Pumunta sa nilalaman

Aklat ni Jeremias

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Heremias)
Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ni Jeremias, Sulat ni Jeremias, o Aklat ni Jeremiah ay isa sa mga aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Ang propetang si Jeremias ang sumulat nito, isang lalaking may malambot na kalooban at labis na pagmamahal sa kanyang mga kababayan. Sinasabing si Jeremias ay nabuhay noong ika-7 hanggang ika-6 siglo BCE noong pananakop ng Babilonya sa Kaharian ng Juda na kalaunang ipinatapon sa Babilonya. Ayon sa mga skolar, ang Aklat ni Jeremias ay binago at naimpluwensiyahan ng mga Deuteronomista o mga manunulat ng Aklat ng Deuteronomio na nagsulong ng pagbabagong panrelihiyon.[1] Ito ay maliwanag na makikita sa magkatulad na mga wikang matatatagpuan sa parehong Deuteronomio at Jeremias.[2] Halimbawa, sa paghahambing ng Jer 11.4 at Deut 4.20, ang parehong aklat ay gumamit ng metaporang bakal na pugon. Gayundin, ang impetus para sa pagbabagong pangrelihyon ay lumilitaw na magkalinya sa parehong aklat ng Deutronomio at ng Jeremias sa pagwawakas ng paghahandog ng mga sanggol(Jer 7.31, 19.5, 32.35; Lev 18.21). Gayunpaman, pinagtatalunan pa rin ng mga skolar kung ang manunulat ng Aklat ni Jeremias ay aktuwal na kasapi ng eskwelang Deuteronomistiko dahil hindi niya hayagang binanggit ang Deuteronomio o ang reporma ni Josias,[3] Sa katunayan, dahil sa paulit ulit na kalikasan ng ilang mga parirala o intertekstuwalidad kay Jeremias, ang isang argumento ay isinulong na ang "historikal na Jeremias" ay mahirap patunayan at dapat abandonahin.[4]

Ipinanganak si Jeremias sa Anatot, sa silangan ng Herusalem, noong ca. 650 BCE. Inangkin ni Jeremias sa Jer. 1:5 na bago pa siya ipinganak ay hinirang na siya ng Diyos na maging propeta sa mga bansa. Anak siya ng saserdoteng si Helcias, at kabilang sa lipi ni Benjamin.[5] Si Jeremias ang isa sa higit na kilalang propetang nasa Lumang Tipan ng Bibliya.[6] Tinawag siya ng Diyos sa tungkulin ng pagkapropeta habang nasa kabataan pa, noong mga 626 BCE hanggang 627 BCE,[5][6] panahon ng ikalabintatlong paghahari ni Josias.[5] Hindi niya gustong magpahayag ng kahatulan sa kaniyang mga kababayan ngunit kinakailangan. Inihayag din niya sa pamamagitan ng librong ito ang kaniyang mga "pagsigaw".[7][8] Sa maraming bahagi ng aklat, inilahad din niya ang kaniyang mga paghihirap at pagtitiis dahil sa pagkakahirang sa kaniya ng Diyos bilang isang propeta.[5] Nilarawan ang damdaming ito ni Jeremias sa mga katagang "ang salita ng Panginoon ay parang apoy sa kanyang puso; hindi niya ito masugpo."[7] Isa ang aklat na ito sa mga pinakamakapangyarihang mga naisulat na paglalahad at "paghiyaw" hinggil sa kapangyarihan ng Diyos at ang obligasyon ng mga taong sundin ang Diyos.[8]

Bilang propeta

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Jeremias, iginuhit ito ni Michelangelo.

Sa pamamagitan ng kagalingan sa pagsasalita, bagaman nakatanggap ng mga banta ng paghuhusga at pagkapahamak, hinikayat niya ang kaniyang mga mamamayan para magsipagbago sa kanilang mga kaasalang pangmoralidad, habang ipinapahayag ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos na kaniyang panginoon. Binigyan niya ng babala ang mga tao ng Juda hinggil sa pagsamba sa mga anito o diyus-diyosan, hinikayat niya ang mga itong magsipanumbalik sa kawastuhan, at magtanim ng kalinisan ng budhi at puso. Bilang babala, sinabi ni Jeremias na kung hindi gagawin ito ng kaniyang mga mamamayan, sasapitin nila ang isang trahedya. Subalit, dumating ang pagkagalit ng mga Hudyo kaya't napakulong si Jeremias. Hindi siya napabilang sa mga naging dalang-bihag patungong Babilonya, ngunit sa lumaon may isang pangkat ng mga nagsipagbalak ng masama laban kay Jeremias ang nagdala sa kaniya sa Ehipto. Sa Ehipto nagtapos ang salaysayin hinggil sa kaniyang buhay.[6] Hindi natitiyak kung ano ang kinahinatnan ni Jeremias sa pinakawakas ng kaniyang buhay.[5]

