Pumunta sa nilalaman

Kalikasan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Natural)
Talon sa Shaki, Armenya
Bachalpsee sa Suwisong Alpes
Isang tanawin sa panahong taglamig sa Lapland, Pinlandya
Pagtama ng kidlat sa kasagsagan ng pagsabog ng bulkan ng Galunggung, Kanlurang Java, noong 1982
Buhay sa pinakailalim ng karagatan

Ang kalikasan ay likas na katangian o konstitusyon,[1] lalo na ng ekospera o ng uniberso bilang isang kabuuan. Sa pangkalahatang kahulugan, tumutukoy ang kalikasan sa mga batas, elemento, at mga pangyayari ng pisikal na mundo, kabilang na ang buhay. Bagaman bahagi ang tao ng kalikasan, madalas inilalarawan ang mga gawaing pantao o ang mga tao bilang isang kabuuan na minsang salungat, hiwalay, o higit pa sa kalikasan.[2]

Noong sumibol ang makabagong pamamaraan ng agham sa mga nakalipas na siglo, naging pasibong realidad ang kalikasan, na inaayos at pinamumunuan ng mga dibinong batas.[3][4] Sa panahon ng Rebolusyong Industriyal, unti-unting nakita ang kalikasan bilang bahagi ng realidad na walang intensiyonal na pakikialam: itinuring ito bilang sagrado ng ilang tradisyon (Rousseau, transendentalismong Amerikano) o bilang palamuti lamang para sa dibinong probidensya o kasaysayan ng tao (Hegel, Marx). Gayunpaman, muling nabuhay ang isang vitalistang pananaw ng kalikasan, na mas malapit sa pre-Sokratikong pananaw, lalo na pagkatapos ni Charles Darwin.[2]

Sa iba't ibang gamit ng salita ngayon, madalas tumutukoy ang "kalikasan" sa heolohiya at buhay-ilang. Maaari rin itong tumukoy sa pangkalahatang saklaw ng mga buhay na nilalang, at sa ilang pagkakataon, sa mga proseso na kaugnay ng mga walang buhay na bagay—ang paraan ng pag-iral at pagbabago ng mga bagay na ito sa sarili nilang pamamaraan, gaya ng panahon at heolohiya ng Daigdig. Madalas itong nauunawaan bilang "likas na kapaligiran" o kagubatan—mga ligaw na hayop, bato, kagubatan, at sa pangkalahatan, mga bagay na hindi gaanong nabago ng pakikialam ng tao, o patuloy na umiiral sa kabila ng pakikialam ng tao. Halimbawa, ang mga gawa ng tao at pakikipag-ugnayan ng tao ay karaniwang hindi itinuturing na bahagi ng kalikasan, maliban kung tinukoy bilang, halimbawa, "kalikasang pantao" o "ang buong kalikasan". Ang tradisyunal na konsepto ng mga likas na bagay na matatagpuan pa rin ngayon ay nagpapahiwatig ng pagkakaiba sa pagitan ng likas at artipisyal, kung saan ang artipisyal ay nauunawaan bilang mga bagay na nilikha ng kamalayan o isipan ng tao. Depende sa konteksto, maaaring makilala rin ang salitang "likas" mula sa di-likas o sobrenatural.[2]

The Blue Marble (Ang Bughaw na Holen), na isang sikat na tanaw ng Daigdig, na kinunan noong 1972 ng tripulante ng Apollo 17

Ang Daigdig ay tanging planetang kilalang may kakayahang suportahan ang buhay, at ang mga likas nitong katangian ang pinag-aaralan sa maraming larangan ng siyentipikong pananaliksik. Sa loob ng Sistemang Solar, pangatlong pinakamalapit ito sa Araw; pinakamalaking planetang mabato at pang-lima sa kabuuan. Pinakamalalaki nitong katangiang pang-klima ang dalawang malalaking rehiyon ng mga polo, dalawang medyo makikitid na katamtamang sona, at isang malawak na ekwatoryal na rehiyon mula tropikal hanggang subtropikal.[5] Nagkakaiba-iba ang dami ng pag-ulan depende sa lugar, mula ilang metro ng tubig bawat taon hanggang mas mababa sa isang milimetro. Natatakpan ng maalat na mga karagatan ang 71 porsyento ng ibabaw ng Daigdig. Binubuo naman ang natitirang bahagi ng mga kontinente at mga pulo, kung saan karamihan ng mga naninirahan ay nasa Hilagang Emisperyo.

Umunlad ang Daigdig sa pamamagitan ng mga prosesong heolohikal at biyolohikal na nag-iwan ng mga bakas ng orihinal na kalagayan. Nahahati ang panlabas nitong ibabaw sa ilang mga platong tektoniko na unti-unting gumagalaw. Nananatiling aktibo ang loob nito, na may makapal na patong ng mantong plastik at isang bakal na kaibuturan (core) na lumilikha ng magnetikong field. Binubuo ang bakal na kaibuturan ng matigas na panloob na bahagi, at isang likidong panlabas na bahagi. Nagbubunga ang paggalaw ng konbeksiyon sa kaibuturan ng mga kuryenteng elektrikal sa pamamagitan ng aksyong dynamo, at ang mga ito naman ang lumilikha ng heomagnetikong field.

