Pumunta sa nilalaman

Kalye Mendiola

Mga koordinado: 14°35′55″N 120°59′30″E / 14.59861°N 120.99167°E / 14.59861; 120.99167
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Mendiola)
Kalye Mendiola
Mendiola Street
Isang anggulo ng Kalye Mendiola.
Impormasyon sa ruta
Haba0.5 km (0.3 mi)
Pangunahing daanan
Dulo sa hilaga N180 (Kalye Legarda) / N145 (Abenida Recto) sa San Miguel
Dulo sa timogKalye Jose Laurel sa San Miguel
Sistema ng mga daan
Mga daanan sa Pilipinas

Ang Kalye Mendiola (Ingles: Mendiola Street) ay isang maiksing lansangan sa San Miguel, Maynila, Pilipinas. Pinangalanan ito kay Enrique Mendiola, isang edukador, may-akda ng mga aklat-pampaaralan, at kasapi ng unang Lupon ng mga Rehente ng Unibersidad ng Pilipinas. Bilang isang lansangang malapit sa Palasyo ng Malakanyang, ang tirahang opisyal ng Pangulo ng Pilipinas, ito ay naging lugar ng mga maraming demonstrasyon (na kung minsan, madugo).

Sa hilagang dulo ng kalye ay ang Tulay ng Chino Roces (Ingles: Chino Roces Bridge), na hinango ang pangalan kay Chino Roces, isang mamamahayag at kilalang personalidad noong mga taon ng Batas Militar na nagtatag ng Manila Times at ABC (ngayon ay TV5). (Subalit may isang pinapailaw na karatulang pangkalye sa itaas ng sangandaan ng kalye sa Abenida Recto na nag-babanggit nang mali sa kalye bilang "Chino Roces Avenue").

Isang street sign ng Kalye Mendiola sa may sangandaan nito sa Kalye Concepcion Aguila.

Nagsisimula ang kalye sa sangandaan nito sa Kalye Legarda at Abenida Recto, at nagtatapos ito sa Kalye Jose Laurel sa may labas ng Palasyo ng Malakanyang. Apat sa mga kolehiyo at pamantasan ng University Belt ay matatagpuan sa Kalye Mendiola. Ang kabuuang haba ng lansangan ay 0.5 kilometro (0.3 milya).

Upang maprotektahan ang palasyo, ang bahagi ng kalye na nagsisimula sa tarangkahang sentinel sa harap ng College of the Holy Spirit at Kolehiyo ng La Consolacion Maynila ay isinara sa mga sasakyan. Ang mga sasakyan naman ay inililihis sa Kalye Concepcion Aguila, isang makipot na kalye na dumadaan sa mga pook-residensyal ng distrito ng San Miguel.

Arkong Pangkapayapaan ng Mendiola.

Ang Kalye Mendiola ay naging madalas na lugar ng mga paghaharap (kung minsa'y marahas) sa pagitan ng mga raliyista at mga tropa ng pamahalaan na nagsasanggalang sa Palasyo ng Malakanyang:

Noong pagkapangulo ni Ferdinand Marcos, ang Kalye Mendiola ay naging pook ng "Labanan sa Malakanyang" o ang "Labanan sa Mendiola", isang paghaharap sa pagitan ng mga raliyistang mag-aaral at mga puwersa ng kapulisan na naganap noong Enero 30, 1970. Ang paghaharap ay nagresulta sa pagkamatay ng apat na raliyistang mag-aaral.

Noong Enero 22, 1987, pinaputukan ng mga sundalo ang malaking pagtitipon ng mga raliyista na binubuo ng mga 10,000 magsasakang mahirap na humihingi ng "totohanang" pagbabago sa lupain mula kay noo'y Pangulong Corazon Aquino. Labintatlo (13) sa mga raliyista ay nasawi at daan-daan ang nasaktan sa pangyayari na kilala ngayon bilang Masaker sa Mendiola.

Noong Mayo 1, 2001, ang mga taga-suporta ni Pangulong Joseph Estrada (na nagalit sa pagdakip ng dating pangulo noong Abril sa parehong taon kasunod ng kanyang pagpapatalsik mula sa kanyang kapangyarihan noong Enero ng parehong taon), ay nagmartsa patungong Kalye Mendiola pagkaraan ng mga demonstrasyon sa labas ng Dambana ng EDSA. Humiling sila ng kanyang pagpapalaya at pagbabalik sa Malakanyang. Sumiklab ang karahasan sa pagitan ng mga tagasuporta ni Estrada at mga miyembro ng kapulisan at militar na inatasan ng bagong pangulo, Gloria Macapagal-Arroyo, para maisanggalang ang Palasyo ng Malakanyang at mga pook sa palibot nito. Naging front line ang Kalye Mendiola pagkaraang subukin ng mga raliyista na sumugod sa palasyo. Kapwa mataas ang bilang ng mga nadisgrasya sa mga raliyista at tropa ng pamahalaan. Bunga ng mga pagnanakaw sa mga tindahan sa kalye at ng pagsunog ng mga sasakyang pampamahalaan at pampribado, inilalagay na aabot sa milyun-milyong piso ang halaga ng mga napinsala at nawala sa Kalye Mendiola at mga paligid nito. Idineklara ni Pangulong Arroyo ang state of rebellion para masugpo ang kaguluhan; inalis ito pagkaraan ng dalawang araw.

Mga ugnay panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

14°35′55″N 120°59′30″E / 14.59861°N 120.99167°E / 14.59861; 120.99167