Mga barangay ng Obando, Bulacan

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Mga Barangay ng Obando, Bulacan)
Jump to navigation Jump to search
Mapa ng Bulacan na nagpapakita sa lokasyon ng Obando.
Pangunahing lathalain: Obando, Bulacan

Ang mga Barangay ng Obando, Bulacan ay ang labing-isang mga barangay na bumubuo sa Bayan ng Obando sa Lalawigan ng Bulacan. Dating mga nayon ang tawag sa mga ito bago pa naging mga barangay. Pinamumunuan ang bawat barangay ng isang kapitan ng barangay (tinatawag ding punong barangay, kapitan ng baryo, o kapitan del baryo), ng pitong kagawad, at isang tserman o tagapangasiwa (tagapamahala ng lupon) ng Sangguniang Kabataan. Kabilang sa mga barangay ng Obando ang Panghulo, Catanghalan (o Katangalan), Pag-asa, Paliwas, San Pascual (o Quibadia), Hulo, Lawa, Paco, Tawiran, Binuangan, at Salambao. May sari-sariling pinagmulan ang bawat pangalan ng mga barangay ng Obando. Mayroon din silang kani-kaniyang mga kapilya (naging ganap na katayuang simbahan o parokya na ang sa ilang ibang barangay).[1]

Mga kasaysayan[baguhin | baguhin ang batayan]

Barangay ng Panghulo[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong unang panahon, dating isang napakililim at may mga matataas na mga puno ng kawayan ang Panghulo, ngunit naging malinis na pook sa pagsapit ng mga taong nagmula sa baybayin ng mga dagat, mga mamamayang naakit dahil sa pagiging malamig, malilim, at tahimik ng lugar. Kung magmumula sa Hilaga, ito ang pinakahuling barangay, subalit kung magbubuhat sa Timog ito ang siyang pinakaunang nayon. Sa huling paliwanag, nagmula rito ang pangalan ng barangay, na unang matutunghayang barangay kung manggagaling sa Katimugan o magmula sa Monumento, Caloocan ng Kalakhang Maynila. Ito ang pang-ulo o pang-hulong nayon ng Bayan ng Obando. Sa kasalukuyan, tinatagurian din itong Baryo Flamengco, batay sa isang bayani nito noong kapanahunan ng mga Kastila na si Braulio Flamengco.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

Itinayo ang kapilya ng Barangay Panghulo noong 1876 sa ibaba ng isang loteng abuloy ng mag-asawang Faustino Bautista at Felipa Jacinto. Muling inayos ito noong 1945 pagkaraang magambala ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dating walang regular na misang nagaganap dito, maliban na lamang tuwing panahon ng tinatawag na Santa Misyon sa buwan ng Oktubre; subalit nakaugalian nang magdaos sa kasalukuyan ng Banal na Misa tuwing Miyerkules at Sabado. Dahil sa suliranin ng pagbaha, giniba ang dating kapilyang yari sa adobe at yero, at napalitan ng isang mas mataas na bisitang mayroong mesanin o enresuwelo, na nagsilbing palapag na pinamamalagian ng mga umaawit na kasapi ng koro. Nakumpleto ang bagong kapilya noong 30 Disyembre 2001.[1]

Barangay ng Catanghalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang Catanghalan ang pinakamatandang barangay sa Obando, Bulacan. Naging lundayan o sentro ito ng politika at pananampalataya noong kapanahunan ng mga Kastila. Unang nakilala ang barangay na ito bilang Katangalan, isang salitang buhat sa puno ng Tangal na dumarami at yumayabong sa latian, na napagkukunan din ng katas na nagsisilbing dampol para mga lambat at salawal na kutod ng mangingisda. Nagmula naman ang pangkasalukuyang pangalang Catanghalan (o Katanghalan) mula sa salitang Tanghalan. Nagkaroon ng isang tanghalan sa gitna ng barangay na nagsilbing entablado para sa pagpapalabas ng mga Moro-Moro at Senakulo noong kapanahunan pa ng mga Kastila.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Simbahan ng Obando

