Pumunta sa nilalaman

Karing Hapones

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Karing Hapones
Isang plato ng karing Hapones at kanin
UriKari
LugarHapon
Pangunahing SangkapGulay (sibuyas, karots, patatas), karne (baka, baboy, manok)
BaryasyonKarē raisu, karē udon, karē-pan

Ang karing Hapones (カレー, karē) ay karaniwang inihahain sa tatlong anyo: kari sa kanin (カレーライス, karē raisu), kinaring udon (kari sa makapal na pansit), at kinaring tinapay (カレーパン, karē pan) (pasteleryang pinalalaman ng kari). Isa ito sa pinakasikat na pagkain sa Hapon.[1] Kapag tinutukoy ang "kinaring kanin", madalas na tinatawag itong "kari" (カレー, karē) lamang.

Bukod sa sarsa, samu't saring uri ng gulay at karne ang ginagamit sa paggawa ng karing Hapones. Sibuyas, karots at patatas ang mga pangunahing gulay. Baka, baboy at manok ang mga pinakakaraniwang karne. Tinatawag na katsukarē ang tonkatsu na may sarsang kari.[2]

Nanggaling ang kari sa lutuing Indiyano at idinala ng mga Briton sa Hapon mula sa Indiya. Mula noong pagpapakilala ng kari sa Hapon, binago ito upang umangkop sa Hapones na panlasa at sangkap. Ibang-iba ang karing Hapones sa mga kari mula sa ibang rehiyon. Sobrang dami ang pagbabago at pag-aangkop sa putahe mula noong pagpapakilala nito na maituturing ito bilang tanging Hapones. Isa sa mga taglay na katangian nito ang pagpapares ng Hapones na kanin na matamis at malagkit sa sarsang kari na malapot. Sumikat ang putahe at nabibili sa mga supermerkado at restawran noong patapos ng d. 1960. Kinakain ito kung saan-saan sa Hapon na maitatawag itong pambansang pagkain.[3][1][4]

Unang kilalang resipi ng kinaring kanin ng Hapon, ni Kanagaki Robun, 1872

Pasimula ng karing Hapones

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ipinakilala ang kari sa Hapon noong panahong Meiji (1868–1912).[3] Noon, nasa ilalim ng mga Briton ang subkontinenteng Indiyo.[3] Idinala ng mga Anglo-Indiyanong alagad ng Hukbong-dagat Royal ang pinulbos na kari sa Hapon.[3] Inuri ito bilang yōshoku (Kanluraning pagkain) dahil nanggaling ito sa Kanluran.[3] Marahil pumasok ang salitang kari sa wikang Hapones bilang karē noong patapos ng d. 1860, kung kailan napilitang talikuran ng Hapon ang pagkakabukod (sakoku) nito at nakipag-ugnayan sa Imperyong Britaniko.[5] Pagsapit ng d. 1870, sinimulang ihain ang kari sa Hapon.[6]

Karaniwang pinapares ang kari sa kanin sa Hapon, na kilala bilang karē raisu (kinaring kanin). Nasa mga aklat-luto noong 1872 ang pinakalumang pagbanggit sa Hapon ng putaheng raisu karē (lit. 'kanin kari')—ngunit sa maling pagbaybay na taisu karē.[3] Inilarawan din ito sa ulat noong 1872, na sinabing kinain ito ng mga eksperto sa dayuhan sa sangay sa Tokyo ng pamahalaang prepektura ng Hokkaidō. Subalit pinasikat ang salita ng Amerikanong propesor na si William S. Clark na nagtrabaho sa Kolehiyong Pang-agrikultura ng Sapporo (Unibersidad ng Hokkaido sa kasalukuyan) noong 1877.[7][8] Noong 1873, mayroong ulam na tinawag na karē raisu sa menu ng Akademyang Militar ng Hukbong Imperyal ng Hapon.[5]

Noong panahong Meiji (1868-1912), ipinalagay ng pribadong sektor na lutuing luho ang kari para sa mga mayayaman, na makikita lamang sa mga sosyal na restoran na nag-eespesyalisa sa yōshoku.[3][9] Mula noong pagpapakilala nito, ibinago ito sa paggamit ng mga sangkap mula sa lutuing Hapones para bumagay sa mga kagustuhan ng mga Hapones.[3]

