Pumunta sa nilalaman

Rebolusyong EDSA ng 1986

Ito ay isang mabuting artikulo. Pindutin ito para sa karagdagang impormasyon.
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa People Power Revolution)
Pilipinas Himagsikan ng Lakas ng Bayan
PetsaPebrero 22-25, 1986
Lookasyon
Kalakhang Maynila sa EDSA
Resulta Wakas ng rehimeng Marcos at nagkaroon ng bagong pamahalaang pinamunuan ni Corazon Aquino
Mga nakipagdigma
Sandatahang Lakas ng Pilipinas mga tumiwalag na tropa
taong-bayang sumasalungat
Mga kumander at pinuno
Ferdinand Marcos
Imelda Marcos
Fabian Ver
Corazon Aquino
Juan Ponce Enrile
Fidel Ramos
Jaime Cardinal Sin

Ang Himagsikan ng Lakas ng Bayan (Ingles: People Power Revolution), na tinatawag ding Rebolusyon sa EDSA ng 1986 ay isang mapayapang demonstrasyon na nagtagal ng apat na araw sa Pilipinas, mula Pebrero 22 hanggang Pebrero 25 ng taong iyon. Nag-ugat ang nasabing rebolusyon sa serye ng mga kilos protesta ng mga tao laban sa diktaduryang pamumuno ni Ferdinand Marcos, lalo na noong napaslang si Ninoy Aquino noong 1983. Maraming mga tao ang nakilahok dito-mga sibilyan, militar at mga alagad ng simbahan tulad ni Jaime Cardinal Sin. Nagdulot ito ng pagbagsak na pamahalaang diktatoryal ni Pangulong Ferdinand Marcos at ang paghalili ni Corazon Aquino sa posisyong nilisan ni Marcos. Naganap ang mga demonstrasyon sa EDSA (Abenida Epifanio de los Santos), isang mahalagang daan sa Kalakhang Maynila.

Kasaysayan

Ang Rehimeng Marcos

Nahalal si Ferdinand Marcos bilang pangulo ng Pilipinas noong 1965, at natalo niya si Diosdado Macapagal na noon ay kasalukuyang nakaupo bilang Pangulo. Sa ilalim ng kanyang pamumuno naging aktibo si Marcos sa mga proyektong imprastraktura, agrikultura at pampublikong serbisyo na nagdala sa Pilipinas sa pinansiyal na kasaganahan. Sa kabila ng bali-balita ng dayaan sa eleksiyon, nahalal muli si Marcos noong 1969, at natalo niya si Sergio Osmeña Jr.

Maraming mga alegasyon ng katiwalian ang lumitaw sa kanyang ikalawang termino ng kanyang pamumuno. Maraming mga tao ang naghirap, at dahil dito tumaas ang kaso ng krimen at mga kaguluhan sa bansa. Ito ang naging dahilan sa pagbuo ng mga rebeldeng grupo katulad ng New People's Army (NPA), at ng Moro Islamic Liberation Front na naglalayon na magkaroon ng isang hiwalay na bansa mula sa Pilipinas.

Pangulong Ferdinand Marcos

Hindi na puwedeng tumakbo sa kandidatura si Marcos para sa halalan sa 1973. Dahil dito, noong 21 Setyembre 1972, sa pamamagitan ng Proklamasyon 1081, nilagay ni Marcos ang buong bansa sa ilalim ng Batas Militar. Dinahilan niya dito ang lumalaganap na kaguluhan sa bansa. Sa ilalim ng batas militar, pinasara ang lahat ng mga institusyon ng midya, at ang ilan sa kanila ay kinuha ng gobyerno. Ang tangi lamang na tumatakbong mga pahayagan noon ay ang Daily Express at ang Manila Bulletin na noon ay tinatawag na Bulletin Today. Ang mga estasyon ng telebisyon na siyang pinapasahimpapawid lamang ay ang Channel 4 at Channel 2, na dating pag-mamay-ari ng mga Lopez. Marami din sa mga kritiko ni Marcos ang pinahuli, ang isa sa mga pinakakilala sa kanila ay si Benigno Aquino, na isang senador sa oposisyon at ang tinuturing na pinakamainit na kritiko ni Marcos.

