Anarkismo
Ang anarkismo ay hindi lamang itinuturing na pulitikang pananaw kundi isang prinsipyo ng pakikipagkapwa-tao, kung saan ang lahat ng uri ng pagpapataasan ng sangkatauhan, panlalamang, pangingibabaw, pagpuwersa o maskilala bilang hirarkiya ay itinuturing na masama. Tinatawag na mga anarkista ang taong nagtataguyod ng anarkismo sa lipunan.
Ang mga anarkista ay maaaring salungat sa gobyerno o pamahalaan, sa iba't ibang institusyon kasama ang relihiyon, o sa uri ng ekonomiya na mayroon ang isang lipunan, o maski pwersahang pagsunod sa tradisyon o mga pangkaraniwang kaugalian dahil itinuturing ang mga ito na pangunahing nagpapalaganap ng paghihirap, pang-aalipusta, at panloloko sa mga tao.
Ang anarkiya ay madalas pinapaniwalaang magulo dahil sa pangkaraniwang pananaw na kapag nawala ang mga batas, mga pulis, o mga negosyante ay babagsak hindi lamang ang lipunan kundi magiging talamak ang krimen. Sa katunayan, sa pananaw ng anarkista, kahit na wala ang mga ito ay buo pa rin ang diwa ng tao at hahanap ito ng kanya-kanyang mga diskarte upang matugunan ang kawalan ng mga ito, maaaring sa pamamagitan ng pagtutulungan, pakikipag-areglo, o maski pagnanakaw depende sa nabubuo o nabuong relasyon ng mga tao sa isa't isa.
Ang kaisipang anarkismo ay madalas nananaliksik sa kilos, kapangyarihan, at pagtrato.
Pinagmulan ng Salita
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagmula ang salitang anarkismo mula sa Griyegong anarchia o anarkiya, na nangagahulugang "walang pinuno".
Simbolo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Letrang A na may Bilog
Ang letrang A ay sumisimbolo sa kalayaan at ang pagbilog nito ay simbolo ng kaayusan. Ang letrang A bilang Anarchy at ang bilog bilang Order.
Itim na kulay ng Bandila
Ang purong itim na bandila ay ang pagtakwil ng mga simbolo ng mga kabansaan at ang pagdadalamhati sa namatay na kalayaan.
Itim at Pulang kulay ng Bandila na hinahati nang nakahilig
Ito ay simbolo ng pinagsamang anarkismo at komunismo.
Pusang Itim
Simbolo ito ng pananabotahe sa mga negosyo. Isang kwento raw dito ay mula ito sa protestang strikes ng mga manggagawa ng International Workers of the World. Nagulpi at naospital ang mga trabahador at malubha ang kundisyon nila na parang imposibleng manalo. Noong nakakita sila ng pusang itim na nangangayayat, pinakain at inalagaan nila ito. Noong gumaling at lumusog ang pusa, tila nagbago ang ihip ng hangin at naging masmaganda ang daloy ng mga strikes. Kalaunan, nanalo ang mga nagprotesta sa ilan sa kanilang mga demanda at ginawang maskot ang itim na pusa.
Chaos Star
Ayon kay Michael Moorcock na isang anarkista ang walong direksyon ay sumisimbolo sa walang hangganang posibilidad. Inadopt ito bilang simbolo ng anarkiyang nihilismo at anarkiyang pagaaklas.
Gumawa ang mga pasista ng sariling bersyon na hugis parisukat upang palaganapin ang ideyolohiyang Eurasianismo sa Russia.
Racoon
Kinikilala ng iba ang racoon bilang peste dahil sa kadalasang pagkakalkal nito ng basura. Pero sa mga anarkista, ang racoon ay sumisimbolo sa katangian nitong pagkamadiskarte, mapamaraan, at pagtuligsa ng mga patakaran.
Bungo at dalawang buto na naka-ekis
Bagamat mas tanyag ito sa mga pirata, ginamit din ito ng mga anarkista sa Ukraine noong panahon ni Makhno upang ipaglaban ang kalayaan nila hanggang sa kamatayan. Ang iba pang mga nakakatakot na simbolo ay madalas ginagamit din ng punk bilang parte ng disenyo at mga palamuti, hindi para manakot, kundi para i-enjoy ang itsura nito.
Iba't ibang sangay ng anarkismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga sangay ng anarkismo ay maaaring magbigay ng kaisipan o tuon sa partikular na mga isyu at pagsasaprakitka upang lumalim ang diskurso sa paglalathala ng anarkiya sa bawat aspeto ng lipunan.
Mga pangunahing popular na kaisipan
Anarkiyang Komunismo
Ito ang pinakapopular na bersyon ng anarkismo sa buong mundo, kadalasan humihiram ito ng mga aral ni Marx upang tutulan ang kapitalismo. Kahit na ang mga impluwensiya ni Marx ay malaki ang ambag nito sa mga anarkista, tinalikuran nito ang layunin na agawin ang pamahalaan at sanayin ang mga komunidad na mamahala sa sarili at depensahan ito. Sa pag-aaway ni Bakunin at Marx, sinasabi ni Bakunin na ang diktadurya ng mga manggagawa ay hindi malayong humantong sa pagdidikta ng partido sa mga manggagawa lalo na kapag binigyan ng pribilehiyo ang isang grupo ng mga rebolusyonaryo.
Ang isang kalapit nitong kaisipan ay ang Anarkiyang Syndikalismo na kung saan nakapokus ito sa mga manggagawa at mga unyon upang ayusin ang produksyon ng lipunan. Ang taktika nito ay agawin ang buong industriya sa mga negosyante sa pamamagitan ng paghinto ng lahat ng trabaho, o pananabotahe hanggang sa sumuko ang mga may-ari nito at tuparin ang demanda.
Isa pang kaakibat na pananaw nito ay ang Anarkiyang Kolektibismo na siyang dating paniniwala upang magkaroon ng tiyak na paghihiwalayan ng kaisipan ng mga anarkista sa mga komunista. Kalaunan, nagsama ang mga anarkistang komunista at anarkistang kolektibista upang magkaroon ng masmalakas na pwersa.
Anarkiyang Pangkasarian (Anarcho-Feminism)
Maskilala ito bilang Anarkiyang Peminismo, na kung saan nais palawakin ang kalayaan sa pagdedesisyon sa pangangatawan o pag-rerelasyon; at pagwawakas sa panghuhusga ng katangian ng kasarian. Gusto nitong sirain ang ipinatayong strukturang naniniwala na maslamang ang mga lalaki kaysa sa mga babae (Patriyarka), talamak noong kinokolonisa ang mga lupain at kabansaan. Bagamat sinasabi na natural sa pagiging anarkista ang isang peminista, ang anarkistang bersyon ng peminismo ay kinekwestyon ang bisa ng kaparusahan at ibang mga batas upang solusyunan ang mga isyu ng kababaihan tulad ng panggagahasa, domestic abuse, pagpopokpok, at pagbubuntis.
