Kuwento

Kuwénto (o kwénto), istórya, salaysáy, o naratíbo ang anumang paglalahad sa isang serye ng mga magkakaugnay na pangyayari o karanasan,[1] na maaaring kathang‑isip (piksiyon) tulad ng pabula, kuwentong-bibit, alamat, o nobela, o hindi kathang‑isip (di‑piksiyon) tulad ng talaarawan, talambuhay, o balita.[2][3] Maaaring maipresenta ang mga kuwento nang pasulat o pasalita, serye ng mga imahe kagaya ng pelikula o komiks, o kombinasyon ng mga ito.
Naipapahayag ang mga kuwento sa lahat ng klase ng gawa ng tao, para sa sining o paglilibang, kabilang na ang pagsasalita (panitikang pasalita), panitikan, teatro, sayaw, musika at awit, komiks, dyornalismo, animasyon, bidyo (kasama ang pelikula at telebisyon), larong bidyo, radyo, laro, at kahit maging mga purong nakikitang sining tulad ng pagpipinta, paglililok, pagguhit, at potograpiya, basta may serye ng mga pangyayari na ipinepresenta.
Pagkukuwento ang tawag sa gawain ng mga tao upang maibahagi ang mga kuwento sa iba, madalas sa anyong pasalita.[4] Gayunpaman, simula noong umusbong ang mga lipunang kayang magsulat, nagsimula ring itala ang marami sa mga kuwento sa anyong pasulat. Tinatawag na pagsasalaysáy o narasyón naman ang pormal at pampanitikang proseso ng paggawa ng kuwento, na kabilang sa apat na tradisyonal na retorikong paraan ng diskurso kasama ng argumentasyon, paglalarawan, at eksposisyon. Iba ito sa salitang narasyon na karaniwang ginagamit bilang komentaryo sa kuwento at isang paraan sa pagkukuwento na ginagamit upang makagawa at mapaganda pa ang isang kuwento.
Etimolohiya
Nagmula ang salitang kuwento sa wikang Kastila na cuento na nagmula sa wikang Latin na nangangahulugang "mag-isip" o "ipagpalagay".[5][6] Sinusulat din ito bilang kwento. Karaniwang ginagamit naman ang salitang salaysay sa konteksto ng pag-uulat o pagpapahayag katulad ng sinumpaang salaysay sa batas. Samantala, parehong nagmula ang salitang istorya at ang halos kalapit sa pagbaybay nito na historya sa salitang Kastila na historia ("kasaysayan").[7] Sa wikang Kastila din nagmula ang salitang naratibo, mula narrativo.[8]
Kahulugan
Kuwento ang tawag sa inilalahad na sekuwensiya ng mga totoo o kathang-isip na serye ng mga pangyayari sa iba, minsan mula sa isang tagakuwento o tagapagsalaysay. Personal na kuwento ang tawag sa kuwentong tuluyan kung saan ipinepresenta ng may-akda o tagapagsalita ang kanilang personal na karanasan, madalas sa anyong impormal o biglaan, tulad halimbawa ng pagte-text, pagmemensahe online, o harapang pakikipag-usap. Iba ang mga kuwento sa mga simpleng paglalarawan sa kalidad, estado, o sitwasyon na walang sangkot na indibiduwal. Iba-iba ang haba ng mga kuwento, mula sa isang maikling pagkukuwento sa mga nangyari kagaya ng mga balita hanggang sa mahahabang anyo na nagtatampok ng mga mahahabang serye ng mga pangyayari tulad ng sa mga pelikula, teleserye, o nobela.
