New Hampshire
New Hampshire State of New Hampshire | ||
|---|---|---|
| ||
| Palayaw: The Granite State | ||
| Bansag: Live Free or Die | ||
| Awit: Old New Hampshire | ||
![]() | ||
| Mga koordinado: 44°00′N 71°30′W / 44°N 71.5°W | ||
| Bansa | ||
| Lokasyon | Estados Unidos ng Amerika | |
| Itinatag | 21 Hunyo 1788 | |
| Ipinangalan kay (sa) | Hampshire | |
| Kabisera | Concord | |
| Bahagi | Talaan
| |
| Pamahalaan | ||
| • Konseho | New Hampshire General Court | |
| • Governor of New Hampshire | Chris Sununu | |
| Lawak | ||
| • Kabuuan | 24,214.0 km2 (9,349.1 milya kuwadrado) | |
| Populasyon (1 Abril 2020, Senso) | ||
| • Kabuuan | 1,377,529 | |
| • Kapal | 57/km2 (150/milya kuwadrado) | |
| Sona ng oras | Silanganing Sona ng Oras, America/New_York | |
| Kodigo ng ISO 3166 | US-NH | |
| Wika | Ingles | |
| Websayt | https://www.nh.gov/ | |
Ang Bagong Hampshire o New Hampshire (/ˈhæmpʃər/ HAMP-shər) sa likas na Ingles ay isang estado sa rehiyon ng New England o Bagong Inglatera ng Hilagang-silangang Estados Unidos. Napapaligiran ito ng Massachusetts sa timog, Vermont sa kanluran, Maine at ang Golpo ng Maine sa silangan, at ng lalawigan ng Quebec sa Canada sa hilaga. Sa 50 estado ng Estados Unidos, ang Bagong Hampshire ang ikapitong pinakamaliit ayon sa sukat ng lupain[1] at ika-sampung may pinakamaliit na populasyon, na may 1,377,529 na residente ayon sa senso noong 2020.[2] Ang Concord ang kabisera ng estado, habang ang Manchester ang may pinakamalaking populasyon. Ang moto ng Bagong Hampshire na “Live Free or Die” (Mabuhay ng Malaya o Mamatay) ay sumasalamin sa papel nito sa Digmaang Rebolusyonaryo ng Amerika; ang palayaw nitong “The Granite State” (Estado ng Batong-Granito) ay tumutukoy sa malalawak nitong pormasyon at minahan ng granito.[3] Kilala rin ito sa pagiging unang estado na nagsasagawa ng primaryang halalan sa siklo ng halalan sa pagkapangulo ng Estados Unidos, kaya't malaki ang impluwensiya nito sa pulitikang elektoral ng bansa.
Matagal nang tinitirhan ang Bagong Hampshire ng mga taong nagsasalita ng wikang Algonquina tulad ng mga Abenaki bago pa man dumating ang mga Europeo noong ika-17 dantaon. Ang mga Ingles ang nagtatag ng ilan sa mga unang pamayanang hindi katutubo sa lugar. Itinatag ang Province of New Hampshire o Lalawigan ng Bagong Hampshire noong 1629, na ipinangalan sa kondado ng Hampshire sa Inglatera.[4] Noong dekada 1760, sa gitna ng tensyon sa pagitan ng mga kolonyang Briton at ng korona, isa ang Bagong Hampshire sa mga unang lumaban—kabilang na ang pagsakop sa Kuta William at Mary mula sa mga Briton noong 1774. Noong 1776, ito ang unang kolonya sa Hilagang Amerika na nagtatag ng isang malayang pamahalaan at sariling konstitusyon. Nilagdaan nito ang United States Declaration of Independence o Pagpapahayag ng Kalayaan ng Estados Unidos at nag-ambag ng mga tropa, barko, at panustos sa digmaan laban sa Britanya. Noong 1788, naging ika-9 na estado itong nagpasa ng Konstitusyon ng Estados Unidos, na siyang nagpatibay dito. Sa gitna ng ika-19 na dantaon, naging aktibo ang estado sa kilusang laban sa pagkaalipin, at halos 32,000 sundalong Unyon ang mula rito noong Digmaang Sibil ng Estados Unidos. Matapos ang digmaan, mabilis na umunlad ang industriya at populasyon ng estado, at naging sentro ng paggawa ng tela, sapatos, at papel; ang Amoskeag Manufacturing Company sa Manchester ang naging pinakamalaking planta ng tela ng bulak sa buong mundo. Ang mga imigrante mula sa Canada na nagsasalita ng Pranses ang bumuo ng pinakamalaking pangkat ng mga dayuhan, at tinatayang isang-kapat ng mga residente ay may lahing Pranses-Amerikano.
