Pumunta sa nilalaman

Huseng Batute

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Jose Corazon de Jesus
Si Jose Corazon de Jesus noong 1924
Kapanganakan22 Nobyembre 1896
  • (Maynila, Kalakhang Maynila, Pilipinas)
Kamatayan26 Mayo 1932
LibinganSementeryo Norte ng Maynila
MamamayanPilipinas
NagtaposPamantasang Sentral ng Maynila
Trabahomakatà

Si José Corazón de Jesús (22 Nobyembre 1896-26 Mayo 1932), kilala rin bilang Huseng Batute, ay isang makatang Pilipino na sumulat ng mga tula sa Tagalog upang ipahayag ang pagnanasa ng mga Pilipino na maging malaya noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946). Tinawag ring "Pepito" noong kanyang kapanahunan.

Si Jose Corazon de Jesus ay isinilang sa Sta. Cruz, Manila noong 22 Nobyembre 1896 na anak nina Vicente de Jesus, ang unang direktor ng kagawaran ng kalusugan ng pamahalaang Amerikano sa Pilipinas, at Susana Cruz ng Pampanga. Bininyagan siyang Jose Cecilio de Jesus ngunit pinalitan niya ang Cecilio ng Corazon (puso sa Español) dahil iyon daw ang tumutugma sa kanyang katauhan.

Lumaki si De Jesus sa bayan ng kanyang ama, sa Santa Maria, Bulacan. Nag-aral siya sa nasirang Liceo de Manila kung saan siya nagtapos noong 1915. Ang una niyang tula na nailimbag ay ang Pangungulila na lumabas noong 1913 sa nasirang Ang Mithi noong siya ay 17 taong gulang.

Noong 1918, nakuha niya ang kanyang batsilyer ng batas mula sa nasirang Academia de Vera ngunit hindi niya pinagpatuloy ang kanyang pagiging abogado dahil abala na siya sa pagsulat ng isang kolum ng mga tula sa pahayagang Tagalog na Taliba. Ang kolum ay tinawag na Buhay Cavite na isinulat niya sa pangalang-pluma na Huseng Batute. Sa pamamagitan ng kanyang kolum, pinuna ni De Jesus ang lipunan sa ilalim ng mga mananakop na Amerikano at pinalaganap niya ang mithiin ng kasarinlan ng Pilipinas na noo'y isang commonwealth sa ilalim ng pamahalaang Estados Unidas.

May mga 4,000 tula siyang naisulat sa kanyang kolum na Buhay Cavite. Sumulat din siya ng mga 800 kolum na pinamagatang Ang Lagot na Bagting. Paborito niyang pangalang-pluma ang Huseng Batute ngunit sumulat din siya sa ilalim ng mga pangalang Pusong Hapis, Paruparu, Pepito Matimtiman, Mahirap Dahong Kusa, Paruparong Alitaptap, Amado Viterbi, Elyas, Anastacio Salagubang, Tubig Lily at Pag-ibig.[1]

Hari ng balagtasan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sina Florentino Collantes (kaliwa) at Jose Corazon de Jesus (kanan) sa unang balagtasan sa Maynila

Noong 28 Marso 1924, si De Jesus ay isa sa mga pangunahing manunulat sa Tagalog na nagpulong sa Instituto de Mujeres sa Tondo, Manila upang pagusapan ang pagdiriwang ng kaarawan ng makatang Tagalog na si Francisco Balagtas sa Abril 2. Ang pulong ay tinawag at pinamunuan ng manunulat na Rosa Sevilla. Napagpasyahan ng mga manunulat na magpalabas ng tradisyonal na duplo, o isinadulang debate sa tula na uso noong araw ngunit nalalaos na noong mga 1920. Pinalitan nila ang porma ng duplo at binansagan itong balagtasan para kay Balagtas.

May tatlong pares ng mga makata na sumali sa unang balagtasan na ginanap noong 6 Abril 1924 sa Instituto de Mujeres, na itinatag ni Sevilla. Naging matagumpay ang balagtasan at nakagiliwan ng mga manonood ang pares nina De Jesus at Florentino Collantes.

Sumikat ng lubusan ang balagtasan at ito ay naging karaniwang palabas sa mga pinakamalaki at pinakamahal na teatro sa Maynila hanggang noong dekada ng 1950. Pinagtapat sina De Jesus at Collantes at ginawa silang magkaribal at nagtakda ng isang tagisan ng galing noong 18 Oktubre 1925 sa Olympic Stadium. Si De Jesus ang nanalo ng tagisan na iyon at binansagan siyang Hari ng Balagtasan. Hinawakan niya ang titulo hanggang mamatay siya noong 1932.

Mga huling taon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sikat na si De Jesus bilang Huseng Batute sa buong Pilipinas noong inanyayahan siyang umarte sa pelikulang Oriental Blood. Kasama niya ang mga bantog na aktres ng panahong iyon (Atang dela Rama at [Maria Santos]). Kasama rin sa kast ang kanyang anak na si Juliano de Jesus, na naging aktor sa ilang mga pelikulang Pilipino.

Ngunit nagkasakit si Huseng Batute habang ginagawa ang pelikula at lumala ang kanyang sakit hanggang siya ay mamatay noong 26 Mayo 1932. Iniwan niya ang kanyang asawang si Asuncion Lacdan de Jesus at mga anak Teresa, Jose Jr. at Rogelio.

Noong siya ay mamatay, binigay ng pamilya niya ang kanyang puso sa isang museo ng pamahalaan kung saan ito itinago hanggang ilibing ito sa libingan ng kanyang ina. Inilibing siya sa ilalim ng dagat sa Visayas, alinsunod sa kagustuhan niyang nakatala sa kanyang mga tulang Isang Malalim na Dagat at Ang Visayas.

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 8 by Remedios Infantado ISBN 978-971-23-7030-4 pp. 176

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]