Pumunta sa nilalaman

Ang Munting Prinsipe

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang Munting Prinsipe
Pabalat ng Ang Munting Prinsipe (bersiyong Tagalog)
May-akdaAntoine de Saint-Exupéry
Orihinal na pamagatLe Petit Prince
TagapagsalinDesiderio Ching
IlustrasyonAntoine de Saint-Exupéry
Gumawa ng pabalatAntoine de Saint-Exupéry
Bansa Estados Unidos
 Pransiya
WikaPranses
TagapaglathalaReynal & Hitchcock
(Estados Unidos)
Petsa ng paglathala
1943
Mga pahina97
ISBN978-0-15-202398-0 (Ingles, Estados Unidos)

Ang Munting Prinsipe (Pranses: Le Petit Prince, Ingles: The Little Prince) ay isang nobelang isinulat ng Pranses na piloto at manunulat na si Antoine de Saint-Exupéry at unang inilathala sa mga wikang Pranses at Ingles noong 1943. Isinasalaysay ng nobela ang kwento ng isang pilotong bumagsak sa gitna nga desyerto kung saan niya nakatagpo ang isang “munting prinsipe,” isang batang lalaking nagtamo ng karunungan habang naglalakbay sa kalawakan mula sa kanyang tinitirhang asteroid na B-612.

Bagaman pambata ang estilo ng pagkasulat nito, nilalayon ng Ang Munting Prinsipe na talakayin ang mga tema tulad ng kalungkutan, pagkakaibigan, pag-ibig at kawalan at nagbibigay ito ng mga obserbasyon tingkol sa buhay at pagkatao.[1]

Sa Pilipinas, unang isinalin sa Filipino ang akda ni Exupery noong 1969 ni Lilia F. Antonio na inilathala ng Alemar's-Phoenix. Muli itong inilathala noong 1991 na isinalin ni Desiderio Ching at inilimbag ng Claretian Productions. Noong 1998, inilimbag naman ng Claretian Productions ang isang makabagong edisyon nito. Muli, pagdating ng 2020, sumulat ng panibagong salin si Lilia F. Antonio ng nobelang batay sa bersyong Inggles ni Richard Howard noong taong 2000, at inilathala ito ng Southern Voices Printing Press.[2][3]

Maliban sa mga salin sa wikang Filipino, naisalin din ang The Little Prince sa wikang Bikolano ni Fr. Wilmer Joseph Tria, sa dalawang bersyon ng Chavacano nina Jerome Herrera at Dr. Robin delos Reyes, at sa wikang Hiligaynon ni Stephen Matti.


Sa simula ng nobela, ikinuwento ng hindi pinangalanang Tagapagsalaysay na, noong bata pa siya, sinubukan niyang gumuhit ng isang “elepanteng nilamon ng sawá” subalit nang ipinakita niya ito sa mga matatanda inakala nilang ang ginuhit niya ay isang “sombrero” lamang. Dahil dito, napagtanto ng Tagapagsalaysay na salát sa imahinasyon at pag-unawa ang mga matatanda. Paglaki niya, siya ay naging isang piloto at pinilit niyang maging “makatwiran” sa kanyang mga salita sa harap ng mga matatanda.

Kasunod nito, ikinuwento ng Tagapagsalaysay ang isang karanasan sa kayang buhay-piloto na nangyari “anim na taon na ang nakaraan.” Bumagsak ang kanyang eroplano sa gitna ng desyerto ng Sahara. Habang naghihikahos, siya ay binati ng isang munting batang lalaki; nakiusap ito sa kanyang guhitan siya ng isang tupa. Sa halip nito, ipinakita ng piloto ang kanyang iginuhit na elepanteng nilamon ng sawá, at kanyang ikinagulat nang agad itong naunawaan ng batang lalaki. Dahil nagpumilit ang bata, sinibukan siyang gumuhit ng tupa, pero nagawa lamang niyang gumuhit ng isang kahon na may tatlong butas sabay sabing ang tupa ay “nasa loob” ng kahon. Ikinagulat niyang muli nang magustuhan ng bata ang kanyang ginuhit. Habang inaayos ng piloto ang kanyang eroplano, kanyang natutunan ang kwento ng buhay ng batang lalaki na, sa kalaunan ay, pinangalanan niyang “Ang Munting Prinsipe.”

Sang-ayon sa kwento ng Munting Prinsipe, siya ay mula sa isang munting “planeta” (marahil ay isang asteroid na nagngangalang B-612, ayon sa piloto) na mas maliit pa kaysa isang bahay. Abala siya sa pagdukal ng mga maliliit na puno ng baobab upang hindi ito lumaki at sakupin ang buong asteroid. Isang araw, isang nagsasalitang rosas ang namukadkad sa B-612. Sobrang minahal ng Munting Prinsipe ang rosas, subalit nangibabaw ang kapalaluan at kaimbutan nito. Nang maramdamam ng Munting Prinsipe na tila pinagsasamantalahan lamang siya ng rosas, nagpasya siyang iwanan niya ito at lakbayin ang kalawakan.

