Ermita (nobela)
May-akda | F. Sionil José |
---|---|
Bansa | Pilipinas |
Wika | Ingles |
Dyanra | Kathang-isip |
Tagapaglathala | Solidarid Publishing House, Inc. |
Petsa ng paglathala | 1988 |
- Tungkol sa nobela ang artikulong ito, para sa ibang gamit tingnan ang Ermita (paglilinaw).
Ang Ermita: A Filipino Novel (Ermita: Isang Nobelang Pilipino) ay isang nobela ni F. Sionil Jose na nasusulat sa wikang Ingles.[1]
Balangkas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hinggil sa isang babaeng Pilipino ang nobelang ito bagaman kapangalan ng isang pook sa lungsod ng Maynila. Tungkol ang balangkas ng kuwento sa isang anak na “putok sa buho” na nagmula sa isang mayamang mag-anak Nasa mga panitik ng istorya ang pagtalakay at pagsasalaysay ng mga paksang pang-moralidad, pagkakaroon ng pag-asa, kayamanan, paghihiganti, tungkulin at ang impluho ng Estados Unidos sa kalinangan at lipunan ng Pilipinas. Kapangalan ng isang lugar sa Maynila ang pangunahing tauhan na si Ermita Rojo. Ibig ni Ermi, ang palayaw ni Ermita Rojo, na maghiganti sa pamilya niyang biyolohikal – ang pinagmulan ng kaniyang pagiging “anak sa labas” sa pamamagitan ng pagganti sa kaniyang ina, tiyo, at tiya. Ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan bilang isang babae ngunit sa paraan ng pagbebenta ng kaniyang puri, bilang isang babae na kung tawagin ay “kalapating mababa ang lipad”. Isa itong pagsilip sa buhay at pamumuhay sa Republika ng Pilipinas, kung saan matutunghayan ang karanasan ng tao sa ilalim ng mga katangian at anyo ng isang lipunang nalugmok dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naririto ang kasaysayan ng Pilipinas bagaman kathang-isip lamang si Ermita “Ermi” Rojo. Kinatawan si Ermi ng isa sa mga biktima ng kasaysayan, karanasan, at karahasan ng ibang tao.[2]
Tagpuan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Dinala ng istorya ni José ang mambabasa sa kapanahunan bago dumating ang paglulunsad ni Ferdinand Marcos ng Batas Militar, noong mga dekada ng 1950, sa isang pook na kung tawagin ay Ermita, isang dating lugar ng mga may-salapi sa lungsod ng Maynila, isang bansang Pilipinas noong 1941, na nagdaan sa pagsalakay ng Imperyo ng Hapon, sa mga epekto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at maging sa pagsapit ng pamahalaang Marcos.[2]
Mga pangunahing tauhan
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Ermita “Ermi” Rojo – ang bida sa nobela
- MacArthur – kaibigan ni Ermita noong bata pa
- Conchita Rojo"- nanay ni Ermita
- Felicitas Rojo"- kapatid ni Conchita, tiya ni Ermita
Pagsusuri
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isa sa mga nasuring aklat Ang Ermita: A Filipino Novel ni Ian Buruma ng The New York Review of Books,[1] at isa rin ito sa mga iminumungkahing suriing akda ayon sa palatuntunan para sa mga mag-aaral ng larangan sa pagsulat sa Pamantasan ng Hawai’i sa Manoa,[3] kasama ng iba pang mga katha ni José at maging ng iba pang mga manunulat na Pilipino sa wikang Ingles, na kinabibilangan nina Nick Joaquin, Bienvenido Santos, Ninotchka Rosca, Edilberto Tiempo, Alfrredo Navarro Salanga, NVM Gonzales, Cecilia Manguerra Brainard, Alfred Yuson, Carlos Bulosan, Jessica Hagedorn, Peter Bacho, at Wilfredo Nolledo.[3]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 "Francisco "Franky" Sionil Jose". Buruma, Ian. The Bartered Bride, The New York Review of Books, Vol. 36, Bilang 9, Hunyo 1, 1989, nakuha noong Marso 17, 2008
- ↑ 2.0 2.1 José, F. Sionil. Ermita: A Filipino Novel, Solidaridad Publishing House : Maynila, 1988/1994, may 258 na mga pahina, ISBN 9718845127
- ↑ 3.0 3.1 List of Filipino Novels in English Suggested for Review, Creating a Learning Community through Peer Support in Philippine Literature, 300-Level Philippine Literature in English (Writing-Intensive), Manoa Writing Program, University of Hawaii, MWP.Hawaii.edu, 2007 Naka-arkibo 2008-04-15 sa Wayback Machine., nakuha noong: Marso 16, 2008
Mga talaugnayang panlabas
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Anyo ng pabalat ng Ermita: A Filipino Novel Naka-arkibo 2007-09-06 at Archive.is ni F. Sionil José mula sa SelectBooks.com