Pagpaslang kay Ninoy Aquino

Lumuwas ng Estados Unidos si Ninoy Aquino noong 1981 dahil sa kanyang kalusugan at dahil na rin sa kanyang seguridad. Makalipas ang tatlong taon, noong taong 1983, ipinahayag ni Aquino ang kanyang kagustuhang makabalik sa Pilipinas, kahit na marami sa kanyang mga kaibigan at tagasuporta ang tutol dito.

Noong 21 Agosto 1983, pinaslang si Aquino habang siya ay papalabas ng isang eroplano sa Manila International Airport (na ngayon ay pinangalan sa kaniya).[1] Nagdulot ito ng malaking galit sa mga Pilipino, na karamihan ay wala nang tiwala sa administrasyong Marcos. Maraming paraan ng kilos protesta ang ginawa, kabilang na ang civil disobedience. Noong panahon ding iyon, nagsisimula nang humina ang kalusugan ni Marcos dahil sa kaniyang karamdaman na Lupus.[2]

Noong 1984, inatasan ni Marcos ang isang komisyon, sa pamumuno ng Punong Hurado Enrique Fernando, na magsagawa ng imbestigasyon sa pagpaslang kay Aquino. Ayon sa kanilang huling report, ang mga militar ang tunay na sangkot sa nasabing pagpaslang. Naging malaki itong dagok sa pabagsak nang pamahalaan.

Ang nasabing pagpaslang, kabilang na ang ibang mga suliranin, ang mas lalo pang nagpalubog sa Pilipinas sa isang krisis pang-ekonomiya. Ang ekonomiya ng bansa ay lumiit hanggang sa 6.8%.[3]

Ang Snap Election

Dahil sa patuloy na pagdududa ng mga Pilipino sa kakayahan ng pamahalaan, minabuting minungkahi ng Amerika[4] kay Marcos ang pagsasagawa ng dagliang halalan (snap election). Pinakinggan ni Marcos ang mungkahing ito. Pinagbisa ang biglaang halalan sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg 883 ng Regular Batasang Pambansa, isang unikameral na kongreso na kontrolado ni Marcos. Tumakbo muli si Marcos sa halalan, kasama si Arturo Tolentino bilang kanyang pangalawang presidente. Tumakbo si Corazon Aquino, ang balo ni Ninoy Aquino, matapos ang matinding pakikiusap at suporta ng oposisyon at maging ng taong bayan. Si Salvador Laurel ang naging pangalawang presidente ni Aquino.

Naganap ang halalan noong 7 Pebrero 1986. Ang eleksiyon na ito ang isa sa mga pinakakontrobersiyal sa kasaysayan ng bansa, na may maraming balita ng malawakang dayaan na naganap. Dineklara ng opisyal na tagabliang ng boto, ang Komisyon ng Halalan (Commission of Elections o Comelec), si Marcos bilang nagwagi. Ayon sa kanila, nanalo si Marcos na mayroong 10,807,197 boto laban kay Aquino na nakakuha lamang diumano ng 9,291,761 boto. Ayon naman sa National Movement for Free Elections (Pambansang Kilusan ng Malayang Pagboto o Namfrel), isang akreditadong tagamasid ng halalan (poll watcher), nanalo si Aquino ng 7,835,070 boto laban kay Marcos na nakakuha lamang diumano ng 7,053,068 boto. Dahil sa malawakang dayaan sa halalan nag-walk-out ang 29 na computer technician bilang protesta sa sapilitang pagmamanipula ng boto para palitawin na si Marcos ang panalo.[5].

Dahil dito nagpahayag ang Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas (CBCP) ng pagkondena sa nasabing halalan. Ganun din ang pinahayag ng pamahalaan ng Estados Unidos. Ayon mismo sa pangulo ng Amerika na si Ronald Reagan, na siyang kaibigan ni Marcos, "nakakabahala" [6] ang mga bali-balita ng malawakang dayaan. Sa kabila ng mga malawakang protesta at pagkondena, pinahayag pa rin ng COMELEC na si Marcos ang nanalo sa pamamagitan ng 51 porsyento. Pinahayag naman ng NAMFREL na nanalo si Aquino ng 52 porsyento.

Pinahayag ng Batasang Pambansa noong Pebrero 15 si Marcos at si Aquino bilang mga nagwagi. Lahat ng 50 oposisyon ay nag-walkout sa pagprotesta. Hindi matanggap ng mga Pilipino ang resulta, at sa halip naniwala sila na si Aquino ang tunay na nanalo. Nanawagan si Aquino ng malawakang hindi-pagtangkilik (boykot) sa mga produktong pagmamay-ari ng mga crony ni Marcos. Dahil dito lalo pang bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas.