Bilang tagapagturo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong panahon ng paghahari ni Haring Josias, sinikap niyang maituwid ang mga gawain ng mga mamamayan at ituro kung paano ang "tunay na paglilingkod" sa Diyos. Noong panahon ng paghahari nina Joaquim (608 BK - 598 BK) at Sedecias (597 BK - 587BK), tinupad niya ang bilin sa kaniya ng Diyos na sugpuin ang mga umiiral na kasamaan, at ipinahayag rin ni Jeremias ang pagdating ng pagkaguho ng templo, maging ang magaganap na pagkakadalang-bihag ng kaniyang bayan sa Babilonya. Katumbas ang pagkakadalang-bihag na ito ng pagbibigay kaparusahan dahil sa mga naging kasalanan ng bayan.[5]

Bilang impluho

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Lumakas at naragdagan ang impluwensiya ni Jeremias pagkaraan ng kaniyang kamatayan. Nangyari ito nang sinipi at pinagsasama ng kaniyang kalihim na si Baruc, bagaman hindi mahigpit ang mga pagkakasunud-sunod na pangkronolohikal ng mga ito. Isa sa mga pinakamahahalagang mga bahagi ng mga pagtuturo ni Jeremias ang isang pangakong nagsasabing gagawa ang Diyos ng isang bagong tipan para sa kaniyang mga mamamayan at isusulat sa mga puso nito ang batas ng Diyos. Nagbigay din siya ng isang hulang nagsasaad na sasapit ang isang araw kung saan maghahari ang papailalim ang mga hentil at mga Hudyo sa ilalim ng isang haring manunubos.[6]

Kayarian ng aklat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pinasulat ni Jeremias kay Baruc ang kaniyang mga hula. Magkaiba ang haba at pagkaka-ayos ng nasa Hebreo at ng nasa Griyego. May pagkakaiba sapagkat nakabatay sa unang tekstong Hebreong maikli ang Griyegong teksto, hindi mula sa nasa Hebreong may mga karagdagan pa ni Jeremias.[5]

Binubuo ang Aklat ni Jeremias ng mga sumusunod na bahagi:[5]

  • Pagkakatawag ng Propeta at mga Hula tungkol sa pagtakwil ng Juda (1, 1-20, 18)
  • Mga Hula tungkol sa Herusalem at Juda (21, 1-29, 32)
  • Hula sa Pagpapabalik ni Yahweh sa mga taga-Juda na mula sa pagpapatapon sa Babilonya pagkatapos ng 70 taon.(25:10).

Kung mula kay Jeconias(29:2,10) hanggang sa pagpapabalik ni Dakilang Ciro sa mga Hudyo sa Herusalem mula sa Babilonya(539 BCE), ito ay tumagal lamang nang 59 taon (598-539 BCE ayon kina Galil at Kitchen), 58 taon (597-539 BCE, ayon kay Thiele) o 48 taon( 587-539 BCE ayon kay Young)

  • Huling mga Hula at Wakas ni Jeremias (34, 1-45, 5)
  • Mga Hula tungkol sa mga Bansa (46, 1-51, 64)
  • Dagdag tungkol sa Kasaysayan (52, 1-34)

Pagkakaiba ng Aklat ni Jeremias sa Septuagint at Masoretiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Aklat ni Jeremias sa Septuagint ay mas maikli kaysa sa Tekstong Masoretiko at may pagkakaiba sa pagkakasunod ng mga talata. Ang talata sa Septuagint na hindi matatagpuan sa Masoretiko ang: 8:10-12; 10:6-8,10; 11:7-8; 17:1-4; 29:16-20; 30:10-11; 33:14-26; 39:4-13; 48:45-46; 51:44d-49a; 52:2-3,27c-30.[9]

