Pumunta sa nilalaman

Elizabeth II

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Elizabeth II ng United Kingdom)
Elizabeth II
Isabel II (Filipino)
Pinuno ng Komonwelt

Si Elizabeth II noong 1959.
Reyna ng Reyno Unido at ang Nasasakupang Komonwelt
Panahon 6 Pebrero 1952—8 Setyembre 2022
Koronasyon 2 Hunyo 1953
Sinundan George VI
Sumunod Charles III
Asawa Prinsipe Philip, Duke ng Edinburgh
Anak Charles III
Anne, Maharlikang Prinsesa
Prinsipe Andrew, Duke ng York
Prinsipe Edward, Konde ng Wessex
Buong pangalan
Elizabeth Alexandra Mary Windsor
Ama George VI
Ina Elizabeth, Ina ng Reyna
Kapanganakan 21 Abril 1926(1926-04-21)
Mayfair, London, Reyno Unido
Kamatayan 8 Setyembre 2022(2022-09-08) (edad 96)
Kastilyo ng Balmoral, Aberdeenshire, United Kingdom
Pananampalataya Simbahan ng Inglatera

Si Elizabeth II (Filipino: Isabel II; Elizabeth Alexandra Mary; 21 Abril 1926—8 Setyembre 2022), ay ang Reyna ng Reyno Unido at ng mga bansang nasa nasasakupang komonwelt[a] mula noong 6 Pebrero 1952 hanggang 8 Setyembre 2022.[1][2] Ang 70 taon at 214 araw na panunungkulan niya bilang reyna ay ang pinakamahaba sa kasaysayan ng Reyno Unido, ang pinakamahabang panunungkulan ng isang babae sa kasaysayan ng mundo, gayundin ang pangalawang kumpirmadong pinakamahaba ng isang monarko sa kasaysayan ng mundo.

Ipinanganak si Elizabeth sa Mayfair sa lungsod ng Londres, bilang panganay na anak ng Duke at Dukesa ng York (kalaunan naging sina Haring George VI at Reyna Elizabeth). Matapos bumaba sa pagiging hari si Edward VIII noong 1936, naging hari ang tatay niya, at siya ang naging inaasahang hahalili (Ingles: heir presumptive) sa trono. Pribado siyang tinuruan sa kanilang tahanan at nagsilbi rin sa bansa sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong Nobyembre 1947, pinakasalan niya si Philip Mountbatten, isang dating prinsipe ng Gresya at Denmark. Nagtagal ang kanilang pagsasama hanggang noong Abril 2021, nang namatay si Philip. Nagkaroon sila ng apat na anak, si Charles III, Anne, Andrew, at Edward.

Nang namatay ang kanyang tatay noong 1952, siya ang humalili bilang Reyna ng Reyno Unido at ng mga nasasakupang komonwelt nito. Nanungkulan si Elizabeth bilang isang monarkong konstitusyonal sa ikalawang kalahati ng ika-20 siglo, mula sa The Troubles sa Hilagang Irlanda, debolusyon ng pamahalaan, paglaya ng mga bansa sa Aprika, at ang pagpasok at ang kalaunang paglabas ng Reyno Unido mula sa Unyong Europeo. Pabago-bago ang bilang ng kanyang mga nasasakupang bansa dahil sa paglaya ng mga ito mula sa Reyno Unido at pagpalit ng mga nasa nasasakupang komonwelt mula sa monarkiyang konstitusyonal papuntang republika. Kasama sa kanyang maraming makasaysayang pagbisita at pagpupulong ang pagbisita nito sa Tsina noong 1986, Russia noong 1994, at sa Irlanda noong 2011, gayundin ang pagbisita sa limang Santo Papa ng Simbahang Katoliko.

Kasama sa kanyang 70 taong panunungkulan ang mga kaganapan tulad ng koronasyon niya bilang reyna noong 1953, at ang kaniyang mga anibersaryo noong 1977, 2002, 2012, at 2022. Nakaranas din siya ng mga kritisismo mula sa mga republikano, partikular na noong pagkatapos magkaproblema sa pagsasama ng mga anak niya sa kanilang mga asawa, ang kanyang annus horibilis ('masamang taon') noong 1992, at ang pagkamatay ng dating biyenan niya na si Diana sa isang aksidente sa Paris noong 1997. 15 punong ministro ng Reyno Unido ang nanunungkulan sa kanya, mula kay Winston Churchill hanggang kay Liz Truss. Sa buong buhay niya, nagawa niyang mapanatili ang kabuuang popularidad ng monarkiya gayundin sa kanyang imahe. Namatay si Elizabeth sa Kastilyo ng Balmoral sa Aberdeenshire sa Scotland sa edad na 96. Humalili sa kanya ang kanyang panganay na anak na si Charles III.

