Pumunta sa nilalaman

Dasal

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Nananalangin)
Isang babaeng nananalangin.

Ang dasal (mula sa Kastilang rezar), dasalin, dalangin, panalangin o orasyon ay ang mga salita, kataga, pangungusap o kahilingang sinasambit ng taimtim o bantad upang humingi ng tulong mula sa diyos o may-kapal o anumang pinaniniwalaang mataas at makapangyarihang nilalang. May mga dasal ang bawat relihiyon at mamamayan.[1] Kung susuriing mabuti, sinasabi na may pagkakaiba ang dasal mula sa isang panalangin. Na ang pananalangin ay hindi pinaghandaan at biglaan ang pagkakasambit ng mga pangungusap, samantalang ang dasal naman ay mga tinandaang mga pangungusap na inaalay sa Diyos.[2]

Mga dahilan ng pagdarasal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pangunahing dahilan ng pananalangin ang pagkakaroon ng pangangailangang pang-espiritu. Isa itong paraan ng pakikipag-ugnayan sa isang nilalang na itinuturing na "banal at walang hanggan". Ang dasal ay nakapagbibigay ng patnubay, ng karunungan, kaaliwan sa panahon ng kalungkutan o pagdurusa, ng kapatawaran, ng kakayanang makapagpasya, ng lakas ng loob, ng tulong na pangkalusugan, at ng mga kasagutan sa mga katanungan.[3]

Mga kahulugan ng dasal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Para kay Mahatma Gandhi, ang panalangin ay isang susi para sa pagbubukas ng bagong umaga, at isang kandado para sa gabi. Idinagdag pa niya isa itong aliyansa sa pagitan ng Diyos at ng tao. Nasabi niya ito dahil naniniwala siyang iniligtas ng pagdarasal ang kanyang buhay at isipan. Para pa rin sa kanya, nanggagaling sa dasal ang kapayapaan, dahil maaaring mabuhay ang tao na hindi kumakain sa loob ng ilang mga araw, subalit hindi mabubuhay ang tao kapag hindi nagdarasal.[4]

Mga paraan ng pagdarasal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kapag ninanais ni Hesus na makapagdasal, inilarawan sa Bagong Tipan ng Bibliya ang ilang mga pagkakataong ginawa ni Hesus upang maisagawa ito. Sa Ebanghelyo ni Lukas (Lukas 5:16), pumunta si Hesus sa mga lugar na walang ibang tao. Sa Lukas 6:12, nagpunta si Hesus sa isang bundok upang magdasal sa magdamag. Mayroon ding mungkahi si Hesus kung paano makapagdarasal ang isang tao, isang suhestiyon niya ang pagpipinid ng pinto habang nagdarasal sa loob ng sariling silid. Idinagdag pa niya, ayon sa Ebanghelyo ni Mateo (Mateo 6:6), na magdasal ng lihim sa Diyos Ama.[4] Ang pagdarasal ay maaaring gawin na mag-isa lamang o sa loob ng isang pangkat ng mga tao. Maaaring gawin ang pananalangin sa loob ng isang simbahan, isang templo, isang sinagoga, isang moske, at isang dambana. May mga nagdarasal, ayon sa relihiyon, na may luhuran o tuntungang banig, rosaryo, gulong ng dasal, larawan, aklat-dasalan, o mga dasal na nakasulat sa maliit na tablang nakasabit sa isang pook.[3]

