Pumunta sa nilalaman

Zeus

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Zefs)
Estatuwa ni Zeus.

Si Zeus (Sinaunang Griyego: Ζεύς, Zefs, Zeús; Δίας, Diós, "banal na hari") ay ang pinuno ng mga diyos at ang diyos ng kalangitan at ng kulog sa mitolohiyang Griyego. Siya ang nangingibabaw, pinakamakapangyarihan, pinakamataas, o supremong diyos ng sinaunang mga Griyego.[1][2] Ginagamit niyang sandata ang kidlat na may kasamang malakas na kulog, kaya't kilala rin siya bilang "Zeus ang Tagapagkulog" (Zeus the Thunderer). Sa pamamagitan ng kidlat at kulog, napamunuan niya ang iba pang mga diyos upang makamit ang tagumpay laban sa mga higanteng nagnais na kuhanin mula sa Olimpiyanong mga diyos at diyosa ang pagtaban at pangingibabaw sa daigdig. Partikular na ginagamit din ni Zeus ang kanyang sandatang kidlat at kulog sa tuwinang magagalit.[3] Kilala siya sa mitolohiyang Romano bilang Hupiter (Jupiter). Sa mitolohiyang Etruskano, siya si Tinia.[4]

Ama ni Zeus si Cronus (Saturno sa Romano). Batay sa mitolohiyang Griyego, napag-alaman ni Cronus na mapapalitan siya sa pagkahari ng isa sa kanyang magiging mga anak. Kaya't nilulunok niya ang mga ito, sa bawat pagkakataon magsisilang ang kanyang asawang si Rhea, upang mapigilan ang kanyang pagkagapi. Nalunok niyang lahat ang kanyang mga naging anak kay Rhea, maliban na lamang kay Zeus na itinago ni Rhea sa pulo ng Creta sa Gresya. Sa halip, ang nalunok ni Cronus ay isang batong ibinalot ni Rhea sa isang kasuotan.[3]

Sa paglaki ni Zeus, napilit niya ang kanyang amang si Cronus na iluwa ang kanyang mga kapatid. Nagkaroon sila ng kapangyarihan sa buong sanlibutan. Sa pamamagitan ng palabunutan, nakapagtalaga sila kung sinu-suno ang mamumuno sa iba't ibang mga kaharian.[3] Naitalaga ni Zeus sa kanyang kapatid na lalaking si Poseidon (o Neptuno sa Romano) ang karagatan. Sa isa pa niyang kapatid na lalaking si Hades (o Pluto sa Romano) napunta ang daigdig sa ilalim ng lupa o daigdig ng mga patay.[5][4]

Nang maging Hari ng mga Diyos si Zeus, pinagharian niya ang lahat ng iba pang mga diyos at mga tao mula sa kanyang palasyong nasa itaas ng Bundok ng Olimpo, at nauupo sa isang ginintuang tronong may palamuting mga batong hiyas. Mayroon ding nakapatong na isang koronang yari sa dahon ng mga laurel sa ibabaw ng kanyang ulo. Natatanging mensahero niya ang agila. Tinagurian din siyang Diyos ng Katarungan at Diyos ng mga Panunumpa (o mga Pangako) at Hospitalidad.[3]

Wala nang iba pang mas higit na makapangyarihan kay Zeus, maliban na lamang sa Mga Kapalaran. Walang magagawa si Zeus kapag pinagpasyahang kuhanin ng Mga Kapalaran ang buhay ng isang tao, gayundin kung nakapili na ang mga ito kung sino ang magwawagi sa isang digmaan.[3]

Kabilang sa mga anak ni Zeus si Apollo (o Apollon), ang diyos ng araw, at si Artemis (o Diana), ang diyosa ng buwan.[3]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. American Bible Society (2009). "Zeus, mula sa Word List". The Letters of Saint Paul, Commemorative Edition, Celebrating the Pauline Year 28 June 2008 - 29 June 2009, Good News Translation. American Bible Society, Bagong York.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 136.
  2. Gaboy, Luciano L. Supreme, supremo, nangingibabaw, pinakamakapangyarihan, pinakamataas - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 "Zeus, Jupiter; Cronus, Saturn; Hades, Pluto; atbp". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), Greek Mythology, pahina 356-357.
  4. 4.0 4.1 Kleiner, Fred S. at Christin J. Mamiya (2005). "Zeus, Jupiter, Tinia; Zeus the Thunderer". Gardner's Art Through the Ages, ika-12 edisyon. Wadsworth/Thomson Learning, Kaliporniya, ISBN 0155050907.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), The Olympian Gods (And Their Roman Equivalents), The Gods and Goddesses of Mount Olympus, Etruscan Counterparts of Greco-Roman Gods and Heroes, Religion and Mythology, pahina 107, 130, at 235.
  5. Gaboy, Luciano L. Underworld, daigdig sa ilalim ng lupa, daigdig ng mga patay - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.