Ang kaakibat nitong kaisipan ay ang Anarkiyang Pangkabaklaan (Queer Anarchism), na siyang tumatalakay naman sa karanasan ng mga kasarian at pagnanasang-talik na hindi saklaw sa kasalukuyang kategorya ng lalaki at babae tulad ng tomboy, bakla, transgender, intersex, asexual, at iba pang kasarian o pagnanasang-talik. Ang Anarkiyang Pangkabaklaan base sa mga anarkista sa ibang bansa ay nakatuon sa pagyakap ng krimen bilang isang mahalagang kasangkapan upang makamit ang mga pangunahing pangangailangan nito laban sa mga gobyernong ipinagbabawal ang kanilang pag-iral.
Bagamat magkahiwalay ito na kaisipan ay naniniwala ito na hindi makukuha ang respeto at iba pang mga karapatan sa pamamagitan ng paglathala ng mga batas at maaaring maging kabaliktaran pa ang epekto nito.
Anarkiyang Nihilismo (Anarcho-Nihilism)
Ang kaisipan ng Nihilismo ay nakabase sa ideya ng pagtutol (negation) sa mga umiiral na sistemang pang-aalipin gamit ang kahit anong kaparaanan. Ibinabadya nito na wala nang saysay ang mga reporma dahil sa kawalan ng pag-asa o kawalan ng tiwala na makakamit pa nito ang pagbabago sa mga protesta at pagdedemanda. Isang mahalagang konteksto nito sa Pilipino ay ang "bahala na".
Isa pang kaparehong kaisipan nito ay ang Anarkiyang Pagaaklas na nais labanan ang pamahalaan, negosyante, o mga makakapangyarihan sa pamamagitan ng karahasan, dahas, pagpaslang sa mga abusadong institusyon at tao sa lipunan, o kaya naman pagsira o pamamahagi ng mga pribadong ari-arian. Tanyag ang mga anarkistang ito sa paggamit ng ibat ibang klaseng bomba, kadalasan, ang molotov cocktail para sunugin ang mga establishyamento o simbolo ng pang-aapi.
Luntiang Anarkismo (Green Anarchism)
Ang luntiang anarkismo ay isinasapuso ang pagkakapantay ng kalikasan at ng tao, at sinasaklaw nito ang pagtingin sa kapitalismo bilang pwersa na nais ubusin at pagsamantalahan ang kalikasan at ang gobyerno na siyang ginagawang kumplikado ang tunggalian ng kalikasan at ng tao. Talamak sa kaisipan na ito ang mga iba pang mga konsepto tulad ng Degrowth, Social Ecology, Solarpunk, at Veganism upang maging masmakatao ang pagtrato ng tao sa kalikasan.
Ilan sa mga mahahalagang kaakibat na pananaw nito ngunit hindi kapareho ay ang Anarkiyang Primitibismo na gustong bumalik sa gubat at ibalik ang diwa ng pagkamabangis, at tutulan ang industriyalisasyon na nangyayari. Ang isang mahalagang kaakibat na pananaw nito ay ang Anarkiyang Pangkatutubo na nais halungkatin ang mga naitatagong kagawian, kultura, at paniniwala ng mga sinaunang pamayanan at pangkat etniko. Isa sa mga mahalagang talakayan ay ang Badjao at mga Aeta na walang kinikilalang lupain ng mga ninuno at malayang naglalakbay sa mga tubig at lupain, at ang pagpapatuloy na diskriminasyon sa kanila.
Anarkiyang Pangkapayapaan (Anarcho-Pacifism)
Talamak ang paniniwala na ito sa mga relihiyosong anarkista tulad ng mga Kristiyano at Budhismo. Ipinaliwanag ni Leo Tolstoy na ang mismong konsepto ng gobyerno ay taliwas sa paniniwala ng Kristiyanismo, at nararapat lamang umiwas ang kristiyano sa lahat ng uri ng karahasan at pamumwersa, at itinuturing na ang pamahalaan ang pinakabayolenteng institusyon na kailangan iwasan ng mga kristyano. Isang mahalagang aspeto ng Anarkiyang Pangkapayapaan ay ang pagtutol sa lahat ng uri ng paggyera, pagpaparusa, at iba pang mga mapanakit na pagkilos. Isinasapuso nito ang pagpapakamartir upang kalabanin ang mga makapangyarihan, kahit sa mga simpleng pagtulong tulad ng pamimigay, at pagpapatakas ng mga bilanggo, at pagbibigay ng pagkakataon para sa mga makasalanan na magbago.
Anarkiyang Pangkapwa (Anarcho-Mutualism)
Ang anarkiyang pangkapwa ay isang pilosopiyang nabuo sa simula ng pagsulong ng anarkistang kilusan noong ika-18 na siglo. Ang pinakatanyag na pilosopo sa anarkistang pangkapwa ay si Pierre Joseph Proudhon na layong magtatag ng lipunan na walang pamahalaan base sa patas na pakikipagpalitan (fair trade) at pagbibigayan (reciprocation). Ito ay may layon na bumuo ng ekonomiya na hindi hinahaluan ng pangingielam ng pamahalaan, pag-uupa, o tubo ngunit nakabase sa malayang pagtutulungan ng mga tao.
Tulad ng komunismo, tinututulan nito ang pribadong pagmamay-ari ng lugar ng produksyon kung saan ang bawat manggagawa ay dapat mayroong boses at kasama siyang negdedesisyon para sa kanyang pinagtratrabahuhan. Tanyag sa kaisipan na ito ang salitang "usufruct" o sa Pilipino ay tinatawag na "hiram" na pwedeng pagmay-ariin ito ng iba't ibang tao hangga't sa ginagamit niya ito. Sa kaisipan na ito ay gumagamit ito ng konsepto ng malayang pag-aambagan.
Anarkiyang Pansarili (Egoist Anarchism)
Isa sa mga mahahalagang kaisipan nito ay ang pagtalakay sa sarili bilang pinakamahalagang kaisipan sa pagkokonsidera ng ating mga hilig at layunin. Ibinabadya nito na ang pagpapahalaga sa sarili ay isang sagradong konsepto na hindi maiiwasan ng mga tao kahit ang simpleng pagmamalasakit ay itinuturing din na parte ng ating pansariling kagustuhan bilang mga tao. Ang tagapaglathala ng kaisipan na ito ay si Max Stirner. Sinasabi niya na ang pamahalaan, pag-aasal, at pagmamakabansa ay pawang mga pagpapantasya lamang ng kaisipan at gayon ay inoobliga ng tao ang kanyang sarili na sumunod dito dahil lang sa kinikilala ang pag-iral nito. Sa kaisipan ng ari-arian, ang ari-arian naman ay sinasabi na napapanatili sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan upang mapanatili ito at hindi lamang dahil sa mga karatula o titulo na nakapangalan sa kanya. Bukod dito ay mayroon din itong konsepto ng Unyon ng mga makasarili na siyang hindi malayo sa konsepto ng organisasyon na walang pinuno. Isa sa mga kalapit nitong pananaw ay ang Anarkistang indibidwalismo na nagpapahalaga sa pagkakakilanlan at pagtindig ng isa laban sa mga makapangyarihan na nakararami. Isa pang mahalagang kaisipan dito ay ang Anarkiyang Pagbabagong-anyo (Anarcho-Transhumanism) na siyang nais gamitin ang teknolohiya upang makamit ang kalayaan laban sa haynaying pangkatotohanan (biological reality) at gawing pangunahing kasangkapan sa pagbuo ng anarkistang lipunan, at sa pagtutol sa mga institusyon gaya lamang ng 3D printing, panghahack, pamimirata, o kaya naman Do-It-Yourself (DIY) Hormone Transition Therapy.