Ipinanganak si Elizabeth noong 02:40 ng umaga (GMT) noong 21 Abril 1926, sa panahon ng paghahari ng kanyang lolo sa ama na si Haring George V.[3] Ang kanyang ama na si Prinsipe Albert, Duke ng York (na kalaunan ay naging si Haring George VI), ay ang pangalawang anak ng Hari, at ang kanyang ina na si Elizabeth, Dukesa ng York (na kalaunan ay naging si Elizabeth, Ina ng Reyna), ay ang bunsong anak na babae ng aristokratang Eskoses na si Claude Bowes-Lyon, ika-14 na Konde ng Strathmore at Kinghorne. Siya ay ipinanganak sa pamamagitan ng Caesarean section noong 21 Abril 1926 sa bahay ng kaniyang lolo sa 17 Bruton Street, Mayfair.[4] Ang Arsobispo ng York na si Cosmo Gordon Lang ang nagbinyag sa kanya sa Anglikanismo sa isang pribadong kapilya ng Palasyo ng Buckingham noong ika-29 ng Mayo.[5]

Siya ay pinangalanang Elizabeth na mula sa kaniyang ina. Alexandra mula sa ina ng kanyang lolo na namatay anim na buwan ang nakaraan bago siya ipanganak, at Mary mula sa kaniyang lola. Tinawag siyang "Lilibet" ng mga malapit na miyembro ng kaniyang pamilya. Itinitangi siya ni George V, at nang siya ay nagkaroon ng malubhang sakít noong 1929, ang mga regulár na pagbisita ni Isabel sa kaniyang lolo ay pinapurihan ng mga sikát na palimbagan at nang lumaon ng mga mananalambuhay dahil ito ay nakatulong sa pagpapagaling ng hari.

Ang natatanging kapatid ni Isabel na si Prinsesa Margaret ng York (naging Kontesa ng Snodon) ay ipinanganak noong 1930. Ang dalawang prinsesa ay nag-aral lamang sa bahay sa ilalim ng pamamahala ng kanilang ina at ni Marion Crawford, na tinawag nilang dalawa bilang "Crawfie". Ang kanilang mga aralin ay naka-sentro sa kasaysayan, wika, panitikan at musika. Nadismaya ang pamilyang maharlika noong 1950 nang magpalathala si Crawford ng talambuhay nila Elizabeth at Margaret na pinamagatang "The Little Princesses". Ang aklat ay naglalarawan sa hilig ni Isabel sa mga kabayo at mga aso, kaayusan at kaniyang responsibildad.

Herederang Mapagpalagay

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Prinsesa Elizabeth, 1933

Habang ang kaniyang lolo ay naghahari, si Elizabeth ay ikatlo sa linya ng pagmamana sa trono. Kahit na ang kaniyang pagkapanganak ay nagbigay ng interes sa publiko, hindi siya inaasahan maging reyna. Noong namatay ang kaniyang lolo noong 1936 ay siya ang naging ikalawa sa linya. Ngunit sa pagtatapos ng taóng iyon, ay nagbitiw din si Edward sa pagiging hari kayâ ang kaniyang ama ang naging hari.

Si Elizabeth ay pribadong nag-aaral tungkol sa kasaysayang Konstitusyonal mula kay Henry Marten, Ikalawang Proboste ng Kolehiyo ng Eton. Siya ay natuto ding mag-Pranses mula sa mga Pranses niyang mga governess. Isang Girl Guides Company, ang 1st Buckingham Palace Company, Ay binuo upang makasalamuha niya ang mga babaeng kasing-edad niya. Matapos noon ay inisabak siya bilang Sea Ranger.

Ikalawang Digmaang Pandaigdig

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Setyembre 1939, Pumasok na ang Britanya sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nagtapos noong 1945. Habang nagaganap ang digmaan, Karamihan sa mga batang taga-Londres ay inilikas upang maiwasan ang mga pambobomba sa Londres o mas sikat sa tawag na The Blitz. Noon ay pinaplanong ilikas ang dalawang prinsesa patungong Canada ngunit mariing tinutulan ng noo'y Reyna Elizabeth, na idineklarang "Ang mga bata ay hindi aalis nang wala ako, Ako ay hindi aalis ng wala ang Hari, At ang Hari ay hindi aalis. Ang dalawang prinsesa ay nanatili sa Kastilyo ng Balmoral hanggan mag-Pasko noong 1939, na kung kailan sila ay lumipat patungong Sandringham, Norfolk. Mula Pebrero hanggang Mayo 1940 ay nanirahan sila sa Lodge Royal sa Windsor hanggang sa lumipat na sila sa mismong Kastilyo ng Windsor na kung saan nanirahan sila doon sa nalalabing 5 taon ng digmaan. Sa Windsor sila ay bumida sa mga pantomina (pantomime) na itinatanghal tuwing Pasko upang magdonate sa Queen's Wool Fund. Taong 1940 naman ay isinagawa ni Elizabeth ang kauna-unahan niyang pagsasalita sa radyo sa Children's Hour ng Korporasyong Pambrodkast ng Britanya.