Ang Rebolusyon sa EDSA

Bahaging Cubao–Santolan ng EDSA

Dahil na rin sa mga balita ng malawakang pandaraya sa eleksiyon, nagbalak ang ilang mga sundalo sa pamumuno ng noon ay Kalihim ng Pambansang Depensa, si Juan Ponce Enrile, na pabagsakin ang pamahalaang Marcos. Sa kasamaang palad, nalaman ni Marcos ang balak na ito, at agad na pinag-utos niya ang pagdakip sa mga pinuno nito. Dahil nahaharap siya sa napipintong pagdakip sa kaniya, humingi ng tulong si Enrile sa AFP Vice- Chief of Staff na si Lt Gen Fidel Ramos. Pumayag si Ramos na magbitiw sa kaniyang puwesto at sinuportahan ang mga rebeldeng sundalo. Kinausap din ni Enrile ang Arsobispo Katoliko ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin para sa suporta.

Noong 6:30 ng gabi nagkaroon ng press conference si Enrile at Ramos sa Kampo Aguinaldo. Ipinahayag nila ang kanilang pagbibitiw sa puwesto sa gabinete ni Marcos at ang kanilang pagtiwalag sa suporta ng gobyerno. Nagpatawag din ng sariling press conference si Marcos at sinabi niya kay Ramos at Enrile na sumuko na lang, at "tigilan ang kamangmangang ito."[7]

Bandang ika-siyam ng gabi, sa pamamagitan ng Radyo Veritas na pinapatakbo ng Romano Katoliko, nanawagan si Cardinal Sin sa mga taong bayan na pumunta sa EDSA para suportahan ang mga rebeldeng sundalo sa Kampo Crame at Kampo Aguinaldo sa pamamagitan ng iba't ibang bagay na makakatulong sa kanila, tulad ng pagbibigay ng pagkain at ng iba pa nilang pangangailangan. Sa kabila ng kapahamakan na maaaring dumating sa kanila laban sa puwersa ng gobyerno, nagpunta ang mga sibilyan, maging ang mga madre at pari, sa EDSA.

Malaki ang bahagi ng Radyo Veritas sa rebolusyong ito. Ayon sa dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas na si Francisco Nemenzo, magiging imposible na hikayatin ang mga tao na makilahok sa rebolusyong ito sa ilang oras lamang kung wala ang Radyo Veritas.

Ang lumalaking suporta ng masa

Sa kasagsagan ng Rebolusyong People Power, tinatayang isa hanggang tatlong milyong katao ang pumuno sa bahaging Ortigas-Cubao ng EDSA. Ipinapakita ng retrato ang lugar ng panulukan ng EDSA at Abenida Bonny Serrano sa pagitan ng Kampo Crame at Kampo Aguinaldo noong Pebrero 1986.

Noong kasagsagan ng rebolusyon, tinatayang nasa isa hanggang tatlong milyong katao ang pumuno sa EDSA mula sa Abenida Ortigas hanggang Cubao.

Noong madaling araw ng Linggo, 23 Pebrero 1986 pumunta ang mga sundalo ng gobyerno para wasakin ang transmisor ng Radyo Veritas, at dahil doon marami ang mga tao sa probinsiya ang hindi makasagap ng impormasyon. Dahil dito napilitan ang estasyon na gamitin ang pangalawa (backup) nitong transmisor na mayroong mas maliit na sakop ng brodkast. Naisipan ng gobyerno na gawin ang aksiyong ito dahil mahalaga ang Radyo Veritas sa pakikipagtalastasan sa mga tao na sumusuporta sa mga rebeldeng sundalo. Nagbibigay ng impormasyon ang himpilang ito tungkol sa mga pinakahuling galaw ng sundalo ng pamahalaan at ito din ang nagsisilbing daan upang manawagan sa pangangailangan ng pagkain, gamot at mga suplay.