Ang kapilya ng Barangay Catanghalan ang pinakamakasaysayan sa pinagsasambahang mga gusali sa Obando, Bulacan, sapagkat ito ang nagsilbing pansamantalang simbahan nang itatag ang Parokya ng Obando noong 29 Abril 1754. Sa kapilyang ito, na alay kay Santa Clara, ginanap ang unang Santa Misa sa bayang Obando noong 31 Mayo 1754. Itinayo ito sa isang lupang ari ni Don Simeon Claridades. Batay sa kasaysayan, naging taguan din ito ng mga mamamayan mula sa mga kawal na Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular na ang sa may likuran ng Krus ni Hesus.[1]

Barangay ng Pag-asa[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Simbahan ng Obando

Bilang isang lundayan ng pananampalataya, politika, edukasyon, at kalakalan, nasa Barangay Pag-asa ang pangkasalukuyang Simbahan ng Obando,at ang munisipyo. Nasa kabayanan ito ng Obando, Bulacan. Nagmula ang pangalan nito sa isang nakatatawang pagbanggit sa katawagan ng isang prayleng si Reb. Pr. Padre de Olivencia na hindi masyadong marunong managalog. Naparating sa mga pinag-uukulang mga mamamayan ang pabatid niyang balita na magkakaroon ng maagang misa para basbasan ang bagong tayong simbahan noong kanyang kapanahunan, ngunit ginaya ng tagapagbalita ang mismo ring pagaril niyang pagsasabi ng maaga [ang misa], na naging pag-aga hanggang sa maging Pagaga, ang naging unang pangalan ng barangay. Ginawang Pag-asa ng isang samahang kilala bilang Plaridel ang pangalan ng barangay sa kalaunan. Matatagpuan sa barangay na ito ang bakas ng mga bahay ng mga Kastilang yari sa batong may asotea at beranda.[1]

Mga kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

Sa kasalukuyan, dalawa ang mga kapilya ng Barangay Pag-asa, isang nasa lupa at isang nasa ilog. Dating yari sa kawayan at yero ang unang kapilya na unang itinayo sa likuran ng Liwasan ng Bayan ng Obando. Inilipat ang kapilya, at naging yari na sa bato at yero, sa isang lote na ipinagkaloob ng isang Obandenyong nagngangalang Tandang Sepa. Isinaayos muli ang kapilyang ito noong 1996 sa tulong ng pangkasalukuyang alkaldeng si Orencio Gabriel. Ang alkalde ring ito ang nagpatayo noong Pebrero 1999 ng isa pa at pangalawang kapilya ng barangay na nasa ilog.[1]

Barangay ng Paliwas[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Kanugnog ng kabayanan ang Barangay Paliwas, na sumasakop sa pook na kilala bilang bantay bituin, isang lugar na dating walang nais manirahan dahil sa kasabihang wala raw kahit na isa man lamang na tagapagbantay ng bituin. May mga natatakot sa kasabihang ito kaya't umiiwas sa pagtira sa pook na ito. Dito nanggaling ang pangalang Paliwas ng barangay, mula sa mga pala-iwas na mga mamamayan noong unang kapanahunan.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

Dating isang kubo lamang ang nagsisilbing kapilya ng Barangay Paliwas, isang tuklong na dati ring umpukan o tipunan ng mga mamamayan. Pagkaraang masunog ang nasabing kubo, isang pangyayaring hindi ikinatupok ng isang imahen ng Mahal na Birheng dating maitim, napulot, at nilinis ng isang Obandenyong nagngangalang Matandang Duwe, sinimulan ng mga mamamayan at mga nanunungkulan na ipaayos at patatagin ang kayarian ng kapilya. Nadagdagan ang mga imaheng nakalagak sa loob nito, na kinabibilangan ngayon ng Krus ni Hesus, ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, at ng Birheng Milagrosa.[1]

Barangay ng San Pascual[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing mga lathalain: Sayaw sa Obando at San Pascual

Bago naging San Pascual ang pangalan ng barangay na ito, una muna itong tinawag na Quibadia, na hinango sa naninirahan ditong tagapagbalita o tagabadya (na nangangahulugang town crier sa Ingles) na sugo ng Kapitan. Mas tiyakang nagmula ang pangalan ng barangay sa pariralang kay tagabadya o ang pook na pinaninirahan ng tagapagbadya, na naging pinaiksi pang kaybadya at naging mala-Kastilang pagbabaybay na Quibadia. Naging San Pascual ang tawag dito sa kasalukuyan dahil sa isang pagtatakda o resolusyong ginawa noong 22 Abril 1962 na nagpaparangal sa isang patron ng Obandong si San Pascual Baylon.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