Iba-iba rin ang mga paksa ng isang kuwento, na maaaring maigrupo batay sa tema o pormal na kategorya. Tinatawag na di-piksiyon ang mga kuwento na di-kathang isip kabilang ang talambuhay, dyornalismo, historyograpiya, at ibang mga anyo ng pagkukuwento na nakabase sa realidad at katotohanan. Sa kabilang banda, piksiyon naman ang tawag sa mga kuwento na kathang isip at hindi nakabase sa realidad at katotohanan. Kabilang rito ang mga kuwentong nakabase sa mga tunay na pangyayari ngunit hinaluan ng mga di-makatotohanang elemento kagaya ng sa mga piksiyong historikal. Bukod dito, piksiyon din ang mga maiikling kuwento, nobela, pelikula, at ibang mga kuwento sa mga midyum kagaya ng sa mga larong bidyo at teatro. Sa pag-aaral sa mga gawang piksiyon, madalas na ginugrupo ang mga ito batay sa pananaw, mula sa unang panauhan hanggang sa ikatlong panauhan. Maaaring kathang isip ang mga tulang pasalaysay kagaya ng epiko o di-kathang isip kagaya ng mga tulang patala. Naiiba ang mga tulang pasalaysay mula sa mga tulang liriko, na nakapokus sa damdamin ng tagapagsalita at walang banghay, tagpuan, o ibang mga katangian ng isang kuwento. Halos lahat ng mga anyo ng drama kagaya ng dula, musikal, opera, at ballet ay pawang mga kuwento.
Elemento
May mga pangunahing elemento na kinakailangang magkaroon ang isang gawa para matawag itong kuwento. Kabilang rito ang pagkakaroon ng mga tauhan, hidwaan, banghay, tagpuan, tema, at paraan ng pagkukuwento.
Tauhan
Tauhan o karakter ang mga indibiduwal sa isang kuwento na nagdidikta sa takbo nito. Madalas silang may pangalan, at gumaganap batay sa kanilang gampanin sa banghay. Ang kanilang dayalogo o pagkilos ay maaaring sadya o may layunin upang umusad ang kuwento. Karaniwang kathang isip ang mga tauhan, bagamat maaari din silang nakabatay sa isang tao sa tunay na buhay o di kaya tumutukoy sa partikular na tao sa tunay na buhay kagaya ng sa mga di-piksiyon na kuwento tulad ng talambuhay. Nakadepende sa unang impresyon ng tagasubaybay kung makikisimpatiya sila sa sitwasyon ng isang partikular na tauhan sa kuwento, damdamin na maaaring ituring na para bang tunay na buhay ito.[9] Ang koneksyon na ito ng tagasubaybay sa isang tauhan sa simula ang siyang magdidikta sa inaasahang pag-uugali ng naturang tauhan na ito sa mga susunod na eksena ng kuwento, na maaaring di tumugma kung aakto ang tauhan na ito sa paraang naiiba sa mga nagdaang eksena.
Nagtataglay ang mga kuwento ng mga pangunahing tauhan, na tinatawag na bida, kung saan umiikot ang kuwento. Maaaring magkaroon ang mga kuwento ng kontrabida, na siyang humahadlang sa bida. Sa maraming klase ng kuwento, karaniwang bayani ang bida, na siyang sinusubaybayan ng mga tagasubaybayat nagtataglay ng mga layuning nakakabuti. Maaari siyang makaharap ng kalaban, kontrabida na aktibong humahadlang sa kabutihan. Pinakakalaban ang tawag kung ito ang pinakamatinding kalaban ng bayani. Sa ibang mga kuwento, maaaring kuwestiyonable ang paninindigan ng bida; tinatawag ito na kontrabayani. Maaari ring magkaroon ang kuwento ng maraming bida; sa mga ganitong kuwento, karaniwang may itinatalagang pinakabida, pangalawang bida, at pangatlong bida. Bukod sa mga ito, may iba pang mga uri ng tauhan, kilala sa tawag na mga tauhang tipikal, na nakabatay sa gampanin nila sa kuwento o katangian nila.
