Pumunta sa nilalaman

Kim Jong-il

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Dakilang Mariskal ng Republika
Walang Hanggang Pinuno ng Juche Korea

Kim Jong-il
김정일
Si Kim nang siya'y nagpulong kay pangulong Dmitry Medvedev sa Ulan-Ude, Buryatiya, Rusya noong 24 Agosto 2011.

Ika-2 Pangkalahatang Kalihim ng Partido Manggagawa ng Korea
Nasa puwesto
8 Oktubre 1997 – 17 Disyembre 2011
Nakaraang sinundanKim Il-sung (sa Komite Sentral)
Sinundan niKim Jong-un (bilang Unang Kalihim)

Ika-2 Tagapangulo ng Komisyon ng Tanggulang Pambansa
Nasa puwesto
9 Abril 1993 – 17 Disyembre 2011
Unang Pangalawang TagapanguloO Jin-u
Jo Myong-rok
Pangalawang TagapanguloChoe Kwang
Kim Il-chol
Ri Yong-mu
Yon Hyong-muk
Kim Yong-chun
O Kuk-ryol
Jang Song-thaek
Nakaraang sinundanKim Il-sung
Sinundan niKim Jong-un (bilang Unang Tagapangulo)
Personal na detalye
Isinilang
Yuri Irsenovich Kim
Юрий Ирсенович Ким

16 Pebrero 1941(1941-02-16)
Siberya, Unyong Sobyetiko
Yumao17 Nobyembre 2011(2011-11-17) (edad 70)
Pyongyang, Hilagang Korea
HimlayanPalasyong Araw ng Kumsusan
Partidong pampolitika Partido Manggagawa ng Korea
Asawa
  • Hong Il-chon (1966-1969)
  • Kim Young-sook (1974-2011)
Domestikong kapareha
  • Song Hye-rim (1968–2002)
  • Ko Yong-hui (1977–2004)
  • Kim Ok (2004–2011)
AnakKim Hye-kyung
Kim Jong-nam
Kim Sol-song
Kim Jong-chul
Kim Jong-un
Kim Yo-jong
MagulangKim Il-sung (ama)
Kim Jong-suk (ina)
Alma materPamantasang Kim Il-sung
Pirma
Serbisyo sa militar
KatapatanHilagang Korea Hilagang Korea
Sangay/Serbisyo Hukbong Bayan ng Korea
Taon sa lingkod1991–2011
Ranggo
Taewŏnsu (대원수)
Dakilang Mariskal
AtasanKataas-taasang Komandante
Pagkakasapi sa Institusyong Sentral
  • 1991-1992: Komandante (titulo); Hukbong Bayan ng Korea
  • 1997-2011: Tagapangulo; Komisyong Militar Sentral ng Partido Manggagawa ng Korea
  • 1990-1993: Unang Pangalawang Tagapangulo; Komisyon ng Tanggulang Pambansa
  • 1982–2011: Diputado; Ika-7-12 Kataas-taasang Asembleyang Bayan
  • 1980–2011: Kasapi; Presidyo ng Kawanihang Pampolitika ng Ika-6 na Komite Sentral ng Partido Manggagawa ng Korea
  • 1980-1997: Kasapi; Komisyong Militar Sentral ng Partido Manggagawa ng Korea
  • 1974–2011: Kasapi; Kawanihang Pampolitika ng Ika-5-6 na Komite Sentral ng Partido Manggagawa ng Korea
  • 1972-2011: Kasapi; Ika-5-6 na Komite Sentral ng Partido Manggagawa ng Korea
  • 1972–1997: Kalihiman ng Partido Manggagawa ng Korea

Hilagang Korea Ika-2 Kataas-taasang Pinuno ng Demokratikong Republikang Bayan ng Korea
(Hulyo 8, 1994Disyembre 17, 2011)

Si Kim Jong-il (Pebrero 16, 1941Disyembre 17, 2011), ipinanganak na Yuri Irsenovich Kim, ay isang Koreanong politiko na naging ikalawang kataas-taasang pinuno ng Hilagang Korea. Namahala siya sa bansa mula nang pumanaw ang kanyang ama na si Kim Il-sung noong 1994 hanggang sa kanyang sariling pagkamatay noong 2011, kung kailan hinalinhan siya ng kanyang bunsong lalaking anak na si Kim Jong-un. Naglingkod siya bilang Pangkalahatang Kalihim ng Partido Manggagawa ng Korea at Tagapangulo ng Komisyon ng Tanggulang Pambansa.

