Pumunta sa nilalaman

Kuh Ledesma

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Kuh Ledesma
Si Kuh Ledesma.
Kapanganakan
Maria Socorro Ledesma

(1955-03-16) 16 Marso 1955 (edad 69)
Bacolod

Si Kuh Ledesma (ipinanganak noong 16 Marso 1955) ay isang bantog na mangaawit ng Pilipinas. Sa loob ng 25 taon, 300 bilang ng pagtatanghal ang nagawa ni Ledesma. Nakatanggap rin siya ng maraming parangal, at nakagawa ng 18 album ng mga awitin sa Pilipinas. Si Ledesma ang kauna-unahang Pilipino na nagkamit ng Salem Music Awards sa London noong Marso 1989. Noong 1997, inilibas ni Ledesma ang kaniyang pinaka-unang album na pinamagatang Precious sa tulong ng mga bantog na manunulat at manlilikha ng mga kanta ng Pilipinas at ng Estados Unidos.[1][2]

Personal na buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Isabella, ang anak na babae ni Kuh Ledesma.

Pinanganak si Kuh Ledesma bilang Maria Socorro Ledesma noong 16 Marso 1955 sa lungsod ng Bacolod, Negros Occidental, Pilipinas. May anak na babae si Ledesma na nagngangalang Isabella Gonzalez.[2][3]

Bilang manganganta

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa loob at labas ng Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagsimulang maging mang-aawit si Ledesma noong sumali siya sa banda Lastiko" bago siya nagdesisyun sumali sa bandang Ensalada sa Bacolod, at isa pa lamang siyang estudyante ng Narsing sa kolehiyo. Si Ledesma at ang kaniyang mga kasama sa banda Lastiko, na sina Toto Gentica at Jet Montelibano, ay nagtungo sa Maynila sa kalaunan upang buuin ang bandang Music & Magic, na naging simula ng pagsikat ni Ledesma. Naging pangunahing artista si Ledesma sa isang pop ballet ni Alice Reyes, ang Rama Hari. Naging soloista si Ledesma noong likhain niya ang kaniyang pinakaunang sumikat na kanta, ang Dito Ba?.[1]

Sa loob ng dekada ng 1980, nagtanghal si Ledesma ng mga konsiyerto sa Cultural Center of the Philippines (CCP), sa Araneta Coliseum, sa PICC, at sa Philippine Folk Arts Theater.[1]

Noong 1982, itinanghal ni Ledesma ang isang palabas na panay artistang Pilipino, ang Ako ay Pilipino sa Cultural Center of the Philippines na ginamitan ng mga katutubong tunog, mga kundiman at mga makabagong kantang Pilipino. Naging isang espesyal sa telebisyon ang palabas ni Ledesma, at nasundan pa ng dalawang album. Nasundan din kaagad ang mga ito ng isa pang palabas sa CCP, ang Inspired Madness noong 1983, sa tulong ng direktor na si Peque Gallaga at ang musikerong si Ryan Cayabyab.[1]

Sa kapanahunan din ng klimang pampolitika ng dekada '80, nagbigay parangal si Ledesma kay Ninoy Aquino sa katapusan ng isang palabas sa CCP sa pamamagitan ng pag-awit ng Impossible Dream at You'll Never Walk Alone (Hindi Ka Nagiisa), na walang kahalong instrumento o a capella. Mula 1984 hanggang 1986, sumali si Ledesma sa Ang Pinoy Nga Naman (1, 2, at 3) ng Apo Hiking Society sa Folk Arts Theater.[1]

Noong Marso 1989, napili si Ledesma bilang pinakaunang Pilipinong mang-aawit na nakatanggap ng Salem Music Awards, matapos makipagtunggali sa isang paligsahan ng mga bantog na manganganta mula sa Asya sa bulwagang Royal Albert sa London.[1][2]

Sa loob ng dekada '90, nagkaroon si Ledesma ng mga sunud-sunod na palabas kasama ang mga artistang sina Noel Pointer, Jack Jones, Kenny Rankin, The Platters at Michel Legrand. Nasundan ito ng iba pang konsiyerto na kabilang ang mga mangangantang sina Regine Velasquez (sa Estados Unidos noong 1999), Pops Fernandez at Jaya (Power of Two, 1999). Matapos ang apat na araw na palabas kasama si Noel Pointer, isang violinista sa larangan ng jazz, naglabas si Ledesma ng isang album, ang The Voice, The Violin (Ang Boses, Ang Violin). Noong Pebrero 1994, nagkaroon si Ledesma ng palabas na pinamagatang Two of Hearts (Dalawang Puso), na katambal ang mangangantang si Jack Jones. Noong araw ng mga puso ng taong 1995, nagpalabas si Ledesma kasama naman si Kenny Rankin. Sinimulan ni Ledesma ang bagong milenyo sa pamamagitan ng isang palabas kasama ang The Platters. Noong 2002, nagkaroon si Ledesma ng isang palabas na pang-araw ng mga puso na kasama si Michel Legrand.[1]

May sariling kompanya si Ledesma na kung tawagin ay Headline Concepts. Nakapagtayo rin si Ledesma ng mga gusaling pang-tanghalan katulad ng Music Museum (isang teatro at gusaling-kainan na itinatag noong 1988 sa Greenhills, Maynila). Bukod sa Music Museum, itinayo din ni Ledesma ang Republic of Malate, na isang gusaling-aliwan sa kalye ng Mabini sa Maynila na nagpapaloob ng kainan, bar, pahingahan, palaruan, sigarilyuhan, bahay sayawan at teatro. Subalit, sa di inaasahang pagkakataon, ang The Republic of Malate ay natupok ng isang sunog noong Nobyembre, 2001. Hinahangad ni Ledesma na itayong mula ang gusali.[1]