Noong 1943, sa gulang na 16, isinagawa ni Elizabeth ang kauna-unahang paglitaw niya sa publiko na magisa noong pinuntahan niya ang mga Gwardiyang Grenadero. Sa pagdating ng kaniyang ika-18 na kaarawan, ang batas ay inamyendahan upang siya ay maisali sa mga Counsellors ng Estado na tumatayong kapalit sa inkapasidad o pagliban ng monarko. Noong Pebrero ng taong 1945, siya ay sumali sa Auxiliary Territorial Service bilang Ikalawang Subalterno at mayroong numero na 230873. Siya din ay tinuruan maging drayber at mekaniko at siya naiangat sa pwestong Junior Commander limang buwan makalipas.

Sa pagtatapos ng digmaan sa Europa, ang mga prinsesang Elizabeth at Margaret ay nakisalamuha sa mga nagsasayang tao sa mga kalsada ng Londres.

Habang nagaganap ang digmaan, may mga plano para sa pagpuksa ukol sa mga isyung nasyonalismo sa Gales sa pamamagitan ng paglalapit kay Elizabeth sa taumbayan ng Gales. Isang plano ay ang pagtatalaga sa kaniya bilang Konstabulo ng Kastilyong Caernarfon o kaya naman ay patron ng Urdd Gobaith Cymru o ang Liga ng Kabataang Gales, ngunit inabandona ito dahil sa iba't ibang rason. Mayroon isa pang plano na gawing Prinsesa ng Gales si Elizabeth ngunit tinutulan ng Hari. Isinama din siya sa Gorsedd ng Bards ng Gales sa Pambansang Eisteddfod ng Gales.

Noong 1947 ay ang Pamilya Maharlika ay pumunta ng Katimugang Aprika, Ito ang kauna-unahang paglibot sa karagatan. Habang nasa paglilibot, Winika niya sa Buong Komonwelt at Imperyo ng Britanya na:

"Idinedeklara ko sa inyong lahat, na ang aking buhay, maging mahaba man o maikli, ay nakalaan sa inyong serbisyo at sa buong pamilyang Imperyal na kinabibilangan nating lahat." (I declare before you all, that my whole life, whether it be long or short, shall be devoted to your service, and the service of our great imperial family, to which we all belong.)

Pagpapakasal at Pamilya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakilala ni Elizabeth ang kaniyang magiging asawang si Prinsipe Philip ng Gresya at Denmark, noong 1934 at 1937. Matapos ang isa pang pagkikita sa Britannia Royal Naval College noong Hulyo 1939, si Elizabeth—na noo'y 13 taong gulang pa lamang—ay napamahal na umano kay Philip at nagsimula na rin silang magpalitan ng mga liham. Ang kasunduan ng pag-iisang dibdib ay inihayag noong Hulyo 9, 1947.

Ang kasal ni Elizabeth ay hindi nawalan ng kontrobersiya: si Philip ay walang pinansyal na katayuan, siya din ay mula sa ibang bansa, at mayroon siyang mga kapatid na kasal sa mga Aleman na may koneksiyon sa Nazismo.

Bago maganap ang kasal, binitiwan ni Philp ang kaniyang mga titulo, nagpalit ng relihiyon mula Ortdoksong Greko at naging Anglikano, at ginamit ang estilong Tinyente Philip Mountbatten. Bago rin ang kasal, ay hinirang siyang Duke ng Edinburgh at binigyan ng estilong Kaniyang Kataasan.

Si Elizabeth at Philip ay ikinasal noong Nobyembre 20, 1947 sa Westminster Abbey. Tumanggap sila ng 2,500 regalo mula sa iba't ibang dako ng mundo. Dahil hindi pa nakakaahon ang Britanya sa pagkawasak na dulot ng digmaan, kinailangan ni Elizabeth ang ration coupons upang makabili ng gagamiting materyal para sa kaniyang trahe na dinisenyo ni Norman Hartnell. Ang kaniyang mga kapatid ni Philip ay hindi inanyayahan sa kasal dahil sa kanilang koneksyon sa Alemanya, pati ang Duke ng Windsor ay hindi rin inanyayahan.

Isinilang ni Elizabeth si Prinsipe Charles noong Nobyembre 14, 1948. Isang buwan bago ipangank si Charles ay naglabas ng kautusan ang Hari upang mapakinabangan din ng mga anak ni Elizabeth ang titulong Prinsipe at Prinsesa Royal. Ang pangalawang anak, ang Prinsesa Anne ay isinilang noong 1950.