Bago niya marating ang Daigdig, umabot sa anim ang bilang ng mga asteroid na dinalaw ng Munting Prinsipe. Ang bawat asteroid ay pinananahanan ng tig-iisang kakatwang matandang tao:

  1. isang haring walang pinamumunuan hanggang nang dinalaw siya ng Munting Prinsipe
  2. isang lalaking hambog na nais lamang makarining ng mga papuri
  3. isang lasenggo na nais malasing upang makalimutan niya ang kahihiyan ng kanyang pagiging lasenggo
  4. isang negosyanteng naniniwalang pag-aari niya ang lahat ng mga bituin at walang humpay na binibilang ang mga ito
  5. isang tagasindi ng poste ng ilaw sa isang asteroid na ang isang araw ay tumatagal ng isang minuto lamang
  6. isang heograpo na walang kaalam-alam tungkol sa sarili niyang asteroid.
Ang heograpo ang siyang nagmungkahi sa Munting Prinsipe na dalawin niya ang planetang Daigdig.

Sa desyerto lumapag ang Munting Prinsipe nang dumating siya sa Daigding. Kanyang nakilala ang isang ahas na nagsabi sa kanyang may kapangyarihan siyang maibalik ang Munting Prinsipe sa kanyang pinagmulan kung naisin man niyang umuwi na. Nakilala rin niya ang isang bulaklak na nagsabing ang mga tao ay “walang mga ugat” at “nililipad lamang ng hangin.”

Kalaunan ay nakakita siya ng isang palumpong ng mga rosas at lubhang ikinalungkot niyang ang kanyang rosas sa B-612 ay hindi pala natatangi sa buong sansinukob. Siyang pagdating ng isang tumánggong na nagsabing kung “mapaamo” siya ng Munting Prinsipe (ibig sabihin ay “makipagkaibigan” sa kanya), magiging “katangi-tangi” sila sa bawat isa. Naging matalik na magkaibigan ang dalawa at napagtanto ng Munting Prinsipe na ang kanyang rosas sa B-612 ay katangi-tangi dahil sa pagmamahal na ibinigay niya para rito. Bago umalis ang Munting Prinsipe, pinaalahanan siya ng tumánggong:

Makakikita ka nang tama sa pamamagitan lamang ng iyong puso. Ang mga bagay na mahahalaga ay lingid sa iyong mga mata.

Bago niya nakatagpo ang piloto, huli niyang nakilala ang isang tagabantay ng riles, na nagsabing ang mga pasahero ng mga tren ay hindi nakuntento sa napupuntahan nila, at isang mangangalakal na nagtitinda ng pildoras na nakakapawi umano ng uhaw.

Nasa ikawalong araw na sa desyerto ang piloto at ang Munting Prinsipe. Sa kabila ng matinding pagkauhaw, nakahanap sila ng balón kinaumagahan at nakainom ng tubig. Kalaunan, naayos na ng piloto ang kanyang eroplano, subalit nahuli niya ang Munting Prinsipeng nakikipag-usap sa ahas. Nang tumakas ang ahas, inamin ng Munting Prinsipe na “uuwi” na siya sa pinagmulan niya upang makitang muli ang kanyang rosas. Agad na naunawaan ng piloto ang balak ng Munting Prinsipe, kaya ninais niyang hindi pabayaan ang munting bata.

Sa isang emosyonal na pamamaalam, sinabi ng Munting Prinsipe sa piloto na pagmasdan lamang niya ang mga bituin sa langit at ang mga ito ay tatawa tulad ng pagtawa ng Munting Prinsipe. Nauna at mag-isang naglakad ang Munting Prinsipe upang magpatuklaw sa ahas, at tahimik na nabuwal ang kanyang katawan sa buhangin. Kinabukasan, bago niya nilisan ang desyerto, hindi na nahanap ng piloto ang bangkay ng Munting Prinsipe.

Sa katapusan ng nobela, nakiusap ang piloto sa mga mambabasa na kung mayroon sa kanilang naglakbay sa desyerto at nakakita sa Munting Prinsipe, agad itong ipaalam sa kanya.

Mga pangunahing tauhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Ang piloto (Le aviateur)
Ang tagapagsalaysay ng nobela. Lumaki ang piloto na may paniniwalang ang mga matatanda ay salát sa imahinasyon at pag-unawa, bagaman bilang isang kapwa matanda ay pinilit niyang gayahin ang inaasal nila. Bumagsak ang kanyang eroplano sa gitna ng disyerto ng Sahara, kung saan niya makakatagpo ang Munting Prinsipe.
  • Ang Munting Prinsipe (Le petit prince)
isang munting batang lalaking mula sa Asteroid B-612 na nilakbay ang kalawakan hanggang sa makarating sa Daigdig. Ang Munting Prinsipe ang nag-iisang naninirahan sa B-612 kung saan umibig siya sa isang bulaklak ng rosas. Nilakbay niya ang kalawakan at nagpalipat-lipat ng asteroid hanggang sa marating niya ang Daigdig at makatagpo ang piloto. Nakatamo siya ng karunungan sa pamamagitan ng iba't ibang mga tauhanng kanyang makikilala sa kanyang paglalakbay.