Kasaysayan ng Anarkismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang ideya ng anarkismo ay matatagpuan sa iba't ibang siglo at kapanahunan tulad ng pagusbong ng pilosopiya sa Griyego at Tsina dahil sa pamamalakad ng pamahalaan. Ngunit, nagkaroon lamang ng malawakang pag-usbong na kilusan sa Panahon ng Pagmumulat noong ika-17 na siglo sa mga Europeyong bansa, kung saan tinutulan nito ang pang-aalipin at monarkiya na siyang pangunahing sistema ng Europeo. Kinukunsidera na si William Godwin ang kauna-unahang anarkista sapagkat sa kanyang sulatin ay dinepensahan niya ang isang lipunan na walang gobyerno, na gumagamit ng pagrarason at prinsipyo upang magkaroon ng pagpapasiya at malayang pagtutulungan kahit na hindi niya tinawag ang sarili na anarkista. Sa ika-18 na siglo ay unti-unting lumaganap ito sa iba't ibang sulok ng daigdig at kasamang humubog ng iba't ibang ideyolohiya tulad ng Liberalismo at Komunismo na nais baguhin ang kasalukuyang pamamalakad ng lipunan. Ang isa sa tanyag na mga pilosopo ay si Pierre-Joseph Proudhon ng Pransiya na unang tumawag sa sarili na anarkista at naging sikat sa kanyang libro na "What is Property?" bilang pagpuna sa konsepto ng ari-arian. Itong libro ay isa sa mga humubog sa pananaw ni Karl Marx na tumalakay sa sistemang pinapairal ng mga makapangyarihan, ang kapitalismo. Kinalaunan, maraming anarkista ang lumapit at nagbasa sa katha ni Karl Marx upang pabagsakin ang sistemang ito. Isa sa mga karibal ni Marx, kumakatawan para sa mga anarkista, si Bakunin, ay pinuna ang ilan sa mga kaisipan niya dahil sa pagdududa. Nagkaroon sila ng malawak na alitan tungkol sa paggamit ng pamahalaan bilang daan papuntang komunismo, na siyang humantong sa paghihiwalayan ng dalawang ideyolohiya. Nagkaroon ng malawakang pagbuhay nito noong dekada '60 hanggang '70, ang kilusang post-structuralism, kung saan nagkaroon ng panibagong klaseng pag-iisip na kumwestyon, humamon, o tumalakay sa kahigpitan ng wika, pag-intindi ng kapangyarihan, at mga permanenteng katotohanan kasama na ang pagtalakay sa pamahalaan.
Anarkismo ni Rizal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pinaniniwalaan na ang kaalaman ni Jose Rizal sa Anarkismo ay nagmula sa pag-aaral at pamamalagi niya sa Espanya kung saan namulat ang kaniyang mga mata sa kakaibang kultura na hindi niya naranasan sa pamahalaan ng Kolonyang Pilipinas. Malaki ang gampanin nito sa nobela niyang pinamagatang, "El Filibusterismo".
Nakilala umano ni Rizal si Francisco Pi y Margall, isang disipulo ni Proudhon, at naging mentor na nagturo ng pundasyon sa pang-ekonomiya at pulitkal na pananaw nito. Isa na rito ang konseptong pederalismo, paghihiwalay ng simbahan at gobyerno, ang mapayapang paraan ng pagpapalit ng pamamahala, maging ang ekonomiyang pangkapwa ni Proudhon. Ngunit, pinagdedebatihan pa rin ngayon kung si Rizal nga ba ay anarkista.
La Liga Filipina
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang La Liga Filipina ay naglalaman ng ekonomiyang pangkapwa ni Proudhon kung saan makikita sa isa sa mga panukala nito ang pagaambagan na siyang gagamitin nila sa propaganda at pagtulong ng kanilang mga kamiyembro. Kinalaunan ay isinama ang ilan sa mga panukala nito sa paglathala ni Andres Bonifacio ng Katipunan.
El Filibusterismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Salin ng salita:
Ang Pagrerebelde | Ang Pag-aaklas
Pagsasalin ng akda sa Ingles: The Reign of Greed
Inilarawan si Simoun, ang pangunahing tauhan ng kwento, bilang isang mayamang negosyante na gumagamit ng marahas na pamamaraan upang labanan ang mga nanunungkulan. Sa unang kabanata ay inilarawan niya ang Bapor Tabo bilang Barko ng Pamahalaan na sumisimbolo sa katayuan ng buhay ng mga tao, na ang mga nasa ibabaw ng kubyerta ay puno ng pribilehiyo at kapangyarihan at ang nasa ilalim ay itinuturing na mababang uri ng tao dahil sa kanilang kinabibilangang pangkat ng kasalatan at kawalan ng kapangyarihan.
Ang tanyag na Eksena sa pagsabog ng Bombang Lampara ang sumisimbolo sa karaniwang "Propaganda ng Gawain" ng mga Anarkista sa kapanahunan niya.
Ang ilan sa mga kaisipan ni Isagani at ni Padre Florentino ay madalas masmalapit sa ideya ng anarkismo kumpara kay Simoun.
"Ang bayan na galit sa pamahalaan ay walang ibang hinihiling kundi bitawan ang kapangyarihan nito."
~Isagani ng El Filibusterismo
"-Espanya man o wala, hindi pa rin sila magbabago, at baka masmalala pa! Anong silbi ng ating kasarinlan kung ang mga alipin ngayon ang susunod na maniniil kinabukasan?"
~Padre Florentino
Paglaganap ng Anarkismo sa Pilipinas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsalin si Isabelo de los Reyes ng mga akdang anarkismo upang palaganapin ang reporma at rebolusyon laban sa mga Espanyol. Isang mahalagang sulatin ay ang Fra Contadini ni Malatesta at isinalin sa Tagalog bilang Dalawang Magbubukid. Ang madalas na ideyolohiyang nakakabit dito ay ang Anarkistang syndikalismo at pinalawak ang impluwensiya nito sa pamamagitan ng pagtatatag niya ng organisasyong Unión Obrera Democrática Filipina. Kasama dito ang tanyag na manunulat na si Lope K. Santos sa kanyang tanyag na librong pinamagatan na "Banaag at Sikat" na siyang nagpalaganap ng kaisipang Mapagpalayang Sosyalismo.
Napalitan ito ng Marxismo–Leninismo sa dekada '30 ng taong lipas 1900 at siyang naging pangunahing sandigan ng rebolusyong Pilipino sa kapanahunan ng pamamalakad ng Amerikano at Imperyong Hapon.
