Pumunta sa nilalaman

Surah Al-Bayyinah

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Quran 98)
Sura 98 ng Quran
البينة
Al-Bayyinah
KlasipikasyonMadani(pinagtatalunan)
Ibang pangalanEvidence, The Proof, The Clear Sign, The Evidence of the Truth
PosisyonJuzʼ 30
Blg. ng talata8

Ang Sūrat al-Bayyina (Arabic: سورة البينة‎ ) (Ang Malinaw na Palatandaan, Ebidensiya) ang ika-98 kabanata ng Koran na may 8 talata.

Mga bersikulo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Hindi tinalikuran ng mga walang pananampalataya na mga ‘Ahlil Kitâb’ – nagtatangan ng Kasulatan na mga Hudyo at mga Kristiyano, at ng mga ‘Mushrikîn’ – nagtatambal o sumasamba ng iba bukod sa Allâh ang kanilang maling paniniwala, hanggang dumating sa kanila ang malinaw na palatandaan na ipinangako sa kanila ayon sa mga naunang kasulatan.

2. At ito ay ang Sugo ng Allâh na si Muhammad (saw) na nagbibigkas sa kanila ng Qur’ân na nasa dalisay na pahina (Kasulatan).

3. Nasa mga Kasulatan na yaon ang mga totoong salaysay at makatarungang pag-uutos, na naggagabay tungo sa katotohanan at tungo sa matuwid na landas.

4. At hindi nagkasalungatan ang mga nagtatangan ng kasulatan na mga Hudyo at mga Kristiyano sa pagiging tunay na Sugo ni Muhammad; na nakikita nila ang kanyang katangian sa kanilang kasulatan, maliban sa pagkatapos nilang mapatunayan na siya ang Propeta na ipinangako sa kanila sa ‘Tawrah’ at ‘Injeel,’ at sila ay nagkakasundu-sundo sa pagiging totoo ng kanyang pagiging Propeta subali’t nang siya ay dumating sa kanila ay tinanggihan nila at nagkawatak-watak sila.

5. At walang ipinag-utos sa kanila sa lahat ng batas sa kasulatan kundi sambahin lamang nila ang Allâh na Bukod-Tangi, na ang kanilang hangarin sa kanilang pagsamba ay makatagpo nila ang Allâh, na lumayo sila sa pagtatambal patungo sa tamang paniniwala, at isagawa nila ang ‘Salâh,’ at ibibigay nila ang kanilang ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa), at ito ang Matuwid na Relihiyon, na ito ay ang Islâm.

6. Katiyakan, ang mga yaong hindi naniwala mula sa mga Hudyo at mga Kristiyano, at mga nagtambal o sumamba ng iba bukod sa Allâh, ang parusa para sa kanila ay Impiyernong-Apoy magpasawalang-hanggan, at sila ang pinakamasama sa mga nilikha.

7. Katiyakan, ang mga yaong naniwala sa Allâh at sumunod sa Kanyang Sugo at gumawa ng mga kabutihan ay sila ang pinakamabuti sa mga nilikha.

8. Ang kanilang gantimpala na nasa kanilang ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay mga Hardin na pinakamagandang patutunguhan at tirahan, na umaagos sa ilalim ng mga palasyong ito ang mga ilog, na mananatili sila roon magpasawalang-hanggan, kinalugdan sila ng Allâh kaya naging katanggap-tanggap ang kanilang mga mabubuting gawain, at ganoon din sila sa Allâh, nalugod din sila dahil sa inihanda sa kanila na iba’t ibang uri ng karangalan, at ito ang mabuting gantimpala sa sinumang natakot sa Allâh sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng Kanyang mga ipinag-utos at pag-iwas sa lahat ng Kanyang ipinagbawal, at iniwasan ang paglabag sa Kanya.