May isang kapilya ang Barangay San Pascual na unang itinayo sa ibabaw ng isang inabuloy na lupa na may sukat na 310 metro kuwadrado. Pinapanatili ang kaayusan nito at ang pagdaraos ng mga kapistahan ng Santa Cruz sa pampang at Mahimalang Krus sa kailugan sa ilalim ng pangangasiwa ng grupong tinatawag na Sub-Parish Pastoral Council.[1]

Barangay ng Hulo[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Dating kabahagi lamang ng Barangay ng San Pascual (dating nayon ng Quibadia) ang Barangay ng Hulo. Noong una isa rin lamang itong sityo sumusukat ng may 200 mga metro, liblib, sukol, at walang lagusang palabas na pook, na may kadikit na ilog at duluhan ng palaisdaan. Sa lumaon, tinawag itong Hulong Quibadia, na tuluyang naging Barangay Hulo nang tuluyang maging isang ganap na barangay.[1]

Mga kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

Dalawa ang mga kapilya ng Barangay Hulo, isang nasa pampang at isa pang nasa kailugan. Itinayo ang nasa lupa noong mga 1950 sa ibabaw ng isang abuloy na lote ng lupa ng isang Obandenyong kilala bilang Matandang Flora. Noong mga 1980, nadugtungan pa ang lupang kinapapatungan nito dahil sa dating monsenyor ng Obando, Bulacan na si Rome Fernandez. Ang naidugtong na lupa ang siya ngayong kinatatayuan ng dambana o altar ng bisita. Samantala, itinayo naman ang bisitang nasa ilog noong 1965 at nakilala bilang Kapilya ng Krus sa Ilog. Naitayo ito sa isang parte ng palaisdaang tinaguriang "Mahal na Birhen" at pag-aari ng isang konsehal at kanyang asawa, na sina Jose at Iluminada Roxas. Naisagawa ito sa pangunguna ng isang Obandenyong manananggol na si Moises S. Roxas.[1]

Barangay ng Lawa[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Nagbuhat ang pangalan ng Barangay Lawa sa dating anyo ng pook na ito. Dati itong magkakakawing na mga malalaki at mapuputik na mga lubak, at mga mahahaba at matutubig na mga lawa. Isa lamang pinaikling katawagan ang Barangay Lawa para sa mahaba nitong pangalang Barangay ng Mahabang Lawa.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

Naitayo ang kapilya ng Barangay Lawa noong unang linggo ng Hunyo 1931.[1]

Barangay ng Paco[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Nagbuhat ang pangalan ng Barangay Paco mula sa isang halamang tinatawag na paco (kilala rin bilang helechos na nasa saring Polypodium, klaseng Felicineae, ordeng Pteropsida, at laping Tracheophyta). Maraming ganitong mga halaman sa pook na ito noong kapanahunan ng mga Kastila at ginagawang mga ensalada. Sa pagtatanong ng mga Kastila na gamit ang kanilang wika, sinagot sila ng mga nangunguha ng halaman sa pamamagitan ng katagang Paco... Paco ito?, na ang talagang tinutukoy ay ang halaman sa halip na ang pook. Ito ang ikinalat ng mga Kastila sa kanilang mga kasamahan na pangalan ng dating nayon.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

  • Darating

Barangay ng Tawiran[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Tinawag na Barangay Tawiran ang pook dahil sa nagsilbi itong "tawiran" ng mga mamamayan noong panahon ng mga Kastila habang nakasakay sa mga bangkang minamaneho ng bangkerong binabayaran upang marating ang isang karatig na bayan. Ito ang pinakadulo ng Bayan ng Obando sa hilaga na umaabot sa isang kailugan. Nakapalibot sa barangay na ito ang Barangay Paco sa katimugan, ang Ilog Tamungo sa kanluran, ang Ilog Lungos sa silangan, at ang isang ilog na hindi pa napapangalanan sa hilaga.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

May umiiral nang isang maliit na kapilya sa Barangay Tawiran noong mga 1966 ngunit binuwag ito noong Hunyo 1975 dahil nasasakop ang isang bahagi nito ng isang tulay ng nayon. Napalitan ito ng isang bagong kapilya.[1]

Barangay ng Binuangan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Sayaw sa Obando