Simula ng pagsikat ng kari at ang paglitaw ng mga deribatibong pagkain

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Kinaring udon at inari-zushi

Noong 1905, naging abot-kaya ang putahe para sa pangkalahatang populasyon sa pagpapakilala ng pinulbos na kari na gawa sa loob ng bansa.[10] Noong d. 1920, nagsimula magbenta ng karing pinulbos ng mga hinalinhan ng S&B Foods at House Foods na kilalang-kialla ngayon.[3]

Noong pasimula ng d. 1900, gumawa ang mga restoran ng iba't ibang deribatibo ng kinaring kanin. Nalikha ang mga unang kinaring udon at kinaring soba sa Tokyo o Osaka noong 1904 o 1909. Nagawa ang dalawang putaheng ito sa pagbabad ng katsuobushi (pinatuyong bonito na kinaskas) sa kumukulong tubig upang matunaw ang umami na sangkap, pagdagdag ng kari sa sabaw, at susunod, pagdagdag ng ginawgaw na patatas upang lumapot ang sabaw at pagbuhos nito sa udon o soba.[11]

Ipinakilala ang unang kinaring tinapay (karē pan) noong 1927,[10] at ang unang kinaring katsu noong 1918 o 1921 o 1948.[12][13][14]

Pagsikat sa lutong bahay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1945, nagbuo ang Oriental Co.,Ltd ng pinulbos na roux na pang-agarang kari,[15] at noong 1950, nagbuo ang Bell Shokuhin Co,.Ltd ng agarang kari na roux na hugis-bloke, at mabilis na kumalat ang karing Hapones sa buong Hapon bilang isang putahe na madaling ihanda sa bahay.[16][10] Noong 1948, inhain sa eskwela ang karing Hapones sa kauna-unahang pagkakataon.[10]

Noong 1963, ipinakilala ng House Foods ang "Vermont Curry" (バーモントカレー), isang agarang kari na roux na gawa sa mansanas at hani na pumatok nang todo. Nagdala itong produkto ng banayad na tamis sa karing Hapones na dating ipinalagay na maanghang na putahe na pangmatanda, at dahil dito, naging isa sa mga pinakapaboritong putahe ng mga bata ang karing Hapones.[10][3]

"Bon Curry", ang unang komersiyal na pagkain sa mundo sa loob ng bulsang retorta. Reimprenta ang kahon ng Bon Curry sa larawan.

Noong 1968 (o 1969[3]), Otsuka Foods Company ang naging unang kompanya sa mundo na nagnegosyo ng produktong pagkain sa bulsang retorta o retort pouch. "Bon Curry" (ボンカレー) ang tawag sa produktong ito. Ang kari ay naging pagkain na maaaring imbakin sa matagal na panahon at, tulad ng agarang pansit, maaari itong kainin pagkatapos ng tatlong minuto sa pinakuluang tubig.[17][18] Dahil hindi publiko ang detalyadong teknikal na impormasyon sa bulsang retorta, na teknolohiyang militar noon, binuo ito ng Otsuka Foods Company sa pakikipagtulungan sa isang kompanya na gumawa ng mga gamot sa ugat gamit ang teknolohiya ng isterilisasyon sa mataas na temperatura.[18]

Ngayon, isa sa mga pinakasikat na arawang putahe ang kari sa Hapon. Noong 2013, 7,570 tonelada ng pinulbos na kari at 91,105 tonelada ng mga handa-nang sarsa ang naprodyus; noong 2008, umabot sa 7 bilyong yen ng pinulbos na kari at 86 bilyong yen ng handa-nang sarsa ang nabenta.[19] Pagsapit ng 2000, mas madalas kinakain ang kari kaysa sa sushi o tempura.[20]

"Kari ng Hukbong-dagat" na ginaya nang awtentiko batay sa resipi mula sa aklat-luto ng Hukbong-dagat ng Hapon na inilathala noong 1908

Tumutukoy ang kaigun karē ('kari ng hukbong-dagat') sa kari na inihain ng Imperyong Hukbong-dagat at Pansariling Tanggulang Hukbong Pandagat ng Hapon. Ginamit ng Imperyong Hukbong-dagat ng Hapon ang kari para upang maiwasan ang kondisyong malnutrisyon na manas, at sa nasa kasalukuyang menu rin ito ng Pansariling Tanggulang Hukbong Pandagat ng Hapon tuwing Biyernes.[21] Masustansiya rin ito, at madaling lutuin nang maramihan.[22]

