Pastil
Ibang tawag | pastel, patil, patel, patir, pater, paster |
---|---|
Kurso | Ulam |
Lugar | Pilipinas |
Rehiyon o bansa | Maguindanao |
Pangunahing Sangkap | kanin, malagkit, hinimay-himay na baka/manok/isda |
Mga katulad | binalot, piyoso & nasi dagang |
|
Ang pastil ay nakabalot na kani't ulam sa Pilipinas na gawa sa sinaing na nakabalot sa dahon ng saging na may hinimay-himay na baka, manok, o isda. Nanggaling ito sa mga Magindanawon at isa itong patok at murang almusal sa Mindanao, lalo na sa mga Muslim na Pilipino.[1] Kilala rin ang pastil sa mga katawagang patil, patel, patir, o pater sa Maranaw; at paster sa Iranun.[2]
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tinatawag na kagikit ang karne o isda sa pagkaing ito. Karaniwan ito ay hinimay-himay na baka o manok. Kahawig ang pagluluto nito sa adobo (ngunit walang suka). Pinapakuluan muna ito hanggang lumambot, tapos pinapalamig bago himayin. Ginigisa ang mga bawang at sibuyas at idinaragdag ang hinimay na karne kapag naaaninag na ang mga sibuyas. Nilalagyan ito ng toyo (o sarsa ng talaba), paminta, at asin ayon sa kagustuhan at pinapasimer ang mga ito hanggang sumingaw. Maaari rin itong dagdagan ng palapa o masang sili, dahil halos palaging maanghang ang mga pagkain ng mga Pilipinong Muslim.[3][4][5] Maaari ring sahugan ito ng hinimay na hito; kadalasan katipa (clarias batrachus) o dalag (channa striata) na hinaluan ng buko.[1][6][5] Pagkaing halal ang pastil, kaya hindi inuulam ang baboy.[5] Ibang pangalan ang ginagamit sa mga di-halal na baryasyon ng pastil, tulad ng binalot, upang maiwasan ang pagkalito at upang mapreserba ang tradisyon ng pastil.
Hinahaluan ang kanin ng konting malagkit upang mapanatili ang hugis nito. Karaniwang pinapasingawan ito. Pinapalanta ang mga dahon ng saging sa ningas ng apoy para lumambot, pagkatapos pinapahiran ng mantika ang rabaw sa loob. Pagkatapos, inilalagay ang kanin sa mga dahon at hinuhugis ito na parang silindro. Ipinapatong sa ibabaw nitong kanin ang karne. Binabalutan ito ng mga dahon nang nakasukbit sa loob ang mga dulo.[7][8] Ang bersiyong Maranaw nitong pagkain, pater, ay karaniwang sinasahugan ng kuning, kanin na niluto sa luyang-dilaw na nagpapadilaw sa itsura nito.[5]
Tradisyonal ang pagpapares ng pastil sa mga gulay na ibinabad sa suka bilang pamutat, kagaya ng pipino o toge, upang mabalanse ang alat ng kagikit. Maaari rin itong dagdagan ng nilagang itlog. Kadalasang sinasabayan ito sa kape or sikulate sa almusal o sa meryenda.[1][2][9] Karaniwang ibinebenta ang pastil ng mga restawran at tindera sa kalye sa mga komunindad ng Muslim sa Mindanao at sa buong kapuluan, halimbawa, mayroong iilang restawran sa Heneral Santos na naghahain nito kasama ng mga pamutat, habang sa Taguig, ibinebenta ito bilang murang meryenda.[2][1] Sa Lanao del Sur, Lanao del Norte, at Hilagang Mindanao, tinatawag na "pateran" ang mga restawran o tindahan na dalubhasa sa pater, ang bersiyong Maranaw ng pastil.[5]
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 Dela Cruz, Mikee (Setyembre 5, 2016). "Craving for 'pastil'" [Natatakam sa 'pastil']. Mindanaw (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 14, 2018.
{{cite news}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 2.0 2.1 2.2 "Pastil". Philippine Food Illustrated. Disyembre 22, 2010. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 26, 2017. Nakuha noong Disyembre 14, 2018.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Punzalan, Noel (Disyembre 20, 2017). "Pastil: Maguindanaon food on Christmas" [Pastil: Pagkaing Magindanawon sa Pasko]. Philippine News Agency (sa wikang Ingles). Republic of the Philippines. Nakuha noong Disyembre 14, 2018.
{{cite news}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Pastil Recipe (Native Maguindanaon Delicacy)" [Resipi ng Pastil (Katutubong Delikasing Magindanawon)]. Reabai Johyrish Food Blog (sa wikang Ingles). Hulyo 19, 2016. Nakuha noong Disyembre 14, 2018.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 Mamasainged, Datu Norhamidin Dilangalen. "PATER: A taste of Maranao delicacy" [PATER: Isang tikim ng delikasing Maranaw]. Development Communication Xavier University (sa wikang Ingles). Nakuha noong 8 Hulyo 2023.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Melendres, Arianne Joy; Pontejos, Laurence (6 Setyembre 2022). "Eat and go: Pastil unwraps the Moro food culture". The LaSallian (sa wikang Ingles). De La Salle University. Nakuha noong 8 Hulyo 2023.
{{cite news}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Maguindanao's Pastil: Adobo & Rice Wrapped in Banana Leaf" [Pastil ng Maguindanao: Adobo & Kanin na Nakabalot sa Dahon ng Saging]. Choose Philippines (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 21, 2018. Nakuha noong Disyembre 14, 2018.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Chicken Pastil" [Pastil na Manok]. Asian Food Channel (sa wikang Ingles). Discovery International. Nakuha noong Disyembre 14, 2018.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Pastil of Zamboanga" [Pastil ng Zamboanga]. Join The World Travel Blog (sa wikang Ingles). Oktubre 13, 2017. Nakuha noong Disyembre 14, 2018.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)