Nagmula ang pangalan ng Barangay Binuangan mula sa isang katagang sinambit ng isang taga-Aklang mandaragat na nanirahan sa pook na ito bilang isang hermitanyo. Noong ika-16 daantaon, alinsunod sa kautusan ng hari ng Espanya, kinailangang pangalanan ang lahat ng mga pulo sa Pilipinas. Ang hermitanyong galing sa Aklan ang napagtanungan ng isang matandang lalaking naatasang kumuha ng pagbabatayang pangalan para sa pook. "Binu-angan - Binu-angan" ang naging tugon ng hermitanyo na ginagamit ang kanyang katutubong wika, na nangangahulugang "Buwang ako - Buwang ako" o "Baliw ako - Baliw ako".[1]

Kaugnay ng kasaysayan ng Bayan ng Obando, dito sa mga hangganan ng mga ilog ng Binuangan at ng Malabon nakuha ang wangis ng Ating Ina ng Salambaw (ang Nuestra Señora de Salambao) noong ika 19 ng Hunyo 1763.[1]

Binuangan United Methodist Church[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Simbahan ng Obando

BINUANGAN UNITED METHODIST CHURCH

  Binuangan, Obando, Bulacan

Totoong ang Panginoong Diyos ay hindi nagbabago, kahit na naranasan natin ang ibat- ibang pagsubok bagkus ito ay patuloy na lumalago magpasa hanggang ngayon at habang lumilipas ang panahon lalo tayong namamangha sa di mabilang na biyaya ng Diyos na kumikilos sa ating personal na buhay at sa buhay ng ating Inang Iglesya.

Sa ating pagbubunyi ay huwag nating kalimutang ikintal sa ating mga puso na ang layunin ng pananatili ng Iglesya Metodista sa mundo ay ipahayag ang Mabuting Balita ng kaligtasan para sa lahat. Ito ang hayag na kalooban ng Diyos na nawa ay matupad ng buong kapatiran para sa kapurihan ng Panginoon at kapayapaan naman ng lipunan.

Ang pagbabago at pagyabong ng isang makasaysayang Iglesia sa Pilipinas ang nagbigay sa bawat isa upang makilala natin ng lubusan ang ating nag-iisang Diyos na buhay at ang ating sariling tagapagligtas.

ANG MAKULAY NA KASAYSAYAN

Pagsapit sa dalampasigan ng 'bagong tuklas na lupain' na tinawag na "FILIPINAS" kasama sa pag-ahon ng pinuno at mga kawal ng alagad ng Simbahan. Dala ang Krus, ang pananampalatayang KATOLIKO ROMANO, na sa loob ng may 400 taon ay naging relihiyon ng mga Pilipino. Lubos ang kapangyarihan ng simbahan ng mga prayle. Sila lamang ang nakapagpapatawad ng kasalanan at makababasa ng itim na aklat o Biblia. Sunud-sunuran lamang ang lahat sa mga kautusan ng SIMBAHAN. Marami ang taong nauhaw sa tunay na relihiyon na dapat sundin at ang tunay na DIYOS na dapat ay Sambahin.

Matapos magapi ang mga barkong pandigma ng España sa labanan sa Look ng Maynila at mabili ng bansang AMERICA ang Filipinas sa tinatawag na "Treaty of Paris" ay isinugo ng pamahalaang Amerikano, kasama ng kanyang mga kawal, ang mga naunang misyonero upang pangalagaan ang pangangailangan sa pagsamba ng mga kawal. At alam nyo ba na ang pangulo ng Amerika ng mga panahong iyon ay isang Metodista siya ay si President McKinley. Kaya't ang isa sa pinakamatandang simbahan ng mga protestante ay naipatayo at ito ang kilalang Central UMC at Knox UMC. Patuloy na lumaganap sa ating bansa ang Pananampalatayang Metodista.

Paano nga ba naitatag ang isang Iglesya sa isang isla na tulad ng Binuangan?

Isipin mo yun dati walang kuryente, wala pang motor at nakarating dito ang mga taong lingkod ng Panginoong Diyos para ikalat ang mabuting balita.

Ang Ebanghelyo ng ating Panginoong Hesu-Kristo ay dinala sa atin ng mga Amerikanong Misyonero. Subali't ang pagpapaunlad at pagpapalago nito ay ginampanan ng mga Pilipinong unang nahikayat sa patnubay ng Banal na Espiritu.