Malaki ang naging pagbabago sa kondisyon ng atmospera mula sa orihinal na kalagayan dahil sa presensya ng mga buhay na organismo,[6] na lumilikha ng balanse sa ekolohiya na nagpapatatag ng kondisyon sa ibabaw. Sa kabila ng malawak na pagkakaiba-iba ng klima ayon sa latitud at iba pang heograpikong salik, medyo matatag ang pangmatagalang katamtaman ng pandaigdigang klima sa panahon ng mga panahong interglasyal,[7] at may malalaking epekto sa balanse ng ekolohiya at sa aktwal na heograpiya ng Daigdig ang pagbabago ng isa o dalawang digri ng katamtamang temperatura sa buong mundo.[8][9]

Atmospera, klima, at lagay ng panahon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang atmospera ng Daigdig ay isang mahalagang salik sa pagpapanatili ng ekosistema. Manipis na patong ng mga gas na bumabalot sa Daigdig ang pinanghahawakan ng grabidad. Pangunahin ang hangin ay binubuo ng nitroheno, oksiheno, at singaw ng tubig, na may mas maliit na bahagi ng dioksidong karbono, argon, at iba pa. Unti-unting bumababa ang presyon ng atmospera habang tumataas ang altitud. May mahalagang papel ang patong ng osono sa pagbabawas ng dami ng ultrabiyoleta (UV) na radyasyon na umaabot sa ibabaw. Dahil madaling masira ng liwanag na UV ang DNA, nagsisilbi itong proteksyon para sa buhay sa ibabaw. Pinananatili rin ng atmospera ang init sa gabi, kaya nababawasan ang matinding pagbabago ng temperatura araw-araw.

Kidlat

Halos nagaganap lamang sa mababang bahagi ng atmospera ang lagay ng panahon sa lupa, at nagsisilbing sistemang konbektibo para sa muling pamamahagi ng init.[10] Isa pang mahalagang salik sa pagtukoy ng klima ang mga agos ng karagatan, partikular ang malaking ilalim-dagat na sirkulasyong termohalino na namamahagi ng enerhiya ng init mula sa mga karagatang ekwatoryal papunta sa mga rehiyong polar. Tinutulungan ng mga agos na ito na mapalambot ang pagkakaiba ng temperatura sa pagitan ng taglamig at tag-init sa mga katamtamang sona. Bukod pa rito, kung wala ang muling pamamahagi ng enerhiya ng init ng mga agos ng karagatan at atmospera, magiging mas mainit ang mga tropiko at mas malamig ang mga rehiyong polar.

Maaaring magdulot ng kapaki-pakinabang at nakapipinsalang epekto ang lagay ng panahon. Maaaring maglabas ng malaking enerhiya ang matinding lagay ng panahon, tulad ng mga buhawi, bagyo, at siklon (o cyclone), sa kanilang daraanan, at magdulot ng malawakang pagkasira. Nagbago ang mga halaman sa ibabaw ng lupa na umaasa sa pana-panahong pagbabago ng panahon, at maaaring magkaroon ng matinding epekto ang biglaang pagbabago na tumatagal lamang ng ilang taon, sa mga halaman at sa mga hayop na umaasa sa mga ito bilang pagkain.

Sukatan ng pangmatagalang mga uso (o trend) sa lagay ng panahon ang klima. Kilala ang iba't ibang salik na nakakaapekto sa klima, kabilang ang mga agos ng karagatan, albedo ng ibabaw, mga mga gas na greenhouse, pagbabago sa ningning ng araw, at mga pagbabago sa orbita ng Daigdig. Batay sa mga tala ng kasaysayan at heolohiya, kilala ang Daigdig na dumaan sa matitinding pagbabago ng klima noon pa man, kabilang na ang mga panahon ng yelo.

Tubig sa Daigdig

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Talong Iguazu sa hangganan sa pagitan ng Brasil at Arhentina

Ang tubig ay isang kemikal na sangkap na binubuo ng hidroheno at oksiheno (H₂O), at mahalaga ito sa lahat ng kilalang anyo ng buhay.[11] Karaniwang tumutukoy ang “tubig” sa likidong anyo nito, subalit mayroon din itong solidong anyo—ang yelo—at gaseosong anyo bilang singaw ng tubig o alimuom. Sumasaklaw ang tubig sa 71% ng ibabaw ng Daigdig.[12] Sa mundo, pangunahing ito matatagpuan sa mga karagatan at iba pang malalaking anyong-tubig, na may 1.6% ng tubig na nasa ilalim ng lupa sa mga akwipero, at 0.001% naman sa himpapawid bilang singaw, ulap, at pag-ulan.[13][14]

Napapaloob sa mga karagatan ang 97% ng panlabas na tubig; nasa 2.4% naman ang mga gleysyer at mga takip ng yelo sa mga polo, at 0.6% ay nasa ibang anyong-tubig sa kalupaan tulad ng mga ilog, lawa, at sapa. Mayroon ding kakaunting bahagi ng tubig sa mundo na nasa loob ng mga katawan ng mga nabubuhay na organismo at sa mga kagamitang gawa ng tao.

