Pumunta sa nilalaman

Pangunang lunas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Paunang lunas)
Sagisag ng mga samahang nagbibigay ng pangunang lunas.
Isang taong nagsasanay sa pagbibigay ng paunang tulong-panlunas sa isang bata. Ginagamit rito ang isang manikang bata.

Ang pangunang lunas[1][2][3] o first aid ay ang pagbibigay ng pangunahing magagawang tulong, kalinga, at pangangalaga sa mga taong napinsala ng sakuna o karamdaman. Isinasagawa ito ng isang taong pangkaraniwan hanggang sa panahong maaari nang ibigay ang mas dalubhasang tulong pansagip buhay ng mga manggagamot. Kinasasangkapan ang kasanayang ito ng mga payak, ngunit nakapagliligtas, na kasanayang may kaugnayan sa panggagamot. Maaaring makatamo ng pagsasanay ang isang pangkaraniwang tao upang maisagawa ang pagbibigay ng tulong na ito, kahit man hindi ginagamitan ng mga natatanging aparatong panggagamot. Maaari ring ibigay ang tulong na ito sa mga hayop, ngunit ang artikulong ito ay tumutukoy lamang para sa magagawang paunang-tulong na pantao.

Ang 3 pangunahing mga layunin ng paunang tulong-panlunas, na mas kilala bilang 3 P (tatlong P) ang mga sumusunod:[4]

  • Pagpapanatili ng buhay (Ingles: Preserve life)
  • Pag-iwas mula sa pagkakaroon ng mga dagdag na pinsala o pag-iwas sa paglala ng kapinsalaan o karamdaman (Ingles: Prevent further injury or illness)
  • Pagtataguyod sa paggaling (Ingles: Promote recovery)

Bilang karagdan, may ilang mga tagapagsanay na nagtuturo ng ika-apat na "P" - ang Pag-iingat ng sarili, Protektahan ang sarili, o Pagpapananggalang ng sarili (Ingles: Protect yourself), bagaman sinasabi ng iba na kasaklaw at nakasukob na ito sa ilalim ng ikalawang "P" na Pag-iwas mula sa mga karagdagang pinsala para sa kapakanan ng sarili, ng biktima o pasyente, at ng iba pang tao. Kapag maingat ang sarili - ang tagasagip o tagapagligtas - ay may kakayahan itong pangalagaan at magligtas pa ng ibang tao.

Ang Knights Hospitaller (Mga Kabalyerong Manggagamot) ang sinasabing pinakaunang nagpakadalubhasa sa pangangalaga ng mga nasugatan sa pook ng digmaan. Mga kabalyero rin ang nagtatag ng Orden ni San Juan (Order of St. John) noong ika-11 dantaon upang sanayin ang iba pang mga kabalyero kung paano gumamot ng mga pangkaraniwang sugat at pinsala sa lugar ng digmaan.[5] Nabuo ang St. John Ambulance (Ambulansyang San Juan) noong 1877 para magturo ng pangunang lunas sa mga malalaking himpilan ng tren at mga distritong minahan. Ang Ambulansyang San Juan ang nagpanimula sa katawagang first aid. Kumalat ang orden at ang mga itinuturo nito sa kabuuan ng Imperyong Britanya at Europa.[6] Gayundin, noong 1859, tinulungan ni Henry Dunant ang mga mamamayan ng isang bayan sa Switzerland upang matulungan ang mga biktima ng Digmaan ng Solferino. Pagkatapos ng apat na taon, apat na mga nasyon ang nagtungo sa Geneva at nagtatag ng isang organisasyon na naging Krus Roha (o Red Cross). Dahil sa pagkakaroon ng mga digmaan, sumibol at lumago ang mga kalinangan sa larangan ng pagbibigay ng paunang tulong-paunlas at iba pang mga pamamaraan sa panggagamot: isa pang halimbawa ang pagtatatag ni Clara Barton ng American Red Cross (Pulang Krus sa Amerika) nang dahil sa Digmaang Sibil ng Amerika.[7] Sa ngayon, maraming mga grupo na nagtataguyod ng first aid, katulad ng mga kilusan sa militar at mga samahang tagapagmatiyag (mga scout). Nakatulong ang mga makabagong pamamaraan at mga kasangkapan sa pagiging payak at mabisa ng mga pangkasalukuyang pangunang lunas.

Isinasagawa sa larawang ito ang pagbibigay ng resusitasyong kardyopulmonaryo.

