Pumunta sa nilalaman

Birhen Tagapamagitan ng Lahat ng Biyaya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Wangis ng Birhen Tagapamagitan ng Lahat ng Biyaya sa Lipa ayon sa paglalarawan ni Teresita Castillo.

Ang Birhen Tagapamagitan ng Lahat ng Biyaya[1] ay isang titulong iginawad sa Birheng Maria sa paniniwalang siya ang tagapamagitan sa lahat ng grasya na nanggagaling sa kaniyang anak na si Hesus. Ito'y sa kadahilanang ang Mahal na Birhen ang naging daan upang maganap ang unang himala ni Hesus sa kasalan sa Cana (Juan 2:1-12). Pinaniniwalaan na ang Birheng Maria ang nagdarasal sa kaniyang Anak upang tayo'y kaniyang mabiyayaan ng grasya, maliban dito, siya rin ang ginagamit bilang instrumento ng Diyos upang maibahagi ang mga grasyang nagmula sa kaniya.[2] Ipinagdiriwang ang kapistahan ng Birhen Tagapamagitan ng Lahat ng Biyaya tuwing Mayo 31.

Unang tinawag na tagapamagitan ang Birheng Maria ni San Efren noong 373, noong siya'y manalanging: "Sumasamo ako sa inyo, Tagapamagitan ng mundo; iyong agarang tunghayan ang aking mga pangangailangan." Sa kaniyang pang-apat na pangangaral tungkol sa Mahal na Birhen tinawag din niya itong "tagapamahagi ng mga grasya... tagapamagitan ng buong mundo." Maliban kay San Efren maraming mga banal sa kasaysayan ang nagturing sa Mahal na Birhen bilang Tagapamagitan. Nariyan si Antipatro ng Bostra, isa sa mga tinuturing na Ama ng Konsilyo ng Efeso na nagsabing: "Kaaba-aba kang taos-pusong namamagitan bilang Tagapamagitan ng sangkatauhan." [3]

Ilang taon pa lamang ang nakalilipas nuong ilabas ng simbahan ang dogma ng Inmaculada Concepcion, iminungkahi na ng Heswitang pari na si René-Marie de La Broise noong 1896 ang paglalabas ng isa pang doktrina patungkol kay Maria bilang "Tagapamagitan ng lahat ng Grasya." Ipinalaganap ni La Broise ang mungkahi niyang ito na malugod namang sinuportahan ng mga teolohiyo. Kasabay nito, si Madeleine ni Hesus, isang madreng Carmelita ay sinasabing nagkakaroon ng mga pangitain ni Hesus na humihiling na bigyan ng dogmatikong kahulugan ang pagiging tagapamagitan ng kaniyang Ina. Kinausap ni Désiré Joseph Mercier, ang bagong talagang Arsobispo ng Mechelen, Belgium, si Madeleine na nakiusap upang kausapin ni Mercier si Papa Pio X ukol dito. Pinangunahan ni Mercier ang pagsulong petisyong ito, kasama ng mga petisyon ng iba't-ibang grupong relihiyoso sa Belgium na nanawagan para magkaroon ng kaganapan ito. Ang pagsisikap na ito'y nagbunga. At noong 1921, itinakda ni Papa Benedicto XV ang Mayo 31, bilang kapistahan ng Birhen ng Tagapamagitan ng lahat ng Grasya sa Belgium. Inanyayahan ni Mercier ang mga obispo sa buong mundo upang hilingin din ang kapistahang ito upang ito'y maging pangkalahatan. Noong 1924, bumuo si Papa Pio XI ng tatlong komisyon (sa Roma, España at Belgium) upang pag-aralan ang petisyon. Hindi na nalaman ang naging rekomendasyon ng komisyon sa Roma, habang isinulong naman ng komisyon sa España at Belgium ang mahabang argumentong pumapabor sa pagiging tagapamagitan ng Birheng Maria.[4] Nuong mamatay si Mercier noong 1926, ipinagpatuloy ng kaniyang mga tagasunod ang pagsulong sa petisyon, hanggang ipatawag ni Papa Juan XXIII ang Ikalawang Konsilyo Vaticano noong Enero 1959.[5] Mistulang naging mailap ang Vaticano sa pagkilala sa Mahal na Ina bilang mediatrix ng "lahat" ng grasya. Ayon sa Lumen Gentium #62 ng Ikalawang Konsilyo Vaticano:

... Nang iniakyat siya sa langit, hindi niya tinalikuran ang kaniyang tungkuling makapagligtas, bagkus ipinagpatuloy niya ang kaniyang walang patid na pamamagitan upang ibahagi sa atin ang mga biyaya ng walang hanggang kaligtasan. Kaya't ang Mahal na Birhen ay kinikilala ng Simbahan sa mga titulong Tagataguyod, Auxiliatrix, Adjutrix, at Mediatrix. Gayon pa man, ito'y dapat maunawaan na hindi nito inaalis o dinaragdagan ang ano mang karangalan at kapangyarihan ni Kristo ang nag-iisang Tagapamagitan.