Inihanda si Kim bilang eredero ng kanyang ama noong dekada 1980 sa pamamagitan ng pagtatalaga sa kanya sa mga mahahalagang posisyon sa hukbo at partido. Tuluyan niyang pinalitan ang kanyang tatay kasunod ng pagkasawi nito noong 1994 dahil sa atake sa puso. Nagmana siya ng kapangyarihan sa panahon ng pagbuwag ng Unyong Sobyetiko, kung saan lubos umasa ang bansa para sa pangangalakal ng pagkain at iba pang panustos, at dahil dito'y nagdulot ito ng malawakang taggutom. Bagaman natapos ito sa katapusan ng ika-20 dantaon, patuloy na naging suliranin ang kakulangan ng pagkain sa panahon ng kanyang panunungkulan. Pinalakas niya ang tungkulin ng militar sa pamamagitan ng kanyang patakaran na Songun, na ginawa itong sentral na tagapag-ayos ng lipunang sibil. Lubos niyang pinalawak ang kulto ng personalidad ng kanyang pamilya.

Tulad ng kanyang ama, itinuturing si Kim na isang totalitaryong diktador. Kolokyal siyang tinatawag na "Mahal na Pinuno" at isinadambana siya sa konstitusyon mula 2012 hanggang 2016 bilang "Walang Hanggang Tagapangulo ng Komisyon ng Tanggulang Pambansa" at "Walang Hanggang Pangkalahatang Kalihim ng Partido Manggagawa ng Korea". Sinasalaysay sa pang-estadong propaganda na isinilang siya sa isang lihim na kampong militar sa Bundok Paektu, isang tradisyonal na sagradong bundok sa Koreanong mitolohiya, at ipinagdidiriwang ang kanyang kaarawan sa Pebrero 16 na pormal na kinikilala bilang "Araw ng Talang Nagniningning". Noong namamahala pa siya ay inihanda niya ang kanyang bunsong lalaking anak na si Kim Jong-un upang humalili sa kanya, na naganap nang siya'y namatay noong 2011.

Pinagmulan at Maagang Buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kapanganakan at Edukasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sina Kim Il-sung at Kim Jong-suk (una at ikalawa mula sa kanan) noong 1948 kasama si Zhou Baozhong (dulong kaliwa) at ng kanyang pamilya pagkatapos bisitahin ang libingan ng isang nasawing gerilyang anti-Hapones. Makikita si Kim Jong-il (ang pinakamaliit sa litrato) sa unahan. Humigit-kumulang 7 taong gulang siya nang kinuha ito.

Nakasulat sa mga talaang Sobyetiko na ipinanganak si Kim Jong-il na Yuri Irsenovich Kim (Ruso: Юрий Ирсенович Ким) noong 16 Pebrero 1941 sa Siberya, RSPS ng Rusya. Siya ang panganay na anak nina Kim Il-sung, isang komunistang pinuno na noo'y naglilingkod bilang komandante ng Ika-88 Malayang Brigadang Rriple, at Kim Jong-suk, isang kapwa-gerilyang anti-Hapones. Ipinapalagay na isinilang siya alinman sa kampong Vyatskoye na malapit sa Khabarovsk o kampong Voroshilov na malapit sa Nikolsk. Ayon kay analistang Lim Jae-cheon, hindi maaaring ipinanganak si Kim sa Vyatskoye dahil ang mga talaang pangdigmaan ni Kim Il-sung ay nagpapakita na dumating si Il-sung sa Vyatskoye noong Hulyo 1942 lamang at nanirahan sa Voroshilov noon pa man; dahil dito'y karaniwang sinasang-ayunan na isinilang si Kim sa Voroshilov. Gayunpaman, sinasalaysay sa propaganda na nilihi siya sa isang lihim na kampong militar sa Bundok Paektu, Chōsen noong 16 Pebrero 1942. Ayon sa isang kasama ng ina ni Kim na si Lee Min, ang balita tungkol sa kanyang kapanganakan ay unang nakarating sa istasyon ng hukbo sa Vyatskoye sa radyo, at parehong si Kim at ng kanyang ina ay hindi bumalik doon hanggang sa sumunod na taon. Sa loob ng kanyang pamilya ay binansagan siyang "Yura", habang ang kanyang nakababatang kapatid na si Kim Man-il (ipinanganak na Aleksandr Irsenovich Kim) ay binansagang "Shura".[1]:9-10