Tulad ng sa ibang bahagi ng bansa, humina ang sektor ng industriya ng Bagong Hampshire matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mula noong 1950, naging mas masalimuot ang ekonomiya nito—kabilang na ang mga serbisyong pinansyal, real estate o negosyo ng mga ari-arian, edukasyon, transportasyon, at makabagong teknolohiya, habang nananatiling mas mataas ang antas ng pagmamanupaktura kaysa sa pambansang karaniwan.[5] Lumaki ang populasyon nito dahil sa pagkakakonekta sa Kalakhang Boston sa pamamagitan ng mga lansangang-bayan, na humantong sa pagdami ng mga bayan ng mga nagko-commute o pagbiyahe araw-araw. Ang Bagong Hampshire ay kabilang sa mga pinakamayaman at may pinakamataas na antas ng edukasyon sa bansa.[6] Isa ito sa siyam na estado na walang buwis sa kita, at wala ring buwis sa benta, kita mula sa puhunan, o buwis sa mana—bagkus, umaasa ito sa buwis sa ari-arian upang pondohan ang edukasyon, kaya’t kabilang ito sa mga estadong may pinakamababang pasaning buwis sa Estados Unidos. Kabilang din ito sa mga estadong hindi relihiyoso at kilala sa kanyang kulturang pampulitika na may hilig sa libertaryo; isa ito sa mga hindi gaanong liberal na estado sa Bagong Inglaterra.[7] Hawak ng Partido Republikano ng Bagong Hampshire ang trifecta sa pamahalaang pan-estado mula pa noong 2017 (maliban noong 2019 at 2020), habang mayorya sa pederal na antas ng representasyon ay nasa Partido Demokratiko. Ito rin ang nag-iisang estado sa Estados Unidos na may babaeng gobernador at dalawang babaeng senador sa Senado ng Estados Unidos.[8]
Dahil sa mabundok at makakapal na kagubatang heograpiya, lumalago ang sektor ng turismo sa Bagong Hampshire na nakasentro sa rekreasyon. Nasa estado ang ilan sa pinakamataas na bundok para sa skiing sa silangang baybayin ng Estados Unidos at ito’y pangunahing destinasyon para sa mga palakasan sa taglamig; kabilang sa mga pinakadinadagsang bundok sa buong mundo ang Bundok Monadnock. Kabilang sa iba pang mga aktibidad ang panonood ng pagbabago ng kulay ng mga dahon tuwing taglagas, bakasyunan tuwing tag-init sa tabi ng mga lawa at dalampasigan, motorsports o palakasang motor sa New Hampshire Motor Speedway (literal na Pista ng Takbuhan ng Motor sa Bagong Hampshire) sa Loudon, at ang Motorcycle Week o Linggo ng Motorsiklo, isang pagtitipon ng mga motorista sa Dalampasigang Weirs sa Laconia. Matatagpuan sa estado ang White Mountain National Forest (literal: Pambansang Gubat ng Puting Bundok) na sumasaklaw sa malaking bahagi ng Lakbay-Daan ng Apalache sa pagitan ng Vermont at Maine, gayundin ang Mount Washington Auto Road (o Daan-Awtomobil ng Bundok Washington), kung saan maaaring magmaneho paakyat sa tuktok ng Bundok Washington na may taas na 6,288 talampakan (1,917 metro).
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "State Area Measurements and Internal Point Coordinates". census.gov (sa wikang Ingles). 2010. Nakuha noong 2 Enero 2025.
- ↑ "U.S. Census Bureau QuickFacts: United States". www.census.gov (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-04-11. Nakuha noong 2 Enero 2025.
- ↑ "Visit NH: State Facts" (sa wikang Ingles). NH Department of Resources and Economic Development. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 14, 2010. Nakuha noong Agosto 30, 2010.
- ↑ "Origin of "New Hampshire"". State Symbols USA. Setyembre 28, 2014. Inarkibo mula sa orihinal noong September 4, 2015. Nakuha noong Agosto 30, 2015.
- ↑ "Economy by Industry in N.H. and U.S." Carsey School of Public Policy | UNH (sa wikang Ingles). Agosto 21, 2019. Nakuha noong Hulyo 20, 2021.
- ↑ "New Hampshire | Education". Census Bureau Data (sa wikang Ingles). Nakuha noong Agosto 6, 2023.
- ↑ Jacobs, Ben (Oktubre 13, 2022). "The politics of New Hampshire, America's quirkiest state, explained". Vox (sa wikang Ingles). Nakuha noong Setyembre 17, 2023.
Parsing the old, white, educated, libertarian, anti-tax, pro-choice politics of New Hampshire.
- ↑ "Party control of New Hampshire state government". Ballotpedia (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-02-26.
