Pumunta sa nilalaman

Lutuing Indones

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Indonesian cuisine)
Halimbawa ng pagkaing Sundanes; ikan bakar (pinritong isda), nasi timbel (kanin na binalot sa dahon ng saging), ayam goreng (pinritong manok), sambal, pinritong tempeh at tokwa, at sayur asem; ang mangkok ng tubig na may dayap ay kobokan.

Ang lutuing Indones ay koleksyon ng samu't saring tradisyon sa pagluluto sa mga rehiyong bumubuo sa kapuluang bansa ng Indonesya. Isang dahilan kung bakit may napakaraming uri ng resipi at lutuin ang komposisyon ng Indonesya. Halos 6,000 ang mataong pulo sa kabuuang 17,508 sa pinakamalaking kapuluan ng mundo,[1][2] na may higit sa 1,300 pangkat etniko.[3] Maraming umiiral na panrehiyong lutuin, madalas nakabatay sa katutubong kultura na may ilang banyagang impluwensyang dayuhan.[2]

Tradisyon at katangian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Halos 5,350 ang tradisyonal na resipi ng Indonesya, at 30 rito ang kinokonsiderang pinakaimportante.[4] Maaaring kabilang sa lutuing Indones ang mga pagkaing kanin, pansit at sabaw mula simpleng lokal na kaninan, merienda sa tabi ng kalsada, hanggang sa mamahaling mga pagkain.

Naiiba ayon sa rehiyon ang lutuing Indones, at samu't sari ang mga nag-impluwensiya rito.[2][5][6] Halimbawa, may impluwensiya ang mga lutuin ng Gitnang Silangan at Indiya sa lutuin ng Sumatra, na may kinaring karne at gulay gaya ng gulai at kari, habang halos katutubo ang lutuing Habanes,[2] na may kaunting impluwensiya mula sa lutuing Tsino. Kahawig ang mga lutuin ng Silangang Indonesya sa mga lutuing Polinesyo at Melanesyo. Makikita ang ilang elemento ng lutuing Tsino sa lutuing Indones: bahagi na ng lutuing Indones ang mga pagkain gaya ng pansit, bola-bola, at lumpiya.

Opor ayam (kinari), gulai, ketupat, tinadtad na patatas na may halong espesye, at bawang goreng na inihain noong Lebaran (Eid al-Fitr) sa Indonesya

Sa buong kasaysayan nito, nakikipagkalakalan ang Indonesya dahil sa lokasyon at likas na yaman nito. Bukod dito, naimpluwensiyahan ang mga katutubong teknika at sangkap ng Indonesya ng Indiya, Gitnang Silangan, Tsina, at sa huli Europa. Dinala ng mga Kastila at Portuges na mangangalakal ang mga naaani mula sa Bagong Mundo bago pa man dumating ang mga Olandes para kolonisahan ang kapuluan. Nakatulong din ang mga isla ng Indonesya, ang kapuluang Maluku, na kilala bilang "mga Isla ng Espesya", sa pagpapakilala ng mga katutubong espesya, katulad ng mga klabo at moskada, sa mga lutuin ng Indonesya at ng buong mundo.

Kadalasan, masalimuot ang lasa ng lutuing Indones,[7] na nakukuha mula sa ilang sangkap at bumbu (pinaghalong espesya). Malasa ang mga putaheng Indones; malimit na inilalarawan bilang malinamnam, sangsang at maanghang, pati na rin bilang kombinasyon ng mga pangunahing lasa kagaya ng matamis, maalat, asim at mapait. Pinapaboran ng karamihang Indones ang mainit at maanghang na pagkain, kaya pangunahing kondimento sa mga lamesang Indones ang sambal, isang mainit at maanghang na sarsang sili ng mga Indones na maaaring sahugan ng bagoong, lasona, at iba pa.[8] Ang pitong pangunahing paraan ng lutong Indones ay pagpiprito, pag-iihaw, paglilitson, pagbubusa, paggigisa, pagpapakulo at pagpapasingaw.

Ang Indonesya ay tahanan ng sate; isa sa mga pambansang pagkain nila, maraming baryante nito sa buong Indonesya.