Pinagkalooban ng Diyos ng Kapngyarihan ang bawa't isang sumasampataya upang ang mga ito ay makapangaral at makapagpatotoo. Ang mga Salita ng Diyos ay mabilis na lumaganap sapagka't ang bawa't isa ay nagbahagi ng kanyang karanasan ng pagkakaligtas. Ang katayuan sa buhay ay hindi naging hadlang upang ang isdang tinawag ay maging mabisang kasangkapan sa pagdadala ng Mabuting Balita, maging siya man ay isang mangingisda.

ANG UNANG BINHI

Isang misyonero sa katauhan ni Dr. Marvin Rader kasama si Pastor Catalino Santos ang nagdala ng mensahe ng Diyos at pananampalatayang Metodista sa Binuangan. At sa pagkakataong iyon, tumugon rin sa tawag ng Panginoon si Kapatid na Jeremias Santiago. Nadama ng mga kapatid na ito ang init ng pananampalataya kaya't dahil sa kagalakang naramdaman at sa katotohanang natuklasan ay ipinangaral nila sa nayon ang Mabuting Balita, kung saan nahikaya't ang dalawang haligi ng Romano Katoliko na sina Tiburcio "Busyo" delos Reyes at Arcadio "Kadyo" Mendoza.

Sa pamamagitan nila ay nakapagdaos ng isang malawakang ebanghelisasyon kung saan tumugon ang ilang mga kapatid na sina: Geronimo De Armas, Melencio De Armas, Andres delos Reyes, Felomina delos Reyes, Francisca delos Reyes, Marciano Merciadez, Lazaro Valeriano, Cecilio Valeriano, Urbao delos Santos, Julian Juat at Maria Ramos. Dahil sa alab ng pananampalataya ng mga kapatid na ito ay lalong dumami ang mga nahikaya't hanggang ang KANYANG Iglesia ay maitatag noong 1905. Ito ang NAGKAKAISANG IGLESIA METODISTA dito sa Binuangan, Obando, Bulacan.

ANG UNANG BAHAY-DALANGINAN

Bagama't nagkaroon ng pag-uusig sa pananampalatayang protestante, hindi ito naging hadlang upang lalong makasumpong ng liwanag ang mga tao. Dumamai ng nahikaya't kaya't kinailangang magtayo ng isang bahay-dalanginan. Kahi't may kahirapan ang buhay, sa bigkis ng pagkakaisa at pagtutulungan ay nakapagpatayo ng isang maliit na kapilya na yari sa pawid at kawayan noong 1906.

ANG PAGSUBOK AT PAG-ASA

1907-1915, nagpatuloy ang Kanyang Iglesia sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Bagama't nararanasan nila ang iba't-ibang pagsubok. Ang batuhin sa gitna ng pananambahan o dili kaya'y dulutan sila ng malakas na ingay. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa pagpapatuloy ng kanilang napagsimulan. Sa kabila ng lahat, lalong nag-alab ang kanilang pananampalataya kaya't naging inspirasyon at hamon ito upang an gating Iglesias a Quebadia ay matatag noong taong 1916.

1941 Sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nanirahan ang mga Hapones sa Binuangan ng ilang panahon at bago sila tuluyang umalis, sinunog nila ang buong baryo kasama na ang bahay-sambahan.

Matapos ang ikalawang digmaan, taglay pa rin ang pag-asa at pananampalataya at sa pangunguna ni Pastor Julian Santiago, muling bumangon ang Kanyang Iglesia. Isang malaking tolda ang naging pansamantalang bahay-sambahan, kasunod ang pagpupunyaging maisaayos ito.

Ika-6 ng Pebrero 1966, Sa pangunguna ni Pastor Danilo Sanchez, kasama ang dalawang pangunahing layko ng Iglesia na sina Kapatid na Isaac delos  Santos at Apolonio Ramos Sr., ay nagpatibay sa Lupong Tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala ni kapatid na Purification Bartolome at sa tulong ni G. at Gng. John Ashley ay nagpatayo ng isang panibagong sambahan na ginugulan ng dalawampu't limang libong piso (Php25,000.00)

ANG BRIGHT STARS PROJECT 726

Nobyembre 1975, Sa pangunguna ni Pastor Purification Bartolome at Pastor Eliezer Nicolas, naisakatuparan ang isang kakaiba at panibagong ministeryo ng Iglesias a pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng World Vision Philippines, ito ay ang Bright Stars Project 726, isang proyekto kung saan ito ay naglalayon na matulungan ang mga batang nangangailangan sa pamamagitan ng "sponsorship" at higit sa lahat ay ang mailapit ang bawat sambahayan sa ating Tagapagligtas. Isang ministeryo pa rin ang naisakatuparan dahil sa proyektong ito, ito ay ang unang "Kindergarten School" ng Iglesia bagama't hindi ito nagtagal.

