Pumunta sa nilalaman

Epifanio de los Santos

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Epifanio de los Santos y Cristobal
Kapanganakan7 Abril 1871.
Kamatayan28 Abril 1928
Ibang pangalanDon Panyong, Senyor Santos
TrabahoManunulat, Manananggol
Kilala saG. Solon, Unang Academician

Si Epifanio de los Santos ay isang manananggol, mamamahayag, mananalaysay (historian), musikero, pintor, kritiko, manunulat, pilosopo ("philosopher") at masugid na kolektor ng mga antique.

Isinilang siya sa bayan ng Malabon noong 7 Abril 1871. Kaisa-isang anak ng mayamang hasyendero na si Escolastico de los Santos at Antonina Cristobal, isang kolehiyala na mahusay tumugtog ng piyano at alpa. Pagkatapos tapusin ang kanyang mga unang taon ng pagaaral sa ilalim ng isang pribadong guro na si Jose A. Flores, nagpatuloy siya ng pag-aaral sa Ateneo de Manila. Maliban sa mga araling akademiko sa Ateneo, ay nag-aral din siya ng musika at pagpipinta na nanguna sa mga gantimpala. Tinapos niya sa Ateneo ang Bachiller en Artes ng may pinakamataas na parangal na summa cum laude at pagkatapos ay kumuha ng Law sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nanguna siya sa pagsusulit ng Ktt. Hukuman.

Masugid siyang mambabasa ng iba't ibang babasahing pampanitikan lalung-lalo na ng mga nobelang sinulat ni Juan Valera, isang manunulat na Kastila at may-akda ng isang nobela ng pag-ibig na kanyang kinalugdan, ang Pepita Jimenez. Dahil sa mahilig siyang magbasa, nagkaroon siya ng malaking koleksiyon ng mga aklat sa Sining at Panitikan. Sa katunayan, ang unang palapag ng kanyang tirahan sa Magallanes, Intramuros ay nagmistulang silid aklatan at museo na naging tagpuan ng kanyang mga kaibigan na may hilig din sa Sining at pagsusulat tulad nina Cecilio Apostol, Fernando Ma. Guerrero, Rafael Palma, Jaime de Veyra at Clemente Zulueta. Isa rin siyang dalubwika natutuhan niya ang mga wikang dayuhan tulad ng Latin, Griyego, Kastila at Pranses. Siya ang naging unang Pilipinong naging kasapi ng Spanish Royal Academia sa Madrid at nakilalang unang Academician ng bansa.

Itinatag ni Don Panyong (tawag sa kanya) at ng kanyang kaibigang si Clemente Zulueta ang pahayagang La Libertad sa Malabon. Naging editor din siya ng unang rebolusyonarong pahayagang La Independencia. Sa pagsusulat sa pahayagang ito ay ginamit niya ang sagisag na G. Solon.

Naging District Attorney siya ng San Isidro, Nueva Ecija at doon din siya naging Kalihim Panlalawigan. Noong 1902 nahalal siyang Gobernador ng Nueva Ecija at naulit ng 1904 . Pagkatapos ng dalawang taon ay hinirang siyang miyembro ng Philippine Commission para sa St. Louis Exposition. Naglakbay siya sa iba't ibang bansa tulad ng Pransiya, Inglatera, Espanya, Italya at iba pang mga bansa sa Europa upang bumisita sa mga aklatan at museo at mamili ng mga aklat para sa kanyang koleksiyon sa sariling aklatan.

Noong 1906, nahirang siyang piscal ng dalawang lalawigan - Bulakan at at Bataan. Noong 1918, hinirang siya ni Gobernador Heneral Francis Burton Harrison na Technical Director ng Philippine Census. At noong 16 Mayo 1925 itinalaga siya ni Gobernador Heneral Leonard Wood bilang Direktor ng Kawanihan ng Biblioteka at Museo bilang kapalit ni Dr. Trinidad Parde de Tavera na binawian ng buhay.

Dalawang beses nag-asawa si Don Panyong. Ang kanyang unang asawa ay si Donya Ursula Paez ng Malabon at ang pangalawa ay si Margarita Toralba ng Malolos. Ang isa niyang anak sa kanyang unang asawa ang nagmana sa kanya ng mahilig sa kasaysayan at pananaliksik. Nakilala siya bilang mahusay na manunulat ng kasaysayan, talambuhay at kolektor tulad ni Don Panyong.

Kung si Don Panyong ay di nakilalang tagapagsalita (speaker) siya naman ay nakakitaan ng kagalingan sa panunulat na umani pa ng papuri sa ibang bansa. Ang unang nalathalang sinulat ni Don Panyong ay ang Algo de Prosa (1909) isang koleksiyonng mga sanaysay at maikling kuwento. Ilan pa sa kanyang mga sinulat ay Literatura Tagala (1911), El Teatro Tagalo (1911), Nuestra Literatura (1913), El Proceso del Dr. Jose Rizal (1914), at Folklore Musical de Filipinas (1920).

Sinulat din niya ang mga talambuhay nina Dr. Trinidad Pardo de Tavera, Marcelo H. del Pilar, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Ignacio Villamor. Ang kanyang salin sa Kastila mula sa Tagalog ng Florante at Laura ni Balagtas ay itinuring na isang klasiko sa panitikang Pilipino.

Isa ring mahusay na musikero si Don Panyong. Mahusay siyang tumugtog ng piyano at gitara. Sa kanyang panahon ay tatlo lamang ang kinikilalang mahusay sa pagtugtog ng gitara sa buong Pilipinas -isa si Don Panyong at ang dalawa niyang kasama ay si Hen. Fernando Canon, isang rebolusyonaryo, at si Guillermo Tolentino, kilalang iskultor. Inihambing siya ng musikong editor na si Griffith kay Segovia ng Espanya sa natatanging talento niya sa paggitara.

Mahusay din siya sa pagpipinta, lamang ay hindi niya ito nabigyan ng panahon upang ang kanyang kakayahan ay lalo pang pagyamanin at paunlarin.

Binawian ng buhay si Don Panyong noong 28 Abril 1928 sa Maynila sa eded na 57 dahil sa atake sa utak (cerebral attack).

Bilang paggalang sa kanyang kontribusyon sa sining at kultura, ang Highway 54 na nagdudugtog sa lungsod ng Caloocan hanggang lungsod ng Pasay ay ipinangalang Abenida Epifanio de los Santos, o mas-kilala bilang EDSA.