Emperador Annei

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Emperador Annei
安寧天皇
Tennō Annei thumb.jpg
Ika-3 Emperador ng Hapon
Panunungkulan Agosto 13, 549 BK –
Enero 11, 510 BK (tradisyonal)
Sinundan Emperador Suizei
Humalili Emperador Itoku
Asawa Emperatris Nunasoko-Nakatsu-hime
Isyu
Pangalan pagkamatay
Kun'yomi: Shikitsuhikotamatemi no Sumeramikoto (磯城津彦玉手看天皇);
Shikitsuhikotamatemi no Mikoto (師木津日子玉手見命)
On'yomi: Emperador Annei (安寧天皇)
Kabahayan Imperyal na Bahay ng Hapon
Ama Emperador Suizei
Ina Emperatris Isuzuyori-hime
Kapanganakan Shikitsuhikotamatemi (磯城津彦玉手看尊)
577 BK
Kamatayan Enero 11, 510 BK (edad 67)
Libingan Unebi-yama no hitsujisaru Mihodo no i no e no misasagi (畝傍山西南御陰井上陵)
Kashihara, Nara, Hapon (maalamat)
Relihiyon Shinto

Si Emperador Annei (577 BK - Enero 11, 510 BK), na kilala rin bilang si Shikitsuhikotamatemi no Mikoto (Hapones: 師木津日子玉手見命), ay ang ikatlong emperador ng Hapon ayon sa kinamihasnang kaayusan ng halinlinan. Itinatagurian siya bilang isang "maalamat na emperador" ng mga mananalaysay dahil ang kanyang aktuwal na pag-iral ay pinagtatalunan. Sinasabing naghari siya mula 549 BK hanggang sa kanyang pagkamatay noong 510 BK, kung saan sinundan siya ng kanyang ikalawang anak na si Emperador Itoku. Siya ang ikatlong emperador na naghari sa panahon ng puktol ng Jomon, na tumagal mula 14,000 BK hanggang 300 BK.

Alam na Impormasyon[baguhin | baguhin ang source]

Ang Kan'ei Kojiki, ang unang nilimbag na bersyon ng Kojiki, sa Pamantasan ng Kokugakuin

Ang pag-iral ng hindi bababa sa unang siyam na emperador ay pinagtatalunan dahil sa hindi sapat na materyal na maaaring magamit para sa karagdagang pagpapatunay at pag-aaral. Dahil dito, itinatagurian si Annei ng mga mananalaysay bilang isang "maalamat na emperador", at niraranggo siya bilang ang ikalawa sa walong emperador na walang tiyak na mga alamat na nauugnay sa kanila. Ang pangalang Annei, na literal na nangangahulugang "matatag na katahimikan", ay postumong itinalaga sa kanya ng mga sumunod na salinlahi. Unang naikredito ang pangalang "Annei" kay Omi no Mifune, isang Hapones na palaaral at manunulat noong puktol ng Nara na diumano'y gumawa ng pangalan noong huling kalahati ng ika-8 dantaon. Sinasabi na maaaring pinalagi ang kanyang pangalan ilang dantaon pagkatapos ng buhay na itinalaga sa kanya, posible na noong panahon kung saan ang mga alamat tungkol sa pinagmulan ng halaring Yamato ay pinagsasama-sama bilang mga talaan na kilala ngayon na Kojiki. Ang karaniwang tinatanggap na mga pangalan at petsa ng mga unang emperador ay hindi kinumpirma bilang "tradisyonal" hanggang sa paghahari ni Emperador Kammu, ang ika-50 emperador ng Hapon, noong 781 hanggang 806.[1][2][3][4][5]

Maalamat na Salaysay[baguhin | baguhin ang source]

Si Emperador Suizei, ang ama at hinalinhan ni Emperador Annei.
Si Emperador Itoku, ang ikalawang anak at kahalili ni ni Emperador Annei.
Monumento ng maalamat na palasyo ni Emperador Annei
Pang-alaalang dambana at mosoliem ni Emperador Annei