Taong 1989, nagsara ang World Vision Philippines at ang pamamahala ay nailipat sa World Vision International-Asia Regional Office at Nagkakaisang Iglesia Meodista bilang kaagapay sa ilalim ng isang "Stewardship Agreement" ay nagpatuloy ang BSP 726.

Isang krisis ang dumating, kailangang magbawas ng "sponsored-children", kaya't upang mailagay sa maayos na kalagayan ay minabuti na magkaroon ng "total absorption" ang BSP-726 ng Community Helper ng Iglesias a Quebadia. Ang pormal na Turn-Over Ceremony ay naisagawa noong ika-21 ng Abril, 1991.

ILANG MAHAHALAGANG BAGAY NA NAPAGTAGUMPAYAN NG IGLESIA

Taong 1985 ng pormalna naging pag-aari ng Iglesya ang lupang kinatatayuan ng bahay-sambahan sa pamamagitan ng bukas na pagkakaloob ng mga kapatid na Angel Juat at Kapatid na Rufina De Armas. Sa pangunguna pa rin ni Reb. Benjamin Mendillo, ang kapirasong at lupa sa harap ng kapilya ay naipagkaloob ng isang mabuting tao at napaderan ito ng taong 1986.

Taong 1986 ng muling binuksan ang munting paaralan na may pangalang Binuangan Day Care Center sa ilalim pa rin ng pamamahala ng World Vision Bright Stars Project 726 at patnubay ng isang guro, sa katauhan ni Gng. Luisa Santos Giron kung saan ang layunin ay maturuan ang mga bata sa nursery at Kinder na mga miembro lamang ng Iglesia

Taong 1987-1989 ay nakapagpapatayo ng Multi-purpose Center sa tulong ni Kapatid na Apolonio Ramos Jr at sa patnubay ni Reb. Salvador Gacias.

Ang Pagpapalit ng pangalan ng munting paaralan sa Binuangan Ecumenical Learning Center at maibukas ito hindi lamang sa mga miembro ng Iglesia kundi sa buong baranggay ay naganap noong taong 1990 sa patnugot ni Rev. Willie A. Dimagiba.

Sa mga panahon ding ito, naitatag ang Binuangan Kapisanang Pangkabuhayan, Inc. kung saan ito ay naglalayong matulungan ang miyembro ng Iglesia na himukin ang kanyang sarili sa pagpapaunlad ng kanyang pamumuhay sa pamamagitan ng isang "community-based" business.

Taong 1991  1999 ay nagpatuloy ang kanyang Iglesia sa mga ministeryong ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Bagama't bawat taon ay puno ng pagsubok, hindi ito naging hadlang subali't naging isang hamon sa bawat kaanib upang lalong maisakatuparan ang kalooban ng Diyos sa kanyang Iglesia. Ilan sa mga ito ay patuloy na namamahayag ng Salita ng Diyos sa buong baranggay kung saan nagkaroon ng mga evagelism nights,film showing s at lalong higit ang pag-abot sa mga kapatid sa kalapi-bahaging lugar katulad ng Baluarte at Parian kung saan ay nagkaroon din tayo ng mission church, ang Village UMC, bagama't ito ay hindi rin gaanong nagtagal.

Sa panahon ni Pastor Roberto Parcasio, nakapagpapatayo ng stage sa harap ng Multi-purpose Center sa tulong ng mga magulang ng mga mag-aaral ng ating paaralan ng taong 1997.