Nagkaroon ng isang buwanang palabas pantelebisyon si Ledesma na kung tawagin ay Akuhstic Café, isang paglalakbay sa larangan ng musika na nagtanghal ng buhay sa tuwing sasapit ang gabi sa siyudad ng Maynila. Binisita ng palabas ang mga bahay-aliwan, pahingahan at mga konsiyerto sa Maynila. Nagkamit ang Akuhstic Café ng parangal mula sa Asian Television Awards sa Singapore bilang pinakabantog na programa sa larangan ng musika.[1]

Noong Abril 1997, naging bidang artista si Ledesma ng Muling Aawit ang Pasig, isang palabas upang maibalik ang Ilog Pasig sa dati nitong kagandahan at kalinisan, at pinamunuan ng dating Unang Ginang Ming Ramos.[1]

Noong 1998, ang ika-100 taon ng Kalayaan ng Pilipinas, matapos ang ang isang palabas na pang-araw ng mga puso, naatasan si Ledesma ng National Centennial Commission na gumawa ng isang palabas na itinuring na konsiyerto ng taon para sa ika-100 taon ng Kalayaan ng Pilipinas. Ang palabas ay tinawag na Lahi...Kami ang Pilipino at itinanghal sa loob ng tatlong gabi sa Expo Center sa Clark Airforce Base, ang dating base militar na panghimpapawid ng Estados Unidos sa Pilipinas.[1]

Pag-aari ni Ledesma ang Bravo Records, isang kompanyang lumilikha ang mga awitin. Kilala si Ledesma bilang isang tagapag-taguyod ng mga bagong talento sa larangan ng musika at pag-awit.[1]

Ipinagdiwang ni Ledesma ang kaniyang ika-25 taon sa larangan ng tugtugin sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga palabas sa Captain's Bar ng Mandarin Oriental Hotel (Kuh Ledesma Presents). Hangarin ni Ledesma na mailathala sa isang aklat ng mga larawan ang kaniyang buhay bilang mang-aawit.[1]

Kabilang si Ledesma sa Artista Para Sa Pagbabago (Artists for Change), isang organisasyon ng mga artista, ng mga maka-kalikasan, at mga negosyante. Pangulo siya ng Restaurant Owners Association of Malate, samahan ng mga nagmamay-ari ng mga gusaling-pang-kainan sa Malate.[1]

Noong panahon ng eleksiyon sa taong 2001, napili si Ledesma ng partidong PINATUBO (Pinag-isang Lakas Tungo sa Pagbabago) bilang pangunahin kandidatong pang-kongreso. Hangarin ng partidong PINATUBO na maibsan ang kahirapan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga kanayunan.[1]

Bukod sa pag-awit at paggawa ng mga mga palabas, nagbibiyahe rin si Ledesma sa loob at labas ng Pilipinas upang makilahok hinggial sa mga usaping nakapagbibigay-patnubay at nakakapagpapabuti ng pananaw sa sarili ng ibang tao.[1]

Pelikulang Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naging tampok na artista si Ledesma sa mga pelikulang Oro, Plata, Mata, Tinimbang ang Langit at The Year of Living Dangerously (Ang Taon ng Pamumuhay na May Panganib).[1]

Teatro Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naging tampok na artista si Ledesma sa Rama Hari at Kapinangan.[1]

Telebisyong Pilipino

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Gumawa si Ledesma ang mga espesyal na pantelebisyon kabilang ang bantog na programang Kuh by Special Arrangement. Naging tagapagpaunlak (co-host) rin si Ledesma sa Lingguhang palabas (tuwing Linggo) na pinamagatang A.S.A.P. Mania.[1]

Mga pagtatanghal sa labas ng Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Marso 1990, isinali si Ledesma bilang isang bisitang artista sa programang pantelebisyon ni Gilbert Becaud sa Paris, kung saan inawit ni Ledesma ang kantang Bulaklak sa tatlong wika (Pilipino, Ingles, at Pranses). Noong Hulyo 1990, si Ledesma ang naging mangangantang representatibo ng Pilipinas sa isang espesyal na programang pantelebisyon, ang Earth 90, sa Tokyo, Hapon. Ang Earth 90 ay isang palabas na nagtataguyod ng kahalagahan ng kalikasan. Ang palabas ay nasagap ng sabay-sabay ng mga telebisyon na may 80 bansa. Nakasama ni Ledesma sa palabas na ito sina Olivia Newton-John at John Denver. Sa taon ding ito, sumali si Ledesma sa parada ng NHK-KAYO sa Tokyo.[1]

Noong 1991, tinanggap ni Ledesma ang imbitasyon upang maging kasapi ng mga husgado para sa Miss Universe sa Las Vegas, Nevada, sa Estados Unidos[1]

Noong 1984, napili ni Peter Weir, isang direktor pang-internasyonal, si Ledesma bilang Tiger Lily para sa pelikulang The Year of Living Dangerously, kung saan nakasama ni Ledesma ang mga aktor na sina Mel Gibson at Sigourney Weaver.[1][4][5]

Matapos maging modelo ng sabon ng kompanyang Lux sa Pilipinas mula 1984 hanggang 1990, lumabas si Ledesma sa mga notisyang pantelebisyon ng Lux sa Singapore mula 1988 hanggang 1989, maging sa Indonesia noong 1992.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]