Nagbalik ang Anarkismo sa pamamalakad ng diktador na si Ferdinand Marcos kasama ang kulturang Punk noong dekada '70. Kaakibat nito ay ang kaganapan ng First Quarter Storm na nakilahok ang mga anarkista at hinihinala na ang Samahan ng Demokratikong Kabataan - Mendiola Chapter (SDKM) ng Komyun sa Diliman ay isang ekslusibong anarkistang grupo na tanyag sa katawagang "utak pulbura" na siyang tanyag sa paggamit ng "pillbox". Ngunit, sa mga sulatin ni Jerry Araos, ang SDKM ay madalas may sentimyento para sa nasyonalismo at kontra-imperyalismo, at hindi pa sapat ang ebidensya at pag-aaral ukol sa paniniwala ng grupong ito para matawag itong anarkista.
Sa pag-usbong ng social media at teknolohiyang pagbabago, masnagkaroon ng access ang mga tao sa diskurso sa anarkismo. Si Gary Granada, isang tanyag na musikero ay ipinapakilala ang sarili bilang anarkista at gumawa ng mga kanta na saklaw ang mga pagpapahalaga nito.
Ang ilan sa mga iba pang anarkista sa Pilipinas ay si Bas Umali sa kayang libro na "Pangayaw and Decolonizing Resistance in the Philippines". Si Simoun Magsalin, isang iskolar at intelektwal na naglathala ng mga gawa upang talakayin ang anarkismo at isa sa mga tagapangalaga ng distro na "Bandilang itim". Ang propesor na si Erwin Rafael sa kanyang sulatin na "The Promise of an Anarchist Sociological Imagination". At si Adrienne Cacatian na kilala sa kanyang pagpuna sa mga makakaliwang organisasyon, sa isinulat niyang "Di ka naman tunay na aktibista: Reflections on Philippine Leftist Exclusionism".
Namataan ang ilan sa mga anarkista sa Luneta at Mendiola sa rally noong Setyembre 21, 2025.
Mga Konsepto
[baguhin | baguhin ang wikitext]Propaganda ng Gawain (Propaganda by Deed)
Ito ay tinatawag na propaganda ng gawain dahil ito mismo ay nagpapalaganap ng mensahe sa pagkilos at hindi sa pananalita. Ginagamit itong taktika ng mga anarkista upang hikayatin ang mga taong naghihirap na mag-alsa laban sa mga makapangyarihan sa pamamagitan ng pamamaslang o pagbobomba o paninira ng mga imprastraktura. Bagamat may mga bayolenteng pamamaraan, mayroon ding mga mapayapang paraan tulad ng community pantry na sumikat noong 2019 Coronavirus Pandemic.
Kapwa-Tulungan (Mutual Aid)
Masnakasanayan ng Pilipino ang salitang bayanihan upang bigyang pakahulugan ang sistema ng pagtutulungan sa kapwa. Halos magkaparehas lamang ang konsepto nito sa bayanihan ngunit nag-iiba ito kapag isinakatuparan ang pahalang na pagsasaayos na hindi hinahaluan ng burukrasya o panukala, at ipamigay ang mga pangangailangan na walang halong kundisyon o kapalit.
Hindi Mabawas-bawasang Pangangailangan (Irreducible Minimum)
Ito ay ang paniniwala o kamalayan na ang tao ay nararapat bigyan ng mga pangangailangan na walang halong kapalit o kontribusyon sa lipunan. Ayon kay Bookchin, ang mga sinaunang lipunan ay kahit na hindi naniniwala na pareho dapat ang ipinamimigay na pangangailangan, ay kapantay pa rin nito ang pagtrato sa mga tao. Itong perspektibo na ito ay hahantong sa perspektibo na iba-iba ang pangangailangan ng indibidwal ngunit dapat matugunan pa rin.
Pagwawakas ng Trabaho (Abolition of Work)
Kasama din nito ang konsepto ng pagwawakas ng oras ng pagtulog, at pag-ooras. Kasalukuyang pinapaliwanag nito na kahit mawala ang mga trabaho na binibigay ng mga kumpanya at gobyerno ay hahantong sa natural na gawain ng tao ang mga makabuluhang mga bagay tulad ng paglilinis, pag-aaruga ng sanggol, paglikha ng sining, pagiimbento ng teknolohiya, at pagtulong sa kapwa. Pinupuna rin nito ang mga trabahong walang kwenta o maaaring nakasasama at sinasahuran lamang dahil kailangan siya sa mga kumpanya o gobyerno at hindi dahil kailangan ito upang magbigay benepisyo sa lipunan tulad ng mga trabahong call center, abogado, pamumulis, receptionist, mga manager, o kaya tagakolekta ng buwis.
Pagkakaisa ng Gawain at Layunin (Unity Between Means and Ends)
Ito ang pangunahing puna ng mga anarkista sa mga nagsusulong ng pagbabago o pag-agaw sa pamahalaan, na upang maisakatuparan ang mga pagbabago ay dapat lamang sa tao mismo manggaling ang pagkukusa na magkaroon ng malayang lipunan. Sinasabi na ang mga rebolusyonaryo ay nasasanay mag-utos at kinakalimutan o binabago ang rebolusyonaryong adhikain sa tuwing maupo sila sa pwesto. Sa banggit ni Malatesta,
"Hindi sapat na gustuhin ang isang bagay; kung gusto talagang makamit ay kailangan gumamit ng sapat na pamamaraan upang makamit ito. At itong mga gawain ay hindi sapilitan, pero kumbaga hindi maiiwasang maipluwensyahan nito ang layunin na inaasam natin at ng mga pangyayari na kung saan nagaganap ang pagpupumiglas, dahil kung pinabayaan natin ang pagpili ng kilos ay maaaring humantong tayo sa ibang layunin, at maaaring maging kabaligtaran pa ang resulta, na hindi maiiwasan na epekto ng ating mga gawain. Kung sino man ang maglakbay at namali ng dinaanan ay hindi mapupunta sa kanyang pupuntahan, kundi sa kung saan siya dadalhin ng daanan."
Kontra-Pagmamakabansa (Anti-Nationalism)
Ang mga anarkista ay kadalasan hindi naniniwala sa pagmamakabansa o nasyonalismo dahil ito ay ginagamit na propaganda upang palakasin ang konsepto ng pamahalaan, at naniniwala na hindi dapat ikinukulong at binubukod ang mga tao sa pamamagitan ng teritoryo, dugo, o lugar ng kapanganakan. Bagamat, hindi nito ipinagbabawal ang pagkakaroon ng kinabibilangang pangkat, pagkakakilanlan, at damdaming paunlarin ang kapakanan ng bayan, ay tinututulan nito ang pagpapasimple na tayo ay may iisang kultura at pagkakakilanlan. Ang mga anarkista ay makamundo, at nais nitong wakasan ang mga harang, bakod, pag gegeneralize, pagkaekslusibo at pagbubuklod-buklod ng mga tao hindi lamang sa konteksto ng lupain at bansa, kundi sa mga aspeto ng pagkatao tulad ng pangkasarian, lahi, edad, relihiyon, trabaho at iba pa.
