Pumunta sa nilalaman

Pagpapanatili ng wika

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang pagpapanatili ng wika ay ang pagsisikap upang pigilan na mawala ang mga wika. Nasa peligro ang isang wika na mawawala kung hindi na ito itinuturo sa kabataan, habang namamatay ang mga matatas na nagsasalita ng wika (karaniwang mga matatanda).

Ang wika ay isang mahalagang bahagi ng anumang lipunan, sapagkat nagbibigay ito ng kakayahan sa mga tao na makipag-usap at ipahayag ang kanilang mga sarili. Kapag namatay ang isang wika, mawawalan ang mga henerasyon sa hinaharap ng isang mahahalagang bahagi ng kultura na kinakailangan upang lubusang maunawaan ito. Samakatuwid, nagiging isang bulnerableng aspeto ng pamanang kultural ang wika, at nagiging lalong mahalaga na panatilihin ito. Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), mula sa mga katotohanan na inilathala sa kanilang "Atlas of Languages in Danger of Disappearing [Atlas ng Mga Wika sa Panganib na Mawala]", tinatanyang 7,000 ang wika na sinasalita sa buong mundo ngayon, at nagsasalita ang kalahati ng populasyon ng mundo ng walo sa pinakakaraniwan nito.[1] Higit sa 3,000 wika ang sinasabing sinasalita ng mas kaunti sa 10,000 katao kada wika. Nakapagtala ang Ethnologue, isang reperensiyang akda na inilathala ng SIL International, ng mga kilalang wikang buhay ng mundo, at tinatantya nito na 417 ang wika na malapit nang mapuksa.[2]

Mga dahilan para sa pagkapanganib o pagkalipol ng wika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayroong iba't ibang mga kadahilanan na maaaring maglagay ng isang wika sa panganib na mawala. Una, kapag hindi na itinuturo ang isang wika sa mga kabataan ng komunidad, o sa malaking bilang lang man ng mga bata. Sa mga kasong ito, marahil na ang mga natitirang nagsasalita ng wikang ito ay ang mga mas matandang miyembro ng komunidad, at kapag namatay sila, namatay rin ang wika kasama nila.

Gayunman, hindi sapat ang pagkakaroon ng kabataang nagsasalita upang matiyak ang kaligtasan ng isang wika. Kung lumipat ang mga bata na nagsasalita ng wika sa isa pang lugar kung saan hindi ginagamit ang wika, nanganganib ito. Maaari ring mapanganib ang isang wika sa kaguluhan ng pulitika at militar.[1] Kapag sapilitang nililipat ang mga tao mula sa kanilang mga tahanan papunta sa mga bagong lupain, maaaring kakailanganin nilang matutunan ang wika ng bagong lugar upang umangkop, at mawawala ang kanilang wika. Gayundin, kapag matagumpay na sinalakay ang isang bansa o teritoryo, maaaring mapilitan ang populasyon na tutuan ang wika ng mananalakay.

Maaari ring ikabit ang isang wika sa mas mababang panlipunang antas.[1] Sa pagkakataong ito, hihikayatin ng mga magulang ang kanilang mga anak na gamitin ang wikang mas madalas na ginagamit sa lipunan upang mapalayo ang kanilang mga sarili mula sa pinaghihinalaang mas mababang antas. Sa loob ng isa o dalawang henerasyon ng pangyayaring ito, posibleng posible na mawawala ang wika.

Kahalagahan ng pagpapanatili

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kapag namatay ang isang wika, nanganganib ang kaalaman at kakayahang maunawaan ang kultura na nagsalita nito dahil hindi na naililipat ang mga pagtuturo, kaugalian, tradisyong pasalita at iba pang mga minanang kaalaman sa mga katutubong nagsasalita. Sa bawat pagkamatay ng wika, nawawalan ng sari-saring uri ang agham sa lingguwistika, antropolohiya, prehistorya at sikolohiya sa mga mapagkukunan ng datos.[3]

Mga paraan upang panatilihin ang isang wika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayroong iba't ibang mga ideya tungkol sa mga pinakamainam na paraan upang panatilihin ang isang wika. Ang isang paraan ay hikayatin ang mga nakababatang henerasyon na magsalita ng wika habang lumalaki sila, para ituturo rin nila ang wika sa kanilang mga anak. Kadalasan, imposible ang opsyong ito. Maraming mga dahilan kung bakit nalalagay sa panganib ang isang wika, at imposibleng kontrolin ang bawat salik na ito upang siguraduhin ang kaligtasan ng buhay nito.