Mga ekosistema

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga ekosistema ay binubuo ng iba't ibang biyotiko at abiyotiko na mga sangkap na gumagana nang magkakaugnay.[15] Tinutukoy ang estruktura at komposisyon nito ng iba't ibang mga salik na pangkapaligiran na magkakaugnay din. Nag-uudyok ng mga dinamikong pagbabago sa ekosistema ang pagbabago-bago ng mga salik na ito. Kabilang sa mga mahahalagang sangkap nito ang lupa, atmospera, radyasyon mula sa araw, tubig, at mga buhay na organismo.

Ang Peñas Blancas, bahagi ng Bosawás Biosphere Reserve, ay matatagpuan sa hilagang-silangan ng lungsod ng Jinotega sa Hilagang-Silangang Nicaragua.
Malagong lunting Bulubundukig Aravalli sa Rajasthan, Indya

Sentro sa konsepto ng ekosistema ang ideya na nakikipag-ugnayan ang mga buhay na organismo sa bawat elemento sa kanilang lokal na kapaligiran. Ayon kay Eugene Odum, isa sa mga tagapagtatag ng ekolohiya:

"Anumang yunit na naglalaman ng lahat ng organismo (ibig sabihin, ang ‘komunidad’) sa isang takdang lugar na nakikipag-ugnayan sa pisikal na kapaligiran kung saan ang daloy ng enerhiya ay nagreresulta sa malinaw na istruktura ng tropiko, biyotiko na pagkakaiba-iba, at mga siklo ng materyales (ibig sabihin, palitan ng mga materyales sa pagitan ng mga buhay at di-buhay na bahagi) sa loob ng sistema ay isang ekosistema." (“Any unit that includes all of the organisms (i.e.: the ‘community’) in a given area interacting with the physical environment so that a flow of energy leads to clearly defined trophic structure, biotic diversity, and material cycles (i.e.: exchange of materials between living and nonliving parts) within the system is an ecosystem.”)[16]

Magkakaugnay at umaasa sa isa’t isa ang mga espesye sa loob ng ekosistema sa kadena ng pagkain, habang nagpapalitan ng enerhiya at materya sa kanilang sarili pati na rin sa kanilang kapaligiran.[17] Nakabatay ang konsepto ng ekosistemang pantao sa dikotomiya ng tao at kalikasan at sa ideya na ang lahat ng espesye ay ekolohikal na umaasa sa isa’t isa, pati na rin sa mga abiyotiko na sangkap ng kanilang biotopo.[18]

Tinatawag na mikroekosistema ang mas maliit na yunit ng sukat. Halimbawa, maaaring isang bato at lahat ng buhay sa ilalim nito ang isang mikroekosistema. Samantala, maaaring sumaklaw sa isang buong ekorehiyon kasama ang katubigan nito ang makroekosistema.

Bagaman walang pangkalahatang kasunduan sa kahulugan ng buhay, karaniwang tinatanggap ng mga siyentipiko na ang biyolohikal na manipestasyon ng buhay ay kinikilala sa pamamagitan ng organisasyon, metabolismo, paglago, adaptasyon, pagtugon sa panlabas na salik, at pag-aanak.[19] Masasabi ring ang buhay ay ang natatanging kalagayan ng mga organismo.

Ang mga organismo sa kasalukuyang panahon, mula sa mga birus hanggang sa mga tao, ay may taglay na isang molekulang tagapagdala ng impormasyon na kayang magparami nang mag-isa (henoma), alinman sa DNA o RNA (gaya ng sa ilang birus), at ang ganitong molekula ay malamang na likas sa buhay. Malamang na ang mga pinakaunang anyo ng buhay ay nakabatay sa isang molekulang tagapagdala ng impormasyon na kayang magparami nang mag-isa (henoma), marahil ay RNA[20][21] o isang molekulang mas sinauna pa kaysa sa RNA o DNA. Ang natatanging pagkakasunud-sunod ng mga deoksiribunukleotido/ribunukleotido sa bawat umiiral na organismo sa kasalukuyan ay naglalaman ng impormasyon na tumutulong sa kaligtasan, pagpaparami, at kakayahang makakuha ng mga kinakailangang yaman para sa pagpaparami, at ang ganitong mga pagkakasunod-sunod ay malamang na lumitaw na sa mga unang yugto ng ebolusyon ng buhay. Ang mga tungkuling kaugnay ng kaligtasan na lumitaw sa maagang bahagi ng ebolusyon ng buhay ay marahil ay kinabibilangan din ng mga pagkakasunod sa henoma na nagtataguyod ng pag-iwas sa pinsala sa molekulang kayang magparami, gayundin ng kakayahang kumpunihin ang mga pinsalang naganap. Ang pagkumpuni ng ilang pinsala sa henoma ay maaaring isinagawa gamit ang impormasyon mula sa isa pang kahalintulad na molekula sa pamamagitan ng proseso ng rekombinasyon (isang paunang anyo ng sekswal na interaksyon).[22]