Lahat ng pulis ay tarantado (All Cops Are Bastards, a.k.a. ACAB)
Bukod sa ideya na ang pulis ay hindi tugma sa pagbibigay ng kalayaan sa mga tao sa pamamagitan ng pagtulong sa gobyerno na monopolyohin ang paggamit ng karahasan at ang mismong pagbibilanggo, ang mga pulis din ay sangkot sa pagprotekta ng mga kasama nitong pulis na abusado, nagiging tuta ng makapangyarihan, nasusuhulan at siyang unang umaabuso sa kapangyarihan at titulo nito sa pamamagitan ng pagsisinungaling, power-tripping, at pagmamanipula gamit ang mga batas at kautusan. Sa malalim na diskurso, ang konsepto ng pamumulis ay tutol sa konsepto ng kalayaan na siyang nagbabanta mga kilos ng tao sa pamamagitan ng panghuhusga.
Pagbuwag sa bilangguan (Prison Abolition)
Ang pagbuwag ng bilangguan ay isang sistematikong pagbuwag ng pagbibilanggo mula sa kapulisan, hukuman, at pagbabatas ng pagbibilanggo. Malaki ang pang-unawa na walang krimen sa anarkiya dahil walang batas na siyang nagdidikta kung ano ang hindi dapat gawin at kung ano ang tamang gawin, ngunit hindi ibig sabihin na wala nang alitan at wala nang pagkakasala na nangyayari, o pinababayaan lang. Kumbaga, ang mga problemang ito ay sinosolusyunan sa iba't ibang kaparaanan at aspeto na siyang direktang kakaharapin ng lipunan imbes na pinababayaan ang mga tao na mabulok sa kulungan, maparusahan o piliting magbago ang mga kaaway nila. Maaring sa pamamagitan ng masinsinang pag-babati, pakikipag-areglo, pagpapalayas, ekspropriyasyon, o minsan pagkitil depende sa kalubhaan ng paggamit ng kapangyarihan. Sinasabi na ang karamihan ng krimen tulad ng pagnanakaw ay nangyayari dahil sa sistema at istruktura na humihikayat upang pagtibayin ito, kaya nararapat lamang na baguhin o wakasan ang sistemang umiiral upang magkaroon ng malawak na pagbabago sa aspeto ng krimen.
Pagpapalaya sa Kabataan (Child Liberation)
Madalas ang talakayan sa aspeto ng kabataan ang naipatayong agwat ng kapangyarihan at ang pagkontrol sa kanila. Sinasabi na ang mga bata ay ang pinakamadaling mauto at pinakamadaling pagsamantalahan dahil sa kakulangan niya sa kamalayan at lakas. Bagkus, kailangan niya at umaasa siya sa mga nakatatanda na bumuhay at ipahiram ang kapangyarihan sa kanya. Maspopular ang tinatawag na mapagpalayang pagpapalaki sa kabataan kung saan binibigyan sila ng kalayaan na may kasamang paggagabay at matuto sa mga tama at kamalian sa pamamagitan ng karanasan at walang humpay na pananaliksik nang sa gayon ay madala niya ito sa pagtanda hanggang sa tuluyan siyang maging malaya.
Kadalasan, ang buong sistema natin ngayon ay hindi pabor sa bata, mapaekonomikal o panlipunang sitwasyon. Ilan sa mga tampok na isyu ay tulad ng pagroromantisa ng child labor, pilit na pagpapakasal, pananamantala sa pagtatalik, maagang pagbuntis o pagbubuntis, kalayaan sa pagpili ng relihiyon, juvenile justice, paggamit ng po at opo, at ang utang na loob sa magulang o nagpalaki sa kanya.
Pagkakaiba-iba ng utak (Neurodivergence)
Mahalaga sa aspeto ng anarkismo na ang utak natin ay hindi magkakapareho at minsan ang iba ay talagang kakaiba mag-isip, o nahihirapang mag-isip, o walang interes imbes na hinuhusgahan bilang may sakit sa utak, may sayad, sinapian, walang alam, matanda na, o kaya tamad. Mahalaga sa kaisipan nito na ang mga kakaiba mag-isip lalong-lalo na ang mga may kapansanan ay masnahihirapang makipagsabayan sa kasalukuyang sistema ng pag-aaral at pagtratrabaho para magtagumpay. Sumasalamin din sa talakayan nito ang panghuhusga ng tao sa mga kapansanan na hindi nakikita sa labas ng katawan. Kadalasan, ang mga kakaibang mag-isip ay naaakit sa anarkismo dahil malawak ang pagtanggap nito sa mga itinuturing na abnormal, pasaway, at itinakwil ng lipunan. Binibigyang linaw na ang sanhi ng kanilang pagkabigo ay hindi dahil sa kanilang pansariling depekto at kamalian, kundi ang sistemang panlipunan na nagpapahirap sa kanila.
Anarkiyang Pagrerelasyon (Relationship Anarchy)
Kadalasan ang isang relasyon ay ikinukulong ang malalim na pagsasamahan sa mga kadugo, kapamilya, o kasintahan na tipong pati ang konsepto ng pagmamay-ari ay idinudugtong dito. Ang anarkiyang pagrerelasyon ay winawakasan ang ganitong kaayusan. Sinasabi nito na malaya dapat tayong gumawa ng istrukturang pamilya base sa mga relasyon natin sa ibang tao. Bukod sa malayang pumili ng iba't ibang kasintahan, at katalik gamit ang tapat na pagkakasunduan ng mga napapabilang sa relasyon, ay maaaring bigyan din nito ng extensyon ang mga kaibigan o kapwa na samahang hubugin ang mga anak sa pagpapalaki.
Perspektibong Pangekonomiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Komunismo (Communism)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Komunismo ay isang pilosopiyang pangekonomiya kung saan gumagamit ng pag gugrupo-grupo upang maisaayos ang ekonomiya. Maraming klase ng komunismo, ngunit ang diwa ng komunismo ayon kay Karl Marx ay magkaroon ng mundo na hindi gumagamit ng pera, walang mahirap at mayaman, walang ekslusibong pagmamay-ari ng produksyon, at gobyernong nagkokontrol dito.
Ang Anarkistang Komunismo ay maaaring gawin sa maraming paraan, ngunit ang karaniwan na komunistang anarkismo ay kadalasan nagpapalaganap ng Syndikalismo, o ang pagtatag ng mga unyon ng mga manggagawa o trabahador at sila ang mismong mangangasiwa at magdedesisyon sa produksyon ng isang lipunan. Ang kaibahan nito sa Marxismo-Leninismo ay hindi ito gumagamit ng estado, ngunit binubuo ang malawakang kilusan sa pamamagitan ng desentralisadong organisasyon o ilalim-pataas na pag-oorganisa imbes na gumagamit ng partidong sentral.
Ekonomiyang Kapwaan (Mutualism)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang ekonomiyang kapwaan ay isa ring malawakang pilosopiyang pangekonomiya kung saan ang lahat ng tao ay nagtutulungan para sa benepisyo ng isa't isa. Ayon sa isang tanyag na anarkistang si Peter Kropotkin, ipinapaliwanag nito na likas makipagtulungan ang iba't ibang klase ng hayop at hindi lamang dahil mayroong isang species na nakalalamang sa iba pang uri ng hayop para makaligtas sa daloy ng kalikasan.
