Pumunta sa nilalaman

Dong Abay

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Dong Abay
Kabatiran
Pangalan noong ipinanganakWestdon Martin Abay
Kapanganakan5 Abril 1971(1971-04-05)
Maynila, Pilipinas
GenreRock, Pinoy Rock
TrabahoManunula, mang-aawit
Taong aktibo1992 - hanggang kasalukuyan
Websitedongabay.multiply.com
myspace.com/dongabay

Si Westdon Martin Abay (ipinanganak 5 Abril 1971), mas kilala bilang Dong Abay, ay isang manunula at isang manunugtog ng Pinoy rock. Siya ang nagtatag, nagsusulat ng mga awitin, at punong bokalista ng mga bandang Yano, Pan, at dongabay, na nabuwag na lahat. Sa katayuan niya noong Enero 2008, sinisikap ni Abay ang magtaguyod ng karera bilang isang malayang alagad ng sining

Pansariling buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ipinanganak noong 5 Abril 1971 sa Maynila Pilipinas, kapareho niya ng kaarawan ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Gloria Macapagal Arroyo at ang kaarawan din ni Abay ay kamatayan ng Amerikanong mang-aawit ng rock na si Kurt Cobain ng Nirvana na nagpakamatay noong 1994. Kasal si Abay kay Ninj Botor Reyes at may anak silang lalaki na nagngangalang Awit na ipinanganak noong 15 Mayo 2002.

Panahon ng Yano

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1992, nagkakilala sina Dong Abay, Eric Gancio at Larry Mapolon sa Patatag, isang progresibong pantinig na pangkat. Pagkatapos ng isang taon, pinasyahan nila na bumuo ng isang banda na tinawag nilang NG (binibigkas bilang en-dyi at hango mula sa digrapong Ng ng alpabetong Filipino) kasama ang tagapagtambol na si Renmin Nadela. Nanatili sina Abay at Gancio at inanib sa grupo ang nag-aareglo ng musika at bahistang si Onie Badiang. Sa kalaunan, napalitan ang pangalan ng banda sa Yano. Noong Hunyo 1993, nag-rekord sila ng isang awiting pagpapakita sa tahanang istudyo ng alternatibong manunugtog na si Joey Ayala. Isa mga awitin ang "Kumusta Na?," isang awitin patungkol sa Rebolusyong EDSA ng 1986, na napatugtog sa mga himpilan ng radyo kung saan unang narinig ang pangkat. Ito ang naging daan upang maging aktibo ang Yano sa mga lokal na klab. Isa sa mga unang klab na tumutugtog sila ang Mayrics, Club Dredd, 70s Bistro. Kabilang sina Nowie Favila (Ang Grupong Pendong), Nonong Timbalopez (Put3Ska, Ex President's Combo), Jun Nogoy (Coffeebreak Island) at Harley Alarcon (Rizal Underground) sa mga tagapagtambol ng Yano. Noong 1994, nilabas nila ang kanilang unang album na Yano at kabilang sa mga awitin na napapaloob dito ang "Banal Na Aso, Santong Kabayo" , "Tsinelas" at "Esem" (patukoy sa SM o Shoemart mall) na naging sikat na mga awiting noong dekada 1990. Sinundan ito ng mga matagumpay na konsiyerto sa buong kapuluan.

Noong 1994, sa rurok ng kasikatan ng Yano, pansamantalang tumigil sa pag-aaral si Abay sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan mag-aaral siya ng mga Sining at mga Sulat (Arts and Letters), upang pagpapatuloy ang karera sa musika. Naglabas pa ng dalawang album ang Yano sa ilalim ng BMG, isang pangunahing kompanyang pang-rekord, ang "Bawal" noong 1996 at "Tara" noong 1997. Unang nilabas ang kanilang unang album sa ilalim ng Alpha Records ngunit muli itong inilabas ng BMG.

Noong huling bahagi ng dekada 1990, nagkaroon ng matinding kalungkutan (clinical depression) si Abay pagkatapos umalis sa Yano. Nanatili lamang siya sa kanyang higaan sa loob ng limang taon.[1] Bagaman, sinasabi ni Abay na isang pahinga lamang ito. Nakaalis lamang siya sa kalungkutan habang sumusulat ng mga bagong awitin sa anyong tula. Sa kalaunan, tinawag niya si Badiang upang manghiram ng gitara at nakipagtugtugan.

Panahon ng Pan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 2002, nagbalik si Abay sa larangan ng musika at binuo ang Pan kasama ang dating bahista ng Yano na si Onie Badiang. Naglabas sila ng album na pinamagatang Parnaso ng Payaso. Ilan sa mga kasamang awitin sa album angt "Dumpsite", "Hula" (na nanalo sa AWIT Awards noong 2003 bilang Pinakamahusay na awiting Folk/Pop), "Mabuhay!" at "Rebolusyon". Kasama din ng Pan sa kanilang tugtugan ang bahistang si Milo Duane Cruz at tagapagtambol na si Melvin Leyson.

Noong 2003, pinasyahan ni Abay na bumalik sa pag-aaral upang tapusin ang kaniyang batsilyer na kurso. Dahil dito, nawala ang bandang Pan. Maliban sa musika, abala din si Abay sa ibang anyo ng sining katulad ng mga gawaing pagluluklok, sining biswal, potograpiya at iba pa. Abala din siya sa pagbibigay ng panayam at pantas-aral sa buong Pilipinas.

Sariling karera

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong unang bahagi ng 2005, naging malayang musikero si Abay at naglabas ng isang EP na tinawag na "Sampol" ("Sample") sa Unibersidad ng Pilipinas bilang bahagi ng kanyang sanaysay ng kanyang kurso sa pamantasan. Binubuo ito ng mga akustikong awitin, na sa kalaunan naging isang ganap na pang-bandang album, ang "Flipino" na nilabas noong Mayo 2006. Si Robin Rivera ang prodyuser ng album na dalubguro ni Abay sa Pag-aaral ng Sining (Art Studies) sa UP. Dating prodyuser din si Rivera ng mga album ng The Eraserheads at sa kalaunan kinuha ni Rivera ang mga dating kasapi ng The Eraserheads na sina Raimund Marasigan at Buddy Zabala upang tumugtog sa buong album.[2] Kabilang sa mga awitin sa album na ito ang "Perpekto", "Bombardment" at "Tuyo". Isang buwan bago nailabas ang album, natapos din sa wakas si Abay sa kaniyang kursong Batsilyer sa Sining sa Pag-aaral ng Pilipinas (Bachelor of Arts in Philippine Studies) (Mga sakop: Malikhaing Pagsusulat sa Filipino at Makataong Sining) mula sa Unibersidad ng Pilipinas pagkatapos ng 18 taon.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Dong Abay's Pan: Another Gem". MTV Asia News. 2006-01-16. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-09-26. Nakuha noong 2008-01-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Blog ni Rivera tungkol sa album ni Dong Abay" (HTML). Robin Rivera (prodyuser ng "Flipino"). Nakuha noong 2008-01-11.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga ugnay panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]