Kisangani
Kisangani | |
---|---|
Palayaw: Boyoma | |
Mga koordinado: 0°31′0″N 25°12′0″E / 0.51667°N 25.20000°E | |
Bansa | Demokratikong Republika ng Congo |
Lalawigan | Lalawigan ng Tshopo |
Mga komyun (mga distritong urbano) | Lubunga, Makiso, Mangobo, Tshopo, Kabondo, Kisangani |
Pamahalaan | |
• Mayor | Augustin Osumaka Lofanga |
Taas | 447 m (1,467 tal) |
Populasyon (2015) | |
• Kabuuan | 1,602,144[1] |
Sona ng oras | UTC+2 (Oras ng Gitnang Aprika) |
Ang Kisangani /kiːsəŋˈɡɑːni/ (dating Stanleyville o Stanleystad) ay ang kabisera ng lalawigan ng Tshopo sa Demokratikong Republika ng Congo. Ito ang pangatlong pinakamalaking urbanisadong lungsod sa bansa at pinakamalaki sa mga lungsod na nasa tropikal na kagubatan sa looban ng Congo.[2]
Dating kilala bilang Stanleyville sa wikang Pranses (o sa wikang Olandes, Stanleystad (tulong·impormasyon)), ang kasalukuyang pangalan ng lungsod ay hango sa Talon ng Boyoma, ang mga pitong-nakaarkong talon na matatagpuan sa timog ng lungsod. Unang binigay rin ang pangalan nito sa tabawing kinaroroonan ng lungsod. Singitini (o Singatini) kapag isinalin sa Lingala (Kisangani ay galing sa kasalukuyang Swahili), bawat isa ay may magkakatulad na kahulugang "ang Lungsod na nasa Pulo", bilang pagtukoy sa mga nakapalibot na mga sangay (na ang mga katubigan nito ay naghihiwalay ng karamihan ng lungsod sa punong lupain). Kilala rin ito bilang "Kisangani Boyoma", at ang demonym para sa Kisangani ay Boyoman (o Boyomais sa wikang Pranses). Sa wikang Tagalog o Filipino, ang demonym ay maaaring isalin bilang Boyomano o sa payak, taga-Kisangani.
Ang mga wikang pinaka-ginagamit ng mamamayan ng lungsod sa tahanan ay Swahili at Lingala, sumunod ay wikang Pranses. Alinsunod sa Saligang Batas ng Demokratikong Republika ng Congo, ang opisyal na wika ng Kisangani ay wikang Pranses.[3]
Dahil ito ay nasa layong 1300 milya mula sa bunganga ng Ilog Congo, ang Kisangani ay ang pinakamalayong punto salungat sa agos ng ilog na maaaring madaraanan ng sasakyang pantubig. Ang lungsod ay pinakamahalagang pantalang panloob ng bansa ang Kisangani kasunod ng pambansang kabisera na Kinshasa, pinakamahalagang pusod pangkalakalan para sa transportasyong pang-ilog at panlupa, at pangunahing sentrong pampamilihan at pampamamahagi para sa hilaga-silangang bahagi ng bansa. Ito ay matagal nang pangkalakalang kabisera ng hilagang Congo mula pa noong kahulihan ng ika-19 na dantaon.
Tahanan din ang Kisangani ng ilang maimpluwensiyang politiko, kabilang na ang pambansang bayani at unang punong ministro ng bansa na si Patrice Emery Lumumba. Sa lungsod na ito ipinanganak ang maninikap (entrepreneur) at dating gobernador ng dating Lalawigan ng Orientale na si Jean Bamanisa Saïdi , na nagtapos sa Unibersidad ng Kisangani.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Itinatag ni Henry Morton Stanley ang Estasyon ng Stanley Falls noong 1883 sa Pulo ng Wana Rusari sa Ilog Congo malapit sa kasalukuyang kinaroroonan ng Kisangani. Noong kalagitnaan ng ika-19 na dantaon tinirhan ng mga Clan ng Enya - isang katutubong tribong Konggoles - ang lugar. Ginamit nila ang Talon ng Wagenia (dating Talon ng Stanley) para sa pangingisda. Matatagpuan ang pulo mga ilang metro mula sa sityong pampang ng kasalukuyang lungsod sa Ilog Lualaba. Ang pitong mga talon nito ay nakalatag nang higit sa 100 kilometro sa pagitan ng Kisangani at Ubundu.