Sa ekonomiyang kapwaan ni Proudhon na hinahaluan ng merkadong pananaw, ito ay gumagamit ng konseptong patas na pakikipagpalitan at pagtatatag ng "bangko ng mga tao" kung saan nag-aambag ang mga miyembro nito para sa kolektibong kilusan. Tulad ng komunismo, ang konseptong ito ay tutol sa pagpaparami ng pera na hahantong sa panlalamang ng isa sa kanyang kapwa at ang pagkamkam ng ari-ariang ipinasasapribado na siyang dapat ilaan sa personal o pampublikong paggamit.
Regaluhang Ekonomiya (Gift Economy)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang regaluhang ekonomiya ay isang makalumang ekonomiya kung saan ang lahat ng tao ay libreng nagpapamigay ng kaniyang mga produkto o trabaho na walang halong kapalit. Ang ekonomiyang ito ay nakasalalay sa malawakang pag-unawa at pagsaasakatuparan ng mga kakailanganing birtud at mabuting pagrerelasyon, nang sa gayon ay naiiwasan nito ang pag-aaksaya ng produkto at maipagpatuloy ang kaugalian na totoong pagbibigayan na hindi hinahaluan ng pangongontrata, o direktang pagpapalitan ng serbisyo o produkto. Kung tutuusin, ang Pilipinas ay sanay sa konsepto ng "utang na loob" na siyang isang mahalagang ikonteksto sa pagbibigayan. Madalas talakayin ang utang na loob sa kontekstong sapilitan imbes na natural na birtud na nabubuo kapag maayos ang relasyon ng mga tao sa isa't isa.
Mala-aklatang Ekonomiya (Library Economy)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kumpara sa regaluhang ekonomiya, ang mala-aklatang ekonomiya ay isang paraan ng pamimigay kung saan hindi kailangang paigtingin ang relasyon ng mga tao at bagkus ginagamit ang konsepto ng aklatan upang ipamigay ang mga produkto. Madalas ang mga kagamitan ay hinihiram at ang mga pagkain ay pinapalitan base sa pagkonsumo. Sa panahon ng pandemya, itong klaseng ekonomiya ay naging talamak noong nauso ang mga "community pantry" na libreng nakabalandra ang mga produkto para sa kapakanan ng mga naghihirap at sa mga nag-aantay ng mga ayuda ng gobyerno o sweldo sa kumpanya.
Counter-Economics
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ayon kay Samuel Konkin III, ang Counter-Economics o "Agorismo" ay ang pag-aaral at pagsasapraktika ng mga hindi bayolenteng gawain lalong lalo na ang ipinagbabawal ng pamahalaan at bumuo ng malayang merkado na hindi nahahaluan ng pananamantala, pagnanakaw, at karahasan. Ilan sa mga diskurso na pumapalibot dito ay ang serbisyong pagtatalik, pagbebenta ng mga ipinagbabawal na droga at armas, pagsusugal, pagseserbisyo ng mga hindi lisensyadong trabahador, o pagbebenta ng diploma sa mga hindi nakapagtapos upang magkaroon ng maayos na pakikipagpalitan.
Kung tutuusin, ang pagsasapraktika nito ay maaari ding sumaklaw kasama ang ibang mga ipinagbabawal na gawain na nakaayon batay sa moralidad at pangangailangan ng tao o lipunan, tulad ng pagpapalaglag.
Halimbawa ng Anarkistang Pamayanan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Rebolusyon sa Catalonia
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isa sa tinitingalang anarkistang pamayanan ay ang Rebolusyon sa Catalonia ng Espanya sa gitna ng digmaang sibil noong taong 1936 hanggang 1937. Sa pamayanang ito isinagawa ang pagkawala ng kontrol ng gobyerno, simbahan, at pribadong pagmamay-ari upang maisakatuparan ang Syndikalismong lipunan. Dito nagkaroon ng malawakang pagbabago sa ekonomiya at kulturang pananaw na pinamumunuan ng mga trabahador imbes na mga negosyante.
Ilan sa mga mahahalagang naisakatuparan ay ang purong libreng edukasyon na may kaakibat na malayang pagpili ng aaralin ng estudyante, ang purong libreng atensyong medikal, ang libreng pamimigay ng lupa at direktang kontrol nito sa merkado, o kaya naman ang kolektibong pag-oorganisa ng mga tao sa agrikultura, at industriya. Tinulungan ito ng iba pang sosyalista upang ipalaganap ito sa bansa. Ilan sa mga karatig nitong mga lugar na sumabay dito ay ang Andalusia, Barcelona, at Zaragoza.
Maaaring maraming kontrobersiya at problemang kinaharap nito tulad ng kawalan ng maayos na militar upang labanan ang mga Pasista, at pagsali ng mga kasamahan sa gobyerno na siyang naging pangunahing rason ng alitan.
Komunidad sa Manchuria
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Manchuria ay matatagpuan sa hilagang silangang bahagi ng Tsina ngayon. Ang komunidad sa Manchuria ay binubuo ng iba't ibang lahi at tao, ngunit ang karamihan nito ay mga Koreanong dayo. Pinamahalaan ito ng isang dakilang militar na lider na si Kim Chwa-Chin na siyang kasamang nagorganisa sa mga anarkistang koreano na tumakas mula sa Korea noong lumusob ang mga Hapon. Sa pamamahala ni Kim-Chwa Chin ay itinatag niya ang "Shinmin Prefecture" o maskilala bilang "Korean People's Association in Manchuria" (KPAM). Dahil sa palpak na pag-oorganisa ng mga nasyonalista ay napilitan silang magsanib-pwersa kasama ang mga anarkista upang tutulan ang mga Marxismo-Leninismo ng bansang USSR at mga Pasista ng Hapon. Sa kanilang pamamahala ay nagtatag sila ng mga konseho na gumagamit ng direktang demokrasya, nagpalaganap ng edukasyon at atensyong medikal gamit ang mga komunidad na tutuligsa sa mga Imperyalistang Hapon at mga Marxismo-Leninismo at paitingin ang relasyon ng mga Koreano at Intsik. Nasira ang eksperimentong ito noong namatay ang dakilang lider nito na siyang pinagawayan ng mga miyembro nito sa pamumuno ng militar hanggang sa magkawatak-watak at lusubin ng Imperyong Hapon.
Kilusang Makhno (Makhnovschina)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang kilusang Makhno ay nagsimula sa Hulyaipole ng Ukraine at nagtatag ng kilusang anarkista upang labanan ang mga Rusong Puti at organisahin ang mga magsasaka upang labanan ang kilusang puti. Sa pamumuno ni Nestor Makhno ay napagtagumpayan nilang labanan ang mga Rusong Puti kasama ang mga Bolshevik noong kapanahunan nito. Ngunit, kinalaunan ay trinaydor sila ng mga Komunista sa abiso ni Leon Trotsky at pamumuno ni Vladimir Lenin. Natalo ang hukbo ni Makhno at tumakas siya papuntang Romania, Poland, hanggang mapadpad sa Pransiya.
