Pumunta sa nilalaman

Pinoy pop

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa P-Pop)

Ang Pinoy pop o Filipino pop (daglat: OPM Pop) ay tumutukoy sa kontemporaryong musikang popular sa Pilipinas. Mula noong dekada sitenta, ang Pinoy pop ay patuloy na lumalawak at nakikilala bilang isang sensasyon. Ito ay nagmula sa mas malawak na uri ng musika, ang Original Pilipino Music (OPM).

Kasaysayan

Unang Bahagi (1960's – 1990’s)

Ang mga awiting kabilang sa Filipino pop ay ang mga kantang nauso mula pa noong 1960’s; tulad ng balad na isa sa mga uri ng musikang tunay na bumihag sa atensiyon ng mga Pilipino. Ilan sa mga tanyag na artistang sumikat sa pag-awit ng balad ay sina Pilita Corrales, Nora Aunor, Basil Valdez, Freddie Aguilar, at Rey Valera. Kasabay din nilang kinilala ang husay nina Ryan Cayabyab at José Mari Chan sa pag-awit at paggawa ng mga orihinal na Ingles at Tagalog na awiting tungkol sa pag-ibig. Sa parehong dekada rin unang nabuo ang ilan sa mga sikat na grupong pop tulad ng APO Hiking Society at Hotdog. Noong 1980’s, ang disco group na VST & Co. at pop icon na si Gary V naman ang nagbigay-daan upang makilala ang dance-pop sa industriya.

“Ginintuang Panahon” ng Hip-hop (unang bahagi ng 1990s)

Sa unang bahagi ng 1980’s, ang Pilipinas ay kinilala bilang unang bansang nagkaroon ng unang hip-hop music scene sa buong Asya at Pasipiko. Kasabay nito ay ang pagsikat din ng magagaling at hinahangaang mga hip-hopper at rapper tulad ninaFrancis Magalona at Andrew E. na nagbigay-daan sa pag-usbong ng Ginintuang Panahon ng Pinoy hip-hop sa unang bahagi ng dekada ‘90.

Katanyagan ng Pop-Rock (kalagitnaan ng 1990s sa kasalukuyan)

Sa pagbungad hanggang kalagitnaan ng dekada nubenta unang nasaksihan ang husay ng isa sa mga pinakakinagigiliwang grupong pop-rock, ang Eraserheads. Ang kanilang paglitaw ay pinaniniwalaang nagbigay ng kritikal na sitwasyon para sa sektor ng OPM. Nagbigay-daan din ang kanilang pagsikat sa paglabas ng iba pang impluwensiyal na banda; tulad ng Yano, Siakol, Parokya ni Edgar, Rivermaya, Moonstar 88, at Hungry Young Poets. Ang istilo ng mga nabanggit ay nabuo mula sa impluwensiya ng iba’t ibang mga musikang pop at rock.

Nagpatuloy sa pag-unlad at paglago ang Filipino rock, hanggang sa kasalukuyan, sa pamamagitan ng mga bagong grupo. Ilan sa mga ito ay ang Hale, Cueshe', Sponge Cola, Chicosci, Kamikazee, Urbandub, at ang unang virtwal na banda ng bansa, ang Mistula. Ang ilan sa mga bandang nabanggit, tulad ng Eraserheads ay tuluyan nang nabuwag. Subalit, ang ilan sa mga miyembro ng mga grupong ito ay bumuo pa rin ng mga bagong bandang patuloy na namamayagpag. Ilan sa mga ito ay ang Pupil, Sandwich, at Bamboo. Mayroon ding ilang bumubuo na lamang ng sariling musika, tulad nina Kitchie Nadal, Barbie Almalbis, at Rico Blanco.

Kahit na dinodomina ng mga “rock bands” ang industriya ng musika mula noong 90’s, patuloy pa ring naipapakita at naiparirinig ang mga musikang pop sa mga live band scene. Ang mga bandang pop tulad ng Side A, True Faith, Neocolours, South Border, at Freestyle ay nagpauso ng mga kantang tunay na sumasalamin ng sentimental na karakter at katangian ng OPM pop. Ang mga solong mang-aawit at balladeers, tulad nina Regine Velasquez, Sharon Cuneta, Joey Albert, at Martin Nievera ay regular ding napapanood sa televisyon at naririnig sa radyo. Sa kasalukuyan, ang mga tanyag na makabagong soloyista, tulad nina Mark Bautista, Erik Santos, Sheryn Regis, Sarah Geronimo, Christian Bautista, at Rachelle Ann Go ay patuloy ding namamayagpag at iniidolo ng marami. Bagaman, ang kanilang mga awit ay pawang mga revisyon lamang ng mga lumang awiting OPM at banyaga. Ang popular na mga acoustic acts nina Nina, Juris (ng MYMP), at Aiza Seguerra ay nagpapatunay rin ng malawak na pagkakaiba ng Filipino pop. Ang mga soloyistang mang-aawit ng R&B na sina Kyla at Jay-R, at ang hip-hopper na sina Gloc-9 at Dice & K9 (Mobbstarr), ay nananatiling matatag at kinagigiliwan sa kabila ng kakulangan ng representasyon ng kanilang sariling genre sa kasalukuyang industriya.

