Pumunta sa nilalaman

Surah Al-Balad

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Quran 90)
Sura 90 ng Quran
البلد
Al-Balad
KlasipikasyonMakkan
Ibang pangalanThe City
Blg. ng talata20
Blg. ng zalita82
Blg. ng titik342

Ang Sūrat al-Balad (Arabiko: البلد‎ al-balad, Ang Siyudad, ang Bansang Ito) ang ika-90 sura ng Koran na may 20 ayat.

Mga bersikulo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Sumumpa ang Allâh sa pamamagitan ng sagradong bayan, na ito ay ang Makkah,

2. Na kung saan, ikaw ay naninirahan, O Muhammad, sa sagradong bayang ito,

3. At sumumpa ang Allâh sa pamamagitan ng ama ng sangkatauhan – na siya ay si Âdam – at sa sinumang ipapanganak mula sa kanya,

4. Walang pag-aalinlangan, nilikha Namin ang tao na nasa paghihirap at pagpupunyagi sa makamundong buhay.

5. Iniisip ba niya na dahil sa kanyang nalikom na salapi o kayamanan ay wala nang kakayahan ang Allâh laban sa kanya?

6. Sasabihin niya na may pagmamayabang: “Nag-aksaya ako ng maraming kayamanan.”

7. Iniisip ba niya na sa ganitong gawain ay hindi siya nakikita ng Allâh, at hindi siya pagbabayarin sa anuman na kanyang nagawa, maliit man o malaki?

8. Hindi ba ginawan Namin siya ng dalawang mata na sa pamamagitan nito ay nakakakita siya,

9. At dila at dalawang labi, na siya ay nakapagsasalita sa pamamagitan nito,

10. At nilinaw Namin sa kanya ang dalawang daan: ang mabuti at masama?

11. Subali’t hindi siya naghangad na makaligtas sa masidhing pagpapahirap sa Kabilang-Buhay sa pamamagitan ng paggasta ng kayamanan sa Daan ng Allâh, upang siya ay maging tiyak sa kaligtasan.

12. Ano bang bagay ang makapagpapabatid sa iyo: sa anumang kahirapan sa Kabilang-Buhay at anumang makatutulong para makaligtas sa kahirapang ito?

13. Katiyakan, ito ay pagpapalaya ng mananampalatayang alipin na babae mula sa pagkabihag at pag-alipin sa kanya.

14. O di kaya ay pagpapakain sa panahon na matindi ang taggutom,

15. Ng mga ulila mula sa kamag-anak, na sa panahong yaon ang kahalagahan ng pagsasagawa ng kawanggawa at pagpapatibay ng ugnayang magkakamag-anak,

16. O di kaya ay sa mahihirap na dukha na salat sa kahirapan.

17. Pagkatapos, kasama sa pagsagawa ng mga mabubuting gawa na mga nabanggit ay ang pagiging dalisay niya na taos-puso ang kanyang paniniwala sa Allâh, na nagpapayuhan sa isa’t isa ng pagtitiis sa pagsunod sa Allâh at pag-iwas sa mga kasalanan, at nagpapayuhan sa pagiging mabuti at pagsasagawa ng kawanggawa.

18. Ang mga yaong gumawa ng ganitong gawain, sila ang mga ‘Ashâbul Maymanah’ – nasa gawing kanan, na kung saan, sila ay isasama sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga nasa gawing kanan na patungo sa ‘Al-Jannah’ (Hardin).

19. Ang mga yaong hindi naniwala sa Qur’ân, sila ang mga yaong ‘Ashâbul Mash`amah’ na ibibilang at isasama sa Araw ng Muling Pagkabuhay sa mga nasa gawing kaliwa patungo sa Impiyerno.

20. Na ang kanilang kabayaran ay Impiyernong-Apoy na nakapinid.