Mau Marcelo
Mau Marcelo | |
---|---|
Kabatiran | |
Pangalan noong ipinanganak | Maureen Flores Marcelo |
Kapanganakan | 13 Mayo 1980 |
Pinagmulan | Lungsod ng Lucena, Pilipinas |
Genre | Soul, R&B |
Taong aktibo | 2003[1]-kasalukuyan |
Label | Sony BMG |
Isang Pilipinang mang-aawit si Maureen "Mau" Flores Marcelo (ipinanganak noong 13 Mayo 1980)[2] na nakilala nang nagwagi sa Philippine Idol, na prankisa ng mga seryeng idol ng FremantleMedia at ipinalabas sa Pilipinas sa estasyong pantelebisyon na ABC. Tinagurian siyang "Soul Idol" at ang "black belter" (mambibirit) ng paligsahan dahil sa kanyang estilong R&B sa pag-aawit. Tinawag din siyang "The Diamond Diva" (Ang Diamanteng Babaeng Mang-aawit) matapos ng kanyang pagtanghal ng "Diamonds Are Forever" ni Shirley Bassey noong Linggo ng mga Temang Pampelikula at Pangmusikal na lubusang pinalakpakan ng mga manonood.[3]
Naging kilala rin siya sa bansag na Samantha Brown, hango sa apelyido ng kanyang ama.[4]
Siya rin ang naging kinatawan ng Pilipinas sa Asian Idol,[5] na ginanap sa kalagitnaan ng Disyembre 2007 sa Lungsod ng Jakarta sa Indonesia.
Talambuhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Maagang bahagi ng buhay at karera
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isang Amerikanong mamamayan mula Puerto Rico ang kanyang ama, na may dugong Aprikano at Kastila habang Pilipina ang kanyang ina. Iniwan sila ng kanyang ama noong apat na buwang gulang pa lang siya, habang namatay ang kanyang ina noong siya ay 14 na taong gulang. Mayroon siyang kapatid sa labas mula sa kanyang ina at tatlo pang kapatid sa labas mula sa kanyang ama.[6] Madalas siya kutyain at tuksuhin noong bata dahil sa kanyang kayumangging kutis, dahilan ng kanyang takot na pumasok sa paaralan.
Noong pitong taong gulang si Marcelo, tinuruan siya ng kanyang ina sa pag-awit, kung saan una niyang natutunan ang awiting "Somewhere Out There" na isinulat ni James Horner. Unang pagtatanghal niya sa publiko noong nasa unang baitang siya nang sumali sa timpalak sa pag-awit bilang pagdiwang sa Araw ng Pagkakatatag ng kanyang paaralan. Ito rin ang unang pagkakataon na nanalo siya. Sa edad na walo, sumali rin siya kinalaunan sa iba't ibang timpalak sa pag-awit sa lalawigan ng Quezon at sa nakapaligid nitong mga lugar, kung saan madalas siyang nananalo na siyang nagbigay sa kanya ng kumpiyansa sa sarili. Natutunan din niyang tanggapin ang kanyang sarili at ang kanyang hitsura.[2]
Isang taon matapos mamatay ang kanyang ina, nagbalik sa Pilipinas ang ama ni Marcelo at nagkakilala sila sa unang pagkakataon.[6] Madalas silang nagtatawagan mula noon kahit na nakatira na sa Amerika ang kanyang ama at may sarili nang pamilya. Nagtapos kalaunan sa Pambansang Mataas na Paaralan ng Quezon si Marcelo[4] at nag-aral ng kolehiyo sa Manuel S. Enverga University Foundation.[2] Parehong nasa Lungsod ng Lucena ang dalawang paaralan.