Mga uri ng dasal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayroong pitong mga uri ng panalangin. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Dasal ng pagtawag o inbokasyon – uri ng panalangin ng pagtawag ng tao sa pagpansin ng Diyos.[5]
  • Dasal ng papuri,[3] adorasyon, o pagsamba – uri ng panalangin ng pamimintuho, nagpapadama ng pag-ibig at pagpupugay sa Diyos.[5]
  • Dasal ng pasasalamat – uri ng panalangin ng pagbibigay ng pagpapasalamat ng tao sa Diyos dahil sa mga biyaya at mga pabor na natanggap.[5]
  • Dasal ng paghingi ng tawad o kumpisal - uri ng panalangin na paghingi ng paumanhin o kapatawaran mula sa Diyos dahil sa nagawang pagkakamali. Karaniwang ginagawa ang panalangin ng pangungumpisal sa loob ng mga simbahan, maaaring kapag may pari, o sa loob ng mga sinagoga.[5]
  • Intersesyon – uri ng panalangin na kinasasangkutan ng pagdarasal para sa ibang tao.[5]
  • Dasal ng paghiling o petisyon – uri ng panalangin ng paghingi ng tulong mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi ng pangangailangan.[5]
  • Dasal ng pagdinig o meditasyon – uri ng tahimik na panalangin kung saan hindi nagsasalita ng malakas ang taong nagdarasal, bagkus sa dasal ng pakikinig ay nakikinig lamang ang tao sa sinasabi ng Diyos.[5]
  • Dasal para sa patnubay at karunungan - uri ng pananalangin na gabayan at pagkalooban ang isang tao ng karunungan, ng matalinong pagpapasya, at ng pagpapakumbaba.[3]
  • Dasal ng napipighati - uri ng panalangin na humihingi ng kaginhawahan mula sa kahirapan ng kalooban.[3]
  • Dasal para sa mga nangangailangan - uri ng panalangin na maturuan ang isang tao upang maging hindi makasarili, maging maawain, at maging madamayin sa ibang tao.[3]
Isang rabbi na may dasalin.

Sa Hudaismo, mahahanap ang mga panalangin (Ebreo: תפלה‎, tfila) sa isang sidur (Ebreo: סידור‎), o aklat ng mga panalangin.

Sa Kristiyanismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Kristiyanismo, isang pakikipag-ugnayan o pakikipag-usap ng tao sa Diyos ang dasal. Karaniwang nagsisimula at nagtatapos ang taong nanalangin sa pamamagitan ng pagaantanda ng krus.[6] Kailangang gawin ito kahit na nalalaman ng Diyos ang lahat ng tungkol sa bawat isang tao, sapagkat isang paraan ang pananalangin upang masabi ng nagdarasal sa Diyos ang kaniyang mga suliranin at damdamin. Ang ganitong paraan ng pagpapahayag ang siyang pinakamahusay na dahilan kung bakit isinasagawa ang pagdarasal. Maihahambing ang Diyos sa isang matalik na kaibigang nakakakilala na nang lubos sa taong nananalangin. Karaniwang sa isang kalapit na kaibigan nakapaglalahad ang isang tao ng kaniyang mga sariling problema.[7]

Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng mga panalanging Kristiyano na nasa wikang Tagalog:[6][8]

Bahagi rin ang mga dasal na ito ng pagrorosaryo.[9]

Sa pang-Abril 2009 na labas ng Reader's Digest, inilathala ng magasing ito sa bahaging Around the World with One Question ("Paglibot sa Mundo na May Isang Katanungan") ang pangsandaigdigang estadistikang may kaugnayan sa kung gaano kadalas magdasal ang mga tao sa buong daigdig (How Often Do You Pray?). Ayon sa ulat ng babasahin, may pagkakaiba ang gawi sa pananalangin ng mga mamamayang nasa Kanluran at Silangang bahagi ng globo. Sa pagbubuod, mas mahigit ang mga nanalanging mga taong nasa Silangan (Asya) araw-araw, na pinangungunahan ng Malaysia, Pilipinas, at Indiya. Sa Kanluraning bahagi ng daigdig, hindi o napakababa ang bilang ng mga nagsisipagdasal, na kinabibilangan ng Republikang Tseko (hindi nagdarasal ang mga tumugon sa pagtatanong ng Reader's Digest mula sa bansang ito), na sinundan ng Olanda, Pransiya, Espanya, at ng Nagkakaisang Kaharian. Bilang kinatawan o halimbawang dami ng nasa gitna ng Silangan at Kanluran (sa kahabaan ng Atlantiko), limampu't limang bahagdan ng mga Amerikano sa Estados Unidos ang nagsisipanalangin.[10]

Narito ang tampok na kinalabasang mga bilang ng isinagawang pagtatanung-tanong at pagsisiyasat ng Reader's Digest:[10]

