ng magdamagang pagtatanod at susundan ng pagdiriwang ng Eukaristiya sa ibabaw ng puntod o lugar ng pinagmartiran. Noong ika-4 ng siglo, ang mga magkakalapit na mga diyosesis ay nagsimulang maglipat ng mga relikya at magdiwang ng kapistahan ng mga kilalang martir na komun sa kanila. Kalimitan, may ilang Kristiyano ay naging martir sa iisang araw na natural na gunitain sa mismong araw din iyon. Sa pagtugis ni Diocleto sa mga Kristiyano, di mabilang ang nagpakamartir at dahil dito ang paglalaan ng araw ng paggunita ay hindi na praktikal. Sa damdaming dapat na igalang ang bawat martir, nagtabi ang Iglesya ng isang araw para sa lahat ng martir.
Ang paggunita sa “Lahat ng Martir” ay nagsimulang ipagdiwang noon pa mang taong 270 datapuwat walang tiyak na buwan o araw ang nabanggit sa mga umiinog na kasulatan. Ang unang bakas ng isang pangmadlang pagdiriwang na may petsa ay naganap sa Antioquia tuwing Linggo matapos ang Pentekostes. Nabanggit ito na may isang araw na pagdiriwang sa sermon ni San Efren na taga-Ciria (373), at ang kaugaliang ito ay nabanggit din sa ika-74 homiliya ni San Juan Crisostomo (†407), na tumutukoy sa isang “pista ng mga martir sa buong mundo.” Noon pa mang taong 411, may isang panglahatang pagdiriwang sa mga Kristiyanong Kaldeano na nauukol para sa mga Kompesores (Commemoratio Confessorum), na ipinagdiriwang tuwing Biyernes matapos ng Pasko ng Pagkabuhay.
Sa Silangan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa mga Silanganing Ortodoxo at Silanganing Katoliko, ang Linggo ng Todos los Santos (Griyego: Áγιων Πάντων, Agiōn Pantōn), ay sumusunod sa matandang tradisyon sa pag-aalaala sa lahat ng mga santo tuwing unang Linggo matapos ang Pentekostes.
Ang pista ng Todos los Santos ay sumikat noong ika-9 ng siglo noong paghahari ng Bisintinong Emperador na si Leon VI “ang Tuso” (886-911). Ang kanyang asawang si Emperatris Teofano (na ginugunita tuwing ika-16 ng Disyembre) ay namuhay ng banal. Nagpatayo ng simbahan ng emperador upang ialay sa asawa. Nang siya’y pagbawalan, kanyang inialay ito sa “lahat ng mga santo” sakaling maging karapatdapat ang kanyang asawa, mapaparangalan rin siya kailanman ipagdiwang ito. Ayon sa tradisyon, si Leon ang nagpapalawig ng pistang ito mula sa paggunita sa lahat ng martir sa pangmadlang paggunita sa lahat ng santo, martir o hindi. Ang Linggong ito ang nagsasara sa panahong Pascual na ito. Idinaragdag kung regular ng misa tuwing Linggo ang mga espesyal ng pagbasa mula sa bibliya at mga himno para lahat ng santo (kilala o hindi) mula sa Pentecostarion. Ang Linggo matapos ang Linggo ng Lahat ng Santo (i.e., ikalawang Linggo matapos ang Pentekostes) ay inilalaan bilang isang pag-alaala sa mga santong iginagalang ng pamayanan tulad ng “Todos los Santos ng Amerika”, “Lahat ng Santo ng Bundok ng Athos”, atbp. Ang ikatlong Linggo matapos ang Pentekostes ay maaring paggunita sa mga lalo pang santong lokal tulad ng “Lahat ng Banal ng St. Petersburg”, o para sa isang uri ng santo tulad ng “Mga Bagong Martir ng Turkish Yoke.” Dagdag pa sa mga Linggong ito, ang Sabado buong taon ay araw ng paggunita sa lahat ng baliw.
Sa Kanluran
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang pagdiriwang ng Araw ng Todos los Santos (na tinatawag na Festum omnium sanctorum sa Latin) sa Kristiyanong kanluran ay ginagawa tuwing ika-1 ng Nobyembre na sinusundan ng Araw ng Kaluluwa sa ika-2 ng Nobyembre. Ito ay isang araw ng pangilin sa Iglesya Katolika Romana o Katolikong Latino ng may pagtatanod o vigilia. Dati ang pagdiriwang na ito ay may okatabo. Pinawalang bisa ang oktabo noong 1955 kasama ang iba pang mga oktabo.