Muling paglitaw ng Urban at Dance Pop (2000’s)

Ang lokal na urban at dance pop ay parehong hindi gaanong napagtuunan ng atensiyon ng mga tao sa industriya at manonood simula ng inilunsad noong 1980’s at 1990’s.

Subalit simula noong 2000, muli itong kinilala sa tulong na rin ng musikang R&B nina Kyla, Nina at Jay R na nagsimulang sumikat. Ang orhinal Pinoy hip-hop nina Gloc-9 at Dice & K9 (Mobbstarr) ay umani rin ng natatanging atensiyon. Noong 2006, ang mga soloyistang sina Amber, Young JV at O.N.E. naman ay sumikat dahil sa kanilang orihinal na “Filipino-American urban music.”

Samantala, sa simula ng 2002, nakilala naman ang iba’t ibang grupo ng mga mananayaw, ang SexBomb Girls, Viva Hot Babes, at Masculados na nagpasimulang magpasikat ng mga kantang novelty, na labis na kinagiliwan ng sambayanan.

Mula sa impluwensiya ng mga grupong ito at sa popularidad ng Pussycat Dolls (isang banyagang grupo ng mga mang-aawit at mananayaw na kababaihan), sunod na inilunsad ang mga grupong tulad ng Kitty Girls, Mocha Girls and PYT-Pretty Young Thing. Ang mga grupong ito ay partikular na nagpapakita ng istilong tulad ng sa mga grupong banyaga.

Mga Grupong P-pop o Pinoy Pop (2010 hanggang sa kasalukuyan)

Mula sa impluwensiya ng industriya ng musikang nag-ugat at patuloy na sumusikat sa bansang Korea, na ngayon ay namamayagpag sa buong mundo, nabuo ang mga grupo ng mga mananayaw at mang-aawit na nagpapakilala ng bagong versyon ng Pinoy pop. Ang mga grupong ito ay tinatawag na P-Pop. Kabilang dito ang XLR8, 1:43, Freshmyx, Sakto at A-FIVE—pawang mga lalaki. At, ang grupong ng mga kababaihan tulad ng PopGirls, Pointen at Eurasia. Mayroon ding kombinasyon ng mga lalaki at babaing astista, ang RPM.

Ang pagsikat ng mga Pinoy pop idol group at bagong henerasyon ng mga solo artist (2020s)

mula sa impluwensya ng K-pop at J-pop, isang bagong panahon ng Pinoy pop ang isinilang. Ang unang idol group ng Pilipinas MNL48, isang sister group ng J-pop group AKB48, ay nagsimula ng bagong panahon para sa Pinoy pop nang mag-debut sila noong 2018. Sumusunod sa kanila ang all-boy idol group [SB19]] na nag-debut din noong 2018. Sila ang kauna-unahang Filipino act na sinanay ng isang Korean entertainment company sa ilalim ng parehong sistema na naghatid sa mga K-pop artist sa global stardom. Ang SB19 ay itinuturing na unang Pinoy pop idol group na nag-chart sa Billboard Next Big Sound at Billboard Social 50.

Internasyunal na Pagkilala

Sa taong 2010, ang paglunsad ng unang album ng Little Big Star 2nd runner-up at YouTube sensation na si Charice ay kinilala ng Billboard 200 bilang pangwalo sa may pinakamataas na kita. Ito ang unang beses na nakapasok at nabigyan ng karangalan ang isang Asyano sa ganitong pagkakataon. Isa rin siya sa mga unang artistang Asyanong nagkaroon ng kantang nanguna sa Dance/Club Play Songs ng Billboard 200.

Katanyagan

Ang P-pop ay popular na sa Asya at patuloy pang lumalaganap sa ibang bahagi ng mundo, tulad ng Estados Unidos at Europa.

Tingnan din

Sanggunian

1.^ Experience Festival, "Music of the Philippines - Filipino Hip-Hop"

2.^ Philippine Daily Inquirer, 4 Enero 2010, "Introducing the Pop Girls"

3.^ Philippine Daily Inquirer, 22 Mayo 2010, "Charice debuts at No. 8 on Billboard"

4.^ Sanchez, R. J., Manila Bulletin, 24 Mayo 2010, "Charice happy with chart performance of her album, song"

Nakuha mula sa: "http://en.wikipedia.org/wiki/Pinoy_pop"