Mga nagdarasal na Muslim, sa loob ng isang moske.
Isang lalaking nagdarasal ng rosaryo.
Pangalan ng Bansa
Bahagdan (%) ng mga Taong
Nagdarasal Araw-araw
Malaysia 76%
Pilipinas 72%
Indiya 66%
Turkiya 62%
Estados Unidos 55%
Brasil 50%
Kanada 40%
Tsina 33%
Mehiko 31%
Alemanya 28%
Nagkakaisang Kaharian 25%
Pransiya 24%
Singgapur 24%
Australya 23%
Espanya 23%
Italya 20%
Olanda 19%
Rusya 19%
Republikang Tseko 8%

Bisa ng dasal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon kay San Leo, "Pinakamabisa ang dasal sa pagkakamit ng mga pabor mula sa Diyos kapag mayroon itong suporta ng mga gawain ng awa."[11]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. English, Leo James. Diksyunaryong Tagalog-Ingles, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971-91055-0-X
  2. Fernando, Aristeo Canlas (tagapagtipon). Mga Dasal at mga Panalangin ng Espiritu Santo. Kinuha noong: 26 Pebrero 2008
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 "Bakit Kailangang Manalangin?", Ang Bantayan, 1 Oktubre 2010, pahina 3 hanggang 11.
  4. 4.0 4.1 The Christophers (2004). "A Life of Prayer". Three Minutes a Day, Tomo 39. The Christophers, Lungsod ng Bagong York, ISBN 0939055384.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), nasa pahina para sa "Pebrero 9".
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 5.6 "Types of Prayer, Prayer". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), tomo para sa titik na P, pahina 434-435.
  6. 6.0 6.1 Landsnes, David G. (para sa “Aba Ginoong Maria sa 404 na mga wika” ng Ordine Equestro del San Sepolcro di Gerusalemme, Milano, 1931), Aquinas Duffy (para sa Aba Ginoong Maria at Luwalhati), at Wolfgang Kuhl (para sa Tanda ng Krus, Aba Po Santa Mariang Hari at Sumasampalataya Ako). Mga Dasal na nasa Wikang Tagalog, Tagalog (Filipino, Pilipino), Christus Rex, Inc., christusrex.org, kinuha noong 26 Pebrero 2008
  7. "Paliwanag hinggil sa Mateo 6:8 at paksang If God already knows what we need, why pray? (Kung nalalaman na ng Diyos, bakit kailangan pang magdasal?), pahina 134-135". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. “Mga Panalangin na nasa Wikang Tagalog”, Ang Wikang Tagalog: Isang Malalimang Tratadong Pambalarila na Ibinagay para sa Pansariling-Pag-aaral at Sadyang Ibinalangkas para sa Paggamit sa mga Palingkurang Pampamahalaan o Ugnayang Pangangalakal sa Pilipinas (’The Tagalog Language: A Comprehensive Grammatical Treatise Adapted to Self-Instruction and Particularly Designed for Use in Government Service or in Business Trade in the Philippines’’), nasa wikang Ingles, unang paglilimbag: Imprenta de “El Mercantil” (1902), ang orihinal ay mula sa Pamantasan ng Michigan/Kalipunang H.H. Bartlett: bilang 91 L / kopyang elektroniko ginawa noong 20 Abril 2006 (Google), pahina 54-56/may 448 mga pahina
  9. "Maliit na Dasalan ng Pagrorosaryo". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-03-26. Nakuha noong 2008-02-26.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. 10.0 10.1 How Often Do You Pray? Naka-arkibo 2009-04-15 sa Wayback Machine., Around the World with One Question, ReadersDigest.com, nakuha noong 19 Abril 2009.
  11. "How to Ask St. Jude's Intercession, St. Jude Thaddeus, Helper in Desperate Cases, Tan Books and Publishers Inc., Nihil Obstat: William W. Baum, S.T.D., Imprimatur: Charles H. Helmsing, Obispo ng Lungsod ng Kansas-San Jose, Rockford, Ilinoy, ISBN 0-89555-648-0