Makikita sa lahat ng dako ng Indonesya ang iilang pagkain katulad ng nasi goreng,[9] gado-gado,[10][11] satay,[12] at soto[13] at itinuturing na pambansang pagkain ang mga ito. Ang opisyal na pambansang pagkain ng Indonesya ay tumpeng, pinili noong 2014 ng Kementerian Pariwisata dan Ekonomi Kreatif (lit. Ministeryo ng Turismo at Malikhang Ekonomiya) bilang ang pagkain na nagbibigkis sa pagkasari-sari ng mga tradisyon sa pagluluto ng Indonesya.[4] Kalaunan noong 2018, nakapili ang parehong ministeryo ng 5 pambansang pagkain ng Indonesya: soto, rendang, satay, nasi goreng, at gado-gado.[14]

Ngayon, karaniwan na ang ilang sikat na pagkain na nagmula sa Indonesya sa mga karatig na bansa, Malasya at Singapura. Pinapaboran ang mga pagkaing Indones katulad ng satay, bakang rendang, at sambal sa Malasya at Singapura. Sikat din ang mga pagkaing gawa sa utaw, kagaya ng mga baryasyon ng tokwa at tempeh. Itinuturing na imbensyong Habanes ang tempeh, isang lokal na pag-aangkop ng permentasyon at produksyon ng pagkain batay sa utaw. Isa pang pinakasim na pagkain ang oncom, na kahawig sa tempeh ngunit gumagamit ng iba't ibang base (hindi lang utaw), na gawa sa iba't ibang fungi, at lalo nang popular sa Kanlurang Java.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Food in Indonesia" [Pagkain sa Indonesia]. Food by Country (sa wikang Ingles).
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 "Indonesian Cuisine." [Lutuing Indones] (sa wikang Ingles). Naka-arkibo 10-23-17 sa Wayback Machine. Epicurina.com . Nakuha noong Hulyo 2011.
  3. "Mengulik Data Suku di Indonesia". Badan Pusat Statistik. 18 Nobyembre 2015. Nakuha noong 12 Pebrero 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 Nadya Natahadibrata (10 Pebrero 2014). "Celebratory rice cone dish to represent the archipelago" [Pandiriwang na ulam kanin, kakatawan sa kapuluan] (sa wikang Ingles). The Jakarta Post. Nakuha noong 9 Hulyo 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Indonesian food." [Pagkaing Indones] (sa wikang Ingles). Naka-arkibo 09-10-2011 sa Wayback Machine. Belindo.com Naka-arkibo 09-07-2011 sa Wayback Machine.. Nakuha noong Hulyo 2011.
  6. "Indonesian Cuisine" [Lutuing Indones] (sa wikang Ingles). Diner's Digest. Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Abril 2011. Nakuha noong 11 Hulyo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Flavours of Indonesia, Balinese Food". Destination Asia. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Agosto 2014. Nakuha noong 26 Agosto 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Sara Schonhardt (25 Pebrero 2016). "40 Indonesian foods we can't live without" [40 pagkaing Indones na hindi kami mabubuhay kung wala]. CNN (sa wikang Ingles).{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Nasi Goreng: Indonesia's mouthwatering national dish" [Nasi Goreng: Katakam-katam na pambansang pagkain ng Indonesia] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Hulyo 2010. Nakuha noong 5 Hulyo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Gado-Gado | Gado-Gado Recipe | Online Indonesian Food and Recipes at IndonesiaEats.com". Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-12-27. Nakuha noong 2023-02-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "National Dish of Indonesia Gado Gado" [Pambansang Pagkain ng Indonesia Gado Gado] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Hunyo 2010. Nakuha noong 5 Hulyo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "Indonesian food recipes: Satay" [Mga resipi ng pagkaing Indones: Satay] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Agosto 2010. Nakuha noong 5 Hulyo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "A Soto Crawl" (sa wikang Ingles). Eating Asia. Nakuha noong 5 Hulyo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Senja, Anggita Muslimah Maulidya Prahara. Nursastri, Sri Anindiati (pat.). "Kemenpar Tetapkan 5 Makanan Nasional Indonesia, Ini Daftarnya - Kompas.com". KOMPAS.com (sa wikang Indones). Jakarta: Kompas Cyber Media. Nakuha noong 2018-04-18.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)