Kapansin-pansin na hindi isinama ng Vaticano II ang mga salitang "ng lahat ng grasya." Subalit, tulad ng pinupunto ng maraming kasulatan ng mga Santo Papa, ang papel ni Maria sa pamamahagi ng mga grasya ay lohikal na nagmula sa kaniyang papel bilang tagatanggap ng lahat ng grasya.[2]

Tutol ang mga Protestante sa paniniwalang si Maria ay isa ring tagapagpamagitan.[2] Sa kanilang pananaw na binatay nila Bibliya, si Hesus lamang ang tanging tagapagpamagitan ng Diyos at ng sangkatauhan (1 Timoteo 2:5).

Aparisyon sa Lipa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sinasabing noong 1948 sa bayan ng Lipa sa Pilipinas, 19 na ulit na nagpakita ang Birheng Maria kay Teresita Castillo, isang kandidata upang maging nobisyong Carmelita. Ayon sa napabalita, noong Setyembre 12, habang nagdarasal si Castillo sa hardin ng monasteryo, nakita niyang biglang nanginig ang isang sanga at matapos nito ay kinausap siya ng Mahal na Birhen na humiling na halikan niya ang lupa at bumalik sa eksaktong lugar na iyon araw-araw sa loob ng labinlimang araw. Noong Septyembre 16, nagpakita ang Mahal na Birhen at humiling na bendisyunan ang mga sanga at magpagawa ng kaniyang imahen sa lugar kung saan siya nagpakita at magsagawa ng misa tuwing ika-12 ng buwan. Ayon sa umano'y nakita ni Castillo:

Isang magandang babae ang nagpakita, magkadaupa ang kaniyang mga kamay sa may dibdib, isang gintong rosaryo ang nakasabit sa kanang kamay, bahagyang nakayuko, ang kaniyang damit ay payak at puting-puti na tinatalian sa may baywang ng isang manipis na tela. Siya'y nakayapak at nakatungtong sa mga ulap na may dalawang talampakan ang taas mula sa lupa. Ang kaniyang mukhang di-mailarawan sa ganda ay nagniningning.[6]

Sa huling araw ng aparisyon noong Setyempre 27, nagpakilala ang Mahal na Ina bilang Birhen ng Mediatrix ng lahat ng Grasya. Naiulat din ang pag-ulan ng mga talulot ng rosas kung saan lumitaw, pati na rin sa mga nasabing sanga ang imahen ni Kristo at ng Birheng Maria.

Hindi kinatigan ng anim-na-kataong komite ng mga obispo na nagsiyasat sa mga nasabing pangyayari na ito'y "karapat-dapat paniwalaan." Lumitaw na nagkaisa ang mga obispo sa kongklusyong ito, ngunit ang ilan sa mga ito ay nangumpisal bago mamatay na sila'y pinilit pumirma ng negatibong "kinalabasan" ng kanilang pagsusuri dahil sa banta ng ekskomunikasyon.[7]

Subalit noong Setyembre 12, 2015, ipinahayag sa isang dekreto ng Arsobispo ng Lipa na si Ramon Arguelles na ang mga naturang pangyayari ay “kahima-himala” at “karapat-dapat paniwalaan”.[7][8][9][10]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Llasos, Marwil N. "Kasaysayan ng Pagpapakita ni Maria, Tagapamagitan ng Lahat ng Biyaya, sa Carmelo ng Lipa: Isang Tula". Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 23, 2013. Nakuha noong Abril 3, 2013.{{cite web}}: CS1 maint: bot: original URL status unknown (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 Most, Fr. William G (2004). "Mary, Mediatrix of All Graces" (sa wikang Ingles). EWTN. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 5, 2011. Nakuha noong Mayo 31, 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Mary, Mediatrix of all Graces..." (sa wikang Ingles). These Last Days Ministries, Inc. Pebrero 3, 2010. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 5, 2011. Nakuha noong Mayo 31, 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Apollonio F.I., Fr. Alessandro M. (Pebrero 11, 2012). "Mary Mediatrix of All Graces, Part I" (sa wikang Ingles). Mother of All Peoples. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 5, 2016. Nakuha noong Setyembre 15, 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Apollonio F.I., Fr. Alessandro M. (Pebrero 11, 2012). "Mary Mediatrix of All Graces, Part II" (sa wikang Ingles). Mother of All Peoples. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 5, 2016. Nakuha noong Setyembre 15, 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Arguelles, Ramon C. Did Mary, Mediatrix of All Grace, Appear in Lipa? (Talumpati). 22nd Mariological Congress (sa wikang Ingles). Lourdes, France. Nakuha noong Hunyo 2, 2011.{{cite speech}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  7. 7.0 7.1 "Lipa, Philippines (1948)" (sa wikang Ingles). MiracleHunter.com. Nakuha noong Setyembre 15, 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Sebastian, Raymond A. (Setyembre 13, 2015). "Mediatrix miracles declared 'worthy of belief'" (sa wikang Ingles). CBPCP News. Inarkibo mula sa orihinal noong 2015-09-16. Nakuha noong Setyembre 15, 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. Hermoso, Christina I. (Setyembre 15, 2015). "Archbishop declares Lipa apparitions 'worthy of belief,' encourages devotion to Mary" (sa wikang Ingles). Manila Bulletin. Nakuha noong Setyembre 15, 2015.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Hegina, Aries Joseph (Setyembre 13, 2015). "Archbishop declares 1948 Lipa Mediatrix apparitions 'worthy of belief'" (sa wikang Ingles). Philippine Daily Inquirer. Nakuha noong Setyembre 15, 2015.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga panlabas na kawil

[baguhin | baguhin ang wikitext]