Ang pagbibigay ng paunang tulong na palunas ay kinasasangkapan ng karaniwang takbo ng pagiisip at pandama ng isang tao, at maaaring matutunan ng mga tao ang ilang bahagi nito habang namumuhay sa araw-araw (katulad halimbawa ng kung paano maglagay ng panapal na panghilom sa isang maliit na sugat sa isang daliri)

Subalit, nangangailang ng tuwirang pagsasanay ang pagbibigay ng mainam at matagumpay na pangunang lunas, particular na kung kaugnay sa isang makamamatay na karamdaman o pinsala sa katawan, katulad ng mga nangangailangan ng resusitasyong kardyopulmonaryo o muling-pagbibigay-buhay sa puso at baga, sapagkat nakagagambala at maaaring makadulot ng karagdagang pinsala ang pamamaraang ito sa katawan ng taong may karamdaman o napinsala, na isa sa mga tatlong layunin na nabanggit sa itaas, isang bagay na dapat iwasan.

Tungkol sa pagsasanay, mas mainam na maganap ito bago ang tunay na sakuna o suliranin, bagaman sa ibang mga bansa ay nakapagtuturo ang mga tagapagdala ng ambulansiya habang ginagamit ang telepono, bago pa man din makarating ang ambulansiya sa pook na pinangyarihan ng sakuna.

Upang maging ganap ang kasanayan, nararapat na pumasailalim sa isang aralin ang isang tao upang magkaroon ng kataingan at kaalamang kailangan na kikilalanin sa bansa o saan man. Subalit, dahil sa kadalasang pagbabagu-bago ng mga patakaran at pamamalakad, nararapat na dumaan muli sa isang dagdag na kurso tungkol sa mga makabagong pamamaraan at kaalaman ang taong sanay na sa pagbibigay ng pangunang lunas, upang laging mabibigyan ng pinakamahusay na pagkalinga ang isang pasyente. At para maiwasan din ang pagkakaroon ng karagdagang pinsala sa taong napinsala ng sakuna o karamdaman.

Karaniwang makakakuha ng sapat na pagsasanay ang isang tao mula sa mga samahang panlipunan katulad ng Pulang Krus at Ambulansiyang San Juan, sa pamamagitan ng mga tagapagsanay na binabayaran. Karaniwang ginagamit ang mga tagapagturong may bayad para sa pagbibigay kaalaman sa mga tauhan ng isang kompanya, kung sakaling magkaroon ng sakuna o karamdaman sa pook na pinaghahanapbuhayan. Maraming mga samahang panlipunan, katulad ng mga nabanggit na sa itaas, ang nagbibigay din mga paglilingkod na may bayad o humihingi ng ambag na pananalapi, na nakatutulong naman ang kinikitang salapi para sa pagpapaunlad o pagtulong sa kanilang mga gawaing panlipunan.

Mga pangunahing kasanayan sa pagbibigay ng pangunang lunas

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sa larawang ito, ipinakikita kung paano matutulungang muling-huminga ang isang taong walang-malay.
Para mapigil ang pagdurugo ng sugat, itinataas ang kamay at dinidiinan din ang hiwa ng sugat.

May mga kasanayan na itinuturing na pinakapusod ng pagbibigay ng paunang tulong-lunas, kahit saan pa man o paano man naituro ang mga ito. Tinuturuan ang mga tagapagbigay ng pangunahing tulong panlunas na laging tatandaan ang ABC ng mga hakbang sa pagbibigay ng mga paunang tulong-pansagip ng buhay bago magpatuloy sa pagbibigay ng iba pang mga kalunasan:

  • Airway – Ang daanan ng hangin / Ang daanang panghininga / Ang daanang-hingahan
  • Breathing – Buga ng paghinga / Bantayan ang katangian ng paghinga
  • Circulation – Sirkulasyon o pagdaloy ng dugo sa katawan

Ang ibig sabihin nito ay dapat lamang na unahin munang suriin at subuking lutasin ang mga suliraning may kaugnayan sa daanan ng hangin (bibig at ilong) ng pasyente. Kung walang balakid sa daanan ng hininga at paghinga, dapat na isunod na suriin at subuking sugpuin ng tagapaglunas ang anumang suliranin at pinsala na may kaugnayan sa sirkulasyon (pagdaloy at pagikot ng dugo sa katawan). May ibang mga tagapagsanay o tagapagturo na nagdaragdag ng pang-apat na hakbang: ang D para sa Duguan ba ang pasyente? o Dinudugo ba ang biktima?, o kaya ay ang pagbibigay ng Depibrilasyon. Nakasalalay sa antas ng kasanayan ng tagapagbigay-lunas ang mga pagkakaiba sa mga pamamaraan ng pasisipat at pagsusuri at pagpapanatili ng mga mahahalagang ABC ng taong manlulunas. Kapag naiayos at napainam na ang mga ito, maaari nang magbigay ng mas masulong na mga gawaing-panlutas ang mga taong tagapanagip, kung kinakailangan.