Naging beterana sa mga timpalak sa pag-awit si Marcelo. Sumali siya sa kanyang kauna-unahang pambansang timpalak, ang Star for a Night na ipinalabas sa IBC-13. Nakaabot siya sa Grand Final, ngunit natalo kay Sarah Geronimo.[2] Hindi sumama ang kanyang loob sa pagkakatalo. Naging bahagi kalaunan si Marcelo sa bandang "Chemical Syndrome" at nag-ikot sa Lungsod ng Lucena at mga nakapaligid na lugar.[7] Sumali rin siya sa iba't ibang timpalak sa pag-awit na ipinalabas sa telebisyon gaya ng Star Quest sa Magandang Tanghali Bayan ng ABS-CBN at Sing Galing ng ABC-5.[4]
Sa tulong ng kanyang bayaw, nagtungo sa Singapore si Marcelo noong 2004. Nagtanghal siya sa iba't ibang mga bar sa bansa gamit ang bansag na "Samantha Brown" at naging kilala sa mga Pilipinong tagaroon.[8]
Bago mag-awdisyon si Marcelo para sa Philippine Idol, nagwagi siya sa mahigit 200 timpalak sa pag-awit.[2] Biro pa niya sa isang panayam na sa dami ng kanyang mga tropeyo sa bahay, kinailangan niyang ipamigay ang ilan sa mga paligsahang pagandahan o "beauty contest" ng mga bakla.[4]
Philippine Idol
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sinubukan ni Marcelo na mag-awdisyon sa Philippine Idol sa pamamagitan ng isang "fast track screening" (mabilisang iskrining) na ginanap sa SM City Lucena.[9] Sa kanyang pagpasa sa mabilisang iskrining, hindi na niya kinailangang dumaan pa sa maraming iskrining sa pangunang awdisyon.
Nag-awdisyon si Marcelo (kalahok bilang 1646) sa Philippine International Convention Center sa Lungsod ng Pasay, kung saan inawit niya ang "Laging Naroon Ka" ng kanyang paboritong mang-aawit na si Jaya.[2] Hindi ipinalabas sa Philippine Idol ang kanyang awdisyon, ngunit naipakita siya sa hulihang bahagi ng "theater eliminations" (tanggalan sa teatro) kung saan inawit niya ang "How Am I Supposed to Live Without You" ni Laura Branigan.
Sa kabila ng kanyang kahanga-hangang awdisyon, hindi madali ang paglakbay ni Marcelo sa Philippine Idol. Hindi siya umabot sa Pangunang 4 noong Semi-Final ng mga babaeng kalahok at kinailangan pang dumaan sa Wildcard.[2] Dahan-dahang nawala ang kanyang kumpiyansa sa sarili, hanggang sa puntong nasabi niya noong "Result Show" (pagpapakita ng resulta) sa Wildcard, nang iisang puwesto na lang ang kulang para mabuo ang 12 kalahok sa kumpetisyon, na isang pagandahan ang Philippine Idol.[10] Nagpalakpakan ang mga manonood sa kanyang sinabi bilang pagsang-ayon, kabilang na si Ryan Cayabyab na isa sa mga hurado ng palabas. Nang tinawag ang kanyang pangalan bilang bahagi ng mga kalahok sa Idol, umiyak siya nang malakas sa entablado.
Sa kalagitnaan ng kumpetisyon, pinetisyon si Marcelo ng kanyang ama upang tumira sa Amerika. Kinausap niya ang kanyang ama tungkol sa kanyang pinagdadaanan sa timpalak. Pinayuhan siya na maaari niyang ipagpatuloy ang laban, ngunit ayaw makita ng ama na masaktan siya. Sa huli, nagdesisyon si Marcelo na tumuloy sa kumpetisyon.
Nakatanggap si Marcelo ng suporta mula sa kanyang libu-libong tagahanga, hanggang sa puntong nag-alay ang ilan sa mga "Maureenian" ng kanilang mga serbisyo sa kanya sa pamamagitan ng isang "make-over" (pagbabagong-anyo) mula sa kanyang pananamit, estilo ng buhok, tikas, at maging ang kanyang pananalita.[2] Dumaan din siya sa estriktong diyetang South Beach[6] at nagbawas ng 12 libras sa timbang sa kalagitnaan ng kumpetisyon.[10]
Pinuri si Marcelo ni Lea Salonga, na naging panauhing hurado noong Linggo ng mga Temang Pampelikula at Pangmusikal noong 19 Nobyembre 2007, kung saan sinabi niya na si Marcelo ang pinakamagaling na mang-aawit sa kumpetisyon.[3]
Dalawang beses napunta si Marcelo sa Hulihang 3, at dalawang beses din siyang tinawag sa "Hot Spot" (alanganin) kung saan walang opisyal na Hulihang 3 o 2 na inanunsiyo.
