Pumunta sa nilalaman

Hermes

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Merkuryo (diyos))
Si Hermes o Merkuryo, iginuhit ni Hendrick Goltzius.

Si Hermes, ayon sa mitolohiyang Griyego, ang diyos na mensahero ng mga diyos at mga diyosa. Siya ang gabay ng mga manlalakbay, kabilang ang mga nagbibiyahe patungo sa Mundong Ilalim. Anak siya ni Zeus at ng isang diwata. Kilala siya sa mitolohiyang Romano bilang Merkuryo.[1]

Mabilis siyang kumilos at nagsusuot ng mga sandalyang may mga pakpak. Humahawak siya ng isang kadosyo o caduceus, isang masalamangkang wanda o patpat na may maliliit na mga pakpak na napapaligiran naman ng dalawang magkapulupot na mga ahas.[1][2] Sa ulo, nagsusuot siya ng isang sumbrerong panglakbay na may pakpak rin.[1] Dahil sa kanyang angking bilis at liksi, at sa kakayahang madaliang paglitaw at paglalaho sa harapan ng ibang nilalang, binansagan din siya bilang Dalubhasang Magnanakaw o Pinunong Magnanakaw. Dahil sa plano ni Zeus at sa angking kapilyuhan na rin ni Hermes, si Hermes ang nakapagturo kay Pandora, ang unang babaeng tao, ng panlilinlang, katusuan, at pagsisinungaling.[2]

Bilang tagapagligtas ni Persephone

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Batay sa mitolohiya, si Hermes ang itinalaga at sinugo ni Zeus upang maibalik si Persephone mula sa kaharian ni Hades na nasa Mundong Ilalim. Iniutos ito sa kanya ni Zeus dahil nakapagdulot na ng kapinsalaan ang pagdadalamhati ni Demeter ina ni Persephone. Naging tag-lamig na may yelo o niyebe ang kalungkutan ni Demeter dahil sa pagkawala ng anak na babae. Bagaman napapayag ni Hermes si Hades na pakawalan ang kanyang reynang si Persephone, anim na buwan lamang nakadaralaw si Persephone sa mundo, dahil nakakain na siya ng ilang buto ng mga pomegranatang inialok sa kanya dati ni Hades. Kapag kinain ng isang nilalang ang lahat ng buto ng mga pomegranatang alok ni Hades ang isang nilalang, kalimitang hindi na ito makakaalis mula sa madilim na kaharian ni Hades. Dahil sa kasunduang ito, nakangingiti ang ina ni Persephoneng si Demeter sa mundo tuwing tagsibol at tag-init o tag-araw, dahil anim na buwan niyang nakakapiling ang anak na babae. Subalit malulungkot na naman sa loob ng anim na buwan na dapat manatili si Persephone sa piling ni Hades, kaya't mayroong panahong taglagas na sinusundan ng tag-lamig na may yelo.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 Kleiner, Fred S. at Christin J. Mamiya (2005). "Hermes, Mercury". Gardner's Art Through the Ages, ika-12 edisyon. Wadsworth/Thomson Learning, Kaliporniya, ISBN 0155050907.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 107.
  2. 2.0 2.1 2.2 "Hermes, Mercury, Master Thief". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 358-360.