Piling iba't ibang seleksyon ng mga espesye ng halaman

Ang mga katangiang karaniwan sa mga organismo sa daigdig (halaman, hayop, halamang-singaw, protista, arkeya, at bakterya) ay ang pagiging binubuo ng mga selula, nakabatay sa karbon at tubig, may komplikadong organisasyon, may metabolismo, may kakayahang lumago, tumugon sa mga stimuli, at magparami. Ang isang entidad na may ganitong mga katangian ay karaniwang itinuturing na buhay. Gayunpaman, hindi lahat ng kahulugan ng buhay ay isinasaalang-alang ang lahat ng mga katangiang ito bilang mahalaga. Ang mga nilikhang kahalintulad ng buhay ng tao ay maaari ring ituring na buhay.

Piling iba't ibang seleksyon ng mga espesye ng hayop

Ang biyospera ay ang bahagi ng panlabas na bahagi ng mundo—kabilang ang lupa, mga batong nasa ibabaw, tubig, hangin, at atmospera—kung saan umiiral ang buhay, at kung saan ang mga prosesong biyotiko ay nagdudulot ng pagbabago o paghubog. Mula sa pinakamalawak na pananaw ng heopisikal na ekolohiya, ang biyospera ay ang pandaigdigang sistemang ekolohikal na pinagsasama-sama ang lahat ng nabubuhay na nilalang at ang kanilang mga ugnayan, kabilang ang kanilang interaksyon sa mga elemento ng litospera (mga bato), hidrospera (tubig), at atmospera (hangin). Tinatayang mayroong higit sa 75 bilyong tonelada (150 trilyong libra o mga 6.8×10¹³ kilo) ng biyomasa (buhay) sa buong mundo, na naninirahan sa iba't ibang kapaligiran sa loob ng biyospera.[23]

Higit sa siyam na ikasampu ng kabuuang biyomasa sa mundo ay binubuo ng buhay halaman, na siyang pangunahing pinagkukunan ng buhay ng mga hayop.[24] Mahigit sa 2 milyong uri ng halaman at hayop ang natukoy na sa kasalukuyan,[25] at tinatayang ang tunay na bilang ng mga umiiral na uri ay mula sa ilang milyon hanggang higit sa 50 milyon.[26][27][28] Ang bilang ng mga indibiduwal na uri ng buhay ay patuloy na nagbabago—may mga bagong uri na lumilitaw at may mga uri na tuluyang nawawala.[29][30] Sa kabuuan, ang bilang ng mga uri ay mabilis na bumababa.[31][32][33]

Pakikipag-ugnayan ng tao sa kalikasan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagaman ang mga tao ay bumubuo lamang ng napakaliit na bahagi ng kabuuang biyomasa ng buhay sa Daigdig, ang epekto ng sangkatauhan sa kalikasan ay labis na malaki. Dahil sa lawak ng impluwensiyang dulot ng tao, ang hangganan sa pagitan ng itinuturing na kalikasan at ng mga ginawang kapaligiran ay hindi malinaw, maliban na lamang sa mga pinakamatitinding kaso. Subalit kahit sa mga hangganang ito, ang mga bahagi ng likas na kapaligiran na walang kapansin-pansing impluwensiyang pantao ay patuloy na nababawasan sa lalong mabilis na antas. Isang pag-aaral noong 2020 na inilathala sa Nature ang nagsiwalat na ang tinatawag na masa antropohenika (mga materyales na gawa ng tao) ay mas mabigat na kaysa sa lahat ng buhay na biyomasa sa mundo—na ang plastik pa lamang ay lumalagpas na sa pinagsamang bigat ng lahat ng hayop sa lupa at karagatan.[34] Ayon din sa isang pag-aaral noong 2021 na inilathala sa Frontiers in Forests and Global Change, tinatayang 3% lamang ng panlupang ibabaw ng planeta ang nananatiling ekolohikal at buo ang fauna na kalagayan—may mababang antas ng impluwensiyang pantao at may malusog na populasyon ng katutubong espesye ng hayop.[35][36] Noong 2022, isinulat ni Philip Cafaro, propesor ng pilosopiya sa School of Global Environmental Sustainability (Paaralan ng Pandaigdigang Pangkapaligirang Pagpapanatili) ng Estadong Unibersidad ng Colorado , na “ang sanhi ng pandaigdigang pagkawala ng biyodibersidad ay malinaw: ang ibang mga nilalang ay napapalitan ng mabilis na lumalagong ekonomiyang pantao.”[37]

Sa kabila ng kanilang likas na kagandahan, ang mga liblib na lambak sa kahabaan ng Baybayin ng Na Pali sa Hawaii ay lubos na binago ng mga ipinakilalang mga espesyeng mapanlusob tulad ng She-oak.