ANG ISANG NAPAKALAKING HAMON

1999  Sa taong ito nasubok ang katatagan ng Iglesia, ito ang panahon kung saan nilubog ng tubig baha ang ating bahay-sambahan. Nilamon ng tubig ang apat na sulok nito, nguni't patuloy pa ring nananambahan kahit babad sa tubig ang mga paa, basa ang mga damit at ginawin sa lamig ang buong katawan subli't dahil sa INIT ng pananampalataya at sa biyaya ng Diyos ang bawa't isa ay hindi natinag.Tinalo ng INIT na ito ang lamig na nararamdaman. Ito ang pagpapatunay na anuman ang ating danasin, kung patulo'y tayong magtitiwala sa Diyos ang lahat ay ating magagawa.

Sa pamamagitan ng pag-abot ng ating munting makakayanan at iba't-ibang uri ng pagtulong ng mga kapatid ay nagsimula tayong bumangon. Sa una'y, pagtataas lamang ng ating bahay-sambahan ang inisip Subali't, kinailangang magdesisyon ang Administrative Council at ang Iglesia sa kabuuan upang tahakin natin ang natatanging plano. Bagama't mahirap at masalimuot tumahak ang Iglesya isang NAPAKALAKING HAMON, ito ay ang pagpapatayo ng isang makabagong bahay-sambahan na gugulan ng mahigit 5 milyong piso at naising maipatapos at magamit bago dumating ang pagdiriwang ika-100 Taong Pagkakatatag.

Unti-unti ay inabot ng pamunuan ng Iglesya ang bawat kaanib nito upang mapasimulan ang natatanging hangaring ito. Kinailangan ding kumatok sa mga pintuan ng mga kaanib, maging sa loob at labas ng ating bansa. Maraming tumugon sa tawag na ito ng Panginoon... maraming may magagandang puso na patuloy na tumotulong  upang maabot ang hangaring ito.

Marami pang naging karanasan ang Iglesya na halos igupo ang relasyon ng bawat kaanib subali't sa pagpapanatili natin sa pagmamahal sa bawa't isa at sa iisang pananampalataya ay napapagtagumpayan ng Iglesya ang lahat ng ito.

ANG NAGPAPATULOY NA IGLESIA SA PANAHON NG BAGONG MILENYO

2000 - Isang Bagong Milenyo ang sumapit sa kasaysayan ng daigdig. Ito rin ang panahon ng mga ang panibagong uri ng ministeryo ng ating Iglesia habang patuloy na naghahanda para sa Ika-100 Taong Kaarawan nito.

Sa panahon ni Rev. Ferdie Llenado, isang panibagong misyon ang napasimulan na pinangunahan ng mga Kabataang may Sapat na Gulang, ng mga Kabataan hanggang sa mga bata, ito ay ang pagpapahayag ng Mensahe ng Diyos sa pamamagitan ng Black Theater sa tulong nina kapatid na Rona Alfonso at Lenie Merciadez.

Taong 2004 ng magpasya rin ang council na ayusin ang munting paaralan kaya't ipinasyang ipatala ito sa Securities and Exchange Commission at sa Department of Education. Sa kasalukuyan ang SEC Registration pa lamang ang naaprubahan kabilang ditto ang pagbabago ng pangalan mula sa Binuangan Ecumenical School sa Binuangan Ecumenical School of Tomorrow (BEST) habang nasa proseso pa ang ibang pangangailangan nito.

Hanggang sa ngayon ang Iglesia ay nagpatuloy sa kanyang ministeryo, maaring ang ibang mga ministeryo nito ay nawawala subali't patuloy ang pamunuan nito na pagsasaliksik sa mga iba't-iba pang uri ng ministeryo kung saan ito ay magiging paraan upang patuloy na mailapit ang barangay Binuangan sa paanan n gating Tagapagligtas.

Nagkaroon at magkakaroon pa ng pagpapalitan ng mga mangagawa, mga namumuno at panibagong kasapi ng Iglesia nguni't dapat nating tandaan na Ang Nagkakaisang Iglesia Metodista ng Binuangan ay mananatili sa Kanyang misyon na ginampanan sa loob ng maraming taon at patuloy na gagampanan sa darating pang mga panahon. Ito at ang pagpapahayag ng Mensahe n gating Diyos, ang Kanyang Kabutihan at pagliligtas.

Ang apat na sulok ng Iglesia ay saksi sa tagumpay at kabiguan , sa ligaya at lungkot na naranasan ng bawat kaanib nito... subali't gayunpaman, ang KRUS ay mananatiling nakatunghay sa buhay at karansan ng bawat kaanib upang anumang mangyari ang bawat isa ay magpatuloy sa pananampalataya.