Hidwaan

Sa malawak na kahulugan, hidwaan ang tawag sa tensiyon na nabubuo na siyang nakakaapekto sa isip at kilos ng mga tauhan. Ito ang pangunahing problema ng mga bida. Madalas nakakaranas ang mga bida ng mga karagdagang laban sa sariling damdamin, kagaya ng pag-aalinlangan, takot, o pag-aalala sa mga susunod na pangyayari dahil sa hidwaan. Maaaring magtaglay ang mga kuwento ng maraming hidwaan, lalo na sa mga mahahabang gawa, ngunit karaniwang may isang malaking problema at maraming mas maliliit na problema na unang nalulutas sa kuwento. Maaaring maigrupo ang hidwaan batay sa laban; ilan sa mga pinakakaraniwan ang mga sumusunod:
- tauhan kontra tauhan, hal. seryeng Harry Potter (1997–2007) ni J. K. Rowling sa pagitan ni Harry Potter at Voldemort.
- tauhan kontra kalikasan, hal. Ang Matanda at ang Dagat (1952) ni Ernest Hemingway sa pagitan ng matandang mangingisda at ang dagat.
- tauhan kontra lipunan, hal. nobelang 1984 (1949) ni George Orwell sa pagitan ni Winston Smith at ang lipunang kinokontrol ni Big Brother.
- tauhan kontra tadhana, hal. pelikulang Kimi no Na wa (2016) ni Makoto Shinkai sa pagitan ni Taki Tachibana at ang trahedya na ikakamatay ni Mitsuha Miyamizu.
- tauhan kontra sarili, hal. nobelang Krimen at Parusa (1866) ni Fyodor Dostoevsky sa pagitan ni Rodion Raskolnikov at ang kanyang pagsisisi at paninindigan matapos niyang patayin ang isang matandang babae.
Kung natapos ang hidwaan sa dulo ng kuwento, tinatawag itong resolusyon. Hindi lahat ng mga kuwento ay nagtatampok ng mga hidwaang natatapos, partikular na sa mga serye ng mga nobela kung saan natatapos lamang ito sa dulo ng serye.
Banghay

Banghay ang sekuwensiya ng mga pangyayari sa isang kuwento mula simula hanggang dulo. Karaniwan itong nabubuo sa pamamagitan ng isang serye ng mga sanhi at mga bunga, kung saan gumagawa ng mga reaksyon ang mga kilos ng mga tauhan upang umusad ang kuwento. Nagtataglay ito ng mga eksena kung saan nagaganap ang mga pangyayari na siyang magreresulta sa susunod na eksena. Gumagawa ang mga ito ng mga punto sa kuwento, mga eksenang nagpapakita sa pagbabago sa pag-unawa, kilos, o desisyon ng mga tauhan.[10] Kadalasan umuusad ang kuwento kapag napagtanto ng mga bida ang hidwaan, na siyang susubukang resolbahin nila sa kahabaan ng kuwento at bumubuo ng madamdaming tagpo para sa mga tauhan at sa mga tagasubaybay ng kuwento. Tinatawag ang proseso ng paggawa ng banghay ng kuwento sa akademya bilang pagbabanghay.[11]
Kalimitang hinahati ang mga banghay sa limang bahagi, at inilalarawan bilang isang piramide upang kumatawan sa antas ng aksyon sa pagtakbo ng kuwento.[12] Partikular na ginagamit ito sa mga kuwentong drama.
- Eksposisyon o panimula, kung saan inilalarawan ng kuwento ang tagpuan nito gayundin ang mga pangunahing tauhan. Maaari itong gamitan ng mga dayalogo, detalye sa mga tauhan, o pagsasalaysay ng isang omnisiyenteng tagapagsalaysay, at nagtatapos sa isang insidenteng nagpapasimula sa kuwento.
- Pataas na aksyon o suliranin, kung saan nakasalubong ng mga bida ang isang hadlang upang makamit ang isang bagay. Karaniwang sine-setup rito ang mga pangyayari na hahantong sa kasukdulan, kagaya halimbawa ng paglatag ng mga bagay o pangyayari na magiging mahalaga para sa mga susunod na eksena. Ito ang pinakamahabang yugto sa maraming kuwento.