Angat sa Kapangyarihan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sumali si Kim Jong-il sa Partido Manggagawa ng Korea noong Hulyo 1961. Umangat siya sa ranggo sa mga sumunod na taon at nakinabang sa Insidente ng Paksyong Kapsan noong Marso 1967, ang huling mahalagang hamon sa pamumuno ni Kim Il-sung. Minarkahan nito ang unang pagkakataon kung saan si Jong-il, sa edad na 26, ay binigyan ng opisyal na tungkulin ng kanyang ama. Nakibahagi si Kim sa imbestigasyon at pagpupurga pagkatapos ng pangyayari. Bilang karagdagan, nagbigay siya ng talumpati sa plenaryo, ang kanyang unang beses na isang pigura ng awtoridad. Binanggit din ang kanyang pangalan sa mga pampublikong dokumento, na nagpapahiwatig na maaaring binalak na noong una pa ni Il-sung na halinhan siya ng kanyang anak bilang pinuno. Makaligad ang anim na buwan sa isang di-pinaghandaang pampartidong pulong ay nanawagan si Kim Il-sung para sa katapatan ng industriyang pelikula na nagtaksil sa kanya sa pamamagitan ng Isang Akto ng Sinseridad. Ginawa ni Kim To-man pagkatapos ng pagkamatay ni Choe Chae-ryon, ang asawa ng pinuno ng Paksyong Kapsan na si Pak Kum-chol, isa itong dula sa entablado na positibong nilalarawan si Choe at binigyang diin ang kanyang debosyon sa kanyang asawa. Hindi ito inaprubahan ni Kim Il-sung at nagreklamong nagpakita ito ng maling katapatan. Mismong si Kim Jong-il ang nagsabing handa siya sa tungkulin, at sa gayo'y sinimulan ang kanyang maimpluwensyang karera sa sinehan sa Hilagang Korea, kung saan pinagsikapan niyang higit pang paigtingin ang kulto ng personalidad ng kanyang ama at isama ang kanyang sarili rito.[1]:38-47

Hinirang si Kim Jong-il sa partido manggagawa noong 1973. Ngunit noong maagang dekada 1970, ang kanyang tiyuhing si Kim Yong-ju ang pinaniwalaang magiging kahalili ni Kim Il-sung. Humawak si Yong-ju ng mga nangungunang posisyon sa Komite Sentral ng Bayan at Presidyo ng Kataas-taasang Asembleyang Bayan. Gayunpaman, lumalawak ang kapangyarihan ni Jong-il sa parehong oras, at sa kalauna'y nagdulot ito ng labanan sa kapangyarihan. Noong panahong iyon ay lubos na nakatuon ang partido sa ideolohiyang Juche ni Il-sung; habang aktibong nanindigan si Jong-il para sa konseptong ito, si Yong-ju na nag-aral sa Unyong Sobyetiko ay sumuporta sa mas klasikal na pananaw sa Marxismo, at hindi gaanong nagustuhan ang lumalaganap na kulto ng personalidad na binuo ng kanyang kapatid. Naging kalamangan ito para kay Jong-il: higit na minarhinalisa si Yong-ju; ang kanyang mga pangunahing kaalyado na sina Kim To-man, direktor ng propaganda, at Pak Yong-guk, direktor ng pag-uugnayang internasyonal, ay pinurga; at inatake siya mismo ni Il-sun. Pagkatapos ng plenaryo ng Komite Sentral noong Pebrero 1974 ay binaba si Yong-ju sa Pangalawang Premiyer.


Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Lim Jae-cheon (2009), Kim Jong-Il's Leadership of North Korea, Londres: Routledge, ISBN 978-0-203-88472-0{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)