Hindi kasama si Marcelo ng mga napipisilan ng mga manunulat sa shobis na mananalo sa timpalak. Dagdag pa nila na Philippine Idol ang hinahanap at hindi "diva" (babaeng mang-aawit). Kinumpara rin siya kay Ruben Studdard, ang nanalo sa ikalawang season ng American Idol, na magaling man sa kantahan ngunit salat naman sa kasikatan.[11]
Noong Final (katupusan) ng timpalak na ginanap sa Araneta Coliseum, lantarang hinulaan ng mga hurado na lalake ang mananalo sa kumpetisyon, nangangahulugang maaaring mapunta ang titulo kina Gian Magdangal o Jan Nieto. Nakatanggap ng mga negatibong komento si Marcelo mula sa mga hurado sa kanyang unang dalawang kanta—ang "Love Takes Time" ni Mariah Carey na kanyang sariling pili at "Balut" ng New Minstrels na pili naman ng mga hurado—sa kabila ng kanyang kahanga-hangang pagtanghal. Bumawi siya sa kanyang ikatlo at huling awitin, ang "Try It On My Own" ni Whitney Houston na pinili ng kompanyang pang-rekording at magiging awiting pagbunyi kung sakaling siya ang manalo. Matapos ng kanyang pagtanghal, nakatanggap siya ng masigabong palakpakan mula sa mga manonood na nagtagal maging sa pagpapalabas ng patalastas.[12]
Kinabukasan, umiyak si Marcelo nang malakas sa entablado nang inanunsiyo na siya ang nagkamit ng titulo bilang kauna-unahang Philippine Idol. Nakakuha siya ng 35.36% ng kabuuang boto.[4]
Matapos ang Idol
[baguhin | baguhin ang wikitext]Halo-halo ang reaksiyon sa pagkakapanalo ni Marcelo. Inihalintulad ng ilan ang kanyang pagwagi sa isang dehadong nanalo sa ngalan ng talento.[3] Kinuwestiyon naman ng iba kung balido ng kanyang pagkakapanalo dahil may bisa pa ang kanyang 5-taong kontrata sa Viva Entertainment, na nagprodyus ng Star for a Night, habang tumaktakbo ang kumpetisyon. Dagdag pa nila na plano diumano ng may-ari ng Viva Entertainment na si Vincent del Rosario na idemanda si Marcelo.[13] Paglilinaw ni Marcelo sa isang preskon na nagkasundo ang dalawang partido. Dagdag pa niya na naglabas ng salaysay ang Viva na masaya ang kompanya para kay Marcelo.[14] Sabi naman ng iba na si Nieto sana ang nanalo.[15]
Nagbiro ang manunulat sa shobis na si Lolit Solis na bagay na bagay si Marcelo na gumanap bilang ina ni Eunice Lagunsad, na gumanap bilang "Charming" sa teleseryeng Bakekang.[16] Inamin ni Marcelo na hindi siya nahuhulma sa karaniwang mang-aawit na Pilipino, lalo na't may hilig ang madla na mahalina sa mga mang-aawit hango sa panlabas na hitsura at hindi sa talento.[17]
Nang natanggap ni Marcelo ang kanyang premyong P800,000 (dating P1 milyon na may bawas na 20% buwis), nakabili siya ng kotseng segunda-mano—na siyang unang pumasok sa kanyang isip nang manalo sa kumpetisyon[3]—at maging sa pagsagot sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya,[7] gaya ng pag-aaral sa kolehiyo ng kanyang nobyo.[6]
Napagdesisyunan din ni Marcelo na magtagal pa sa Pilipinas upang bigyang prayoridad ang kanyang karera bilang mang-aawit. Dagdag pa niya na itutuloy pa rin niya ang pagkanta kahit na mapunta siya sa Amerika.[12]
Matapos manalo sa Philippine Idol, nagtanghal si Marcelo sa unang pagkakataon sa programang Shall We Dance: Christmas with the Champions ng ABC-5 kung saan inawit niya ang kanyang "victory song" (awiting nagpanalo) na "Try It On My Own". Nagtanghal din si Marcelo noong 20 Disyembre 2006, sa Malacañang para sa pagsasalong Pamasko ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.[18]
Nagtanghal si Marcelo kasama ng kanyang mga kapwa-Finalist sa Philippine Idol sa konsyertong ginanap sa Araneta Coliseum noong 23 Marso 2007.[19] Naging panauhin din siya sa konsyerto ni Lani Misalucha kasama ni Frenchie Dy, kung saan umawit sila ng isang "medley" (dugtung-dugtong na awit) ng musikal na Dreamgirls.[20]
Ginanap ang unang konsyertong pangsolo ni Marcelo sa kanyang bayan sa Lungsod ng Lucena noong 21 Abril 2007, sa Sentro Pastoral Auditorium. Kabilang sa kanyang mga panauhin sina Reymond Sajor, na finalist din sa Idol at kapwa Lucenahin, at ang bandang Chemical Syndrome kung saan dati siyang miyembro.