Inipotisa na sumikat ang kari sa Hapon dahil, katulad ng Hukbong-Dagat ng Briton, isinama ito ng Imperyong Hukbong-Dagat ng Hapon sa menu ng kainan sa kanilang barko,[23] o dahil nasa menu ito ng kainan ng Imperyong Hukbong-Kati ng Hapon.[20] Sa kabilang dako, ipinaliwanag ni Naoshi Takamori, isang mananaliksik sa kulinarya ng hukbong-dagat at dating opisyal ng Pansariling Tanggulang Hukbong Pandagat ng Hapon, na bagaman may mga panuto kung paano gumawa ng kari sa mga manwal ng militar ng Hapon mula noong d. 1880, hindi naging karaniwan ang kari sa Imperyong Hukbong-Dagat ng Hapon hanggang sa pagsapit ng d. 1920, noong panahong Showa. Ayon sa kanya, hindi kumalat ang kari mula sa militar ng Hapon patungo sa mga sibilyang Hapones, ngunit ginaya ng militar ang mga sibiliyano.[23]

Gawa ang kaigun karē ('kari ng hukbong-dagat') sa baka o manok, patatas, sibuyas, karot, kanin at karing roux at isang chutney ng mga inatsarang gulay (tsukemono) ayon sa paglalarawan sa 1888 na aklat panluto, Kaigun kappōjitsu (海軍割烹術, 'Mga Paraan ng Pagluluto ng Hukbong-Dagat'). Ipinagpatuloy ng Pansariling Tanggulang Hukbong Pandagat ng Hapon ang tradisyon na ito pagkatapos ng digmaan at inihahain ito bawat Biyernes kasama ng ensalada,[24][25][26] at may sariling baryante ang bawat barko.[27]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 『カレーライス』に関するアンケート (sa wikang Hapones). ネットリサーチ ディムスドライブ. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 23, 2021. Nakuha noong 1 Pebrero 2016.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Chicken katsu curry" [Kinaring katsu manok]. Food recipes (sa wikang Ingles). BBC. 2016. Inarkibo mula sa orihinal noong Hulyo 14, 2021. Nakuha noong 20 Enero 2016.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 Itoh, Makiko (26 Agosto 2011). "Curry — it's more 'Japanese' than you think" [Kari — mas 'Hapones' ito kaysa sa iyong iniisip]. The Japan Times (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Enero 2018. Nakuha noong 31 Marso 2018.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. カレーライスを国民食にした日本のごはん篇 (sa wikang Hapones). Mitsubishi Electric. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Pebrero 2024. Nakuha noong 20 Pebrero 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 ""Ricecurry and Curryrice"" ライスカレーとカレーライス (sa wikang Hapones). House Foods. Nakuha noong 14 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Bell, Markus (8 Abril 2016). "From India To North Korea, Via Japan: Curry's Global Journey" [Mula Indiya Pa-Hilagang Korea, Via Hapon: Pandaigdigang Biyahe ng Kari]. The Salt (sa wikang Ingles). National Public Radio. Nakuha noong 15 Nobyembre 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "FAQ" よくある質問と回答 (sa wikang Hapones). Universität Hokkaidō. Inarkibo mula sa orihinal noong 24 Septiyembre 2015. Nakuha noong 14 Pebrero 2015. {{cite web}}: Check date values in: |archive-date= (tulong)
  8. "Sapporo Hitsujigaoka Observation Hill". さっぽろ羊ヶ丘展望台オフィシャルサイト (sa wikang Hapones). Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Pebrero 2015. Nakuha noong 14 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. Tadashi Ono; Harris Salat (2013). Japanese Soul Cooking: Ramen, Tonkatsu, Tempura, and More from the Streets and Kitchens of Tokyo and Beyond [Hapones na Soul Cooking: Ramen, Tonkatsu, Tempura, and Higit pa mula sa Mga Kalsada at Kusina ng Tokyo at Higit pa] (sa wikang Ingles). Ten Speed Press. p. 44. ISBN 978-1-60774-352-1.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. 10.0 10.1 10.2 10.3 10.4 日本のカレー カレーが国民食になるまでの歩み (sa wikang Hapones). House Foods. Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Oktubre 2023. Nakuha noong 20 Pebrero 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Keiko kosuge (2017). Nipoon yōshoku monogatari taizen (にっぽん洋食物語大全), pp. 168–169. Chikuma Shobō. ISBN 978-4480434654
