Pumunta sa nilalaman

Lorenzo Fenoy

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Lorenzo Fenoy
Kapanganakan10 Agosto 1873(1873-08-10)
Kamatayan5 Oktobre 1926(1926-10-05) (edad 53)
TrabahoAbogado, politiko, tagapagturo
AsawaAnista Dedal
Anak13

Si Lorenzo Fenoy (Agosto 10, 1873 – Oktubre 5, 1926)[1] ay isang abogado,[2] tagapagturo, kapitan ng mga rebolusyonaryo at nahalal na opisyal ng Kongreso ng Malolos. Naging kinakatawan din siya ng ikaapat na distrito ng Pangasinan sa unang Kapulungan ng Pilipinas.[3]

Ipinanganak si Lorenzo Fenoy noong Agosto 10, 1873 sa Bauang, La Union kina Jorge Fenoy, isang panday, at Eufracia Orduna. Nag-aral siya sa Maynila sa paaralan ni Benidicto Luna noong bata siya. Natapos niya ang kanyang digri ng batsilyer sa sining sa Colegio de San Juan de Letran sa gulang na 14 lamang. Tapos, kumuha siya ng kurso ng batas sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) upang maging abogado. Dahil sa pagsiklab ng Himagsikan noong 1896, natigil ang pag-aaral niya sa UST at ang rebolusyonarong pamahalaan ang nagbigay sa kanya ng digri na licienciado en jurisprudencia (nagtapos sa hurisprudensya) sa pamamagitan ng Universidad Cientifico y Literaria de Filipinas (Unibersidad ng Agham at Panitikan ng Pilipinas).

Bilang isang tao na nagsusulong ng edukasyon, itinatag niya kasama si Gregorio Romulo at sa tulong ni Domingo Dizon ang isang elementaryang paaralan, ang Colegio de la Nuestra Sra. De Rosario sa Trozo, Maynila. Tumagal ito mula 1893 hanggang 1896. Noong 1896, nahalal siya sa Kongreso ng Malolos at naging kapitan ng rebolusyanaryong pamahalaan, bagaman sa kalaunan, napawalang-bisa ang kanyang pagkahalal at paghirang bilang kapitan. Pagkatapos nito, umalis siya patungong Batangas. Sa parehong taon, itinatag niya ang isang elementarya paaralan sa bayan ng Taal, ang Filipinas Libre na tumagal lamang ng isang taon. Naging aktibo muli siya sa pamahalaang rebolusyonaryo nang nahalal siya bilang pangalawang pangulo ng Gobierno Departamental del Sur de Luzon.

Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas, nagtayo muli siya ng paaralan sa Bautista, Pangasinan na nag-aalok ng parehong elementarya at sekondaryang pagtuturo at ang pangalan ng paaralan ay Benedicto Luna Institute na ipinangalan niya sa dating niyang guro. Tumagal lamang ang paaralan hanggang 1908. Noong panahon din na ito, pumasok siya sa politika sa ilalim ng Partido Nacionalista. Tumakbo siya sa unang Kapulungan ng Pilipinas para maging kinatawan ng ikaapat na distrito ng Pangasinan. Sa kalaunan, naupo siya sa puwesto nang natalo niya si Joaquin Balmori. Sa Kapulungan, naging kasapi siya ng komite ng batas, halalan, hudikatura, koreo at telegrapo, at patakaran. Isa sa mga batas na kanyang kapwa inaakdaan ay ang pagtalaga sa Mayo 1 bilang pista opisyal para sa paggawa.

Nagtatag muli siya ng isang institusyon pang-edukasyon, ang Philippine Institute, noong 1910 sa Maynila, na nag-alok ng elementarya, sekondarya at intermediyang pagtuturo. Tumagal lamang ang institusyon hanggang 1912 nang pumasok siya muli sa politka. Bilang abogado, naiuugnay siya sa mga bantog at magtagal na kapwa abogado tulad nina Teofilo Aguilar, Luciano de la Rosa, Bernabe de Guzman, Francisco Ortigas at Trinidad Icasiano. Kilala din siya bilang isang tao na nakakaintindi ng maraming wika at naisalin niya ang ilang mga tula mula Pranses sa Kastila at mula Kastila sa Tagalog.

Namatay si Fenoy noong Oktubre 5, 1926.

Pansariling buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pinakasalan ni Lorenzo Fenoy si Anista Dedal noong Abril 8, 1895 at nagkaroon sila ng 13 anak. Isa sa kanilang mga anak, si Jose, ay naging abogado din.

  1. "NORTHERN LUZON & CAR, Philippines Unsung Heroes". www.msc.edu.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2021-07-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Quirino, Carlos (1983). Amang, the Life and Times of Eulogio Rodriguez, Sr (sa wikang Ingles). New Day Publishers. ISBN 978-971-10-0141-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Annual Report of the Secretary of War (sa wikang Ingles). U.S. Government Printing Office. United States War Department. 1909.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]