Sa kabila nito, marami pa rin ang mga tao na dumagsa sa EDSA. Umabot sa daang libo ang mga tao na walang dalang ibang sandata. Ang ilan sa kanila ay may dala ng rosaryo at imahe ng Birheng Maria. Marami ang nakilahok sa malawakang pagdarasal (prayer vigil) sa pamumuno ng mga pari at madre. Marami naman ang gumawa ng mga harang o barikada gamit ang mga sako ng buhangin at mga sasakyan sa mga kanto sa kahabaan ng EDSA katulad ng Santolan at Abenida Ortigas. Marami ding grupo ang kumanta ng "Bayan Ko"[8], na, simula pa noong 1980 ito ang naging makabayang awit ng oposisyon. Marami ding tao ang gumamit ng sagisag pang-kamay (hand sign) ng LABAN[9] ; na ang hinlalaki at hintuturo ay bubuo ng letrang "L".

Noong araw ding iyon bumisita ang dalawang rebeldeng pinuno sa kabilang kampo. Tumawid si Enrile sa EDSA mula Kampo Aguinaldo hanggang Kampo Crame sa pagitan ng mga maraming tao na nagsusuporta sa kanila.

Binalita ng Radyo Veritas noong hapon na iyon na may mga batalyon ng Marines na papunta sa dalawang mga kampo sa silangan, at mga tangke na papunta mula sa hilaga at timog. Dalawang kilometro mula sa mga kampo, hinarang ng libo-libong mga tao ang isang batalyon ng tangke na nasa pamumuno ni Brigadier General Artemio Tadar sa Ortigas Ave.[10] Nagsiluhuran ang mga madre at nagdasal ng rosaryo, at nagkapit-bisig ang mga tao para harangin ang mga sundalo.[11] Sa kabila ng banta ni Tadar sa mga tao ay hindi sila umalis. Walang nagawa ang mga sundalo sa situwasyon, at di nagtagal umurong na lang sila ng hindi man lang nagpapaputok.

Noong gabing iyon ay bumigay na rin ang transmitter ng Radyo Veritas. Bandang hatinggabi ay lumipat ang mga tripulante sa isang lihim na lugar para magpatuloy sa pagbo-broadkast, sa ilalim ng pangalang Radyo Bandido. Si June Keithley ang brodkaster na nagpatuloy sa programa ng Radyo Veritas sa bagong estasyon sa nalalabing mga araw ng rebolusyon.

Hindi Pag-kakalinawan

Noong madaling araw ng Pebrero 24, Lunes, naganap ang unang matinding bakbakan sa pagitan ng mga loyalista at mga rebeldeng sundalo. Mabilis na tinaboy ng mga Marines na galing Libis ang mga demonstrador. Samantala, mahigit-kumulang na 3,000 Marines ang kumubkob sa silangang bahagi ng Kampo Aguinaldo.

Noong araw ding iyon inatasan mula sa Sangley Point sa Cavite ang mga helikopter sa pamumuno ni Major General Antonio Sotelo upang pumunta sa Kampo Krame.[12] Lihim na palang bumaligtad ang nasabing grupo at sa halip na atakihin ang Kampo Crame ay lumapag sila doon. Maraming mga tao ang bumati sa mga sundalo na papalabas ng mga helikopter. Dahil sa pangyayari ay mas lalo pang sumigla si Ramos at Enrile na patuloy pang nananawagan sa mga sundalo na tumiwalag kay Marcos at sumapi sa kilusang oposisyon. Bandang hapon dumating si Aquino sa lugar kung saan naghihintay si Ramos, Enrile at ang mga opisyales ng RAM.

Ang pagkubkob sa Channel 4

Dumating kay June Keithley ang balita na papalabas na ng Malakanyang si Marcos at binalita naman niya ito sa mga tao sa EDSA. Nagdiwang ang mga tao; maging si Ramos at Enrile ay lumabas para magpakita sa mga tao. Subalit naging sandali lang ang saya noong lumabas si Marcos sa Channel 4 na kontrolado ng gobyerno. Sinabi ni Marcos na hindi siya bababa sa puwesto. Marami ang nag-isip na ang maling balita na ito ay isang paraan upang maghikayat ng mas marami pang pagbaligtad mula sa gobyerno.

