Pumunta sa nilalaman

Emperador Kosho

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Emperador Kōshō)
Emperador Kosho
孝昭天皇
Ika-5 Emperador ng Hapon
Panahon Pebrero 21, 475 BK –
Setyembre 5, 393 BK (tradisyonal)
Sinundan Emperador Itoku
Sumunod Emperador Koan
Asawa Emperatris Yosotarashi-hime
Anak
Pangalan pagkamatay
Kun'yomi: Mimatsuhikokaeshine no Sumeramikoto (観松彦香殖稲天皇);
Mimatsuhikokaeshine no Mikoto (御真津日子訶恵志泥命)
On'yomi: Emperador Kosho (孝昭天皇)
Lalad Imperyal na Bahay ng Hapon
Ama Emperador Itoku
Ina Emperatris Amonotoyototsu-hime
Kapanganakan Mimatsuhikokaeshine (観松彦香殖稲尊)
501 BK
Kamatayan 393 BK (edad 108)
Libingan Waki-no-kami no Hakata no yama no e no misasagi (掖上博多山上陵)
Gose, Nara, Hapon (maalamat)
Pananampalataya Shinto

Si Emperador Kosho (501 BK - Setyembre 5, 393 BK), na kilala rin bilang si Mimatsuhikokaeshine no Mikoto (Hapones: 真津日子訶恵志泥命), ay ang ikalimang emperador ng Hapon ayon sa kinamihasnang kaayusan ng halinlinan. Itinatagurian siya bilang isang "maalamat na emperador" ng mga mananalaysay dahil ang kanyang aktuwal na pag-iral ay pinagtatalunan. Sinasabing naghari siya mula 475 BK hanggang sa kanyang pagkamatay noong 393 BK, kung saan sinundan siya ng kanyang ikalawang anak na si Emperador Koan. Siya ang ikalimang emperador na naghari sa panahon ng puktol ng Jomon, na tumagal mula 14,000 BK hanggang 300 BK.

Alam na Impormasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Kan'ei Kojiki, ang unang nilimbag na bersyon ng Kojiki, sa Pamantasan ng Kokugakuin

Ang pag-iral ng hindi bababa sa unang siyam na emperador ay pinagtatalunan dahil sa hindi sapat na materyal na maaaring magamit para sa karagdagang pagpapatunay at pag-aaral. Dahil dito, itinatagurian si Kosho ng mga mananalaysay bilang isang "maalamat na emperador", at niraranggo siya bilang ang ikaapat sa walong emperador na walang tiyak na mga alamat na nauugnay sa kanila. Ang pangalang Kosho, na literal na nangangahulugang "masunuring pagkakatawang-tao", ay postumong itinalaga sa kanya ng mga sumunod na salinlahi. Sinasabi na maaaring pinalagi ang kanyang pangalan ilang dantaon pagkatapos ng buhay na itinalaga sa kanya, posible na noong panahon kung saan ang mga alamat tungkol sa pinagmulan ng halaring Yamato ay pinagsasama-sama bilang mga talaan na kilala ngayon na Kojiki. Ang karaniwang tinatanggap na mga pangalan at petsa ng mga unang emperador ay hindi kinumpirma bilang "tradisyonal" hanggang sa paghahari ni Emperador Kammu, ang ika-50 emperador ng Hapon, noong 781 hanggang 806. Sinasabing maaaring nabuhay si Kosho noong ika-1 dantaon, ngunit kinakailangan pa nito ng mas maigi na pananaliksik upang makagawa ng anumang karagdagang konklusyon.[1][2][3][4][5]

Maalamat na Salaysay

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Emperador Itoku, ang ama at hinalinhan ni Emperador Kosho.
Si Emperador Koan, ang ikalawang anak at kahalili ni ni Emperador Kosho.
Monumento ng maalamat na palasyo ni Emperador Kosho
Pang-alaalang dambana at mosoliem ni Emperador Kosho