- Kasukdulan, kung saan nagaganap ang isang pangyayari na magpapabago sa daloy ng kuwento. Karaniwang nagaganap rito ang mga pinakamatitinding hadlang sa mga bida, tulad halimbawa ng isang di-inaasahang pangyayari sa grupo kagaya ng biglang kamatayan ng isa sa tauhan o rebelasyon ng isang matinding sikreto.
- Pababang aksyon o solusyon, kung saan nagaganap ang pagresolba sa suliranin na inilahad sa mga nagdaang eksena. Maaari magaganap ito sa pamamagitan ng isang sagupaan sa pagitan ng bida at ng kontrabida, o di kaya'y pakikipag-usap sa mga nasaktang partido, o sa kaso ng mga romansa, pag-amin sa tunay na nadadama sa isa't-isa.
- Wakas, kung saan tinatapos na ng may-akda ang kuwento sa pamamagitan ng paglalahad sa mga pangyayari matapos ng isang matinding kaganapan. Dito inilalahad ang mga natitirang impormasyon na maaaring di pa nabubunyag, lalo na sa kaso ng mga kuwentong misteryo o detective.
Tagpuan

Tagpuan ang tawag sa lugar, oras, at konteksto kung saan naganap ang kuwento. Kasama rito ang pisikal at temporal na paligid ng mga tauhan gayundin ang kinagagalawan nilang lipunan at kultura. Minsan, maaaring maging mala-tauhan din ang tagpuan dahil sa pagbabagong nagaganap sa lugar na nakaapekto sa takbo ng kuwento.[13]
Ilan sa mga karaniwang tagpuan ang mga sumusunod:
- Alternatibong kasaysayan, kung saan inilalahad ang mga pangyayari na taliwas sa mga nangyari sa kasaysayan.[14] Iba ito sa kasaysayan sa hinaharap, kung saan inilalahad naman ang mga pangyayari sa hinaharap imbes sa mga nakatala na sa kasaysayan at tumatalakay sa kawalang-kasiguruduhan sa hinaharap ng sangkatauhan dahil sa mga pagbabago sa lipunan, teknolohiya, o di kaya'y mga di-inaasahang pandaigdigang sakuna.[15]
- Binuong mundo, na karaniwang itinatampok sa mga kuwentong maagham na piksiyon at pantasya.[16] Depende sa may-akda, maaari itong magtampok ng mga kumpletong sistema ng kultura, politika, wika, mahika, at iba pang mga elemento na nagpapabuhay sa tagpuan.
- Utopiya, kung saan nakatuon ang kuwento sa isang lugar na lubos na biniyayaan at pinapangarap ng mga tao.[17] Kabaligtaran nito ang distopiya, na nagtatampok naman ng mga imahe ng kahirapan, kadumihan, kaguluhan, at krimen, kagaya ng tagpuan ng nobelang 1984 (1949) ni George Orwell.[18]
- Kahilerang uniberso o kabilang dimensiyon, na nagtatampok sa ibang mga uniberso, na maaaring lakbayin ng mga tauhan sa kuwento gamit ng mga espekulatibong teknolohiya. Karaniwan itong itinatampok sa mga komiks at sa mga pagsasapelikula nito, kagaya ng Marvel Cinematic Universe na nagtatampok ng isang multiberso.[19]
- Mundo ng panaginip, na nagtatampok naman sa isang mundong hiwalay sa realidad na tanging mabibisita lamang sa panaginip. Ilan sa mga halimbawa nito ang kuwentong Mga Paglalakbay ni Alice sa Wonderland (1865) ni Lewis Carroll at ang pagsasapelikula noong 1939 ng Ang Kamangha-manghang Mangkukulam ng Oz (1900).
- Simuladong realidad, na nagtatampok ng isang realidad na ginawa sa pamamagitan ng simulasyon ng kompyuter, kagaya ng sa The Matrix (1999). Kaugnay nito ang mga kuwentong nagtatampok sa birtuwal na realidad (VR), kagaya ng Sword Art Online ni Reki Kawahara.