Ang pag-unlad ng teknolohiya ng sangkatauhan ay nagbigay-daan sa higit na pagsasamantala sa likas na yaman at nakatulong din upang mabawasan ang ilang panganib mula sa mga likas na sakuna. Subalit sa kabila ng pag-unlad na ito, nananatiling malapit na nakaugnay ang kapalaran ng sibilisasyon ng tao sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. May isang napakakomplikadong ugnayang may balik-tugon sa pagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at ng mga pagbabagong dulot nito sa kapaligiran.[38] Kabilang sa mga banta ng tao sa likas na kapaligiran ng mundo ang polusyon, pagkakalbo ng kagubatan, at mga sakunang gawa ng tao gaya ng pagtagas ng langis. Malaki rin ang naging ambag ng tao sa pagkalipol ng maraming halaman at hayop,[39] at tinatayang may humigit-kumulang isang milyong espesye ang nanganganib na mawala sa mga susunod na dekada.[40] Ang pagkawala ng biyodibersidad at mga tungkulin ng ekosistema sa nakalipas na kalahating dantaon ay nakaapekto na sa kakayahan ng kalikasan na magbigay ng kabutihang dulot sa kalidad ng pamumuhay ng tao,[41] at kung magpapatuloy ito, maaaring magbunga ito ng malaking banta sa pag-iral ng kabihasnang pantao—maliban na lamang kung magaganap ang agarang pagbabago ng direksiyon.[42] Kadalasan, hindi nasasalamin sa tama ang halaga ng likas na yaman sa mga presyong pangmerkado, sapagkat bagamat may gastos sa pagkuha, ang mga yaman mismo ay karaniwang libre. Dahil dito, nagkakaroon ng baluktot na pagpepresyo at kakulangan sa pamumuhunan sa ating mga likas na ari-arian. Tinatayang ang taunang gastos pandaigdig para sa mga subsidiyong pampubliko na nakasasama sa kalikasan ay umaabot sa US$4–6 trilyon. Kulang din ang mga institusyonal na proteksyon para sa mga likas na kayamanan gaya ng mga oseano at tropikal na kagubatan. Hindi rin ito napigilan ng mga pamahalaan bilang mga panlabas na epekto sa ekonomiya.[43][44]

Ginagamit ng tao ang kalikasan para sa libangan at mga gawaing pangkabuhayan. Ang pagkuha ng likas na yaman para sa industriyal na gamit ay nananatiling mahalagang bahagi ng pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya.[45][46] May mga gawain tulad ng pangangaso at pangingisda na isinasagawa para sa kabuhayan at aliwan, depende sa layunin. Nagsimula ang agrikultura noong ika-9 na milenyo BCE. Mula sa produksiyon ng pagkain hanggang sa enerhiya, malaki ang impluwensiya ng kalikasan sa kayamanang pang-ekonomiya.

Bagamat ang mga sinaunang tao ay nangangalap ng mga ligaw na halaman para sa pagkain at gamit sa paggamot,[47] ang karamihan sa makabagong paggamit ng mga halaman ay isinasagawa sa pamamagitan ng agrikultura. Ang malawakang paglinis ng lupa para sa pagtatanim ay nagdulot ng matinding pagbawas sa kagubatan at mga latian, na siyang nagbunsod ng pagkawala ng tirahan para sa maraming halaman at hayop, pati na rin ng pagguho ng lupa.[48]

Higit pa sa Daigdig

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mga planeta ng Sistemang Solar (ang sukat ay proporsyonal; hindi proporsyonal ang distansya at liwanag)

Ang kalawakan ay tumutukoy sa mga halos walang-lamang bahagi ng Uniberso sa labas ng mga atmospera ng mga katawang selestiyal. Ginagamit ang katawagang "kalawakan" upang ibukod ito mula sa espasyong panghimpapawid (airspace) at mga panlupang lokasyon. Walang tiyak na hangganan sa pagitan ng atmospera ng Daigdig at ng kalawakan, sapagkat unti-unting numinipis ang atmospera habang tumataas ang altitud. Ang kalawakan sa loob ng Sistemang Solar ay tinatawag na interplanetaryong kalawakan, na lumalampas patungo sa interstelar na kalawakan sa tinatawag na heliyopausa.

Ang kalawakan ay halos walang laman, subalit mayroon itong ilang dosenang uri ng organikong molekula na natuklasan sa ngayon sa pamamagitan ng mikroweyb na espektroskopiya, itim na radyasyon (blackbody radiation) na natira mula sa Big Bang (Malaking Pagsabog) at pinagmulan ng uniberso, at mga sinag kosmiko na binubuo ng ionisadong mga nukleong atomiko at iba’t ibang subatomikong partikula. Mayroon ding kaunting gas, plasma, at alikabok, gayundin ng maliliit na meteorito. Bukod pa rito, may mga palatandaan ng presensiya ng tao sa kalawakan sa kasalukuyan, gaya ng mga materyal na naiwan mula sa mga naunang misyon—may tao man o wala—na maaaring maging panganib sa mga sasakyang pangkalawakan. Ang ilan sa mga labing ito ay muling pumapasok sa atmospera paminsan-minsan.

Ang NGC 4414 ay isang galaksiyang paikot (spiral galaxy) sa konstelasyon ng Coma Berenices na may tinatayang lapad na 56,000 liwanag-taon at humigit-kumulang 60 milyong liwanag-taon ang layo mula sa Daigdig.