Ang pangalan ni Emperador Kosho ay nakasaad sa Kojiki at Nihon Shoki kung saan ang kanyang talaangkanan lamang ang nakatala. Isinilang siya noong 501 BK. Siya ang panganay na anak nina Emperador Itoku, ang ikaapat na emperador ng Hapon, at Emperatris Amonotoyototsu-hime, isang anak ni Okishimimi-no-kami. Mayroon siya ng isang kapatid, si Prinsipe Takeshihikokushitomose. Nakilala siya bilang si Prinsipe Mimatsuhikokaeshine. Pormal siya na naging koronang prinsipe noong Marso 25, 489 BK. Tumaas siya sa trono noong 475 BK. Nakasaad sa Kojiki at Nihon Shoki na namuno siya mula sa palasyo ng Ikekokoro-no-miya (Kojiki: 葛城掖上宮; Nihon Shoki: 掖上池心宮) sa Waki-no-kami sa kung ano ang makikilala bilang lalawigan ng Yamato (ngayo'y Prepektura ng Nara sa Honshu). Karaniwang inilalagay ang kanyang panahon ng paghahari sa Pebrero 21, 475 BK hanggang Setyembre 5, 393 BK. Sa panahon ng buhay ni Kosho, ikinasal siya kay Yosotarashi-hime, isang anak ni Okitsuyoso at ninuno ng Owari. Nagkaroon sila ng dalawang anak, sina Prinsipe Ametarashihikokunioshihito at Prinsipe Yamatotarashihikokunioshihito. Namatay siya noong Setyembre 5, 393 BK. Habang ang kanyang aktuwal na libingan ay hindi alam, tradisyonal siya na iginagalang sa isang imperyal na pang-alaalang dambana na kasalukuyang pinapanatili sa lungsod ng Gose. Ang dambanang ito ang itinalaga ng Imperyal na Sambahayang Ahensiya bilang kanyang mosoliem, at pormal ito na pinangalanang Waki-no-kami no Hakata no yama no e no misasagi. Pagkatapos ng kanyang pagkamatay ay hinalinhan siya ni Prinsipe Yamatotarashihikokunioshihito, na sa kalaunan ay naging si Emperador Koan.[6][7][8][9]

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Kelly, Charles F. "Kofun Culture". www.t-net.ne.jp. Nakuha noong Mayo 7, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Shillony, Ben-Ami (2008-10-15). The Emperors of Modern Japan (sa wikang Ingles). BRILL. p. 15. ISBN 978-90-474-4225-7. Kilala rin bilang ang "walong hindi dokumentadong monarko" (欠史八代, Kesshi-hachidai).{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Brinkley, Frank (1915). A History of the Japanese People from the Earliest Times to the end of the Meiji Era. Encyclopaedia Britannica Company. p. 21. Ang mga postumong pangalan para sa mga makamundong Mikados ay ginawa sa panahon ng paghahari ni Emperador Kanmu (782–805), i.e., pagkatapos ng petsa ng pagtitipon ng Mga Talaan at ng Mga Salaysay.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Aston, William George. (1896). Nihongi: Chronicles of Japan from the Earliest Times to A.D. 697, Volume 2. The Japan Society London. pp. 109, 138–141. ISBN 9780524053478.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Nussbaum, Louis-Frédéric. (2005). "Kōshō Tennō" in Japan Encyclopedia, p. 564, p. 564, sa Google Books.
  6. Varley, H. Paul. (1980). Jinnō Shōtōki: A Chronicle of Gods and Sovereigns. Columbia University Press. p. 89. ISBN 9780231049405.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Brown, Delmer M. and Ichirō Ishida (1979). A Translation and Study of the Gukanshō, an Interpretative History of Japan Written in 1219. University of California Press. p. 251. ISBN 9780520034600.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Ponsonby-Fane, Richard (1959). The Imperial House of Japan. Ponsonby Memorial Society. pp. 29–30 & 418.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Genealogy of the Emperors of Japan" (PDF). Kunaicho.go.jp. Nakuha noong Mayo 8, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)