Tema at narasyon
Tema ang mga pangunahing ideya na ipinepresenta ng mga kuwento na karaniwang ipinapakita sa mga tagasubaybay upang bigyang-kahulugan ang mga ito. Kalimitang abstrakto at subhetibo ang mga tema, na magiging paksa ng mga usapan ng mga tagasubaybay lalo na sa pagtatapos ng kuwento, kung saan maaaring timbangin ang mga ito batay sa intensiyon ng may-akda o paano ito ginalugad ng may-akda. Humahantong ito sa mga magkakaibang interpretasyon na maaaring taliwas sa orihinal na intensiyon ng may-akda.[20]
Ginagalugad ng may-akda ang mga tema ng kuwento sa pamamagitan ng narasyon. Ito ang mga paraan o teknik na ginagamit ng may-akda sa pagpresenta sa kanilang kuwento. Kasama rito ang mga binibigay o tinatago na impormasyon sa takbo ng kuwento, estilo ng wikang ginagamit, komentaryo, at kaninong pananaw. Halimbawa, sa mga kuwentong nasa unang panauhan, karaniwang gumagamit ang kuwento ng mga panghalip panao sa unang panauhan kagaya ng "ako" o "ikaw" at kinukuwento ang mga pangyayari sa kuwento sa pananaw ng nagsasalita. Sa kabilang banda naman, tinatampok naman sa mga kuwento sa ikatlong panauhan ang pagkukuwento sa mga pangyayari na maaaring alam ng tagasubaybay ngunit hindi ng tauhan sa kuwento.
Pag-aaral
Naratolohiya ang pormal na akademikong larangan na nakatuon sa mga kuwento at pagkukuwento. Hinihiwalay ng ilang mga teorista ang mga kuwento sa mga kasulatang hindi kuwento ayon sa naratibilidad, o ang mga katangian at kalidad na nagtatangi sa mga kuwento mula sa mga hindi kuwento.[21]
Tinatawag bilang mga paraan o gamit sa pagkukuwento ang mga estratehiyang ginagamit ng mga may-akda upang makabuo ng mga kuwento. Marami sa mga ito ang natukoy na ng mga iskolar, kagaya ng kuwento sa loob ng kuwento at paggamit sa isang tagapagsalaysay na hindi mapagkakatiwalaan, na madalas gamitin sa mga kuwentong noir.
Kultura
Mahalaga ang mga kuwento sa mga kultura. Bahagi ito ng pagkakakilanlan ng mga tao sa isang kultura; ayon sa iskolar na si Owen Flanagan, nilalapat ng mga tao ang kanilang pagkakakilanlan sa mga kuwentong ginagawa nila.[22] Maraming anyo ng sining kagaya ng pinta, dula, at panitikan ang nagtataglay ng mga kuwento, at malaking bahagi ng araling pantao ang nakatuon sa pagsusuri sa mga ito.[23]
Bagamat madalas na isang anyo ng libangan ang pagkukuwento, maaari din itong maging gamit sa pagtuturo at edukasyon. Madalas na ginagamit ang mga kuwento sa mga bata upang maging gabay sa tamang pag-uugali, pagtuturo sa kasaysayan, gawi, tradisyon, etika, at pagkakakilanlan ng pamayanan o kultura nila, mga katangiang pinag-aaralan ng mga antropologo lalo na sa konteksto ng mga katutubo. Mahalaga rin ang mga kuwento sa mga pasalitang tradisyon upang maipasa ang mga ito sa susunod na henerasyon, na kalimitang binabago upang umakma sa kasalukuyang panahon kagaya ng pagpapalit sa mga salitang ginagamit upang maintindihan ng mga mas batang henerasyon.[24] Gayunpaman, may mga pasalitang tradisyon na pinapapanatili ang orihinal na teksto,[25] kagaya ng mga epiko tulad ng Pasyon na binabasa tuwing Mahal na Araw.[26]
Sikolohiya
Sa pilosopiya ng isip, agham panlipunan, at mga larangang medikal kagaya ng medisina, tumutukoy ang kuwento sa mga aspeto ng sikolohiya ng tao.[27] Maaaring makaapekto ang proseso ng personal na kuwento ng isang tao sa pansarili o pangkulturang pagkakakilanlan nito, gayundin sa pagbuo at paggawa ng mga alaala; ipinagpapalagay na bumubuo ito sa pangkalahatang kalikasan ng sarili.[28][29] Natuturo sa pagkasira ng isang maliwanag at positibong kuwento sa pagkakaroon ng sikosis at mga problema sa pag-iisip, at ang pagsasaayos nito ay nakakatulong sa pagrekober.[30] Isang anyo ng sikoterapiya ang terapiya ng pagkukuwento.