Lumusob ang mga rebeldeng sundalo, sa pamumuno ni Colonel Mariano Santiago, sa estasyon ng Channel 4, at ang estasyon ay naputol sa ere. Nakubkob ng mga sundalo ang estasyon. Bumalik sa ere ang Channel 4, na may boses na nagsasabing "This is Channel 4. Now serving the people again." (Ito ang Channel 4. Naglilingkod muli sa sambayanan.) Samantala, umabot na sa milyon ang mga tao sa EDSA. Sinasabi na ito ang senyales ng "pagbabalik muli" sa ere ng ABS-CBN. Ito ay sa dahilan na ang mga taong nagpapatakbo ng brodkast ng mga oras na ito ay mga dating empleyado ng ABS-CBN na pinangungunahan ng direktor na si Johnny Manahan kasama ang pinsan ng may-ari ng ABS-CBN na si Augusto "Jake" Lopez. Ang brodkast na ito ay pinangasiwaan nina June Keithley, dating ABS-CBN broadkaster na si Orly Punzalan at Bong Lapira kasama ang mga paring sina Fr. Bong Bongayan, Fr. Aris Sison at sina Fr. James Reuter.

Bandang hapon, linusob ng mga rebeldeng helikopter ang Villamor Airbase, na naging dahilan ng pagkawasak ng ilang sasakyang pampangulo. Mayroon namang isang helikopter na pumunta ng Malakanyang at nagpaputok ng raket, na naging sanhi ng maliit na pinsala. Noong lumaon din ay marami nang mga opisyales na nagsipagtapos ng Akademya Militar ng Pilipinas (Philippine Military Academy) at maging ng Hukbong Sandatahan ang tumiwalag sa gobyerno.

Samantala, minungkahi ni Heneral Fabian Ver ang paggamit ng dahas upang matigil ang lumalaking rebolusyon. Hindi pumayag si Marcos dito.

Ang panunumpa

Nanumpa si Corazon Aquino bilang Pangulo ng Pilipinas sa Club Filipino, San Juan noong 25 Pebrero 1986.

Noong umaga ng Martes, Pebrero 25, bandang ikapito ng umaga, nagkaroon ng saguypaan sa pagitan ng mga loyalista at mga rebeldeng sundalo. May mga sniper na bumabaril sa mga rebeldeng sundalo. Subalit patuloy na sinugod ng mga rebeldeng sundalo ang estasyon ng Channel 9, na nasa hindi kalayuan ng Channel 4.

Maya-maya lamang ay nanumpa si Corazon Aquino bilang bagong pangulo ng Pilipinas sa isang seremonya sa Club Filipino sa Greenhills, isang kilometro mula sa Kampo Crame.[13] Pinasumpa si Aquino ni Senior Associate Justice Claudio Teehankee, at pinasumpa naman si Laurel bilang Pangalawang Pangulo ni Justice Abad Santos. Hawak ni Aurora Aquino, nanay ni Ninoy Aquino, ang bibliang ginamit sa panunumpa ni Aquino. Kasama sa seremonya si Ramos, na na-promote bilang Heneral, si Enrile at ang iba pang mga politiko. Nasa labas ang maraming mga taga-suporta ni Aquino, na karamihan ay naka-dilaw bilang pagpapakita ng kanilang suporta. Matapos ang panunumpa ni Aquino ay kumanta sila ng Bayan Ko.

Samantala, nanumpa naman si Marcos sa Malakanyang. Nandoon ang ilan sa kanyang mga taga-suporta na sumisigaw ng "Marcos! Marcos! Marcos pa rin!" Ang panunumpa ay ginawa ni Marcos sa balkonahe ng palasyo ng Malakanyang, at binrodkast ito sa nalalabing mga estasyon ng gobyerno at ng Channel 7. Pagkatapos ng panunumpa ay umalis ang mag-asawa sa labas ng Palasyo. Naputol ang pagbrodkast nito noong kubkubin ng mga rebeldeng sundalo ang mga nalalabing mga estasyon.

Marami ding mga demonstrador ang pumunta sa Mendiola, hindi kalayuan mula sa Malakanyang, ngunit hinarang sila doon ng mga loyalistang mga sundalo. Maraming mga demonstrador ang nagalit, ngunit inawat sila ng mga pari na nakiusap na huwag maging marahas.

Ang Paglisan ni Marcos

Kinausap ni Marcos ang Senador ng Estados Unidos na si Paul Laxant, para humingi ng payo mula sa White House. Pinayuhan siya ni Laxalt ng "cut and cut cleanly", na siyang kinalungkot ni Marcos. Bandang hapon, kinausap ni Marcos si Enrile para sa kanyang ligtas na paglisan kasama ang kanyang pamilya. Pumunta ang pamilya ni Marcos sa Clark Airbase sa Zambales bandang ikasiyam ng gabi, bago tuluyang lumipad ng Hawaii.