Noong Disyembre 1883 itinatag ni Stanley ang unang himpilan ng baliwasan para kay Haring Leopold II ng Belhika mga 1,300 milya mula sa bunganga ng Ilog Congo. Unang nakilala ang lungsod bilang Falls Station (o "ang Post Stanley Falls" o "The Falls" o sa payak "Boyoma" na Aprikanong pangalan ng Talon ng Boyoma). Noong pananakop ng mga Belhikano sa lugar, lumaki at naging isang pamayanang tinawag na Stanleyville (mula kay Henry Morton Stanley). Ito ay pangunahing sentro ng Hilagang Congo mula noong kahulihan ng ika-19 na dantaon.
Ibinilin ni Stanley kay Ginoong Binnie, isang taga-Eskosya na inhinyero, ang pananagutan sa pakikipagkalakalan sa pampook na mga nanánahanan at upang katawanín ang Malayang Estado ng Congo. Tila di-pabagu-bagong ginamit ng pampook na mga nanánahanan ang pangalang "Kisangani", kasabay ng pangalang "Stanleyville" sa wikang Pranses at "Stanleystad" sa wikang Olandes Sa Swahiling manwal na inilathala ng Magkakapatid na Marist noong dekada-1920, makikita natin ang isang halimbawa ng pagpapalitan ng pagkapangalan "mula X pa-Stanleyville" na isinaling "toka X Mpaka Kisangani".[4] Ang "Kisangani"ay saling Swahili ng salita ng katutubong Konggoles na Boyoma, nagngangahulugang "Lungsod sa Pulo" ("City on the Island"), na isinalin din sa wikang Lingala bilang Singitini o Singatini na may kaparehong kahulugan.
Pagkaraan ng pagtatag ng mga ugnayan sa pagitan ng mga Aprikano at Europeo, nakarating sa Talon ng Boyoma (dating Talon ng Stanley) ang mga mangangalakal ng alipin na Silangang Aprikano mula Zanzibar, na kadalasang maling tinawag na "mga Arabe" ng mga Europeong manunulat ng mga panahong iyon. Nasira ang mga ugnayan sa pagitan ng mga opisyal ng Malayang Estado at ng mga mangangalakal ng alipin at inabandona ang estasyon noong 1887 kasunod ng isang labanan.
Pagkaraan ng mga digmaan sa pagitan ng mga Arabe at mga Europeo sa Congo, nakuha ng Malayang Estado noong 1888 (kasunod ng mga usapan sa Zanzibar) ang isang kasunduan upang bumuo ng isang uri ng kapangyarihan sa pamamagitan ng paghirang ni Mohammed Bin Alfan Mujreb Tippu Tip (isa sa mga pinakadakilang mangangalakal ng alipin ng Zanzibar) bilang unang gobernador ng distrito ng "Stanley Falls" na may saklaw mula silangang Tanganyika sa Ituri hanggang Maniema. Sa huli, nakuha ng mga Europeo ang buong pamamahala ng malawak na lugar sa Gitnang Aprika.
Noong ika-15 ng Hulyo 1898, nagsimulang magsilbi ang Stanleyville bilang kabisera ng bahagyang maunlad na Distrito ng Eastern Province Stanley Falls. Nakamit ang katayuang panlungsod sa pamamagitan ng Kautusan Blg. 12/357 noong ika-6 ng Setyembre 1958, na naghati ng Stanleyville sa apat na mga munisipalidad: Belgian I, Belgian II, Brussels at Stanley.[5] Pagdating ng katapuan ng taong 1958, ang lungsod ay naging kuta ni Patrice Emery Lumumba, ang pinuno ng partidong politikal na Mouvement National Congolais (MNC). Ang kaniyang malakas na ugnayan sa lungsod ay nabuo noong siya ay isa sa 350 tagasulat sa sentral na tanggapan ng koreo. Dumating sa lungsod ang mga Etiyopiyanong kawal ng ONUC pagkaraan ng Hulyo 1960. Kasunod ng pataksil na pagpaslang kay Lumumba noong 1961, itinalaga ni Antoine Gizenga ang Malayang Republika ng Congo sa Stanleyville, na nakipag-unahan sa pamahalaang sentral sa Léopoldville (Kinshasa ngayon). Bago nagkamit ng kalayaan ang bansa mula sa Belhika noong 1960, ipinalagay na ang Stanleyville ay may mas-maraming mga kotseng Rolls-Royce sa bawat tao kaysa alinmang lungsod sa buong mundo.[6]
Noong unang bahagi ng 1964, naganap ang "Rebolusyong Simba" na naging tahasang paghihimagsík pagsapit ng Mayo at Hunyo. Pagsapit ng Agosto nilusob ng mga manghihimagsík ang Stanleyville mula sa kanilang mga base sa Wanie Rukula. Isinara nila ang paliparan at pinagbawalan nilang umalis ang mga sibilyan, kabilang ang isang banyagang estado mayor ng konsúl.[7] Nabilanggo ang ilang mamamayang Amerikano at Europeo, at kasunod ng mga matinding usapan inilunsad ng Belhika, ng Amée Nationale Congolaise (ANC), at ng maraming mga banyagang upahan o mersenaryo sa ilalim ni Koronel Mike Hoare ang Operation Dragon Rouge upang palayain ang mga bihag.