Isang paraan ang pagkukuwento sa karamdaman ng taong nakakaranas mismo nito sa pagbibigay katuturan sa karanasan nito.[31] Karaniwang itong mailalarawan bilang hadlang, pagsuko, at paglalakbay. Sa kuwentong hadlang, tinitingnan ng maysakit ang kanyang sakit bilang pansamantalang hadlang kaya naglalayon itong gumaling upang makabalik na sa dati. Sa kuwentong pagsuko, kalimitang tinitingnan ng maysakit ang kanyang sakit bilang permanente, walang lunas, at lalo lamang lalala, na madalas sa mga taong may Alzheimer's. Samantala, sa kuwentong paglalakbay, tinitingnan ng maysakit ang kanyang sakit bilang bahagi ng isang paglalakbay na dapat malampasan, kagaya ng mga nakaligtas sa kanser partikular na sa mga gumaling mula sa kanser sa suso.[31] Inaasahan sa mga gumaling na magkukuwento sila ng karunungan, kung saan ipinapaliwanag nila ang isang mas maayos na pananaw sa buhay.[32]
Musika
Isa ang linyaridad sa mga kalidad ng kuwento na makikita sa isang komposisyong pangmusika.[33] Ayon sa musikologong si Edward Cone, makikita rin ang mga kataga sa kuwento sa wikang analitikal ng musika.[34] Gayunpaman, maraming pananaw ang pumapatungkol sa gampanin ng kuwento sa musika. Ayon kay Theodoro Adorno, sinasalaysay ng musika ang sarili nito nang walang kuwento. Ayon naman kay Carolyn Abbate, maaaring ituring ang ilang kumpas na nararanasan sa musika bilang boses ng nagkukuwento. Tinitingnan naman ng iba ang kuwento sa musika bilang magpapayaman sa pagsusuri sa musika. Ipinahayag naman ni Jean-Jacques Nattiez na ang kuwento, sa mahigpit na kahulugan, ay wala sa musika kundi sa kuwentong naiisip ng mga tagapakinig nito. Aniya, metaporikal lamang ang pag-uusap sa musika sa paraang naratibo at ang "naiisip na kuwento" ay maaaring maimpluwensiyahan ng mga elementong labas sa musika kagaya ng pamagat nito at iba pang mga paraang ginamit ng kompositor nito.[34] Gayunpaman, nagbigay si Abbate ng mga halimbawa ng mga paraan sa musika na magagamit bilang boses sa pagkukuwento sa pamamagitan ng paghigpit sa kakayahan ng musika na maikuwento ang mga bihirang "pagkakataon na matutukoy dahil sa epekto nitong kakaiba at nakakagambala".[34]
Sanggunian
- ↑ The Random House Dictionary of the English Language [Ang Diksiyonaryo ng Random House sa Wikang Ingles] (sa wikang Ingles), New York: Random House, 1979, LCCN 74-129225
- ↑ Carey, Gary; Snodgrass, Mary Ellen (1999), A Multicultural Dictionary of Literary Terms [Multikultural na Diksiyonaryo ng mg Katagang Pampanitikan] (sa wikang Ingles), Jefferson, Estados Unidos: McFarland & Company, ISBN 0-7864-0552-X
- ↑ Harmon, William (2012), A Handbook to Literature [Handbook sa Panitikan] (sa wikang Ingles) (ika-12 (na) labas), Boston, Estados Unidos: Longman, ISBN 978-0-205-02401-8
- ↑ Mello, Robin (2 Pebrero 2001). "The Power of Storytelling: How Oral Narrative Influences Children's Relationships in Classrooms" [Ang Kapangyarihan ng Pagkukuwento: Paano Naiimpluwensiyahan ng Pasalitang Kuwento ang mga Relasyon ng mga Bata sa Silid-aralan]. International Journal of Education & the Arts (sa wikang Ingles). 2 (1). Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hunyo 2008.