Bagaman ang Daigdig lamang ang kaisang katawang selestiyal sa Sistemang Solar na kilalang sumusuporta sa buhay, may mga ebidensiya na noong sinaunang panahon ay nagkaroon ng likidong tubig sa ibabaw ng planetang Marte.[49] Sa maikling yugto ng kasaysayan nito, maaaring naging angkop din ang Marte sa pagbuo ng buhay. Gayunman, sa kasalukuyan, karamihan sa tubig sa Marte ay nananatiling nagyelo. Kung may buhay man sa Marte, malamang na ito ay nasa ilalim ng lupa kung saan maaaring mayroon pa ring likidong tubig.[50]

Ang mga kalagayan sa iba pang mga planetang mala-Daigdig tulad ng Merkuryo at Benus ay tila masyadong marahas upang makasuporta sa buhay gaya ng ating pagkakakilala rito. Subalit may mga hinuha na ang Europa, ang ika-apat na pinakamalaking buwan ng Hupiter, ay maaaring may likidong karagatan sa ilalim ng ibabaw nito at posibleng may kakayahang magsuporta ng buhay.

Nagsimula na ring makakita ang mga astronomo ng mga ekstrasolar na planetang kahawig ng Daigdig—mga planetang nasa loob ng tinatawag na sonang natitirhan ng isang bituin, kung saan may posibilidad na umiral ang buhay gaya ng sa ating planeta.[51]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Definition of NATURE". Merriam-Webster (sa wikang Ingles). Enero 2, 2024. Inarkibo mula sa orihinal noong Enero 2, 2024. Nakuha noong Enero 7, 2024.
  2. 2.0 2.1 2.2 Ducarme, Frédéric; Couvet, Denis (2020). "What does 'nature' mean?". Palgrave Communications (sa wikang Ingles). 6 (14). Springer Nature. doi:10.1057/s41599-020-0390-y.
  3. Ang Philosophiae Naturalis Principia Mathematica (1687) ni Isaac Newton, halimbawa, ay sinasalin bilang "Mga Prinsipyong Pang-matematia ng Pilosopiyang Likas" at sumasalamin ng noo'y kasalukuyang gamit ng mga salitang "likas na pilosopiya", katulad s "sistematikong pg-aaral ng kalikasan"
  4. Ang etimolohiya ng salitang "pisikal" ay pinapakita ang gamit nito bilang kasingkahulugan para sa "likas" noong mga kalagitnaan ng ika-15 dantao: Harper, Douglas. "physical". Online Etymology Dictionary (sa wikang Ingles).
  5. "World Climates". Blue Planet Biomes (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 17, 2008. Nakuha noong Setyembre 21, 2006.
  6. "Calculations favor reducing atmosphere for early Earth". Science Daily (sa wikang Ingles). Setyembre 11, 2005. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 30, 2006. Nakuha noong Enero 6, 2007.
  7. "Past Climate Change" (sa wikang Ingles). U.S. Environmental Protection Agency. Oktubre 19, 2006. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 11, 2012. Nakuha noong Enero 7, 2007.
  8. "Past Climate Change" (sa wikang Ingles). U.S. Environmental Protection Agency. Oktubre 19, 2006. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 11, 2012. Nakuha noong Enero 7, 2007.
  9. Weart, Spencer (Hunyo 2006). "The Discovery of Global Warming" (sa wikang Ingles). American Institute of Physics. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 4, 2011. Nakuha noong Enero 7, 2007.
  10. Miller; Spoolman, Scott (Setyembre 28, 2007). Environmental Science: Problems, Connections and Solutions (sa wikang Ingles). Cengage Learning. ISBN 978-0-495-38337-6.
  11. "Water for Life" (sa wikang Ingles). Un.org. Marso 22, 2005. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 14, 2011. Nakuha noong Mayo 14, 2011.
  12. "World". CIA – World Fact Book (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Enero 26, 2021. Nakuha noong Disyembre 20, 2008.
  13. Water Vapor in the Climate System, Special Report, American Geophysical Union, Disyembre 1995. (sa Ingles)
  14. Vital Water. UNEP. (sa Ingles)
  15. Pidwirny, Michael (2006). "Introduction to the Biosphere: Introduction to the Ecosystem Concept". Fundamentals of Physical Geography (2nd Edition). Inarkibo mula sa orihinal noong Hulyo 18, 2011. Nakuha noong Setyembre 28, 2006.
  16. Odum, EP (1971) Fundamentals of ecology, 3rd edition, Saunders New York (sa Ingles)
  17. Pidwirny, Michael (2006). "Introduction to the Biosphere: Organization of Life". Fundamentals of Physical Geography (2nd edition) (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 13, 2011. Nakuha noong Setyembre 28, 2006.
  18. Khan, Firdos Alam (2011). Biotechnology Fundamentals (sa wikang Ingles). CRC Press. ISBN 978-1-4398-2009-4.
  19. "Definition of Life" (sa wikang Ingles). California Academy of Sciences. 2006. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 8, 2007. Nakuha noong Enero 7, 2007.