Marami ang nagsisaya sa paglisan ni Marcos. Napasok na rin ng mga demonstrador ang Palasyo ng Malakanyang, na dati ay hindi mapasok ng ordinaryong mamamayan. Maliban sa mga naganap na nakawan, marami din ang nagsilibot sa loob ng isang lugar kung saan binago ang kasaysayan ng bansa.

Maging ang buong mundo ay nagsaya. Ayon kay Bob Simon, isang tagapagbalita ng CBS na isang estasyon sa Amerika, ang nagsabi "We Americans like to think we taught the Filipinos democracy; well, tonight they are teaching the world." ("Gusto naming mga Amerikano na isipin na kami ang nagturo sa Pilipinas ng demokrasya, ngunit ngayong gabi tinuturuan nila ang buong mundo.")

Katapusan

Matapos ang rebolusyon, marami pa ring suliranin ang kinahaharap ng bansa. Ang ekonomiya ay kontrolado halos ng gobyerno. Sa kabila nito, sa pamumuno ni Corazon Aquino ay unti-unting bumalik ang demokratikong institusyon sa bansa.

Isinawalang-bisa ang Saligang Batas ng 1972, at sa halip ay gumawa si Aquino ng isang "Freedom Constitution" (Malayang Konstitusyon) upang pansamantalang maging saligang batas, hanggang sa natapos at naratipikahan na ang Saligang Batas 1987 na siyang kasalukuyang saligang batas ng bansa. Sa bagong saligang batas ay hindi na maaring tumakbong muli ang isang Pangulo ng bansa, na binibigyan ng anim na taon para mamuno.

Mga sanggunian

  1. Javate-De Dios, Aurora; atbp., mga pat. (1988), Dictatorship and Revolution: Roots of People's Power, Conspectus Foundation Incorporated, p. 132, ISBN 991-91080-1-8 {{citation}}: Check |isbn= value: checksum (tulong); Explicit use of et al. in: |editor-first= (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link).
  2. Schock, Kurt (2005). "People Power Unleashed: South Africa and the Philippines". Unarmed Insurrections: People Power Movements in Nondemocracies. University of Minnesota Press. pp. 56. ISBN 0816641927.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Lakas Ng Bayan: The People's Power/EDSA Revolution 1986 (third paragraph)". University of Alberta, Canada. Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-04-19. Nakuha noong 2007-12-10.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Election developments in the Philippines - President Reagan's statement - transcript". US Department of State Bulletin, April, 1986. Nakuha noong 2007-12-03.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "iReport EDSA 20th Anniversary Special Issue | Dr. William Castro". Philippine Center for Investigative Journalism, Pebrero 2006. Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-20. Nakuha noong 2008-01-16.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "PRESIDENT'S STATEMENT, FEB. 11, 1986". US Department of State Bulletin, April, 1986. Nakuha noong 2007-12-03.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Paul Sagmayao, Mercado; Francisco S. Tatad (1986). People Power: The Philippine Revolution of 1986: An eyewitness history. Manila, Philippines: The James B. Reuter, S.J., Foundation. ISBN 0963942078. {{cite book}}: Check |isbn= value: checksum (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Taylor, Robert H. (2002), The Idea of Freedom in Asia and Africa, Stanford University Press, p. 210, ISBN 0804745145, nakuha noong 2007-12-03{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link).
  9. Crisostomo, Isabelo T. (1987), Cory, Profile of a President: The Historic Rise to Power of Corazon.., Branden Books, p. 217, ISBN 0828319138, nakuha noong 2007-12-03{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link).
  10. Lizano, Lolita (1988), Flower in a Gun Barrel: The Untold Story of the Edsa Revolution, nakuha noong 2007-12-02{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link).
  11. Merkl, Peter H. (2005), The Rift Between America And Old Europe: the distracted eagle, Routledge, p. 144, ISBN 0415359856, nakuha noong 2007-12-02{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link).
  12. Crisostomo, Isabelo T. (1987), Cory, Profile of a President: The Historic Rise to Power of Corazon.., p. 226, nakuha noong 2007-12-03{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link).
  13. Crisostomo, Isabelo T., Cory, Profile of a President: The Historic Rise to Power of Corazon..., p. 257, nakuha noong 2007-12-03{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link).