Labintatlong Martir ng Kabite
Ang Labintatlong Martir ng Cavite (Kastila: Trece mártires de Cavite) ay ang mga Pilipinong manghihimagsik sa Cavite na binaril sa bayan ng Cavite noong Setyembre 12, 1896, dahil sa kanilang pagkasangkot sa Katipunan noong panahon ng paghihimagsik ng Pilipinas laban sa Espanya. Isinunod bilang paggunita sa kanilang ala-ala ang lungsod ng Trece Martires sa lalawigan ng Cavite.
Ang Sabwatan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bago mabunyag ang Katipunan, binabalak na ni Emilio Aguinaldo na lusubin ang arsenal ng mga Kastila sa Moog ng San Felipe sa bayan ng Cavite, at nag-atas siya sa ibang Katipunero na maghikayat ng sapat na bilang ng kalalakihan upang makubkob nila ang naturang kuta. Ginanap ang kanilang pagpupulong sa bahay ni Feliciano Cabuco.
Nagkasundo sina Aguinaldo at mga Katipunero na bibigyan nila ng armas ang mga nakakulong sa bilangguan ng lalawigan na siyang pinagtatrabaho sa moog. Ang tungkuling maghikayat ng mga bilanggo ay ibinigay kay Severino Lapidario na siyang bantay ng bilangguan. Si Luís Aguado ang magbibigay ng salapi kay Lapidario upang bumili ng mga armas.
Batay sa kanilang plano, magpapaputok mula sa bodega ni Maximo Inocencio bilang hudyat ng simula ng pag-aaklas. Ang iba pang lider ng pag-aaklas ay sina Victoriano Luciano III, Agapito Conchu, Hugo Perez, Pablo Jose, Marcos Jose, at Juan Castañeda. Nakatakdang magsimula ang himagsikan noong Setyembre 1.
Noong Agosto 26, nakatanggap ng liham si Aguinaldo mula kay Andres Bonifacio na nagsasabi na nagpasiya ang mga Katipunerong nagpulong sa Balintawak noong Agosto 24 na simulan ang himagsikan sa ika-30 ng Agosto, na ang magiging hudyat ay ang pagpapadilim sa Bagumbayan (ngayo'y Luneta). Sa araw ding iyon, sinugod ni Bonifacio at ng kaniyang mga tauhan ang imbakan ng pulbura ng mga Kastila sa San Juan del Monte. Nang araw ding iyon, nagdeklara ng batas militar ang pamunuang Kastila sa buong lalawigan ng Maynila at mga karatig lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija.
Napag-alaman ni Aguinaldo ang pagdeklara ng batas militar sa isa pagpupulong kasama ang gobernador ng lalawigan na si Fernando Pargas noong umaga ng Agosto 31, 1896. Dagling nagtungo si Aguinaldo sa kamiserya ni Eugenio Cabezas upang sabihan na ipag-alam kay Lapidario na wala na silang panahon at kailangan na nilang mag-aklas. Si Cabeza ang nagsama kay Lapidario sa planong pag-aaklas.
Ngunit hindi sang-ayon si Cabezas na simulan ang himagsikan noong Agosto 31, dahil nais pa niya itong talakayin ng husto. Nagpasiya silang ipagpaliban ang pagsugod sa Setyembre 3. Subalit, napag-alaman ng mga Kastila ang naturang plano mula sa isang mananahi na si Victoriana Sayat at agarang napaaresto sina Lapidario, de Ocampo at Aguado. Ang tatlo'y incommunicado sa lantsang Ulloa at sinailalim sa interogasyon. Hinihinalang sila'y tinortyur.
Habang naghihintay ng paglilitis, nagtangkang magpatiwakal si de Ocampo sa paglalaslas ng kaniyang tiyan gamit ang basag na salamin. Gayumpaman siya'y isinama pa rin sa sinampahan ng kaso sa isang hukumang militar na naglabas ng hatol noong Setyembre 11 na sila'y nagkasala matapos lamang ng apat-na-oras na paglilitis.
Sa ganap na 12:45 n.h. nang sumunod na araw (Setyembre 12, 1896), ang labintatlong manghihimagsik ay inilibas sa kanilang mga piitan at dinala sa Plaza de Armas sa labas ng Moog ng San Felipe at binaril. Ang kanilang mga bangkay ay inilibing sa iisang hukay sa sementeryong Katoliko sa bayan ng Caridad (ngayo'y bahagi na ng lungsod ng Cavite).
Kalaunan, ang mga katawan nina Maximo Inocencio, Victoriano Luciano III, Francisco Osorio, Luis Aguado, Hugo Perez, Jose Lallana at Antonio San Agustin ay hinukay at inilibing muli. Samantalang walang kumuha ng mga katawan nina Agapito Conchu, Maximo Gregorio, Alfonso de Ocampo, Eugenio Cabezas, Feliciano Cabuco at Severino Lapidario ay nanatili sa naturang hukay.
Pagpaparangal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 1906, isang bantayog ang itinayo sa ala-ala ng labintatlo na binansagang Trece Martires o Labintatlong Martir sa distrito ng San Roque sa bayan ng Cavite sa bungad ng lansangan ng San Roque. Inilibing ng kanilang mag-anak sa paanan ng bantayog ang kanilang mga labî.
Noon namang 1954, inilipat ang kabisera ng lalawigan mula sa lungsod ng Cavite patungo sa sentro ng lalawigan sa lungsod na itinatag bilang ala-ala sa kanilang kabayanihan, ang lungsod ng Trece Martires.
Noong Mayo 24, 2004 isang bagong bantayog ang pinasinayaan sa Trece Martires malapit sa bulwagang lungsod.