May ilang mga bansa na nagtuturo ng talong B (ang 3 B), na katulad ng ABC ang pagkakasunud-sunod ng kahalagahan:

  • Breathing – Buga ng paghinga / Bantay-hininga
  • Bleeding – Balong ng dugo
  • Bones – Butu-buto o Buto o Baling buto

Nangangahulugan ito na dapat na suriin muna at lutasin ng manlulunas ang anumang suliranin kaugnay sa Buga ng Paghinga, bago subuking sugpuin ang mga suliraning kaugnay sa Balong ng dugo mula sa katawan ng pasyente o mga Baling Buto (na hindi naman ibig sabihin nito na dapat nang kaligtaan ang mga huling mga suliranin sa mga panahong iyon – katulad ng mga pinsala sa gulugod, kung saan magagamit ang pagbabago at kaibahan sa pamamaraang panlunas upang makatulong sa pagbubukas ng daanan ng hininga).

Pagpapanatili ng buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang maneobrang Heimlich ay isa ring uri ng pamamaraang panagip-buhay.

Sapagkat ang pagsagip at pagpapanatili ng buhay ang pinakasusi ng pagbibigay ng pangunang lunas, ang kaisaisang pinakamahalagang pagsasanay na matatanggap ng manlulunas ay ang paunang pagsusuri, pagkalinga at pangangalaga ng sa isang walang malay at hindi tumutugong pasyente. Ang pinakapangkaraniwang ginagamit na maikling pangalang madaling tandaan na makatutulong sa pagalala ng paraan sa pagsagip ng buhay ay ang ABC, na nangangahulugang Airway, Breathing at Circulation, o Ang daanan ng hininga, Buga ng hininga at C para sa Sirkulasyon (ginamit ang “si” bilang kasing-tunog ng titik na “C”).

Upang mapanatili ang buhay, ang lahat ng mga tao ay dapat na may bukas o walang balakid sa daanan ng hininga: kung saan makapapasok ang hangin sa pamamagitan ng bibig o ilong sa pamamagitan ng daanan ng hininga na nasa likod ng bibig (nasa ibabaw ng lalamunan) at leeg patungong pababa sa mga baga na walang pumipigil. Ang mga may malay na mga tao ay makapagpapanatili ng pagkakabukas ng sarili nilang daanan ng hininga, subalit yung mga taong walang malay (na may GCS na mababa pa sa 8) ay walang kakayahang panatilihing bukas ang daanan ng hangin, dahil maaaring hindi gumagana ang bahagi ng utak na likas at kusang nangangasiwa sa gawaing ito.

Kung nakahiga sa kaniyang likod ang taong walang malay, maaaring bumagsak paatras ang dila, na maaaring humarang sa oropharynx (isang galaw ng dila na tinatawag din na “paglulon” o “paglunok” sa dila, bagaman hindi tumpak na katawagan). Madali itong maitatama ng manlulunas sa pamamagitan ng dahan-dahang pagaangat-tulak sa ulo papasalikod (sa pamamagitan ng paglalagay ng isang kamay sa noo ng pasyente, at habang umaalay din ang isa pang kamay na nakahawak sa ilalim ng baba ng taong walang malay).[8]

Kung humihinga ang taong kinakalinga, karaniwang inihihilig ng tagapagkalinga ang katawan ng pasyente, na makakasanhi ng pagtulong sa pagkakaalis ng tumatakip na dila mula sa butas-hingahan ng lalamunan. Naiiwasan din nito ang karaniwang sanhi ng pagkamatay ng mga walang-malay na pasyente: ang mabulunan o mahirinan dahil sa mga nalunok na mga bumabalik na laman-tiyan.

Maaari ding maharangan ang daanan ng hininga sa pamamagitan ng mga bagay na hindi bahagi ng katawan, na maiipit at magtatagal sa butas-hingahan o bahay-boses, na karaniwang tinatawag na nabulunan o pagkakaramdam ng “pagsakal” mula sa loob ng lalamunan. Tuturuan ang isang taong nag-aaral para maging tagapagbigay-lunas na matatanggal ang ganitong suliranin sa pamamagitan ng pinagsamang pagbatok sa likod at pataas na pagtulak sa tiyan ng pasyente.