Zomia
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagamat hindi sadyang anarkista, ang Zomia ay isang malawak na bulubundukin sa Timog, Silangan, at Timog-Silangang Asya na saklaw ang iba't ibang bansa tulad ng Malaysia, Vietnam, Thailand, Tsina, Bhutan, Nepal, Bangladesh, Laos, Cambodia, at Myanmar. Ayon kay James C. Scott, kadalasan ang mga naninirahan dito ay tinawag na barbaro ng mga pamahalaan, ngunit ipinaglaban niya na ito ay ang tanging natitirang espasyo para sa mga itinuring na tulisan ng pamahalaan, mga umiiwas sa buwis, biktima ng pangaalipin at dito bumuo ng pamayanan na pantay-pantay at magkakaibang pamayanan na tutuligsa sa impluwensiya ng estado.
Exarcheia ng Greece
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isang maliit na lugar kung saan ang mga anarkista ay talamak. Makikita sa lugar na ito ang labis na graffiti at bandalismo na talamak sa lugar laban sa gentripikasyon o pagpapalayas ng mga naninirahan sa lugar. Isang grupo, ang Rouvikona na militanteng anarkistang grupo na tanyag sa paninira ng mga ari-arian.
Oposisyon ng Anarkismo sa iba't ibang pulitikal na pananaw
[baguhin | baguhin ang wikitext]Liberalismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagamat may pagkakapareho sa liberal na pananaw nito, ang anarkismo ay pinupuna nito ang karamihan ng konsepto nito tulad ng paghahari ng batas, striktong indibidwalismo, eleksyon, at pribadong pagmamay-ari. Ngunit, parehong sang-ayon ito sa pagpapalawak ng kalayaan at mga karapatan upang pagandahin ang buhay ng mga ordinaryong tao, at minsan, ang paggamit ng merkado upang malayang makipagpalitan ang mga tao.
Magkaiba ang liberalismo na naipatayo noong panahon ng pagmumulat kumpara sa liberalismo na pinapalaganap ngayon. Maisasakonteksto ito kapag ikinumpara natin ito sa panahon ng mga kaharian ng mga hari at reyna na may lubos na kapangyarihan sa kanyang nasasakupan at may banal na karapatan upang pagtibayin ang pamumuno nila. Dahil sa hindi makataong pagtrato ng mga kaharian at ang hindi epektibo nitong pamumuno, naisip nitong gumawa ng demokratikong gobyerno na mayroong pagbabalanse ng kapangyarihan gamit ang tatlong sangay: ang tagapagpatupad, tagapagbatas, at tagapaghukom. Isinasaalang-alang nito ang karapatan hindi ng hari na mamuno kundi ang karapatan ng lahat ng tao na ibinigay sa atin ng Diyos. At ang pinakahuli ay ang pagsasagrado ng ari-arian bilang parte ng karapatan ng tao upang siya ay mamuhay nang may dignidad.
Ang kritisismo ng anarkismo ay kinekwestyon ang pagkaepektibo at praktikalidad ng mga ideya nito sa pagpapalawak ng kalayaan at pag-usbong ng malayang lipunan. Dahil kung tutuusin, ang karamihan sa paniniwala nito ay nalipasan na ng panahon. Ang ilan sa mga liberal ay inuusad ang kritisismo sa pamahalaan at matatawag na kalahating anarkista, dahil sa hindi nito mabitawang pagsasagrado ng pribadong ari-arian. Kadalasan, ang liberal ay yinayakap ang sistema ng kapitalismo na siyang tinututulan ng mga anarkista. Ngunit, mayroong mga liberal na may anarkistang pananaw, kadalasan ang ilan sa mga indibidwalistang amerikano at mga nagsusulong ng ekonomiyang pangkapwa, ay may layon na magkaroon ng lubos na hustisyang pangekonomiya na siyang magpapanumbalik sa access ng publiko sa lugar ng produksyon, kasamang nagdedesisyon sa kanyang pinagtratrabahuhan, ang pagtutol sa mga oligarko, at ang iwasan ang paglawak ng agwat ng kayamanan ng mga tao.
Pasismo at Pagmamakabansa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang pasismo ay salungat sa kaisipan ng anarkismo sa maraming paraan. Ginagamit nito ang iba't ibang paraan upang kumamkam ng kapangyarihan at hikayatin na magkaroon ng mga angat at ideyal na klase ng tao, pagkakaroon ng kulto ng pagkakabayani, labis na pagmamakabansa, at kontrolin at pag-isahin ang lipunan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa pamahalaan. Ang pasismo ay ibinabaling ang sisi sa isang pangkat ng mga tao ang mga problema ng lipunan. Minsan, pinapatay na walang awa maging ang mga inosente, sa kaso ng Nazi Germany ay pinagpapatay nito ang mga maiitim, matatanda, heswita, komunsita, bakla, at mga may kapansanan, dahil itinuturing silang pabigat o kalaban ng pamahalaan o lipunan.
Kilala din ang ilan sa mga awtoritaryang komunista bilang pulang pasista dahil sa kapareho nitong tendensiya na puksain ang mga kritiko ng pamahalaan, supilin ang kalayaan ng indibidwal, sambahin ang lider at bansa, pagsuporta sa mga awtoritaryang mga pinuno, pagpapalaganap ng imperyalismo, at kapalit nito ang pagpuksa sa mga kalaban nitong mga burgis at kabansaang kapitalista. Isang magandang halimbawa ng pulang pasistang bansa ngayon ay ang North Korea.
Mayroong imbensyon ang mga pasista na tinatawag na Pambansang Anarkismo (National-Anarchism) na siyang dalawang magkabaliktad na pananaw dahil binubukod ang mga tao batay sa lahi at nagpapaangatan kahit na itinatakwil nito ang pamahalaan, na siyang kabaliktaran na isinusulong na prinsipyo ng anarkismo. Ngunit, kaiba ito sa Makabansang Anarkista (Nationalist Anarchist) na talamak noong ika-19 at 20 na siglo na nagsusulong ng mga prinsipyo ng anarkismo, na siyang layunin na bumuo ng pambansang pagkakakilanlan na pantay-pantay ang paggalang sa lahat ng tao, pagpapausbong ng kalayaan, dekolonisasyon, pagkamit ng hustisya laban sa abusadong mga pamahalaan, pagtatatag ng mga pahalang o kaya naman ilalim-paangat na istrukturang panlipunan, at pagdepensa mula sa mga pananakop at pananamantala ng ibang bansa.
Kadalasan ang mga anarkista ay tinututulan ang konsepto ng pagmamakabansa (nationalismo) sa kadahilanan na ang pagmamakabansa ay kaakibat lagi nito ang pagtatatag ng pamahalaan at ikinukulong ang pag-unlad sa isang lugar o kabansaan imbes na magkaroon ng makamundong pananaw.