Aksesyon at Koronasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Koronasyon ni Elizabeth II, 2 Hunyo 1953

Sa kalagitnaan ng 1951, Ang kalagayan ni George VI ay lumubha at si Elizabeth na ang tumatayong proxy para sa kaniya. Nung binisita niya ang Canada at siya'y nagpunta kay Pangulong H.S. Truman sa Washington, D.C noong Oktubre ng taong yaon. Ang kaniyang pribadong kalihim na si Martin Charteris ay nagdala ng draft accession declaration sakaling mamatay ang hari habang nasa paglalakbay si Elizabeth. Mga araw matapos ang bagong taon ng 1952 ay inatasan sila ni Philip na maglakbay papunta sa Awstralya at Bagong Selanda sa pamamagitan ng pagdaan sa Kenya. Noong ika-6 ng Pebrero 1952, dito na nalaman ni Elizabeth na namatay na ang kaniyang ama at siya na ang bagong monarko ng Britanya at mga realmong Komonwelt. Si Philip ang nagsabi nito sa bagong Reyna. Nang tanungin siya ni Martin Charteris kung ano ang kaniyang magiging pangalan, Pinili niya ang pangalang Elizabeth. Siya ay ipinroklamang Reyna sa lahat ng Realmong Komonwelt at ang mag-asawa ay napilitang bumalik sa Britanya. Ang Duke ng Edinburgh at ang Reyna ay nagalsa-balutan na sa Palasyo ng Buckingham.

Sa aksesyon ni Elizabeth, nagkaroon na ng posibilidad na baka mapalitan ang pangalan ng Kabahayan ng Windsor at maging Kabahayan ng Mountbatten. Ang noong Punong Ministro na si Winston Churchill at ang kaniyang lola na si Reyna Maria ay ginusto pa ring maging Windsor ang pangalan ng kabahayan. At kaya sa ika-9 ng April 1952, pinaboran niya ang pananatili ng pangalang Windsor bilang maging kabahayan. Lubhang nadismaya ang Duke at nasabing "Ako lang ang nagiisang lalaki sa buong bansa na pinagbabawalang ibigay ang pangalan sa sariling mga anak." Taong 1960, nang mamatay si Reyna Maria noong 1953 at sa pagreretiro ni Churchill noong 1955, Pinirmahan ng Reyna ang letters patent na nagpahayag na maaring gamitin ng magiging kalipian ni Philip at Elizabeth na hindi nagdadala ng titulong Royal.

Sa pagprepara sa koronasyon, Sinabi ng Prinsesa Margaret sa kaniyang kapatid na nais niyang pakasalan si Peter Townsend, isang diborso, mas matanda kay Margaret ng 16 taon at mayroong 2 anak mula sa nakaraang kasal. Sinabi ng Reyna na maghintay muna ng isang taon, ngunit ang nasa isip ng reyna ay mawawala din ang pagsasama matapos ito. Ngunit mahigpit ang Simbahan ng Inglaterra na kung pakakasal si Prinsesa Margaret kay Townsend, Kakailanganin niyang buwagin ang istilo, pamagat at titulong royal at hindi na din siya maaring magmana ng trono, kaya't inabandona ni Margaret ang mga planong ito at nagpakasal kay Antony Armstrong-Jones noong 1960. Sila ay nagdiborsyo noong 1978 at hindi na siya nagpakasal muli.

Namatay man si Reyna Maria noong 24 March, ang koronasyon ay nagpatuloy, bilang pagtupad sa hiling ng yumaong reyna bago siya mamatay. Ang seremonya sa Westminster Abbey bukod sa pagbasbas at komunyon ay ipinalabas sa telebisyon sa kauna-unahang pagkakataon. Ang gown na ginamit sa koronasyon ay ginawa mula kay Norman Hartnell ay pinuno ng mga emblem floral, bilang pagtupad sa hiling ng reyna. Kabilang dito ang rosa ng Inglaterra, thistle ng Eskosya, Tanglad ng Gales, shamrock ng Irlanya, wattle ng Awstralya, dahong maple ng Canada, fern na pilak ng Bagong Selanda, protea ng Katimugang Aprika, lotus para sa Indiya at Ceylon at palay, bulak at jute ng Pakistan.

Patuloy na ebolusyon ng Komonwelt

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang mga realmong komonwelt at ang mga teritoriyo at mga pook-tanggulan sa pagsisimula ng paghahari ni Elizabeth II

Sa pagkapanganak ni Elizabeth at makaraan, Ang Imperyo ng Britanya ay sumailalim sa transpormasyon sa Komonwelt ng mga Bansa. a kaniyang aksesyon noong 1952, hindi na siya ang reyna ng isang Imperyo ngunit mga Dominyon na nakapaloob sa imperyo. Sa 1953 at 1954, ang kaniyang asawa at siya ay nagtahak sa isang pagdalaw sa mga realmong pinaghaharian niya. Siya rin ang kauna-unahang monarko ng Awstralya at Bagong Selanda na nagpunta doon. Sa kaniyang pagbisita, ang pagsalubong sa kaniya ay todo-todo. Humigit-kumulang tatlong-kapat ng populasyon ng Awstralya ang nakahagilap sa kaniya.