Noong 1966 at 1967, naging tagpo ang Stanleyville ng Mga Pag-aalsa ng mga Mersenaryo na humantong sa malawakang pagnanakaw.
Kalakip ng palatuntunang "Zairianisasyon" ni Mobutu Sese Seko noong dekada-1970, opisyal na binago ang pangalan ng lungsod sa Kisangani mula sa dating Stanleyville habang binago ang pangalan ng talon sa Talon ng Boyoma mula sa dating Talon ng Stanley Falls. Magmula noong ika-27 ng Oktubre 1977 binago ang pangalan ng mga sumusunod na munisipalidad: Belgian I (Mangobo at Tshopo), Belgian II (Lubunga), Brussels (Kabondo), at Stanley (Makiso).[8]
Mga panrehiyong tunggalian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong dekada-1990, lumitaw ang lugar bilang tagpo para sa isang serye ng pangunahing mga labanan na nakilala bilang labanan ng Kisangani noong Unang Digmaang Congo. Nilusob ni Laurent-Désiré Kabila, pinuno ng Alliance of Democratic Forces for the Liberation of Congo, ang Congo mula sa silangang rehiyon ng bansa kalakip ng tulong mula sa mga puwersang militar ng Rwanda, Burundi at Uganda. Magmula noong ika-30 ng Oktubre 1998, may 15,000 kawal ng Uganda at 19,000 kawal ng Rwanda sa DR Congo. Itinakda ni Kabila ang Kisangani bilang unahang base para sa mga hukbong dayuhan habang nagmartsa siya papuntang Kinshasa upang patalsikin si Mobutu Sese Seko.
Nabuwag ang alyansa ng banyangang mga hukbong militar nang walang awang pinatay ng mga libung-libo ang mga taong may lahing Hutu sa kanlurang DR Congo at dahil sa pagnanakaw sa mga lugar ng pagmimina, lalung-lalo na sa Kisangani at sa mga rehiyong Kivu. Ganap na tinututulan ng mamamayan ang pamamalagi ng mga hukbong banyaga dahil sa kanilang kinikilos. Hindi kayang ituloy ni Kabila ang pagsang-ayon sa paggamit sa Kisangani bilang base para sa mga mandirigmang dayuhan sapagkat naglunsad sila ng mga pagsalakay para patayin nang walang habag ang mga Hutu – kaya ipinag-utos niya na pabalikin ng Rwanda sa kanilang bansa ang kanilang mga hukbo.
Noong 1999, naging sityo ang lungsod ng unang bukas na labanan sa pagitan ng mga hukbong Uganda at Rwanda sa Ikalawang Digmaang Congo, kung kailang halos 3,000 katao ang namatay sa putukan. Sinundan ito ng pagkawatak-watak ng rebeldeng pangkat na kontra-pamahalaan na Rally for Congolese Democracy (RCD) na naging mga kampo na nakahimpil sa Kisangani at Goma. Ang labanan ay dahil na rin sa mga minahan ng ginto malapit sa lungsod. Naipit ang pampook na mamamayan sa labanan sa pagitan ng mga hukbo ng Uganda at Rwanda na humantong sa pagkawasak ng isang ikaapat na bahagi ng lungsod. Samu't-saring mga gusali ang nasira, kabilang ang Cathedral Rosaire of Notre-Dame na inapuyan ng mga misayl. Iniulat na nagnakaw at nandambong sa lungsod ang kapuwang mga hukbo. Sa kabila ng pagkondena ng Pandaigdigang Hukumang Pangkatarungan (ICJ) sa Uganda, hindi pa nagagawa ang pagtatatag ng mga pananagutan, pagtatanto ng bayad-pinsala, o mga paghuli.[9] Ang mga karagdagang sagupaan sa pagitan ng mga hukbong Rwanda at Uganda ay humantong sa kamatayan ng libu-libo at malawakang pinsala mula ika-5 hanggang ika-10 ng Hunyo, 2000.
Sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Congo, noong ika-14 ng May 2002, walang awang pinatay ang 160 katao na pinaniniwalaang gawa ng mga iniutos ni Laurent Nkunda.[10] Nang nilagdaan ang kasunduang pangkapayapaan noong 2002, ang lungsod ay nasa kapangyarihan ng Rally for Congolese Democracy - Goma (RCD-Goma) na sinusuportahan ng Rwanda.
Ang tatlong mga sagupaan sa pagitan ng Uganda at Rwanda sa Kisangani ay nabansagang mga digmaan ng isang araw, tatlong mga araw, at ang pinaka-nakamamatay sa anim na mga araw noong 2000.[9]
Demograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Taon | Pop. | ±% |
---|---|---|
1918 | 15,100 | — |
1958 | 121,765 | +706.4% |
1970 | 216,526 | +77.8% |
1984 | 317,581 | +46.7% |
1993 | 406,249 | +27.9% |
2003 | 672,739 | +65.6% |
2015 | 1,602,144 | +138.2% |
1958, 1970, 1984, at 1993: [11] Senso 2003:[12][13] |
Noong unang dantaon nito, nakabilang ang Kisangani bilang isa sa pinakamabilis na lumago na mga pamayanan sa Belhikanong Congo. Sa loob ng 40 taon, tumaas ang populasyon nito mula sa hindi hihigit sa 15,018 katao hanggang sa higit sa 121,765 katao pagsapit ng 1958. Sa katapusan ng ika-20 dantaon, ang Kisangani ay pangatlong pinakamalaking lungsod ng DR Congo at ang pinakamalaki sa mga lungsod na umiral sa dating lalawigan ng Orientale. Sa loob ng 33 taon ng "Zairianisasyon," lumaki nang tatlong ulit ang populasyon nang higit sa 600,000 katao, at naabutan nito ang pinakamataas na populasyon na 672,739 na katao noong senso ng 2003.[12]
Magkakaiba nang etniko ang populasyon ng mga malalaking lungsod tulad ng Kisangani at mabilis na nagbabago, kaya hindi makakakuha ng tiyak na paglalarawan ng pinagmulang etniko ng mamamayan mula sa mga estatistika ng senso. Ang huling senso noong 2003 ay nakapagtala ng 672,739 na katao sa lungsod. Pinakamatao ang komyun (o distrito) ng Lubunga na may 115,775 na katao pero may pinakakaunting kapal ng populasyon. Ang komyun naman ng Mangobo na may 98,434 na katao ay may pinakamakapal na populasyon.[13]
Ang Kisangani ay ang pinakamataong lungsod sa hilagang DR Congo, na may tinatayang 1,200,000 katao noong 2008. Ipinahihiwatig nito na higit sa kalahati ng populasyon ng hilagang rehiyon ay nakatira sa lalawigan ng Tshopo. Sa loob ng huling dekada lumalaki ang populasyon ng lungsod.[14]
Mga makasaysayang populasyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 1905, may kabuuang 11 estasyon at estasyon ng estado sa lugar ng Talon ng Stanley at Stanleyville. Ang kabuuang bilang ng mga opisyal ng estado ay lumaki sa apatnapu.[15]
Noong 1909, ang Europeong Stanleyville ay may 80 katao at tinatayang nasa 15,000 katao ang katutubong populasyon sa loob ng 5 kilometrong lihit.[16]
Sa panahong iyon ang lumalawak na populasyon noong 1918 ay nagtulak sa Komisyoner ng Distrito na magtatag ng arawang pamilihan ng pagkain sa Stanleyville, malapit sa Hospital Avenue, isang kilometro mula sa pampang. Dalawa pang mga lingguhang pamilihan ang itinayo sa kabilang dako: isa malapit sa pantalán habang sa CFL Mission St. Gabriel ang isa pa. Ang populasyon noong dekada-1920 ay lumaki sa 4,000 Aprikano at 200 Europeo.
Ang populasyon ng Stanleyville noong unahan ng dekada-1950 ay nasa 40,000 katao, at pagsapit ng hulihan ng dekada-1950 lumaki ito sa 70,000 katao.[17]
Mga wika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga pangunahing wika na ginagamit sa Kisangani ay Lingala at Swahili. Malawakang ginagamit din ang Pranses sapagkat ito ang opisyal na wika ng Demokratikong Republika ng Congo (DRC).[9]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2018-10-14. Nakuha noong 2019-04-25.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "KISANGANI - Encyclopædia Universalis". Universalis.fr. Nakuha noong 2015-03-01.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Constitution de la République Démocratique du Congo (Article 1)
- ↑ ":CongoForum:". Congoforum.be. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2011-07-06. Nakuha noong 2015-03-01.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Sources : Wikipedia 2007, Monuc 2006 et Guy De Boeck
- ↑ French, Howard W. (1997-02-14). "An Outpost Whose Futures Have Come and Gone". Zaire; Kisangani (Zaire): NYTimes.com. Nakuha noong 2015-03-01.