Lumabas din si Marcelo sa iba't ibang mga palabas pangmusika, kabilang na ang ASAP 07 ng ABS-CBN at SOP Rules ng GMA Network, at maging sa iba't ibang mga kaganapang pangkorporasyon at pangradyo.[21] Wala pa siyang regular na palabas sa telebisyon, kumpara kay Magdangal na naging talento ng SOP Rules ilang linggo matapos ang Philippine Idol. Sinabi ni Marcelo na masaya siya para kay Magdangal at hindi siya naiinggit sa tinatamasang tagumpay ng huli.[22]
Personal na buhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]May dalawang anak si Marcelo, sina Patricia (ipinanganak noong 2002) at Paolo (ipinanganak noong 2006), mula sa kanyang matagal nang nobyo na si Ritchie Bonilla,[7] dating mensahero sa Kapitolyo ng Lucena.[6] Ilang beses na niyang hindi tinanggap ang alok na magpakasal sila ng nobyo dahil hindi raw muna niya kailangan ito lalo na sa kanyang bisi na karera. Ngunit inamin din ni Marcelo na balak din niyang magpakasal kay Bonilla balang araw.[7]
Mga rekording
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bago ang Idol
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bago ang Philippine Idol, nakapagrekord si Marcelo (sa ilalim ng bansag na "Samantha Brown") ng isang album na naglalaman ng sampung orihinal na mga awit na nilikha ng kanyang bayaw.[8] Kabilang din siya sa album ng Star for a Night.
2006: Philippine Idol: The Final 12
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinalabas ang isang EP na pinamagatang On My Own noong 2 Enero 2007 ng Sony BMG bilang bahagi ng kanyang premyo sa Philippine Idol. Maliban sa awiting pampamagat, ang "Try It On My Own", kasama sa EP ang dalawa pang kanta na tinanghal ni Marcelo sa Philippine Idol na "Love Takes Time" at "Minsan Lang Kitang Iibigin". Kabilang din sa album ang mga bersyong minus-one ng mga awit.
2007: I Shine For You
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagpalabas din ang Sony BMG ng isang buong album ni Marcelo na pinamagatang I Shine For You sa taon ding iyon.[21] Sinabi niya na bagay sa kanya ang awiting pampamagat ng album dahil inilalarawan daw nito ang kanyang mga paghihirap sa Philippine Idol at bilang pasasalamat na rin sa kanyang mga tagahanga dahil sa kanilang walang-sawang suporta. Kabilang din sa album ang awit na kinompos ni Vehnee Saturno na "Sino Ba Naman Ako".[17] Pormal na ipinakita ang album sa SOP Rules ng GMA Network.
Mayroon ding dalawang awitin si Marcelo na ginamit sa CD na pinamagatang Philippine Idol: The Final 12: "Minsan Lang Kitang Iibigin" (bilang solo) at Kaleidoscope World (kabilang ang iba pang mga finalist).
Diskograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga album
[baguhin | baguhin ang wikitext]Taon na nilabas | Pamagat | Kompanyang nagrekord |
---|---|---|
2003 | Star For A Night[*] | VIVA Records |
2004 | Samantha Brown | sariling-gawa |
2006 | Philippine Idol: The Final 12[*] | Sony BMG Music Philippines |
2007 | On My Own | Sony BMG Music Philippines |
2007 | I Shine For You | Sony BMG Music Philippines |
* ^ Mga album na kung saan nagrekord si Marcelo ng isa o higit pa na single.