Ibang mga tauhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga naninirahan sa mga asteroid

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Ang rosas ng Munting Prinsipe (La rose)
isang nagsasalitang rosas na namukadkad sa B-612. Siya ay labis na inibig ng Munting Prinsipe subalit, sa kalaunan, namayani ang kanyang kapalaluan at kaimbutan, bagay na ikinalungkot ng Munting Prinsipe at nag-udyok sa kanyang lisanin ang B-612 at hayaan siyang mag-isa.
  • Ang hari (Le roi)
ang naninirahan sa Asteroid 325. Naniniwala siyang "sakop" niya ang lahat. Inuutos niya sa kanyang mga "nasasakupan" na gawin ang mga bagay na mismong ginagawa na nila.
  • Ang taong hambog (Le vaniteux)
ang naninirahan sa Asteroid 326. Tanging hiling niya ay hangaan siya ng sinuman at makarinig ng papuri mula sa lahat.
  • Ang lasenggo (Le buveur)
ang naninirahan sa Asteroid 327. Siya ay patuloy na umiinom upang makalimutan niya ang kahihiyan ng kanyang pagiging lasenggo.
  • Ang negosyante (Le businessman)
ang naninirahan sa Asteroid 328. Siya ay naniniwalang pag-aari niya ang lahat ng mga bituin kaya abalang-abala siya sa kaniyang pagbibilang sa mga ito.
  • Ang tagasindi ng poste ng ilaw (Le allumeur de réverbères)
ang naninirahan sa Asteroid 329 kung saan ang isang araw ay tumatagal ng isang minuto lamang. Mataman niyang ginagawa ang kanyang tungkulin kahit na mabalis niyang pinapatay-sindi ang poste ng ilaw dahil sa sobrang ikli ng araw.
  • Ang heograpo (Le géographe)
ang naninirahan sa Asteroid 330. Siya ang huling dinalaw ng Munting Prinsipe sa labas ng Daigdig. Siya ay abala sa pagtala ng mga namasid ng mga eksplorador sa kanilang paglalakbay, pero wala siyang kaalam-alam tungkol sa sarili niyang tinitirhang asteroid. Siya rin ang nagmungkahi sa Munting Prinsipe na dalawin niya ang planetang Daigdig.

Mga taga-Daigdig

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Ang ahas (Le serpent)
isang makamandag na ahas na pumatay sa Munting Prinsipe. Siya ay nagsabi sa Munting Prinsipe na may kapangyarihan siyang maibalik umano ang Munting Prinsipe sa kanyang pinagmulan kung naisin man niyang umuwi na.
  • Ang bulaklak (La fleur)
sinabi niya sa Munting Prinsipe na ang mga tao ay “walang mga ugat” at “nililipad lamang ng hangin.”
  • Ang mga rosas sa isang palumpong (Les roses)
sila ang dahilan ng lubhang kalungkutan ng Munting Prinsipe na nag-akalang nag-iisa lamang ang kanyang rosas sa buong sansinukob.
  • Ang tumánggong (Le renard)
ang naging matalik na kaibigan ng Munting Prinsipe. Tinuruan niya ang Munting Prinsipe kung paano makipagkaibigan. Siya ang nagbigkas ng pinakatanyag na linya mula sa nobela: "Makakikita ka nang tama sa pamamagitan lamang ng iyong puso. Ang mga bagay na mahahalaga ay lingid sa iyong mga mata."
  • Ang tagabantay ng riles (L'aiguilleur)
siya ay naatasang bantayan ang riles at gabayan ang mga dumadaang tren. Sinabi niya sa Munting Prinsipe na ang mga pasahero ay hindi nakuntento sa napupuntahan nila, ni hindi nila alam kung saan sila patutungo.
  • Ang mangangalakal (Le marchand)
kanyang ikinuwanto sa Munting Prinsipe ang tungkol sa tinitinda niyang pildoras na nakakapawi umano ng uhaw.


Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Opisyal na website ng Ang Munting Prinsipe sa mga wikang Pranses at Ingles Naka-arkibo 2021-12-26 sa Wayback Machine.

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Gopnik, Adam (Abril 29, 2014). "The Strange Triumph of "The Little Prince"". The New Yorker. Nakuha noong Enero 4, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. de la Cruz, Christa (Nobyembre 23, 2020). "This Filipino Version of The Little Prince Makes for a Great Christmas Gift". Spot PH. Nakuha noong Enero 4, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Lilia F. Antonio". UP Likhaan. Inarkibo mula sa ang orihinal noong Mayo 28, 2022. Nakuha noong Enero 4, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)