- ↑ "kuwento". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 29 Hulyo 2026.
- ↑ "cuento" [kuwento]. «Diccionario de la lengua española» - Edición del Tricentenario (sa wikang Kastila). Real Academia Española. Nakuha noong 29 Hulyo 2026.
- ↑ "istorya". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 29 Hulyo 2026.
- ↑ "naratibo". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 29 Hulyo 2026.
- ↑ Phillips, Brian (2004). "Character in Contemporary Fiction" [Mga Tauhan sa Kontemporaryong Piksiyon]. The Hudson Review (sa wikang Ingles). 56 (4): 629–642. doi:10.2307/3852955. ISSN 0018-702X. JSTOR 3852955.
- ↑ Dibell, Ansen (1999). "What is Plot?". Elements of Fiction Writing – Plot [Ano ang Banghay?] (sa wikang Ingles). F+W Media. ISBN 978-1599635101.
- ↑ Czarniawska, Barbara (2004). Narratives in Social Science Research [Mga Kuwento sa Agham Panlipunan] (sa wikang Ingles). SAGE Publications. doi:10.4135/9781849209502. ISBN 9780761941941.
- ↑ Glatch, Sean (12 Mayo 2020). "The 5 Stages of Freytag's Pyramid: Intro to Dramatic Structure" [Ang 5 Yugto ng Piramide ni Freytag: Panimula sa Estrakturang Pangdrama]. Writers.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 31 Hulyo 2026.
- ↑ Rozelle, Ron (2005). "The Importance of Description and Setting". Write Great Fiction – Description & Setting. F+W Media. ISBN 978-1582976822.
- ↑ "Alternative history" [Alternatibong kasaysayan]. Collins English Dictionary (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Enero 2016.
- ↑ Sawyer, Andy (30 Marso 2009). "Future History" [Kasaysayan sa Hinaharap]. Mula sa Bould, Mark; Butler, Andrew M.; Roberts, Adam; Vint, Sherryl (mga pat.). The Routledge Companion to Science Fiction [Ang Pantulong ng Routledge sa Maagham na Piksiyon] (sa wikang Ingles). Routledge. pp. 489–494. ISBN 978-1-135-22836-1.
- ↑ Stableford, Brian M. (2004). Historical Dictionary of Science Fiction Literature [Historikal na Diksiyonaryo ng Panitikan ng Maagham na Piksiyon] (sa wikang Ingles). Lanham, Md.: Scarecrow Press. ISBN 0-8108-4938-0. OCLC 54416073.
- ↑ Sargent, Lyman Tower (2016). "Utopianism" [Utopiyanismo]. Routledge Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). doi:10.4324/9780415249126-S064-1. ISBN 978-0-415-25069-6.
- ↑ Beaumont, Matthew (2006). "Cacotopianism, the Paris Commune, and England's Anti-Communist Imaginary, 1870-1900" [Kakotopiyanismo, ang Komuna ng Paris, at ang Imaheng Kontra-Komunista ng Inglatera, 1870-1900]. ELH (sa wikang Ingles). 73 (2): 465–487. doi:10.1353/elh.2006.0012. ISSN 1080-6547. S2CID 162348064.
- ↑ 'Dockterman, Eliana (27 Abril 2022). "A Guide to All the Major Cinematic Multiverses" [Gabay sa Lahat ng mga Pangunahing Sinematikong Multiberso]. Time (sa wikang Ingles).