  20. Neveu M, Kim HJ, Benner SA (Abril 2013). "The "strong" RNA world hypothesis: fifty years old". Astrobiology (sa wikang Ingles). 13 (4): 391–403. Bibcode:2013AsBio..13..391N. doi:10.1089/ast.2012.0868. PMID 23551238.
  21. Cech TR (Hulyo 2012). "The RNA worlds in context". Cold Spring Harb Perspect Biol (sa wikang Ingles). 4 (7): a006742. doi:10.1101/cshperspect.a006742. PMC 3385955. PMID 21441585.
  22. Bernstein H, Byerly HC, Hopf FA, Michod RE (Setyembre 1985). "Genetic damage, mutation, and the evolution of sex". Science (sa wikang Ingles). 229 (4719): 1277–81. Bibcode:1985Sci...229.1277B. doi:10.1126/science.3898363. PMID 3898363.
  23. Ang pigura na "mga kalahati ng isang bahagdan" ay isinasaalang-alang tang sumusunod (Tingnan, e.g., Leckie, Stephen (1999). "How Meat-centred Eating Patterns Affect Food Security and the Environment". For hunger-proof cities: sustainable urban food systems (sa wikang Ingles). Ottawa: International Development Research Centre. ISBN 978-0-88936-882-8. Inarkibo mula sa orihinal noong Nobyembre 13, 2010., na kinukuha ang pandaigdigang katamtaman na bigat bilang 60 kg.), ang kabuuang biyomasa ng tao ay ang katamtamang bigat na multiplika ayon sa kasalukuyang populasyon ng tao na tinatayang 6.5 bilyon (tingnan, e.g., "World Population Information" (sa wikang Ingles). U.S. Census Bureau. Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-09-22. Nakuha noong Setyembre 28, 2006.): Pagpalagay ang 60–70 kg na katamtamang masa ng tao (tinatatayang 130–150 lb sa katamtaman), ang isang kabuuang taya ng pandaigdigang masa ng tao ay sa pagitan ng 390 biyon (390×109) at 455bilyon kg (sa pagitan ng 845 bilyon at 975 bilyon lb, o mga 423 milyon–488 milyong maikling tonelada). Ang kabuuang biyomasa ng lahat ng uri sa daigdig ay tinatayang nasa labis ng 6.8 x 1013 kg (75 bilyong maikling tonelada). Sa mga kalkulasyong ito, ang bahagi ng kabuuang biyomasa na sinaalang-alang para sa mga tao ay magiging tinatayang 0.6%.
  24. Sengbusch, Peter V. "The Flow of Energy in Ecosystems – Productivity, Food Chain, and Trophic Level". Botany online. University of Hamburg Department of Biology. Inarkibo mula sa orihinal noong Hulyo 26, 2011. Nakuha noong Setyembre 23, 2006.
  25. Pidwirny, Michael (2006). "Introduction to the Biosphere: Species Diversity and Biodiversity". Fundamentals of Physical Geography (2nd Edition) (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Hulyo 18, 2011. Nakuha noong Setyembre 23, 2006.
  26. "How Many Species are There?". Extinction Web Page Class Notes (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 9, 2006. Nakuha noong Setyembre 23, 2006.
  27. "Animal." World Book Encyclopedia. 16 vols. Chicago: World Book, 2003. (sa Ingles) Nagbibigay ang sanggunian na ito ng taya na mula 2 hanggang 50 milyon.
  28. "Just How Many Species Are There, Anyway?". Science Daily (sa wikang Ingles). Mayo 2003. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 11, 2007. Nakuha noong Setyembre 26, 2006.
  29. Withers, Mark A.; atbp. (1998). "Changing Patterns in the Number of Species in North American Floras". Land Use History of North America (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 23, 2006. Nakuha noong Setyembre 26, 2006. Biinatay ng websayt ang mga nilalaman ng aklat sa: Sisk, T.D., pat. (1998). Perspectives on the land use history of North America: a context for understanding our changing environment; Binagong Edisyon Setyembre 1999 (sa wikang Ingles). U.S. Geological Survey, Biological Resources Division. USGS/BRD/BSR-1998-0003.
  30. "Tropical Scientists Find Fewer Species Than Expected". Science Daily (sa wikang Ingles). Abril 2002. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 30, 2006. Nakuha noong Setyembre 27, 2006.
  31. Bunker, Daniel E.; atbp. (Nobyembre 2005). "Species Loss and Aboveground Carbon Storage in a Tropical Forest". Science (sa wikang Ingles). 310 (5750): 1029–1031. Bibcode:2005Sci...310.1029B. CiteSeerX 10.1.1.465.7559. doi:10.1126/science.1117682. PMID 16239439. S2CID 42696030.
  32. Wilcox, Bruce A. (2006). "Amphibian Decline: More Support for Biocomplexity as a Research Paradigm". EcoHealth (sa wikang Ingles). 3 (1): 1–2. doi:10.1007/s10393-005-0013-5. S2CID 23011961.
  33. Clarke, Robin; Robert Lamb; Dilys Roe Ward, mga pat. (2002). "Decline and loss of species". Global environment outlook 3: past, present and future perspectives (sa wikang Ingles). London; Sterling, VA: Nairobi, Kenya: UNEP. ISBN 978-92-807-2087-7.
