Pumunta sa nilalaman

Pabula

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Parabula)
Pusang antropomorpiko na nagbabantay sa gansa, sa Ehipto, c. 1120 BCE

Ang pabula (tinatawag din minsan bilang parabula o malaalamat na kuwento) ay isang pampanitikang uri na binibigyang kahulugan bilang isang maikling kathang-isip na kuwento, sa prosa o taludtod, na nagtatampok ng mga hayop, maalamat na nilalang, halaman, walang buhay na bagay, o puwersa ng kalikasan na naka-antropomorpiko at naglalarawan o humahantong sa isang partikular na aral ng moralidad (isang " moral"), na maaaring idagdag sa huli nang tahasan bilang isang maiksing kawikaan o kasabihan.

Naiiba ang pabula sa isang talinghaga (o parabola) kung saan di-sinasama sa parabola ang mga hayop, halaman, walang buhay na bagay, at puwersa ng kalikasan bilang mga aktor na nagsasagawa ng pananalita o iba pang kapangyarihan ng sangkatauhan. Sa kabaligtaran, partikular na kinabibilangan ang isang kuwento ng hayop ng mga nagsasalitang hayop bilang mga karakter.

Ang paggamit ay hindi palaging malinaw na ipinagkakaiba. Sa King James Version (o Saling Haring Santiago) ng Bagong Tipan, ang "μῦθος" ("mga mito") ay isinalin ng mga tagapagsalin bilang "pabula"[1] sa Unang Sulat kay Timoteo, Ikalawang Sulat kay Timoteo, Sulat kay Tito at Unang Sulat ni Pedro. (sa Ingles)[2]

Tinatawag na pabulista ang taong sumusulat ng pabula.

Ang pabula ay isa sa pinakamatatag na anyo ng panitikang pambayan, na lumaganap sa ibang bansa, na sinang-ayunan ng mga modernong mananaliksik,[3] sa pamamagitan ng mga antolohiyang pampanitikan na di-gaanong kumalat sa ganitong paraan subalit mas kumalat sa pamamagitan ng pasalitang paraan. Matatagpuan ang pabula sa panitikan ng halos bawat bansa.

Mga pabula ni Esopo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kasama sa iba't ibang korpus na tinutukoy ang Pabulang Esopiko o Mga Pabula ni Esopo ang karamihan sa mga pinakakilalang pabula sa kanluran, na iniuugnay sa maalamat na si Esopo, na diumano'y naging alipin sa sinaunang Gresya noong mga 550 BCE. Nang isulat ni Babrio ang mga pabula mula sa Esopiko na taludtod para sa isang Prinsipeng Helenistikong si "Alejandro", hayagang sinabi niya sa ulo ng Aklat II na ang ganitong uri ng "mito" na ipinakilala ni Esopo sa "mga anak ng mga Heleno" ay isang imbensyon ng mga "Siryo" mula sa panahon ng "mga Nino" (pinepersonipikasyon ang Nineve sa mga Griyego) at Belos ("namumuno").[4] Ang Epikarmo ng Kos at Pormis ay iniulat na kabilang sa mga unang nag-imbento ng mga pabulang komiks.[5] Kabilang sa maraming pamilyar na pabula ng Esopo ang "Ang Uwak at ang Pitsel", "Ang Pagong at ang Liyebre" at "Ang Leon at ang Daga". Sa sinaunang edukasyong Griyego at Romano, ang pabula ay ang una sa progymnasmata —mga pagsasanay sa pagbuo ng prosa at pagsasalita sa publiko—kung saan hihilingin sa mga mag-aaral na matuto ng mga pabula, palawakin ang mga ito, mag-imbento ng sarili nila, at gamitin sa wakas ang mga ito bilang mga mapanghikayat na halimbawa sa mas mahabang mga talumpating porense o pampakikipanayam. Ang pangangailangan ng mga instruktor na magturo, at ang mga mag-aaral na matuto, ang isang malawak na hanay ng mga pabula bilang materyal para sa kanilang mga deklarasyon ay nagresulta sa kanila na maging sama-sama sa koleksyon, tulad kay Esopo.

Ang kulturang pasalita ng Aprika[6] ay may mayamang tradisyon sa pagkukuwento. Habang mayroon na sila nitong tradisyon na ito sa libu-libong taon nakalipas, patuloy na nakikipag-interaksyon ang mga tao sa lahat ng edad sa Aprika sa kalikasan, kabilang ang mga halaman, hayop at mga estrukturang panlupa tulad ng mga ilog, kapatagan, at bundok. Ang mga bata at, sa ilang kaso, ang mga nasa hustong gulang na ay nabighani sa mga mahuhusay na nagkukuwento kapag naging magalaw sila sa kanilang pagsisikap na magkuwento ng isang magandang pabula.