Mga single
[baguhin | baguhin ang wikitext]Taon na nilabas | Pamagat | Album |
---|---|---|
2007 | "Try It On My Own" | On My Own |
2007 | "I Shine For You" | I Shine For You |
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Philippine Idol - para sa tala ng mga awiting tinanghal ni Marcelo sa kumpetisyon
Panlabas na kawing
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Impormasyon para kay Mau Marcelo sa Opisyal na Websayt ng Philippine Idol Naka-arkibo 2007-12-11 sa Wayback Machine.
- Mau Marcelo sa Friendster Naka-arkibo 2007-12-21 sa Wayback Machine.
- Mau Marcelo Yahoo! Groups Naka-arkibo 2013-01-05 at Archive.is
- Impormasyon para kay Mau Marcelo's sa Opisyal na Websayt ng Asian Idol Naka-arkibo 2007-12-13 sa Wayback Machine.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Mula sa pagkakasali sa Star for a Night.
- ↑ 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 Mau Does Some Soul Searching Naka-arkibo 2007-09-27 sa Wayback Machine. Opisyal na websayt ng Philippine Idol, seksiyong pang-feature
- ↑ 3.0 3.1 3.2 3.3 The 1st 'Philippine Idol': Mau is it! Manila Bulletin, 12 Disyembre 2007
- ↑ 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 Pangarap ni Mau, mababaw Abante Tonite, 12 Disyembre 2006
- ↑ Bahagi ng "Kristine, mahal na mahal ni Diether" Naka-arkibo 2017-07-01 sa Wayback Machine. Abante Online, 23 Agosto 2007
- ↑ 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 Living large with Mau Marcelo Naka-arkibo 2007-11-04 sa Wayback Machine. The Sunday Times, 21 Enero 2007
- ↑ 7.0 7.1 7.2 7.3 Mau Marcelo's Secrets Revealed Naka-arkibo 2007-12-31 sa Wayback Machine. emusicality.com (nagbigay ng kawing sa Journal Online, ngunit hindi ito gumagana)
- ↑ 8.0 8.1 Lucena prepares grand welcome for Philippine Idol Naka-arkibo 2009-07-27 sa Wayback Machine., Philippine Daily Inquirer, 11 Disyembre 2006
- ↑ Impormasyon ukol kay Mau Marcelo Naka-arkibo 2007-12-11 sa Wayback Machine. Opisyal na websayt ng Philippine Idol, seksiyong pang-Contestant
- ↑ 10.0 10.1 Dark horse Mau bags first "Philippine Idol" title Naka-arkibo 2007-11-04 sa Wayback Machine. The Manila Times, 12 Disyembre 2006
- ↑ ‘Philippine Idol’ fearless forecast: Gian vs. Jan Naka-arkibo 2007-12-19 sa Wayback Machine. Pep Eye, Philippine Entertainment Portal, 24 Nobyembre 2006
- ↑ 12.0 12.1 Mau Marcelo, after Philippine Idol Naka-arkibo 2007-11-17 sa Wayback Machine. Opisyal na websayt ng Philippine Idol, seksiyong pang-Feature
- ↑ ABC 5, babawiin ang titulo ng 1st Philippine Idol dahil may kontrata ito sa Viva?[patay na link] Pilipino Star Ngayon, 13 Disyembre 2006
- ↑ Ipinalabas ito sa TV Patrol noong 17 Enero 2007
- ↑ Jan Nieto should have won in Philippine Idol Naka-arkibo 2007-12-19 sa Wayback Machine. Pep Eye, Philippine Entertainment Portal, 13 Disyembre 2006
- ↑ Mau haom himoong mama ni Charming[patay na link] PangMasa, 14 Disyembre 2006
- ↑ 17.0 17.1 Mau Marcelo shines in her debut album Naka-arkibo 2013-04-16 at Archive.is Philippine Entertainment Portal, 23 Agosto 2007
- ↑ Joining the Bandwagon PJR Reports Isyu Enero 2007
- ↑ Unang Pahina Naka-arkibo 2007-11-16 sa Wayback Machine. Promosyon ng konsyertong Philippine Idol sa opisyal nitong websayt
- ↑ The magic of Lani Misalucha’s performance Manila Standard Today, 26 Marso 2007
- ↑ 21.0 21.1 The Take Pahinang pang-album ng "I Shine For You" sa websayt ng Sony BMG Music Philippines
- ↑ Mau Marcelo: Of dreams and realities Manila Bulletin, 26 Agosto 2007