Sosyalistang Pamahalaan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang sosyalistang pamahalaan ay tinututulan ng mga anarkista dahil sa madalas na brutal na pamumuno lalong lalo na sa mga kritiko nito tulad ng Soviet Union, o kaya naman ang pagsasanay ng tao na sumalalay sa gobyerno. Bagkus, isa sa mga mahahalagang puna nito ay ang puna sa paglanta ng pamahalaan (withering state) dahil hindi mabubuwag ang pamahalaan sa pamamagitan ng pag-agaw ng kapangyarihan. Ibinabadya din ng anarkismo na ang mga kilos ng mga progresibo ay nababalisa sa tuwing nagpapaloko sila sa mga proseso ng gobyerno, at nababaling ang atensyon ng masa sa pagsamba ng mga pulitikong may plataporma sa paglaganap ng sosyalismo.
Sinasabi ng mga anarkista, sa daloy ng panahon, itinuturing ang Estado (o pamahalaan) na isang kontra-rebolusyonaryong istruktura na minomonopolyo ang desisyong panlipunan, at bigyan ng pribilehiyo ang mga nasa posisyon, na siyang pangunahing pakay ay panatilihin ang pag-iral ng pamamahala at ang kapangyarihan nito. Inaakit ang mga indibidwal na sakim sa kapangyarihan at kalaunan ay pupuksa sa rebolusyon.
Teokrasya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tinututulan ng anarkismo ang paghahari ng mga paniniwala ng relihiyon at ang pamumuno ng pastor, prayle, pari, imam, dalai lama o anumang klase ng pinuno ng relihiyon sapagkat hindi lamang ito maaaring abusuhin ng pinuno ng relihiyon, kundi nagtataguyod ito ng pang-aalipin sa kamalayan ng tao. Nagsisilbing kasangkapan ng mga pinuno ang ispiritual na paniniwala upang palaganapin ang kamangmangan ng tao at magtago sa kurtina ng pananampalataya at sobrenatural (faith and supernatural) upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan, pribilehiyo, at pananamantala sa ibang tao. Ang mga teokrasyang bansa tulad ng mga Taliban sa Afghanistan, ang Republikang islam ng Iran, at ang dating pamumuno ng mga prayle sa Pilipinas ay halimbawa ng teokrasya. Kadalasan humahantong ang mga pamumuno na ito sa mga brutal na pagpaparusa at paghihirap ng mga tao na umunlad ang kalidad ng buhay lalong-lalo na para sa mga kababaihan.
Pangmaramihang Demokrasya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagamat naniniwala ang mga anarkista na hindi nararapat maghari ang kakaunting tao sa lipunan, ay hindi rin nito pinapayagang maghari ang marami sa kakaunting tao. Binibigyang diin nito ang prinsipyo ng malayang pakikisalamuha ng mga tao, kabuuang konsensus, at pakikipag-areglo upang makakuha ng masorganisadong pagkilos sa lipunan.
Kapitalismo at Merkadong Lipunan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang kapitalismo ay matagal nang tinututulan ng mga anarkista. Kahit ang mga anarkistang bersyon ng kapitalismo ay hindi katanggap-tanggap dahil pinapanatili nito ang hirarkiya sa pamamagitan ng boluntaryong pang-aalipin at pagpreserba ng pribadong pagmamay-ari ng produksyon na siyang lilikha ng mga taong alipin. Nakasalalay ang buhay sa mga may-ari ng negosyo lalong lalo na sa mga korporasyon at malalaking negosyo. Binansagan itong Makabagong Pyudalismo dahil sa pagkakapareho nitong tema sa pyudal na lipunan na pinamahalaan ng mga panginoong-maylupa. Tinututulan din nito ang pagpapalawak ng merkado na siyang hahantong sa pagbebenta ng bawat katiting ng aspeto ng buhay, kung saan ang pera ang magiging ultimo-sentro ng kapangyarihan sa lipunan.
Awtoritaryang Komunismo (Marxismo-Leninismo-Maoismo)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Malaki ang pagkakaiba ng mga anarkista sa mga komunista. Unang una ay hindi ito sang-ayon sa paggamit ng estado upang makamit ang komunistang lipunan. Tinututulan din nito ang ilan pang mga konsepto tulad ng pagsesentro, diktadurya ng partido, pagmamakabansa, at ang pagsasagrado ng dayalektikong materyal. Sa kasaysayan ng awtoritaryang komunismo at anarkismo, matagal na ang hidwaan nito hindi lamang sa pananaw ngunit pati na sa totoong labanan, sinasabing tinatraydor ng mga komunista ang mga anarkista at pinipigilan ang mga rebolusyon ng mga komyun na kumawala sa pamumuno ng sentral na partido.
Meritokrasya at Kakistokrasya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang anarkismo ay hindi naniniwala sa konsepto ng meritokrasya, na dapat pamahalaan ng magagaling ang mga tao, dahil hindi rin pakasiguradong maibibigay nito ang pangakong pag-unlad at maaaring gamitin ang talino sa pagpapanatili sa kanilang pangaabuso sa posisyon at gamitin itong rason para pagtakpan ang korupsyon.
Sinasabi na ang paglaganap ng meritokrasyang sistema ay nangyayari sa mga kapitalistang bansa, na siyang sanhi ng lubos na pagod at pagbaba ng tingin ng mag-aaral at trabahador sa kanyang sarili para lang makamit ang karangalan o kita. Minsan nagiging sanhi pa ng malawakang pagpapatiwakal.
Sa kaakibat nitong sistema, ang kakistokrasya, ay minsan umuusbong ang realidad nito sa ating sistema na pamumunuan tayo ng mga pinuno na siyang nagpapanggap na magaling ngunit wala palang alam, o hindi marunong sa aspeto ng pamamahala. Minsan, hinahaluan ng iba't ibang klaseng pandurugas at pananamantala hanggang mabulok ang sistema sa pawang na kasinungalingan at ipagpatuloy ang bulok na sistemang ito sa pamamagitan ng pagmamana ng posisyon sa kamag-anak nila gamit ang panlilinlang na pati ang galing at talino nila ay namana o kaparehas din.
Minarkismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kahit na ang maliit na impluwensiya ng pamamahala ay tinututulan ng anarkismo sapagkat pinagdududahan nito ang pagkaepektibo nito upang makamit ang ninanais na anarkiya. Ngunit, maspinapaboran ito kaysa sa ibang klaseng pulitikang pananaw lalo na kung ito ay gumagamit ng mga konseptong anarkismo tulad ng Demokratikong Munisipalismo at Demokratikong Kumpederalismo na siyang gumagamit ng ilalim-paangat na pagoorganisa at desisyon. Isang halimbawa ay ang Zapatista ng Chiapas Mexico o kaya naman ang Rojava sa Syria. Ngunit, hindi sapat para sa mga anarkista na basta lamang magkaroon ng pamahalaan na konti ang impluwensiya o pangingielam sa lipunan dahil maaaring umusbong ang sentimyento na palakasin ang pamahalaan, o kaya naman ay magkaroon ng malawakang pagusbong ng panibagong mga abusado sa kapangyarihan na hindi saklaw sa miyembro ng pamahalaan tulad ng mga Mafia, Warlord, Kartel, Oligarko, at mga Gangster.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.