  12. Kazuhiro Ono (2007). Karē hōrōki (カレー放浪記), p.258. Soshinsya. ISBN 978-4480434654
  13. 102年の歴史を持つカツカレー丼 (sa wikang Hapones). Predident Inc. 27 Enero 2020. Inarkibo mula sa orihinal noong 1 Oktubre 2023. Nakuha noong 20 Pebrero 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Tagami, Yoko. "Savor Ginza Swiss' Original Katsu Curry - Since 1947". Matcha (2017–10–03). Inarkibo mula sa orihinal noong 2019-06-18. Nakuha noong 2018-09-08.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. 日本のカレー カレーが国民食になるまでの歩み (sa wikang Hapones). Tōkai Television Broadcasting. 18 Setyembre 2022. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Setyembre 2022. Nakuha noong 20 Pebrero 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. ベル食品工業株式会社 (sa wikang Hapones). Bell Shokuhin Co,.Ltd. Inarkibo mula sa orihinal noong 5 Disyembre 2023. Nakuha noong 20 Pebrero 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. "Japan's Bon Curry certified as world's longest-selling retort pouch curry brand" [Bon Curry ng Hapon, sinertipika bilang pinakatagal na binebentang tatak ng kari sa bulsang retorta]. Mainichi Daily News (sa wikang Ingles). Mainichi Shimbun. 12 Enero 2023. Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Pebrero 2023. Nakuha noong 20 Pebrero 2024.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. 18.0 18.1 House Foods (2019). Sekai no Karē Zukan [Ang Aklat ng Mundo ng Mga Larawan ng Kari], pa.111. Mynavi. ISBN 978-4839970130
  19. 生産量 (sa wikang Hapones). All Japan Curry Manufacturers Association. 2013. Nakuha noong 14 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. 20.0 20.1 Makalintal, Bettina (2 Nobyembre 2018). "A Brief History of How Curry Ended Up in Japan" [Isang Maikling Kasaysayan Kung Paano Nagkaroon ng Kari sa Hapon]. Munchies (sa wikang Ingles). Vice. Nakuha noong 15 Nobyembre 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. Curry Recipe Naka-arkibo 2019-01-27 sa Wayback Machine. Japan Maritime Self-Defense Force [Tanggulang Hukbong Pandagat ng Hapon] (sa Hapones)
  22. "Japan Ministry of Defense/Self-Defense Forces". Twitter. Japan Ministry of Defense. 25 Agosto 2021. Inarkibo mula sa orihinal noong 25 Agosto 2021. Nakuha noong 19 Oktubre 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. 23.0 23.1 Naoshi Takamori (2018). Kaigun karē no densetsu (Ang Alamat ng Kaigun Karē), mga pa. 3, 31–42. Ushioshobokojinshinsha Co., Ltd.. ISBN 978-4-7698-1660-7
  24. "Akebonos' Yokosuka Marine-Trockencurry' (tiefgefroren)")" あけぼの「よこすか海軍ドライカレー」(冷凍食品) (sa wikang Hapones). Maruha Ichiro. Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Pebrero 2015. Nakuha noong 14 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  25. "Die wenig bekannte Geschichte der Geburt von Curryreis" カレーライス誕生秘話 (sa wikang Hapones). Stadt Yokosuka. 21 Disyembre 2012. Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Pebrero 2014. Nakuha noong 14 Pebrero 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  26. "Curry-Rezepte der Marineselbstverteidigungsstreitkräfte" ★海上自衛隊のカレーレシピ★ (sa wikang Hapones). Ministry of Defense. Nakuha noong 14 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  27. "Curry-Rezepte der Marineselbstverteidigungsstreitkräfte" ★海上自衛隊のカレーレシピ★ (sa wikang Hapones). Ministry of Defense. Nakuha noong 14 Pebrero 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)