Pumunta sa nilalaman

Portada:Agham/Itinatampok na Biyograpiya/2

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isaac Newton

Si Sir Isaac Newton, PRS (Disyembre 25 1642 (OS) – Marso 20 1727 (OS) / Enero 4, 1643 (NS) – Marso 31 1727 (NS)) ay isang Ingles na pisiko, matematiko, astronomo, pilosopo, at alkimiko. Isang taong henyo, siya ang tinuturing ng karamihan na isa sa pinakamaimpluwensyang siyentista sa kasaysayan ng agham. Inuugnay siya sa rebolusyong makaagham at pagsulong ng heliosentrismo.

Ang kanyang monograpong Philosophiæ Naturalis Principia Mathematica na inilambag noong 1687 ang naglatag ng mga pundasyon sa karamihan ng klasikal na mekaniks. Sa akdang ito, inilarawan ni Newton ang unibersal na grabitasyon at ang tatlong batas ng mosyon. Ang mga konseptong ito ang nanaig sa siyentipikong pananaw ng uniberso sa mga sumunod na tatlong siglo(300 taon). Ipinakita ni Newton na ang mga mosyon(galaw) ng mga obhekto(bagay) sa mundo at ng mga katawang selestiyal(celestial bodies) ay pinamamahalaan ng parehong hanay ng mga natural na batas sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ayon ng mga batas mosyon ng mga planeta ni Kepler sa kanyang teoriya ng grabitasyon. Ito ang nag-alis ng pagdududa sa pananaw na heliosentrismo(pag-ikot ng mga planeta sa araw) at nagpasulong ng rebolusyong siyentipiko. Ang Principia ang itinuturing na isa sa pinakamahalagang aklat siyentipiko na isinulat.

Sa matematika, si Newton ay kahati ni Gottfried Leibniz sa karangalan ng pagbuo ng kalkulo. Kanya ring ipinakita ang teoremang binomial ang bumuo ng paraang Newton na pagtatantiya ng mga ugat ng isang punsiyon at nag-ambag sa pag-aaral ng mga seryeng kapangyarihan.

Si Newton ay isa ring napakarelihiyosong tao. Siya ay sumulat ng mas marami tungkol sa hermeneutikong Biblikal at pag-aaral okulto kesa sa agham at matematika. Sikretong itinakwil ni Newton ang Trinitarianismo ng Katolismo dahil sa takot na maakusahan ng pagtanggi sa kautusang banal ng simbahan.