Taong 1956, Napagusapan ng Punong Ministro ng Pransiya na si Guy Mollet ay Punong Ministro ng Britanya na si G. Anthony Eden ang posibilidad na sumama ang Pransiya sa Komonwelt. Ngunit ito'y nauwi sa wala at sa sumunod na taon ay pumirma ang Pransiya sa Tratado ng Roma na naging basehan ng pagkakatatag ng Pangekonomikong Komunidad ng Europa, ang precursor ng Unyong Europeo. Nobyembre ng taong 1956, sinugod ng Britanya at Pransiya ang Suez Canal upang makuha nila ito. Hindi sila nagtagumpay. Nagbitiw sa pwesto si Eden at pumalit sa kaniya si Harold Macmillan. Ang krisis ng Suez at ang pagpili ng bagong Punong Ministro ay naging batayan ng unang kritisismo sa Reyna ni Panginoong Altrincham, na pinagbintangan siyang "out of touch." Malawakan ang naging pagbatikos ng publiko dito at pisikal na inatake si Altrincham ng publiko. Taong 1963 ay nagbitiw si Macmillan sa pwesto at iminungkahi na ang Earl ng Home ang pumalit sa kaniya, na sinunod naman ng Reyna, binatikos muli ang reyna dahil sa pagpili ng ministrong iminumungkahi lamang ng kaunting tao, Kaya ginamit ng mga Konserbatibo ang pagboto sa magiging lider , kaya ang reyna ay hindi na masasangkot pa muli.

1957 naman ay tumahak papuntang Estados Unidos ang Reyna na kung saan siya nagtalumpati sa Asambleya General ng United Kingdom bilang representante ng lahat ng nasa Komonwelt. Sa parehong pagbisita ay binuksan niya ang Parliyamento ng Canada, ang kauna-unahan para gawin ito.  1961 naman ay bumisita sa Chipre, Indiya, Pakistan, Nepal at Iran. Sa pagbisita sa Ghana ng parehong taon, kaniyang tinanggal ang takot niya sa kaniyang kaligtasan, kahit na ang sasama sa kaniya ay si Pangulong Kwame Nkrumah, na pumalit sa kaniya bilang bagong pinuno ng Ghana ay target ng asasinasyon. Ngunit pagdating niya sa Ghana ay para daw siyang, ayon kay Harold Macmillan "film star" kung ituring sa binisita niyang bansa. Bago naman siya bumisita ng Quebec, may mga ulat na maari siya ay paslangin kung siya ay bibisita, Tinuloy niya ang pagbisita. Wala namang nangyaring paslangan ngunit mayroong mga riot na naganap.

Ang mga pagbubuntis ni Elizabeth sa mga Prinsipeng si Andrew at Edward noong 1959 at 1963 ay ang mga tanging pagkakataon na hindi niya binuksan ang Parliamento ng Britanya.

Ang mga dekada 60 at 70 ay tumingin sa mabilisang dekolonisasyon sa Aprika at Carribeano, Mga 20 bansa ang nagkamit ng kalayaan mula sa Britanya, Ngunit 1965 ay ipinahayag ni Ian Smith, Punong Ministro ng Rhodesiya na ang bansang nabanggit ay lalaya na sa Britanya ngunit tapat parin sa Reynang si Elizabeth. Ang katapatang ito ay tumagal ng dekada hanggang mapatalsik siya sa pwesto. Sa pagkawala ng mga kolonya ng Britanya, tumingin na ang Britanya sa pagsali sa Europeong Komunidad, na nakamit nito noong 1973.

Pebrero naman ng taong 1974, inirekomenda ng Punong Ministrong si Edward Heath ang pagtawag ng eleksyon sa kalagitnaan ng pagbisita ng Reyna sa Austronesyong Rim ng Pasipiko, kaya't kinailangang bumalik ni Elizabeth sa Britanya, ang naging resulta ay isang Hung Parliament, Ang mga Konserbatibo ni Heath ay nabigong bumuo ng koalisyon kasama ang mga Liberal. Kaya naman inatasan ng Reyna ang Pinuno ng Oposisyon, si Harold Wilson na bumuo ng pamahalaan.

Isang taon makalipas ay naganap ang Krisis sa Saligang Batas ng Awstralya. Tinanggihan ng Reyna na makialam sa dahil nais niyang wag nang makialam sa mga desisyong reserba ng Saligang Batas ng Awstralya para sa Gobernador-Heneral. Ang krisis ay nagpatibay sa republikanismo ng Awstralya.

Anibersaryong Pilak (Dalawampu't Limang Taon ng pagkakaluklok sa trono)

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mga selyong inilabas sa New Zealand bilang paggunit sa ika-25 Anibersaryo ng Reyna noong 1977

Noong 1977, ipinagdiwang ni Elizabeth ang Pilak na Anibersaryo ng kaniyang pamumuno. Ang mga pagdiriwang ay naganap sa kalawakan ng Komonwelt. Ang mga selebrasyon ay nagpatibay pa sa popularidad ni Elizabeth sa kabila ng pagdidiborsyo ng kaniyang kapatid na si Margaret. Taong 1978, ay bumisita ang komunistang diktador ng Rumania na si Nicolae Ceausescu at ang kaniyang maybahay na si Elena. Taong 1979 ay naganap ang dalawang masalimuot na pangyayari. Ang isa ay ang pagkakalamang isang espiya para sa Unyong Sobyet si Anthony Blunt at ang isa ay ang pagpaslang ng Probisyonal na Sandatahang Republikano ng Irlandiya sa kamag-anak niyang si Panginoong Mountbatten.