Ang pangalan ni Emperador Annei ay nakasaad sa Kojiki at Nihon Shoki kung saan ang kanyang talaangkanan lamang ang nakatala. Isinilang siya noong 577 BK. Siya ang natatanging anak nina Emperador Suizei, ang ikalawang emperador ng Hapon, at Emperatris Isuzuyori-hime. Nakilala siya bilang si Prinsipe Shikitsuhikotamatemi. Pormal siya na naging koronang prinsipe noong 557 BK. Tumaas siya sa trono noong Agosto 549 BK, pagkatapos ng pagkamatay ng kanyang ama sa parehong taon. Nakasaad sa Kojiki at Nihon Shoki na namuno siya mula sa palasyo ng Ukena-no-miya (Kojiki: 片塩浮穴宮; Nihon Shoki: 片塩浮孔宮) sa Katashiro sa Kawachi sa kung ano ang makikilala bilang lalawigan ng Yamato (ngayo'y Prepektura ng Nara sa Honshu). Karaniwang inilalagay ang kanyang panahon ng paghahari sa Agosto 13, 549 BK hanggang Enero 11, 510 BK. Sa panahon ng buhay ni Annei, ikinasal siya kay Nunasoko-Nakatsu-hime, isang apo ng Hapones na diyos ng mga mangingisda at swerte na si Ebisu. Nagkaroon sila ng tatlong anak, sina Prinsipe Okisomimi, Prinsipe Oyamatohikosukitomo, at Prinsipe Shikitsuhiko. Namatay siya noong Enero 11, 510 BK. Habang ang kanyang aktuwal na libingan ay hindi alam, tradisyonal siya na iginagalang sa isang imperyal na pang-alaalang dambana na kasalukuyang pinapanatili sa lungsod ng Kashihara. Ang dambanang ito ang itinalaga ng Imperyal na Sambahayang Ahensiya bilang kanyang mosoliem, at pormal ito na pinangalanang Unebi-yama no hitsujisaru Mihodo no i no e no misasagi. Pagkatapos ng kanyang pagkamatay ay hinalinhan siya ni Prinsipe Oyamatohikosukitomo, na sa kalaunan ay naging si Emperador Itoku.[6][7][8][9][10]

Mga Sanggunian[baguhin | baguhin ang source]

  1. Kelly, Charles F. "Kofun Culture". www.t-net.ne.jp. Nakuha noong May 7, 2019.
  2. Shillony, Ben-Ami (2008-10-15). The Emperors of Modern Japan (sa wikang Ingles). BRILL. pa. 15. ISBN 978-90-474-4225-7. Sipi: Kilala rin bilang ang "walong hindi dokumentadong monarko" (欠史八代, Kesshi-hachidai).
  3. Britannica Kokusai Dai-Hyakkajiten article "Ōmi no Mifune". Britannica.
  4. Brinkley, Frank (1915). A History of the Japanese People from the Earliest Times to the end of the Meiji Era. Encyclopaedia Britannica Company. pa. 21. Sipi: Ang mga postumong pangalan para sa mga makamundong Mikados ay ginawa sa panahon ng paghahari ni Emperador Kanmu (782–805), i.e., pagkatapos ng petsa ng pagtitipon ng Mga Talaan at ng Mga Salaysay.
  5. Aston, William George. (1896). Nihongi: Chronicles of Japan from the Earliest Times to A.D. 697, Volume 2. The Japan Society London. pa. 109, 138–141. ISBN 9780524053478.
  6. https://www.japanese-wiki-corpus.org/emperor/Emperor%20Annei.html
  7. Ponsonby-Fane, Richard (1959). The Imperial House of Japan. Ponsonby Memorial Society. pa. 29 & 418.
  8. Brown, Delmer M. and Ichirō Ishida (1979). A Translation and Study of the Gukanshō, an Interpretative History of Japan Written in 1219. University of California Press. pa. 251. ISBN 9780520034600.
  9. Nussbaum, Louis-Frédéric (2002). Japan Encyclopedia. Harvard University Press. pa. 32. ISBN 9780674017535.
  10. Titsingh, Isaac. (1834). Nihon Ōdai Ichiran (sa wikang Pranses). Royal Asiatic Society, Oriental Translation Fund of Great Britain and Ireland. pa. 4.