Pumunta sa nilalaman

Padron:Unang Pahina/Artikulo/Napoles

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Tanaw ng Napoles mula sa Castelo Sant'Elmo kasam ang Certosa di San Martino.
Tanaw ng Napoles mula sa Castelo Sant'Elmo kasam ang Certosa di San Martino.

Ang Napoles (bigkas: NA-po-les; Italyano: Napoli, Ingles: Naples) ay isang lungsod sa Italya; ito ang kabisera ng rehiyon ng Campania at gayundin ng kasimpangalang kalakhang lungsod nito. Kilala sa mayamang kasaysayan, sining, kultura, arkitektura, musika, at mga lutuin, ang Napoles ay gumanap ng mahalagang papel sa Tangway ng Italya at iba pa sa mahabang panahon ng pag-iral nito, na nagsimula ng mahigit na 2,800 taon nang nakaraan. Matatagpuan sa kanlurang baybay ng Italya katabi ng Golpo ng Napoles, ang lungsod ay namamagitan sa dalawang dakong mabulkan: ang Bulkang Vesubio at ang mga Larangang Flegreo. Ito ay may populasyon ng 963,357 noong 2009. Unang tinirhan ng mga Griyego noong unang milenyo BK, ang Napoles ang isa sa pinakamatandang tuluyang tinitirhan na urbanong pook sa mundo. Sa ika-9 na siglo BK, isang kolonya na kilala bilang Parthenope (Sinaunang Griyego: Παρθενόπη) ang itinatag sa Pulo ng Megaride. Noong ika-6 na siglo BK, muli itong itinatag bilang Neápolis. Ang lungsod ay isang mahalagang bahagi ng Magna Graecia, at may mahalagang papel sa pagsasanib ng lipunang Griyego at Romano, at naging mahalagang sentrong pangkultura sa ilalim ng mga Romano. Naging kabisera ito ng Dukado ng Napoles (661–1139), at matapos ng Kaharian ng Napoles (1262–1816), at sa huli ng Dalawang Sicilia hanggang sa pag-iisa ng Italya noong 1861. Ang Napoles ay tinagurian ding kabisera ng Baroko, na nagsimula sa karera ni Caravaggio noong ika-17 siglo, at sa rebolusyong pansining na kaniyang naitulak. Naging mahalagang sentro rin ito ng humanismo at Pagkamulat. Ang lungsod ay naging pandaigdigang pook-sanggunian ng klasikong muskika at opera sa pamamagitan ng Paaralang Napolitano. Sa pagitan ng 1925 hanggang 1936, ang Napoles ay pinalawak at iniangat lalo ng pamahalaan ni Benito Mussolini. Ang makasaysayang sentro ng lungsod ng Napoles ay ang pinakamalaking uri nito sa Europa at itinalaga bilang isang Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO. Kabilang sa mga kalapit na mahalagang pook pangkultura at pangkasaysayan ang Palasyo ng Caserta at ang mga Romanong guho ng Pompeya at Herculano.