Sa 1981 Trooping the Colour ay muntik nang paslangin ang Reyna habang siya ay sumasakay sa kaniyang kabayo na si Burmese. Anim na linggo makalipas ay naganap ang Pagpapakasal ng Prinsipe ng Gales kay Bb. Diana Spencer. 1982 naman ay naganap ang Digmaan sa Falklands laban sa Arhentina, kung saan naglingkod ang anak niyang si Andrew. Ika-9 ng Hulyo ay nagising sa kaniyang kwarto sa Palasyo ng Buckingham na mayroong intruder na nakaupo sa paanan ng kaniyang kama. Mapayapa ang naging pagpapalabas kay Michael Fagan at nagusap pa silang dalawa. Bumisita ang Pangulo ng EU na si Ronald Reagan at si Elizabeth naman ay bumista sa California noong 1983. Ngunit hindi ito nakapagtigil sa naging galit ni Elizabeth ng salakayin nito ang Grenada nang di siya inaabisuhan.

Matinding interes ng midya sa mga opinyon at pribadong buhay ng pamilyang royal noong Dekada 80 ang nagdala ng mga kahindik-hindik na istorya sa mga pahayagan, na kung saan karamihan ay pawang hindi totoo. Naisulat ni Donald Trelford sa The Observer noong 21 Setyembre 1986: "Ang teleseryeng royal ay umabot nasa galagala ng pampublikong interes na ang hangganan ng katotohanan at opinyon ay nawala na sa paningin. Hindi na makatarungan ang ibang pahayagan na kung saan hindi na nila tinitignan ang kanilang mga katotohanan o ang kanilang mga pagtanggi: Wala na silang pakialam kung totoo ang mga storya o hindi." Naiulat sa The Sunday Times noong 20 Hulyo 1986, Na kung saan sinasaad na nangangamba ang Reyna sa mga polisiyang ekonomiko ni Punong Ministro Margaret Thatcher na nagpapayabong sa kahatiang panlipunan at nababahala sa patuloy na pagtaas ng unemployment rate, mga malawakang kaguluhan, karahasan sa mga protesta lalo na sa mga minero at ang pagtanggi ni Thatcher na magpatupad ng mga sanksyon laban sa rehimeng Apartheid sa Katimugang Africa. Nabibilang ang isang aide ng reyna na si Michael Shea at ang Punong Kalihim ng Commonwealth na si Shridath Ramphal ay ilan lamang sa mga napagkuhanan ng basehan ukol sa mga pahayag na nabanggit. May isang araw na kung saan nabanggit ni Thatcher na iboboto daw ng Reyna ang Lipunang Partido Demokratiko - ang mga katunggali ni Thatcher sa pulitika.Ngunit habang tumatagal ang panahon, nakita na kay Thatcher ang personal niyang paghanga sa Reyna at nakatanggap ito ng dalawang parangal mula sa Reyna bilang pansariling regalo, Ang Orden ng Merito at ang Orden ng Garter.

Noong 1987 sa Canada, hayagang sinuportahan ni Elizabeth ang mga konstitusyonal na susog na dibisibo sa pulitika, na nagdala sa kaniya ng kritisismo lalo na sa mga sumasalungat dito kabilang si Pierre Trudeau. Sa taon ding yaon ay napatalsik ang naihalal na Pamahalaan ng Fiji dahil sa kudeta. Sinuportahan ni Elizabeth, bilang monarka ng Fiji ang mga pagsusubok ng Gobernador-Heneral doon na si Penala Ganilau na maghawak ng kapangyarihan ng Ehekutibo. Ngunit tinutulan ito kaya napatalsik si Ganilau ng lider ng mga nagkudeta at idineklara ang Fiji bilang isang republika. Sa pagsisimula ng 1991, ang deya ng republikanismo sa Britanya ay tumaas dahil sa mga maling pagkakaulat sa pribadong yaman ng Reyna na mariing tinutulan ng Palasyo, kasama pa dito ang mga ulat tungkol sa mga relasyong hindi maganda sa mga anak niya, ang pagkakasama ng mga nakababatang royal sa palabas na It's a Royal Knockout ay nakatanggap ng pawang halos lahat ay kritisismo at ang Reyna ay naging target na din ng mga satirikal na magasin at komiks.

Taong 1991, matapos ang tagumpay sa Digmaan sa Golpo, Si Elizabeth ang naging unang monarkong Britanniko na magtalumpati sa sanibang pulong ng Konreso ng Estados Unidos.

