Pumunta sa nilalaman

Daang Palibot Blg. 1

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Daang Palibot Blg. 1
C-1
Mula itaas: Abenida Recto sa Binondo; Kalye P. Casal sa Quiapo; Abenida Padre Burgos sa Ermita.
Hilagang dulo: Daang Marcos sa Tondo
Katimugang dulo: Bulebar Roxas sa Ermita

Ang Daang Palibot Blg. 1 (Ingles: Circumferential Road 1), na itinakda (at mas-kilala) bilang C-1, ay isang pinag-ugnay na mga daan at tulay na bumubuo sa pinakauna at pinakaloob na daang palibot ng Maynila, ang kabesera ng Pilipinas.[1] Matatagpuan sa loob ng Lungsod ng Maynila ang kabuuan ng daang palibot, at kumokonekta ito sa mga distrito ng Ermita, San Miguel, Quiapo, Santa Cruz, Binondo, San Nicolas, at Tondo.

Mula hilaga hanggang timog, binubuo ng mga sumusunod na bahagi ang Daang Palibot Blg. 1:

Abenida Recto (Recto Avenue)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mula sa hilagang dulo nito sa Hilagang Daungan ng Maynila hanggang sa katimugang dulo nito sa Kalye Legarda/Kalye Mendiola, kilala ang C-1 sa pangalang Abenida Recto. Nagsisimula ito sa sangandaan ng Daang Marcos (R-10) sa pagitan ng mga distrito ng Tondo at San Nicolas, at dumadaan ito sa mga distrito ng Binondo, Santa Cruz, at Quiapo. Nagtatapos ito sa sangandaan nito sa Kalye Mendiola at Kalye Legarda (R-6). Ang kabuuan ng Abenida Recto ay bahagi ng C-1.

Kalye Legarda

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Liliko ang C-1 patimog sa Kalye Legarda malapit sa Simbahan ng San Sebastian, at tutumbukin nito ang sangandaan nito sa Kalye J. Nepomuceno at Kalye Arlegui. Tutuloy ang C-1 bilang Kalye Pedro Casal.

Kalye Pedro Casal (Pedro Casal Street)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa pagitan ng Kalye Arlegui at Tulay ng Ayala (na tumatawid sa ibabaw ng Ilog Pasig), kilala ang C-1 sa pangalang Kalye Pedro Casal. Dumadaan ito sa campus ng Institusyong Panteknolohikal ng Pilipinas sa Quiapo at papasok sa San Miguel paglampas ng Estero de San Miguel. Tutumbukin nito ang Kalye Heneral Solano na nagbibigay ng daan patungong Palasyo ng Malacañang bago maabot nito ang Tulay ng Ayala.

Bulebar Ayala (Ayala Boulevard)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa pagitan ng Tulay ng Ayala at Abenida Taft sa Ermita, kilala ang C-1 sa pangalang Bulebar Ayala. Dumadaan ito sa mga ligid ng Concepcion at Arroceros, at mga institusyong edukasyonal ng Pamantasang Normal ng Pilipinas at Teknolohikal na Unibersidad ng Pilipinas bago bumagtas ng Abenida Taft para maging Kalye Pananalapi.

Kalye Pananalapi (Finance Road)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa hilagang-silangang bahagi ng Liwasang Rizal sa tabi ng Pambansang Museo ng Pilipinas at Museo ng Mamamayang Filipino, magiging Kalye Pananalapi ang C-1. Ang nasabing maikling daan ay tutumbok sa Abenida Padre Burgos malapit sa sangandaan ng Abenida Maria Orosa.

Abenida Padre Burgos (Padre Burgos Avenue)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Dinadala ng Abenida Padre Burgos ang C-1 sa pagitan ng Liwasang Rizal Park at Intramuros hanggang sa dulo nito sa sangandaan ng Bulebar Roxas at Daang Bonifacio (R-1).

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Metro Manila Infrastructure Development" (PDF). University of the Philippines Diliman. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2017-08-10. Nakuha noong 11 Hulyo 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)