Ang pagdiriwang ng Todos los Santos ay sinimulan gawin sa kanluran noong ika-13 ng Mayo taong 609 o 610 (kung saan ang araw ay mas mahalaga kaysa taon) nang i-konsagrado ni Papa Bonifacio IV ang Panteon sa Roma sa Mahal na Birhen at lahat ng mga Martir – ang pagdiriwang na ito ng 'dedicatio Sanctae Mariae ad Martyres' mula noon ay ginagawa sa Roma. Ang piniling araw na ito, Mayo 13, ay isang paggunitang pagano noong matandang panahon na pinaluluoban ng tatlong araw ng Pista ng Lemures kung saan inilalaan ang masasama at walang pahingang mga kaluluwa ng mga namatay. Sinasabi ng mga liturhiyologong midyebal na ibanase sa pagdiriwang ng Lemuria ang pagdiriwang ang Todos los Santos sa mismong petsa at may kaparehong tema na para sa mga yumao. Ang padiriwang ng Todos los Santos ay mula raw sa pagtatayo ni Papa Gregorio III (731-741) ng isang oratoryo sa simbahan ni San Pedro sa Roma para sa mga relikya) “ng mga banal na apostoles at ng lahat ng dakilang mga santo, martir at kompesor na namamahinga sa buong mundo”, kung saan ang pagdiriwang ay iniusad sa ika-1 ng Nobyembre.
Hindi ipinagdiriwang ng mga Irish ang ika-1 ng Nobyembre na ipinakikita ang mga naglaho ng mga dokumento na sinasabing ipinagdiriwang ito kung tag-sibol sa Irlanda “…ang Felire ng Oengus at ang Martyrology of Tallaght ay patunay na ang mga sinaunang simbahang midyebal [sa Irlanda] ay nagdiriwang ng kapistahan ng Todos los Santos tuwing ika-20 ng Abril”) Sinasabing malawakan nang ipidiriwang ang kapistahan ng lahat ng santo tuwing Nobyembre noong kapanuhan ni Carlomagno (Charlemagne). Ginawa itong araw ng tungkulin sa buong imperyong Franco o Carolingio noong 835 sa pamamagitan ng isang pagtatakda ni Luis na Relihiyoso at ng pagsang-ayon ng mga obispo,” na ipagdiriwang tuwing ika-1 ng Nobyembre. Ang oktabo ay idinagdag ni Papa Sixto IV (1471-1484).
Ang pagdiriwang na ito ay nanatili matapos man ang Repormasyon sa kalendaryo ng Iglesya ng Inglaterra at maraming simbahang Lutero. Sa mga simbahang Lutero tulad ng Iglesya ng Sueca (Sweden) ginagawa ito bilang pangmadlang paggunita sa mga yumao. Sa kalendaryo Sueco, ang pagdiriwang ay ginagawa tuwing unang Sabado ng Nobyembre. Sa maraming iglesyang Lutero, iniusad ito sa unang Linggo ng Nobyembre. Ipinagdiriwang din ito ng ibang Protestanteng may tradisyong Ingles tulad ng United Church of Canada at ng Wesleyan Church.
Mga kaugalian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Portugal, Espanya at Mehiko, ginagawa ang mga ofrendas (pag-aalay) sa araw na ito. Nakaugaliang itanghal ang dulang Don Juan Tenorio sa Espanya. Sa Belhika, Pransiya, Italya, Portugal at Espanya, ang mga tao ay nag-aalay ng bulaklak sa mga yumaong kamag-anak.
Sa Polonya, Suwesya, Eslobenya, Eslobakya, Litwaniya, Kroasya, Austria, Unggarya at Alemanya, ang pag-iilaw ng kandila at pagdalaw sa puntod ng mga yumaong kamag-anak ang nakaugalian.
Sa Pilipinas, ang araw na ito ay inilalaan sa pagdalaw sa mga puntod ng yumaong mahal sa buhay kung saan sila ay nag-aalay ng dasal, bulaklak at kandila. Karaniwang parang isang masayang pagkikita ng magkakamag-anak. Sinasabi na ang araw na ito ay “isang pakakataon upang makapiling” ang mga mahal na yumao minsan isang taon. Bago dumating ang araw na ito ang mga puntod ay nililinis at pinipintahan. Dahil isa itong mahalagang araw upang makapiling ang mga yumaong kamag-anak, ang mga pamilya ay karaniwang naglalamay sa simenteryo at kung minsan magdamag o dalawang araw sa puntod ng mahal sa buhay. Upang magpalipas ng oras, may naglalaro ng baraha, may nagkakainan, nag-aawitan at nagsasayawan sa simenteryo. Isang mahalagang kapistahan ito ng maraming Pilipino (matapos sa Pasko at Semana Santa). Ang ika-1 ng Nobyembre ay isang pistang opisyal sa Pilipinas at kung minsan pati ang araw bago o pagkatos nang araw na ito.
Sa mga bansang kung saan Ingles ang katutubong wika, ang pagdiriwang na ito ay ipinadiriwang sa pag-awit ng himnong “For All the Saints” ni William Walsham How. Bantog na himig dito ay ang Sine Nomine ni Ralph Vaughan Williams.
Sa pagsasaka
[baguhin | baguhin ang wikitext]Karaniwang itinatanim ng mga magsasaka ang mga sibuyas bago sumapit ang Undas upang magkaroon ng mabuting ani.[3]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ English, Leo James (1977). "Todos los Santos". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
- ↑ Halloween, Undás, Pista ng Patay, Araw ng mga Patay Naka-arkibo 2012-12-01 sa Wayback Machine., Bansa.org
- ↑ "Undas". Flavier, Juan M., "Doctor to the Barrios" (New Day Publishers). 1970.