Mga hula ni Jeremias

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Jeremias 34:4-5, "Gayon ma'y iyong pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh Zedekias na hari sa Judah: ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo, Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak; Ikaw ay mamamatay sa kapayapaan; at ayon sa pagsusunog ng kamangyan ng iyong mga magulang na mga unang hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo; at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, Ah Panginoon! sapagka't aking sinalita ang salita, sabi ng Panginoon." Ito ay hindi natupad dahil ayon sa Jeremias 39:7-8, binulag ang mga mata ni Zedekias at inilagay siya sa pangawan, upang dalhin siya sa Babilonia. At sinunog ng mga Caldeo ng apoy ang bahay ng hari, at ang mga bahay ng mga tao, at ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem. Ayon sa Jeremias 52:8-11, "At pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa harap ng kaniyang mga mata: kaniyang pinatay rin ang lahat na prinsipe ng Juda sa Ribla. At kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias; at ginapos siya ng tanikalang tanso ng hari sa Babilonia, at dinala siya sa Babilonia, at inilagay siya sa bilangguan hanggang sa araw ng kaniyang pagkamatay. Ayon sa 2 Hari 25:5-7, Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan nila siya sa mga kapatagan ng Jerico: at ang buo niyang hukbo ay nangalat sa kaniya. Nang magkagayo'y kinuha nila ang hari at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla; at sila'y nangagbigay ng kahatulan sa kaniya. At kanilang pinatay ang mga anak ni Sedecias, sa harap ng kaniyang mga mata, at inukit ang mga mata ni Sedecias at siya'y nilagyan ng damal, at dinala siya sa Babilonia. Ayon sa Jewish Study Bible, ito ay malamang na hindi natupad na hula ni Jeremias. Kahanga hanga na ang gayong mga hula ay naingatan.

Nabucodonosor II

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Jeremias 43:8-13, "Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Taphnes, na nagsasabi, Magtangan ka ng mga malaking bato sa iyong kamay, at iyong kublihan ng argamasa sa nalaladrillohan, na nasa pasukan ng bahay ni Faraon, sa Taphnes sa paningin ng mga tao sa Juda; At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magsusugo at kukunin ko si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod, at aking ilalagay ang kaniyang luklukan sa mga batong ito na aking ikinubli; at kaniyang ilaladlad ang kaniyang pabillong hari sa mga yaon. At siya'y paririto, at kaniyang sasaktan ang lupain ng Egipto; na yaong sa pagkamatay ay mabibigay sa kamatayan, at yaong sa pagkabihag ay sa pagkabihag, at yaong sa tabak ay sa tabak. At ako'y magsisilab ng apoy sa mga bahay ng mga dios ng Egipto; at kaniyang mga susunugin, at sila'y dadalhing bihag: at kaniyang aariin ang lupain ng Egipto na parang pastor na nagaari ng kaniyang kasuutan; at siya'y lalabas na payapa mula riyan. Kaniya ring babaliin ang mga haligi ng Beth-semes na nasa lupain ng Egipto; at ang mga bahay ng mga dios ng Egipto ay susunugin ng apoy." Tinangkang sakupin ni Nabucodonosor II ang Ehipto noong 568 BCE ngunit nabigong sakupin ito. Ayon sa Jewish Study Bible, ito ay isa pang kaso ng hulang naingatan bagaman hindi natupad.