Sa mga ninuno ng aming Iglesia, salamat sa inyong katapatan... at sa susunod na henerasyon, nawa'y patuloy nating panghawakan ang katapatang ito, ang pananampalatayang ito sapagkat ang tunay na pundasyon nito ay si KRISTO!

MGA NAGING ANAK NG IGLESIA NA NAGING MANGGAGAWA SA UBASAN NG ATING DIYOS

MANGAGAWANG LALAKI

Pastor Melencio De Armas

Pastor Julian Santiago

Pastor Apolonio Ramos Jr.

Pastor Crisolito Mendoza

Pastor Edgardo Ibanez

Pastor Ronnie Lopez

Pastor Joseph Estadilla

Kap. Jenny Juat

MANGAGAWANG BABAE

Bb. Ines Santiago

Bb. Susana Dela Rosa

Gng. Luisa Santos-Giron

Bb. Anatalia Santos

Pastor Purification Bartolome

Gng. Editha Manalaysay-Mendoza

Gng. Amelita Capistrano-Javier

Gng. Edna Capistrano-Rodriguez

Gng. Pepsicat Valeriano-Bautista

Bb. Melissa German

Gng. Annalie Juat-Ibanez

Bb. Betty Mendoza

Gng. Annesley Rivera

Bb. Lenie Merciadez

Bb. Cora De Ocampo

Church Historian:

Mr. Romeo Burgos

Mr. Rosendo Ibanez Jr.

Mrs. Angelita Dela Cruz-Dimagiba

                                  Mr. James Ian R. RamosDating nasasakop ng Parokya ng San Pascual Baylon ng Bayan ng Obando ang kapilya ng Binuangan na pinangangalagaan ng mag-asawang Mateo at Maria Valeriano. Naging parokya ito noong 1979 sa pamamagitan ng mga paring sina Reb. Padre Salvador Viola, Jr. at Monsenyor Rome Fernandez (kura paroko ng parokya ng San Pascual Baylon). Nakilala ang parokya bilang Parokya ng Nuestra Señora de Salambao (o Parokya ng Ating Ina ng Salambaw). Nasasakop ng parokyang ito ang Barangay Binuangan at Barangay Salambao. Si Padre Viola ang naitalagang unang kura paroko - mula 1978 hanggang 1984 - ayon sa pahintulot na iginawad ng Obispo ng Malolos na si Cirilo Almario, Jr.. Kabilang din sa naging sumunod na mga kura paroko ng parokya ang mga reberendong paring sina Avelino Sampana (mula 1984 hanggang 1989), Ereneo Ampay (mula 1989 hanggang 1992), Norberto Ventura (mula 1992 hanggang 1993), Expedito Calleon (mula 1993 hanggang 1996), Virgilio Ramos (mula 1996 hanggang 2001), Arturo Batac (mula 2001 hanggang 2002), Quirico Cruz (mula 2002 hanggang 2004), at Candido Diune Pobre, Jr. (mula 2004 hanggang sa kasalukuyan).[1]

Barangay ng Salambao[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangalan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Ina ng Salambao

Ipinangalan ang katawagan sa Barangay Salambao mula sa Kastilang Katawagang Nuestra Señora de Salambao para sa Ating Ina ang Mahal na Birhen ng Salambao), na isa sa mga pinararangalang patrong santo ng Obando, Bulacan. Ito ang naging ika-11 barangay ng Obando dahil sa pagkakakuha ng bayan ng 178 ektarya ng lupaing dating bahagi ng Navotas - dating kabahagi naman ng lalawigan ng Rizal - sa pamamagitan ng Kautusan ng Pangulo Bilang 646 (o Presidential Decree No. 646 sa Ingles). Naisagawa ang paglipat ng pag-aaring ito noong 30 Enero 1975.[1]

Kapilya[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Simbahan ng Obando

Walang sariling kapilya ang Barangay ng Salambao sapagkat naging kabahagi ito ng Parokya ng Nuestra Señora de Salambao, na kasama ang Barangay Binuangan.[1]

Tingnan din[baguhin | baguhin ang batayan]

Sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 1.11 1.12 1.13 1.14 1.15 1.16 1.17 1.18 1.19 1.20 1.21 1.22 Obando, Bayang Pinagpala!, Pamahalaang Bayan ng Obando, 2006/2007, pahina 7-39.