Sa isang talumpati noong 24 Nobyembre 1992, para markahan ang ikaapatnapung taon sa trono, tinagurian ni Elizabeth ang taong yaon bilang kaniyang annus horribilis o nakapangingilabot na taon. Marso noong taong yaon, naghiwalay ang anak niyang si Prinsipe Andrew, Duke ng York sa asawa niyang si Sarah, Dukesa ng York; noong Abril naman ay ang anak naman ni Elizabeth na si Anne, Prinsesa Royal ay nakipaghiwalay din sa asawa niyang si Kapitan Mark Phillips. Noong bumisita naman siya sa Alemania noong Oktubre, binato siya ng itlog ng mga demonstrador, at noong Nobyembre, nasunog ang malaking bahagi ng Kastilyo ng Windsor. Ang monakiya ay nakatanggap ng kritisismo at labis na pagkuwestiyon ng publiko. Inanunsyo naman ng Punong Ministro John Major ang mga reporma sa pinansyang royal, kabilang ang pagbabayad ng Reyna ng buwis sa kauna-unahang pagkakataon at pagbabawas sa Listahang Sibil. Disyembre naman ng maghiwalay ang Prinsipe at Prinsesa ng Gales. Nagtapos ang taon sa isang lawsuit na kung saan kinasuhan ang pahayagang The Sun dahil sa pagsasapubliko ng Mensaheng Royal sa Pasko dalawang araw bago ito ipalabas. Ang pahayagan ay napilitang magbayad at ang £200,000 ay idinonate sa charity.

Sa paglipas ng mga taon, nagpatuloy ang pagsisilabasan ang mga mantsa at mga pagkukulang sa pagsasama nila Charles at Diana. Kahit nanatiling mataas ang suporta sa republikanismo ay mataas pa din ang pagtingin ng mga mamamayan sa Reyna at maliit pa din ang tsansya ng republikanismo doon. Ang mga kritisismo ay mas tutok sa mismong institusyon ng monarkiya at sa mga miyembro nito kaysa sa mga gawain at aksyon ng Reyna. Sa konsultasyon niya sa kaniyang asawa, sa Punong Ministro noon na si John Major at Arsobispo ng Canterbury na si George Carey at sa pribado niyang kalihim na siviewpoint and theIn Robert Fellowes, sumulat siya kay Charles at Diana nokng Disyembre 1995 na mas desirable ang diborsyo sa pagitan nila. Halos isang taon pagkalipas ng diborsiyo, na naganap nokng 1996, namatay si Diana sa isang aksidente sa kotse sa Paris, France na siyang ikinamatay niya. Ang Reyna at ang mga apo niya ay nasa Balmoral. Dumalo sa isang misa ang Reyna at Duke kasama ang kanilang mga apo sa kagustuhan nila. Matapos ang pagpapakita niyang yaon, pinrotektahan ng Reyna ang dalawa niyang apo sa mga midya dahil makakaistres ito sa kanila. Ang aksyong ito ay kinuwestiyon ng midya. Lalo na ang seklusyon nila at ang pagkukulang na i-half mast ang bandila sa Palasyo ng Buckingham. Ang mga kakulangang ito ay magdulot ng dismayadong publiko. Dahil sa pressure mula sa publiko, pumayag ang Reyna na umuwi sa Londres bago ang araw ng libing, iwagayway ang Union Jack sa anyong halfmast at magsalita sa telebisyon. Sa kaniyang pagsasalita doon ay ipinahatid niya ang kqlungkutang dinaranas niya bilang Reyna at Lola, ipinahayag niya din ang paghanga niya Diana. Matapos ang talumpati ay unti-unti nang nawala ang hostilidad sa publiko.

Anibersaryong Ginto (Limampung Taon ng pagkakaluklok sa trono)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Elizabeth ay nagdiwang ng kanyang Gintong Anibersaryo bilang reyna noong 2002. Namatay ang kanyang kapatid na si Prinsesa Margaret, Contesa ng Snowdon at nanay noong Pebrero at Marso.

Muli niyang nilibot ang kanyang mga pinaghaharian na nagsimula sa Hamayka noong Pebrero, na kung saan "hindi niya makalilimutan" ang pagkakaputol ng kuryente sa Bahay ng Hari, ang opisyal na tahanan ng Gobernador-Heneral. Katulad noong 1977, nagkaroon muli ng mga pagtitipong bayan, muli ding nagkaroon ng mga komemoratibong okasyon at mayroon ding mga monumento at bantayog na itinayo upang maging simbolo ng Jubileong Ginto. Sa tatlong araw na nagkaroon ng mga selebrasyon sa Londres, bawat araw ay may isang milyong tao na nakikilahok. Mas mataas kaysa sa inaasahan ang diwa ng publiko para sa Reyna.

Kahit na siya ay nanatiling malusog sa kanyang buhay, inoperahan ang keyhole ng kanyang dalawang tuhod noong 2003. Noong Oktubre 2006 naman ay hindi niya nadaluhan ang pagbubukas ng bagong Emirates Stadium dahil sa pananakit daw umano ng kanyang likod na namemerwisyo sa kanya magmula pa noong tag-init noon.

