Pumunta sa nilalaman

Salaysay

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kuwentuhan)
Huwag itong ikalito sa salaysalay, mananalaysay, salay, at sanaysay.

Ang salaysay, kuwento, o istorya ay anumang paglalahad ng isang serye ng magkakaugnay na mga pangyayari o mga karanasan,[1][2] kahit na ito pa ay hindi kathang-isip (talaarawan, talambuhay, ulat ng balita, dokumentaryo, panitikan sa paglalakbay, atbp.) o kathang-isip (kuwentong bibit, pabula, alamat, katatakutan, nobela, atbp.).[3][4][5] Maaring ipahayag ang kuwento sa pamamagitan ng isang magkakasunod na mga salitang sinulat o sinabi, mga larawan o gumagalaw na larawan (bidyo), o anumang kumbinasyon ng mga ito. Tinatawag din ito na naratibo na hango sa pandiwang Latin na narrare (magsabi), na hango mula sa pang-uri na gnarus (marunong o sanay).[6][7] Kasama ng pangangatuwiran, paglalarawan, at paglalahad, ang pagsasalaysay (ang proseso ng pagpapahayag ng isang salaysay), sa malawak na kahulugan, ay isa sa apat na paraang retorika ng diskurso. Sa mas makitid na kahulugan, ito ang paraan ng pagsusulat ng piksyon na kung saan direktang nakikipagtalastasan ang tagapagsalaysay sa tagapakinig.

Ang pasalitang pagkukuwento ay ang pinakamaagang pamamaraan ng pagbahagi ng mga naratibo.[8] Sa panahon ng halos lahat ng pagkabata ng isang tao, ginagabayan sila ng mga salaysay sa tamang ugali, kasaysayang pangkalinangan, pagbuo ng isang pagkakakilanlang pampamayanan, at prinsipyo, na pinag-aralan lalo na ng antropolohiya sa mga tradisyunal na mga katutubo.[9]

Matatagpuan ang salaysay sa lahat ng anyo ng pagkamalikhain ng tao, sining, at libangan, kabilang ang talumpati, panitikan, teatro, musika at awit, komiks, pamamahayag, pelikula, telebisyon at bidyo, mga larong bidyo, radyo, paglalaro ng laro, hindi nakaayos na libangan, at pagtatanghal sa pangkalahatan, gayon din ang ilang pagpipinta, eskultura, pagguhit, potograpiya, at ilang sining biswal, hangga't pinapakita ang magkakasunod na kaganapan. May ilang mga kilusang sining, tulad ng makabagong sining, na tinatanggihan ang naratibo kapalit ng abstrakto at konseptuwal.

Mga sanggunian

  1. Random House (1979)
  2. Spencer, Alexander (2018-06-25). "Narratives and the romantic genre in IR: dominant and marginalized stories of Arab Rebellion in Libya". International Politics (sa wikang Ingles). Springer Science and Business Media LLC. 56 (1): 123–140. doi:10.1057/s41311-018-0171-z. ISSN 1384-5748. S2CID 149826920. Narratives here are considered to be part of human mental activity and give meaning to experiences.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Carey & Snodgrass (1999) (sa Ingles)
  4. Harmon (2012) (sa Ingles)
  5. Webster (1984)
  6. Traupman (1966) (sa Ingles)
  7. Webster (1969) (sa Ingles)
  8. International Journal of Education and the Arts |The Power of Storytelling: How Oral Narrative Influences Children's Relationships in Classrooms (sa Ingles)
  9. Hodge, et al. 2002. Utilizing Traditional Storytelling to Promote Wellness in American Indian events within any given narrative (sa Ingles)