- ↑ Kurtz, Victoria; Schober, Michael F. (1 Setyembre 2001). "Readers' varying interpretations of theme in short fiction" [Mga paiba-ibang intepretasyon ng mga mambabasa sa tema sa mga maiikling piksiyon]. Poetics (sa wikang Ingles). 29 (3): 139–166. doi:10.1016/S0304-422X(01)00040-7. ISSN 0304-422X.
- ↑ Baldick, Chris (2004), The Concise Oxford Dictionary of Literary Terms [Ang Maiksing Diksiyonaryo ng Oxford sa mga Katagang Pampanitikan] (sa wikang Ingles), Oxford: Oxford University Press, ISBN 978-0-19-860883-7
- ↑ Flanagan, Owen (1992). Consciousness Reconsidered [Pagkonsidera muli sa Kamalayan] (sa wikang Ingles). MIT Press. ISBN 9780262061483.
- ↑ "Humanities tell our stories of what it means to be human" [Inilalahad ng araling pantao ang mga kuwentong nagsasabi sa kung paano maging tao]. ASU Now: Access, Excellence, Impact (sa wikang Ingles). 6 Setyembre 2012. Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Marso 2019.
- ↑ "Native storytellers connect the past and the future: Native Daughters" [Kinokonekta ng mga tagapagkuwentong Native ang nakaraan at hinaharap: Native Daughters] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Nobyembre 2017.
- ↑ Vansina, Jan (1985). Oral tradition as history [Pasalitang tradisyon bilang kasaysayan] (sa wikang Ingles). p. 13.
- ↑ Ayroso, Dee (Abril 2006). "A Passion for Pasyon" [Pagsinta sa Pasyon]. Bulatlat (sa wikang Ingles). Bol. VI, blg. 10. Nakuha noong 4 Agosto 2026.
- ↑ Hevern, V. W. (Marso 2004). "Narrative Psychology: General Overview" [Sikolohiya ng Pagkukuwento: Pangkalahatang Buod]. Lemoyne College (sa wikang Ingles).
- ↑ Dennett, Daniel C. (1992), Kessel, F.; Cole, P.; Johnson, D. (mga pat.), "The Self as a Center of Narrative Gravity" [Ang Sarili Bilang Sentro ng Grabidad ng Kuwento], Self and Consciousness: Multiple Perspectives (sa wikang Ingles)
- ↑ Dan McAdams (2004). "Redemptive Self: Narrative Identity in America Today" [Pagtutubos sa Sarili: Pagkakakilanlan sa Kuwento sa Amerika Ngayon]. The Self and Memory (sa wikang Ingles). 1 (3): 95–116. doi:10.1093/acprof:oso/9780195176933.001.0001. ISBN 9780195176933.
- ↑ Gold E (Agosto 2007). "From narrative wreckage to islands of clarity: Stories of recovery from psychosis" [Mula sa pagkasira ng kuwento patungo sa kapuluan ng klaridad: Mga kuwento ng pagrekober mula sa sikosis]. Can Fam Physician (sa wikang Ingles). 53 (8): 1271–5. PMC 1949240. PMID 17872833.
- 1 2 Gayle A. Sulik (2010). Pink Ribbon Blues: How Breast Cancer Culture Undermines Women's Health [Mga Kalungkutan ng Mapusyaw na Laso: Paano Pinahina ng Kultura ng Kanser sa Suso ang Kalusugan ng Kababaihan] (sa wikang Ingles). USA: Oxford University Press. pp. 321–326. ISBN 978-0-19-974045-1. OCLC 535493589.
- ↑ Burns, Holly (22 Nobyembre 2022). "What if You Can't Find the Silver Lining in Your Illness?" [Paano Kung Di Mo Makita ang Pag-asa sa Karamdaman Mo?]. The New York Times (sa wikang Ingles). ISSN 0362-4331.
- ↑ Kenneth Gloag and David Beard, Musicology: The Key Concepts (New York: Routledge, 2009), 114
- 1 2 3 Beard, David; Gloag, Kenneth (2005). Musicology: The Key Concepts [Musikolohiya: Mga Pangunahing Konsepto] (sa wikang Ingles). Routledge. ISBN 9780415316927.