May mayamang tradisyon ng mga pabula ang Indya na marami ang nagmula sa mga tradisyonal na kuwento at may kaugnayan sa mga lokal na natural na elemento. Madalas na nagtuturo ang mga pabula ng Indya ng isang partikular na moral.[7] Sa ilang mga kuwento ang mga diyos ay may mga aspetong hayop, habang ang ibang mga karakter ay arkitipong nagsasalitang mga hayop na katulad ng matatagpuan sa ibang mga kultura. Daan-daang pabula ang isinulat sa sinaunang Indya noong unang milenyo BCE, kadalasan bilang mga kuwento sa loob ng mga kuwento. May halo-halong karakter ng mga tao at hayop ang mga pabula ng Indya. Kadalasang mas mahaba kaysa sa mga pabula ni Esopo ang mga diyalogo at kadalasang nakakatawa habang sinusubukan ng mga hayop na dayain ang isa't isa sa pamamagitan ng pandaraya at panlilinlang. Sa mga pabulang Indiyano, hindi pinapakita ang sangkatauhan bilang superyor sa mga hayop. Kabilang sa mga pangunahing halimbawa ng pabula sa Indya ang Panchatantra at ang mga kuwentong Jataka. Kabilang dito ang Panchatantra ni Vishnu Sarma, ang Hitopadesha, Vikram at ang Bampira, at ang Pitong Matalinong Panginoon ni Sendebar, na mga koleksyon ng mga pabula na kalaunan ay naging maimpluwensya sa buong Lumang Daigdig. Kontrobersyal na sinabi ni Ben E. Perry (tagatala ng "Indeks na Perry" ng mga pabula ni Esopo) na ang ilan sa mga kuwentong Jataka na Budista at ilan sa mga pabula sa Panchatantra ay maaaring naimpluwensyahan ng mga katulad sa mga nakikita sa Griyego at Malapit na Silangan.[8] Ang mga naunang epiko ng Indya gaya ng Mahabharata ni Vyasa at Ramayana ni Valmiki ay naglalaman din ng mga pabula sa loob ng pangunahing kuwento, kadalasan bilang mga side story (ikalawang kuwento) o back-story (kuwentong pagpapakilala). Ang pinakatanyag na kwentong bayan mula sa Malapit na Silangan ay ang Isang Libo at Isang Gabi, na kilala rin bilang Mga Gabing Arabe.

Sa koleksyon ni Dean Fansler ng mga kuwentong-bayang Pilipino na pinamagatang Filipino Popular Tales, matatagpuan din ang mga pabula na kinuwento ng mga Pilipino sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Kabilang sa mga pabula sa Filipino Popular Tales ang "Ang mga Unggoy at ang mga Tutubi", "Ang Pagong at ang Matsing", at "Ang Unggoy at ang Buwaya".[9]

Nakalimbag na imahe ng pabula ng panday at aso mula noong ikalabing-anim na dantaon[10]

Ang mga pabula ay may mahabang pang tradisyon noong Gitnang Panahon at naging bahagi ng mataas na panitikan ng Europa. Noong ika-17 dantaon, nakita ng pabulistang Pranses na si Jean de La Fontaine (1621–1695) ang diwa ng pabula sa moral—isang tuntunin ng pag-uugali. Simula sa huwarang Esopiko, itinakda ni La Fontaine na kutyain ang korte, ang simbahan, ang sumisikat na burgis, sa katunayan ang buong eksena ng tao sa kanyang panahon.[11]

Makabagong panahon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa makabagong panahon, habang ang pabula ay binibigyang halaga sa mga aklat pambata, ganap din itong inangkop sa makabagong panitikang pang-adulto. Ang Bambi ni Felix Salten (1923) ay isang Bildungsroman—isang kwento ng pagdadalaga/pagbibinata ng bida—na ginawa sa anyo ng isang pabula. Ginamit ni James Thurber ang sinaunang istilo ng pabula sa kanyang mga aklat na Fables for Our Time (1940) at Further Fables for Our Time (1956), at sa kanyang mga kwentong "The Princess and the Tin Box" sa The Beast in Me and Other Animals (1948) at "The Last Clock: A Fable for the Time, Such As It Is, of Man" sa Lanterns and Lances (1961). Inilarawan ng The Revolt (1922) ni Władysław Reymont, isang metapora para sa Rebolusyong Bolshevik ng 1917, ang isang pag-aalsa ng mga hayop sa sumakop sa kanilang sakahan upang ipakilala ang "pagkakapantay-pantay". Isang kaparehong gawa, ang Animal Farm ni George Orwell (1945), ay partikular na tinuya ang Komunismong Stalinista, at totalitarismo sa pangkalahatan, sa anyong pabula ng hayop.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Halimbawa, sa Unang Timoteo, "neither give heed to fables...", at "refuse profane and old wives' fables..." (1 Tim 1:4 and 4:4, ayon sa pagkakabanggit).
  2. Strong's 3454. μύθος muthos moo’-thos; perhaps from the same as 3453 (through the idea of tuition); a tale, i.e. fiction ("myth"):—fable.
    "For we have not followed cunningly devised fables, when we made known unto you the power and coming of our Lord Jesus Christ, but were eyewitnesses of his majesty." (Ikalawang Pedro 1:16) (sa Ingles)
  3. Enzyklopädie des Märchens (1977), tingnan ang "Fabel", "Äsopica" atbp. (sa Aleman)
  4. Burkert 1992:121 (sa Ingles)
  5. P. W. Buckham, p. 245 (sa Ingles)
  6. Atim Oton (Oktubre 25, 2011). "Reaching African Children Through Fables and Animation" (sa wikang Ingles). Huffingtonpost.com. Nakuha noong Mayo 8, 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Ohale, Nagnath (2020-05-25). "Indian Fables Stories – In Indian Culture Indian fables with morals". In Indian Culture (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-07-31. Nakuha noong 2020-07-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Ben E. Perry, "Introduction", p. xix, in Babrius and Phaedrus (1965) (sa Ingles)
  9. Fansler, Dean (1921). "Filipino Popular Tales". www.gutenberg.org (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-02-21.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Fabel van de smid en de hond". lib.ugent.be (sa wikang Aleman). Nakuha noong 2020-09-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Translations of his 12 books of fables are available online at oaks.nvg.org