  34. Elhacham, Emily; Ben-Uri, Liad; atbp. (2020). "Global human-made mass exceeds all living biomass". Nature (sa wikang Ingles). 588 (7838): 442–444. Bibcode:2020Natur.588..442E. doi:10.1038/s41586-020-3010-5. PMID 33299177. S2CID 228077506.
  35. Carrington, Damian (Abril 15, 2021). "Just 3% of world's ecosystems remain intact, study suggests". The Guardian (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Nobyembre 24, 2021. Nakuha noong Abril 16, 2021.
  36. Plumptre, Andrew J.; Baisero, Daniele; atbp. (2021). "Where Might We Find Ecologically Intact Communities?". Frontiers in Forests and Global Change (sa wikang Ingles). 4: 626635. Bibcode:2021FrFGC...4.6635P. doi:10.3389/ffgc.2021.626635. hdl:10261/242175.
  37. Cafaro, Philip (2022). "Reducing Human Numbers and the Size of our Economies is Necessary to Avoid a Mass Extinction and Share Earth Justly with Other Species". Philosophia (sa wikang Ingles). 50 (5): 2263–2282. doi:10.1007/s11406-022-00497-w. S2CID 247433264. the cause of global biodiversity loss is clear: other species are being displaced by a rapidly growing human economy
  38. "Feedback Loops in Global Climate Change Point to a Very Hot 21st Century". Science Daily (sa wikang Ingles). Mayo 22, 2006. Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 8, 2006. Nakuha noong Enero 7, 2007.
  39. Kolbert, Elizabeth (2014). The Sixth Extinction: An Unnatural History (sa wikang Ingles). New York City: Henry Holt and Company. ISBN 978-0805092998.
  40. Stokstad, Erik (5 Mayo 2019). "Landmark analysis documents the alarming global decline of nature". Science (sa wikang Ingles). doi:10.1126/science.aax9287. S2CID 166478506.
  41. Brauman, Kate A.; Garibaldi, Lucas A. (2020). "Global trends in nature's contributions to people". PNAS (sa wikang Ingles). 117 (51): 32799–32805. Bibcode:2020PNAS..11732799B. doi:10.1073/pnas.2010473117. PMC 7768808. PMID 33288690.
  42. Bradshaw, Corey J. A.; Ehrlich, Paul R.; Beattie, Andrew; Ceballos, Gerardo; Crist, Eileen; Diamond, Joan; Dirzo, Rodolfo; Ehrlich, Anne H.; Harte, John; Harte, Mary Ellen; Pyke, Graham; Raven, Peter H.; Ripple, William J.; Saltré, Frédérik; Turnbull, Christine; Wackernagel, Mathis; Blumstein, Daniel T. (2021). "Underestimating the Challenges of Avoiding a Ghastly Future". Frontiers in Conservation Science (sa wikang Ingles). 1. Bibcode:2021FrCS....1.5419B. doi:10.3389/fcosc.2020.615419.
  43. UK Government Official Documents, Pebrero 2021, "The Economics of Biodiversity: The Dasgupta Review Headline Messages" Naka-arkibo 2022-05-20 sa Wayback Machine. p. 2 (sa Ingles)
  44. Carrington, Damian (Pebrero 2, 2021). "Economics of biodiversity review: what are the recommendations?". The Guardian (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 24, 2022. Nakuha noong 13 Nobyembre 2021.
  45. "Natural Resources contribution to GDP". World Development Indicators (WDI) (sa wikang Ingles). November 2014. Inarkibo mula sa orihinal noong Disyembre 23, 2014.
  46. "GDP – Composition by Sector". The World Factbook (sa wikang Ingles). Central Intelligence Agency. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 22, 2014. Nakuha noong Pebrero 19, 2017.
  47. "Plant Conservation Alliance – Medicinal Plant Working Groups Green Medicine" (sa wikang Ingles). US National Park Services. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 9, 2006. Nakuha noong Setyembre 23, 2006.
  48. Oosthoek, Jan (1999). "Environmental History: Between Science & Philosophy" (sa wikang Ingles). Environmental History Resources. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 26, 2007. Nakuha noong Disyembre 1, 2006.
  49. Bibring, J; atbp. (2006). "Global mineralogical and aqueous mars history derived from OMEGA/Mars Express data". Science (sa wikang Ingles). 312 (5772): 400–404. Bibcode:2006Sci...312..400B. doi:10.1126/science.1122659. PMID 16627738. S2CID 13968348.
  50. Malik, Tariq (Marso 8, 2005). "Hunt for Mars life should go underground" (sa wikang Ingles). Space.com via NBC News. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 30, 2013. Nakuha noong Setyembre 4, 2006.
  51. Choi, Charles Q. (Marso 21, 2011) New Estimate for Alien Earths: 2 Billion in Our Galaxy Alone | Alien Planets, Extraterrestrial Life & Extrasolar Planets | Exoplanets & Kepler Space Telescope Naka-arkibo 2013-07-03 sa Wayback Machine.. Space.com. (sa Ingles)