Ayon sa Jeremias 50:1-3,14-15 "Ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Babilonia, tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ni Jeremias na propeta. Inyong ipahayag sa gitna ng mga bansa, at inyong itanyag, at mangagtaas kayo ng watawat; inyong itanyag, at huwag ninyong ikubli: inyong sabihin, Ang Babilonia ay nasakop, si Bel ay nalagay sa kahihiyan, si Marduk ay nanglulupaypay; ang kaniyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan, ang kaniyang mga diosdiosan ay nanganglupaypay. Sapagka't mula sa hilagaan ay sumasampa ang isang bansa laban sa kaniya, na wawasak ng kaniyang lupain, at walang tatahan doon: sila'y nagsitakas, sila'y nagsiyaon, ang tao at gayon din ang hayop...Magsihanay kayo laban sa Babilonia sa palibot, kayong lahat na nagsisiakma ng busog; hilagpusan ninyo siya, huwag kayong manganghinayang ng mga pana: sapagka't siya'y nagkasala laban sa Panginoon. Humiyaw ka laban sa kaniya sa palibot: siya'y sumuko sa kaniyang sarili; ang kaniyang mga sanggalangang dako ay nangabuwal, ang kaniyang mga kuta ay nangabagsak: sapagka't siyang kagantihan ng Panginoon: manghiganti kayo sa kaniya; kung ano ang kaniyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya." Ayon sa Jewish Study Bible, ang karamihan ng mga kapitulo ay nagbibigay diin na ang Babilonya ay wawasakin sa pamamagitan ng karahasan. Gayunpaman, sa katotohanan, kinuha ni Dakilang Ciro na hari ng Persia ang Babilonya nang walang dumanak na dugo noong 539 BCE nang ang mga makangyarihang saserdote ni Marduk ay pinili siya kesa sa naghaharing hari ng Babilonyang si Nabonidus na nagpabaya kay Marduk. Sinaad ng Jewish Study Bible tungkol sa Jer. 50:3, "Ang bansa sa hilaga ay isang karaniwang motif sa mga orakulo ni Jeremias...Nakikita ito ng marami bilang reperensiya sa Persia na sumakop sa Babilonya noong 539 BCE. Ang Persia ay aktuwal na nasa silangan ng Babilonya." Hindi rin totoong nanlupaypay ang Diyos ng Babilonya na si Marduk o ang kanyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan. Ayon sa Silindro ni Ciro, "Nang ako(Dakilang Ciro) ay pumasok sa Babilonya bilang isang kaibigan at aking itinatag ang upuan ang pamahalaan sa palasyo ng pinuno na nagdiriwang, si Marduk na Dakilang Panginoon ay [pumukaw] sa magnanimosong mga mamamayan ng Babylon [na mahalin ako] at araw araw kong sinisikap na sambahin siya(Marduk). Ang aking maraming mga hukbo ay nagpagala-gala sa Babilonya ng mapayapa at hindi ko pinayagan ang sinuman na sindakin(ang anumang lugar) ng [bansa ng Sumerya] at Akkad. Aking sinikap ang kapayapaan para sa Babilonya (Ká.dingir.ra) at sa lahat ng kanyang(Marduk) (ibang) mga sagradong siyudad...Si Marduk na Dakilang Panginoon ay mahusay na nalugod sa aking mga ginawa at nagpadala ng mga mapalakaibigang mga pagpapala sa aking sarili, si Ciro na haring sumasamba sa kanya, kay Cambyses na aking anak, ang supling ng [aking] mga leon gayundin sa lahat ng aking mga hukbo at aming lahat [na pumuri] ng kanyang dakilang [PagkaDiyos] ng maligaya, na nakatayo sa harap niya sa kapayapaan."[10] Sa halip na wasakin ni Ciro ang mga diyos-diyosan nito ay kanyang ibinalik ang mga templo at mga santuwaryo ng kulto sa Mesopotamia at saanman sa rehiyong nasakop niya."

Ayon din sa Jeremias 51:11, "Inyong patalasin ang mga pana, inyong hawakang mahigpit ang mga kalasag; pinukaw ng Panginoon ang kalooban ng mga hari ng mga Medo; sapagka't ang kaniyang lalang ay laban sa Babilonia, upang wasakin: sapagka't siyang panghihiganti ng Panginoon, panghihiganti ng kaniyang templo." Ito ay hindi natupad dahil ang Babilonya ay hindi sinakop ng Medo kundi ng Persia. Ito ay sinakop ng Persia ngunit hindi winasak.

Ayon sa Jeremias 36:30, "Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, tungkol kay Jehoiakim na hari sa Kaharian ng Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa luklukan ni David; at ang kaniyang bangkay sa araw ay mahahagis sa init, at sa gabi ay sa hamog." Ito ay hindi natupad dahil ayon sa 2 Hari 24:6, "Sa gayo'y natulog si Jehoiakim na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Jehoiachin na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Coogan, M. A Brief Introduction to the Old Testament: The Hebrew Bible in its Context. Oxford University Press: Oxford, 2009. p.300.
  2. Hyatt, JP. Jeremiah and Deuteronomy. Journal of Near Eastern Studies. Vol. 1, No. 2 (Apr., 1942), pp. 156-173
  3. Holt, EK. The Chicken and the egg –or was Jeremiah a Member of the Deuteronomist Party? Journal for the Study of the Old Testament Vol.44. pp109-122. (1989)
  4. Carroll, RP. ``Intertextuality and the Book of Jeremiah: Adimadversions on text and theory. The New Literary Criticism and the Hebrew Bible. pp. 55-78. 1993. Sheffield Academic Press. - books.google.com.
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 5.6 5.7 Abriol, Jose C. (2000). "Jeremias". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 Reader's Digest (1995). "Jeremiah". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. 7.0 7.1 "Aklat ni Jeremias". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 "Jeremiah, pahina 95". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. https://www.ccel.org/bible/brenton/Jeremiah/appendix.html
  10. http://www.britishmuseum.org/research/search_the_collection_database/search_object_details.aspx?objectid=327188&partid=1

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]