Noong Mayo 2007, iniulat ng The Daily Telegraph, isang pahayagan ng UK, na ang Reyna ay "nagagalit at naiinis" sa mga polisiya ng noong-Punong Ministro Tony Blair, siya din ay nagpakita din daw ng pagaalala na ang Hukbong Sandatahan ay masyadong banat sa Irak at Apganistan, at siya daw ay nagaalala din sa mga isyung rural na kung saan ilang beses na niyang inabisuhan si Blair tungkol dito. Ngunit hinahangaan din daw niya ang mga effort ni Blair para sa pagkamit ng kapayapaan sa Hilagang Irlandia. Noong 20 Marso 2008, sa Simbahan ng Irlandia Catedral ni San Patrick. Dinaluhan ng Reyna ang unang misang Maundy sa labas ng Inglaterra at Gales. Sa imbitasyon naman ng Presidente Mary McAleese, isinagawa ng Reyna ang kauna-unahang bisita-estadong isang Monarkang Britanniko sa Republika ng Irlandia noong Mayo 2011.

Sa ikalawang pagkakataon, nagtalumpati ang Reya, bilang Monarka ng mga Realmong Komonwelt at bilang Puno ng Komonwelt, sa Asamblea-Heneral ng Nagkakaisang Bansa. Dito, ipinakilala siya ng Kalihim-Heneral ng NB na si Ban Ki-moon bilang isang "angkla ang ating edad". Sa kanyang pagbisita sa Bagong York, na kaagada sinundan ng isang paglilibot sa Canada, binuksan niya ang hardin-memorial para sa mga biktimang Briton sa mga pag-atake noong 11 Setyembre 2001. Ang ika-16 na bisita ng Reyna sa Australya noong 2011 ay binansagang "Libot-Pamamaalam" dahil sa kanyang edad.

Pampublikong pagdama at karakter

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga Maharlikang Pamagat at Estilo

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • 21 Abril 1926 – 11 Disyembre 1936: Ang Kanyang Kataasan Prinsesa Elizabeth ng York
  • 11 Disyembre 1936 – 20 Nobyembre 1947: Ang Kanyang Kataasan Ang Prinsesa Elizabeth
  • 20 Nobyembre 1947 – 6 Pebrero 1952: Ang Kanyang Kataasan Ang Prinsesa Elizabeth, Dukesa ng Edinburgh
  • 6 Pebrero 1952 – 8 Setyembre 2022: Ang Kanyang Kamahalan Ang Reyna
Ngalan Kapanganakan Kasal Anak
Petsa Asawa
Charles, Prinsipe ng Gales 14 November 1948 29 July 1981 Naghiwalay 28 August 1996 Diana, Prinsesa ng Gales Prinsipe William, Duke ng Cambridge
Prinsipe Henry, Duke ng Sussex
9 April 2005 Camilla, Dukesa ng Kornwall Wala
Kabahayan ng Windsor
George V
(Saxe-Coburg-Gotha)
Asawa
Mary ng Teck
Mga anak
Edward VIII
George VI
Mary, Prinsesang Royal
Ika-7 Duke ng Gloucester
Ika-3 Duke ng Kent

Prinsipe John

Edward VIII
Asawa
Dukesa ng Windsor
George VI
Asawa
Elizabeth Bowes-Lyon
Anak
Elizabeth II
Prinsesa Margaret, Kontesa ng Snowdon
Elizabeth II
Asawa
Prinsipe Philip, Duke ng Edinburgh
Anak
Prinsipe ng Wales
(Charles III)
Anne, Prinsesang Royal
Prinsipe Andrew, Duke ng York
Prinsipe Edward, Earl ng Wessex
Charles III
Mga Asawa
Lady Diana Spencer
Camilla, Dukesa ng Cornwall
Mga Anak
Prinsipe William ng Wales
(William V)
Prinsipe Henry ng Wales
William V
Asawa
Catherine, Dukesa ng Cambridge
Mga Anak
Prinsipe George ng Cambridge
Prinsesa Charlotte ng Cambridge
Prinsipe Louis ng Cambridge
  1. Bago ang kanyang kamatayan noong 2022, labing-apat na bansa ang nasa naturang komonwelt: Antigua at Barbuda, Australya, Bagong Silandiya, Bahamas, Belis, Grenada, Hamayka, Kanada, ang Kapuluang Salomon, Papua New Guinea, San Cristobal at Nieves, Santa Lucia, San Vicente at ang Granadinas, at Tubalu.

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Alden, Chris (16 Mayo 2002). "Britain's monarchy". The Guardian (sa wikang Ingles). Nakuha noong 9 Setyembre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Queen Elizabeth II has died". BBC News (sa wikang Ingles). 9 Setyembre 2022. Nakuha noong 9 Setyembre 2022.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "The London Gazette" (sa wikang Ingles). Blg. 33153. 21 Abril 1926. p. 1. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Queen Elizabeth II: Her life before she took the crown". BBC News (sa wikang Ingles). 9 Setyembre 2022. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "The life of Queen Elizabeth". Reuters (sa wikang Ingles). 9 Setyembre 2022. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)