Kapag nabuksan na ang daanan ng hininga, susuriin ng manlulunas kung humihinga na ang pasyente. Kung hindi pa humihinga ang taong tinutulungan, o kung hindi ito humihinga ng tama – katulad ng kahirapan sa paghinga, gagawin ng tagapagkalingang-manlulunas ang maaaring isa sa pinakanakikilalang hakbang: ang resusitasyong kardyopulmonaryo o CPR (batay sa pagpapaikli sa katagurian nito sa Ingles – ang CardioPulmonary Resuscitation ), na kinasasangkapan ng paghinga para sa pasyente, at paghilot sa puso - na tuwirang ginagamitan ng mga kamay - upang maitaguyod ang mainam na pagdaloy ng dugo sa buong katawan.

Pagtataguyod sa madaliang paggaling

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maaari ding sanayin ang nagaaral na manlulutas kung paano pangasiwaan ang mga pinsalang katulad ng mga sugat, hiwa, galos, gasgas, o mga bali sa buto. Maaaring lubos na malutas ng nagbibigay-lunas ang mga suliraning katulad ng pagkahiwa dahil sa matalim na gilid ng papel sa pamamagitan ng paglalagay ng maliit na bendang may pandikit; o kaya ay kalingain at pangalagaan ang suliraning kinasasangkutan ng pagkabali ng isang buto hanggang sa dumating ang susunod na hakbang ng pagkalinga, panagip at pagtulong, na maibibigay sa pagdating ng mga tauhang nakasakay sa isang ambulansya.

Bagaman karaniwang kaugnay ng pagbibigay ng pangunang lunas, ang sagisag na may kulay-pulang krus ay isang pananggalang na tanda ng samahan ng Pulang Krus. Ayon sa mga Pagtitipon sa Hinebra at ibang mga batas pansandaigdigan, ang paggamit ng sagisag na ito at ng mga kahawig na mga palatandaan ay nakalaan lamang para sa mga tunay na sangay ng Pansandaigdigang Pulang Krus at Pulang Gasuklay, at bilang pananggalang na sagisag ng mga tauhang manggagamot at ng mga himpilan at tanggapang nasa loob ng katayuan ng pakikidigma.

Ang isang kulay-puting krus na may panlikod na tanawing lunti, na nakalathala sa simula ng pahinang ito, ang sagisag ng mga tagapagbigay ng pangunahing tulong-panlunas na tinatanggap sa buong mundo.

May ilang mga samahan na maaaring gumamit ng Bituin ng Buhay, bagaman karaniwang nakalaan lamang ito para sa mga palingkurang Ambulansya; o ang mga sagisag na katulad ng Krus ng Malta, Samahang Alagad Pang-ambulansya ng Malta at Ambulansyang San Juan; o iba pang mga sagisag.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Paunang Lunas o First Aid". Center for Southeast Asian Studies, Northern Illinois University. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2017-08-29. Nakuha noong 6 Setyembre 2017.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "First aid o paunang lunas sa mga biktima ng paputok". GMA News. 31 Disyembre 2015. Nakuha noong 6 Setyembre 2017.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Kahalagahan ng first aid". Remate. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2017-09-15. Nakuha noong 6 Setyembre 2017.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Emergency First Aid, Safety Oriented, St. John Ambulance, nasa wikang Ingles, pangalawang edisyong pang-Canada, 1984, St. John Priory of Canadian Properties, may 177 na mga pahina, ISBN 0-919434-46-0
  5. First Aid: From Witchdoctors & Religious Knights to Modern Doctors (Paunang lunas: Mula sa mga Albularyo at Makarelihiyong mga Kabalyero hanggang sa mga Makabagong Manggagamot), kinuha noong 10 Disyembre 2006.
  6. Industrial Revolution: St. John Ambulance (Rebolusyong Industriyal: Ambulansiyang San Juan) Naka-arkibo 2007-02-20 sa Wayback Machine., kinuha noong 10 Disyembre 2006.
  7. Pulang Krus sa Amerika - Museo, kinuha noong 10 Disyembre 2006.
  8. ’’St. John Ambulance (2006). First Aid Training:First on the Scene. Student Reference Guide Activity book’’ (Pagsasanay sa Pagbibigay ng Paunang Tulong na Panlunas: Sangguniang-Gabay sa mga Gawain Para sa Mag-aaral). Ambulansiyang San Juan. pahina 23-7. ISBN 1-894070-56-9

Mga talaugnayang panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]