{{cite news}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Congo Mercenary, London: Hale (1967), ISBN 0-7090-4375-9; Boulder, CO: Paladin Press (reissue 2008, with new foreword), ISBN 978-1-58160-639-3
- ↑ Mga pinagmulan: Wikipedia 2007, Monuc 2006, Guy De Boeck et Jean-Pierre Sonck
- ↑ 9.0 9.1 9.2 "Participation active à la reconstruction de la Ville de Kisangani/RDC". societecivile.cd. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 22 Disyembre 2013. Nakuha noong 1 Marso 2015.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "D.R. Congo: Arrest Laurent Nkunda For War Crimes | Human Rights Watch". Hrw.org. 2006-02-02. Nakuha noong 2015-03-01.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Zaire: Predicament and Prospects - Jean-Claude Willame, Hugues Leclercq, Peter Rosenblum, Catharine Newbury - Google Books. Books.google.com. Nakuha noong 2015-03-01.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 12.0 12.1 "Géographie". Stanleyville.be. Nakuha noong 2015-03-01.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 13.0 13.1 [1] Naka-arkibo 2011-07-21 sa Wayback Machine.
- ↑ Population of major cities DRC Wikipedia(2008)
- ↑ (Source "Notice sur l'état indépendant du Congo", Bruxelles, imprimerie Monom, 1905) (Source "record on the independent state of Congo, Brussels", printing Monom, 1905)
- ↑ (Source "Le Congo, les Noirs et Nous", Fritz Van der Linden, Ed. A. Challamel, 1910 (Source "The Congo, blacks and Us", Fritz Van der Linden, Ed A. Challamel, 1910 Quelques extraits du livre, compilés par Pierre VAN BOST, qui décrivent la station à l'époque) Some excerpts from the book, compiled by Peter VAN BOST, describing the station at the time)
- ↑ (Source : CEDAF (Centre d'étude et de documentation africaines) – Cahier 5 Série 2 – Histoire – 1978 – "Histoire économique d'une ville coloniale : Kisangani 1877 – 1960" par Bogumil JEWSIECKI). (Source: CEDAW (Center for Study and Documentation of African) – Book 5 Series 2 – History – 1978 – "Economic History of a colonial city: Kisangani from 1877 to 1960" by Bogumil JEWSIECKI).
Ranggo | Pangalan | Lalawigan | Pop. | ||||||
---|---|---|---|---|---|---|---|---|---|
Kinshasa Lubumbashi |
1 | Kinshasa | Kinshasa | 11,116,000 | Mbuji-Mayi Kananga | ||||
2 | Lubumbashi | Haut-Katanga | 1,936,000 | ||||||
3 | Mbuji-Mayi | Kasaï-Oriental | 1,919,000 | ||||||
4 | Kananga | Kasaï-Central | 1,119,000 | ||||||
5 | Kisangani | Tshopo | 1,001,000 | ||||||
6 | Goma | Hilagang Kivu | (pagtataya) 1,000,000[2] | ||||||
7 | Bukavu | Timog Kivu | (pagtataya) 1,000,000[3] | ||||||
8 | Tshikapa | Kasaï | (pagtataya) 600,000[4] | ||||||
9 | Masina | Kinshasa | 485,167 | ||||||
10 | Kolwezi | Lualaba | 453,147 |
- ↑ "The World Factbook: Africa - Congo, Democratic Republic of the". The World Factbook. CIA. Nakuha noong Abril 13, 2016.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "DRC: Watching the volcanoes". IRIN News. IRIN. 16 Pebrero 2010. Nakuha noong 14 Abril 2015.
Against these odds, the population of Goma has grown to about one million from 400,000 in 2004 and 250,000 in 2002, making it difficult to evacuate in the event of a volcanic eruption, a military observer in Goma said.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Matías, Juan (28 Enero 2014). "DRC: 690 people treated for cholera in Bukavu". Médecins Sans Frontières. Nakuha noong 14 Abril 2015.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Baker, Aryn (Agosto 27, 2015). "Inside the Democratic Republic of Congo's Diamond Mines". Time. Nakuha noong Abril 13, 2016.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)