Maaaring gamitin ang internet upang taasan ang kamalayan tungkol sa mga isyu ng pagkakawala ng wika at pagpapanatili ng wika. Maaari itong gamitin upang isalin, talaan, imbakin, at magbigay ng impormasyon at akses sa mga wika. Maaaring ipampreserba ang mga bagong teknolohiya tulad ng mga podcast sa bersyong pasalita ng mga wika, at maaaring preserbahin ng mga dokumentong nakasulat ang impormasyon tungkol sa katutubong panitikan at lingguwistika ng mga wika.

Tinatasahan ng VeriSign, isang pandaigdigang internet provider, na nasa Ingles ang 65-70% ng lahat ng nilalaman sa internet.[4]

Hindi ibig sabihin na walang potensyal na suliranin ang paggamit ng mga dokumentong nakasalut upang panatilihin ang impormasyon tungkol sa katutubong panitikan at lingguwistika. Hindi garantisado na mabubuhay ang isang wikang nakasulat. Napapailalim ang impormasyong nakasulat sa anyong libro o manuskrito sa mga isyu ng asido, mga problema sa pagkakalibro, mga problema sa pagsusubaybay sa kapaligiran, at mga alalahanin sa seguridad.

Maaari ring ipampreserba ang teknolohiya sa integridad ng berysong pasalita ng mga wika. Maaaring gamitin ang karamihan ng mga parehong diskarte na ginagamit sa pagrekord ng wikang pasalita upang mapanatili ang sinasalitang wika. Maaaring gamitin ng tagapamalagi ang reel-to-reel audio tape recording, kasama ang pagrekord ng bideo, at mga bagong teknolohiya tulad ng mga podcast upang irekord ang mga berbal na salaysay ng mga wika. Madaling maapektuhan ang teknolohiya sa bagong teknolohiya. Mabibigo ang mga pagpupunyagi sa pagpapanatili kung nawala ang teknolohiya upang pakinggan o panoorin ang mga midya tulad ng mga pagrekord ng audio teyp o bideo teyp.

Naglathala ang Administration for Native Americans [Administrasyon para sa Katutubong Amerikano] ng "Reference Guide for Establishing Archives and Repositories [Pansangguniang Gabay para sa Pagtatatag ng Mga Arkibo at Repositoryo]," na nagpapaliwanag kung bakit mahalaga ang mga repositoryo ng wika sa mga pangmatagalang pagsisikap sa pagpapanatili ng wika.[5] Nagbibigay ang gabay ng praktikal na payo kung ano ang dapat panatilihin at kung bakit; ipinaliliwanag nito kung ano ang repositoryo ng wika, kung paano bumuo ng isa, at ang mga kasangkot na gastos; at naglilista ng iba pang mga sanggunian para sa paglikha ng isang arkibo at repositoryo.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 "Language Preservation: UNESCO-CI". Nakuha noong 2007-06-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Ethnologue: Languages of the World". Nakuha noong 2007-06-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Foundation for Endangered Languages". Nakuha noong 2007-06-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "VeriSign Announces Plan to Further Enhance .com and .net Global Internet Constellation Sites with Regional Resolution Servers". Nakuha noong 2007-02-06.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "ANA Reference Guide for Establishing Archives and Repositories" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2011-07-07. Nakuha noong 2010-12-07.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Karagdagang pagbabasa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Albey, Mark. Spoken Here: Travels Among Threatened Languages. Boston: Houghton Mifflin Company, 2003.
  • Bradley, David and Maya Bradley, editors. Language Endangerment and Language Maintenance. London: RoutledgeCurzon, 2002.
  • Crystal, David. Language Death. United Kingdom: Cambridge University Press, 2000.
  • Dalbey, Andrew. Language in Danger. London: The Penguin Press, 2002.
  • Nettle, Daniel and Suzanne Romaine. Vanishing Voices: The Extinction of the World's Languages. Oxford: Oxford University Press, 2000.