Purismong lingguwistiko sa Islandes
Ang purismong lingguwistiko sa Islandes ay ang patakaran ng pagpapalit ng mga salitang hiram sa paglikha ng mga bagong salita mula sa mga ugat ng Lumang Islandes at Lumang Nordiko at pinipigilan ang pagpasok ng mga bagong salitang hiram sa wika. Sa Islandiya, ang purismong lingguwistiko ay nagsasaarkayko, sinusubukan na muling ibalik ang wika sa gintong edad ng panitikan sa Islandiya. Nagsimula ang pagsisikap sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, sa pagsikat ng pambansang kilusang Islandes, na naglalayong palitan ang mga mas lumang mga salitang hiram, lalo na mula sa Danes, at nagpapatuloy ito ngayon, na nakatuon naman sa mga salitang Ingles. Malawakang itinataguyod ito sa Islandiya at ito ang nangingibabaw na ideolohiya sa wika. Suportadong suporado ito ng pamahalaan ng Islandiya sa pamamagitan ng Suriang Árni Magnússon para sa Araling Islandes, ang Sanggunian sa Wikang Islandes, ang Pondo ng Wikang Islandes at isang Araw ng Wikang Islandes.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga unang pagbabago
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pinepetsahan ang mga unang senyas ng pagkabahala ng mga Islandes sa kanilang katutubong wika noong mga kalagitnaan ng ika-12 siglo sa Unang Akdang Pambalarila (Fyrsta málfræðiritgerðin), na nagsimulang magdisenyo ng isang alpabeto para sa wika at iminungkahi ang mga hiwalay (di-Latin) na titik para sa natatanging ponemang Islandes. Ito ay naging, sa isang paraan, isang pagtatangkang nagbigay sa mga kabataang Islandes ng kanilang sariling wika. Makabuluhan din ang historyograpiya ng Islandes, na nagsimula sa maagang petsa sa pamamagitan ng Íslendingabók ni Ari Þorgilsson at Landnámabók (aklat ng kolonisasyon) hanggang sa Heimskringla ni Snorri Sturluson. Ang prosa ng mga alamat ng mga Islandes at tulang iskaldo ni Snorri ay mga malilinaw na tanda ng pagpapahalaga sa katutubong wika.
Pagsapit ng 1300, matapos sumali ang mga Islandes sa pag-iisa sa korona ng Noruwega, nakabuo ang Islandes ng mga maraming katangian na iba kumpara sa mga diyalekto ng mga distritong Noruwego mula saan lumipat ang marami patungo sa Islandiya sa mga nakaraang siglo.
Pagsapit ng ika-16 na siglo, lubhang kaiba na ang wika kumpara sa mga wikang sinasalita sa Eskandinabya, kaya naglikha ang mga Islandes ng terminong íslenska bilang pantukoy sa kanilang katutubong wika. Nagsimula sa unang bahagi ng ika-17 siglo ang seryosong pagsisikap upang mapanatili ang Islandes, na medyo iba na ngayon, mula sa "nakasasamang" impluwensya ng mga banyagang salita, lalo na ng mga Danes at Alemanong mangangalakal na nangibabaw sa kalakalan sa Islandiya, dahil kay Arngrímur Jónsson.
Ika-18 at ika-19 na siglo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang unang tunay na taong pasimuno ng purismong lingguwistiko sa Islandes (hreintungustefna) ay si Eggert Ólafsson (1726–68). Sa pagitan ng 1752 at 1757 sinamahan niya ang kanyang kaibigan na si Bjarni Pálsson sa isang ekspedisyon sa Islandiya. Sa kanyang ulat, inilarawan niya ang kalagayan ng wikang Islandes bilang kalungkut-lungkot. Ito ang naging inspirasyon niya para isulat ang tula na Sótt og dauði íslenskunnar, kung saan ipinakikilala niya ang kanyang katutubong wika bilang isang babae, na nagkasakit nang malubha sa pamamagitan ng impeksyon ng napakaraming salitang hiram. Ibinilin niya ang kanyang mga anak na maghanap ng mabuti at dalisay na Islandes na makapagpapagaling sa kanya, ngunit hindi masumpungan saanman ang di-kontaminadong wika, at namatay siya. Sa wakas ng tula hinihimok niya ang kanyang mga kababayan na ipagtanggol ang kanilang wika at pinaalala niya sa kanila ang mataas na tingin sa wikang Islandes sa ibang bansa at kung gaano kahusay itong napreserba ng kanilang mga ninuno.
Si Eggert Ólafsson ay palabasa sa panitikang Lumang Islandes at napansin ito sa kanyang mga akda. Nagdala sa kanya itong interes sa lumang wika sa mga ibang nag-aaral ng Islandes sa Copenhague, kung saan sumali siya sa isang lihim na samahan na tinawag na Sakir (1720–72). Ito ang simula ng paggamit ng Lumang Islandes bilang pangunahing tampok sa pambansang paggising ng Islandiya. Isinulat ni Eggert ang unang diksyunaryong palabaybayan (Réttritabók Eggerts Ólafssonar) kung saan iminungkahi niya ang mga panuntunang palabaybayan at palabigkasan. Malaki ang naging impluwensya ng libro, at sinunod ni Ólafur Olavius, maylikha ng Hrappseyjarprentsmiðja, ang unang pribadong pag-aari na palimbagan sa Islandiya, ang mga patakaran ni Eggert sa paanuman.
Labing-isang taon pagkatapos ng kamatayan ni Eggert, itinatag ang Íslenska lærdómslistafélag (Samahang Damayan ng Aralin sa Sining Islandes) sa Copenhague kasama ni Jón Eiríksson, direktor sa pangasiwa ng Ministeryong Danes ng Pananalapi, bilang pangulo nito. Naglathala ang samahang damayan ng mga taunang sulatin mula 1781 hanggang 1796, na may kinalaman sa mga praktikal na paksa tulad ng kalakalan at negosyo, ngunit mayroon ding mga iba-ibang paksang pang-agham tungkol sa mga bihirang nababasa hanggang sa puntong iyon. Ito'y nagdala ng napakaraming bagong terminolohiyang Islandes, na nabuo lamang mula sa imbentaryong leksikal ng Islandes.
Sa Dinamarka, nagdala ang pagsikat ng Romantisismo ng higit na interes sa mitolohiyang Nordiko. Binuksan nito ang mga mata ng mga Islandes tungkol sa kanilang mahalagang papel sa kultura at tumibay ang kanilang tiwala sa sarili. Natuto ni Rasmus Rask, isang dalubwika (1787–1832), ang Islandes noong kanyang kabataan at ito ang naging paboritong wika niya. Tinipon niya ang unang tunay na bararila ng Islandes, na naging napakalaking pasulong kung ihahambing sa mga naunang pagtatangka. Siya ay tumangging tanggapin ang mga pagkakaiba ng Luma at Makabagong Islandes at natakot na mababawasan ang interes sa lupain at kultura nito kung may napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Nagtaguyod ang ugaling ito ng pagsasaarkayko ng wika. Sa inisyatibo ni Rask, itinatag ang Samahang Panitikan sa Islandes, Hið íslenska bókmenntafélagið. Ang layunin nito ay "upang panatilihin ang wikang at panitikang Islandes at kagunay nito ang kultura at karangalan ng lupain". Ang isang mahalagang paglalathala ay Almenn jarðarfræða og landaskipun eður geographia (1821–27), na naglalaman ng mga bagong tunay na[kailangang linawin] terminolohiyang Islandes. Naging isang pagkakataon ito upang maipakita ang katumpakan ng pangitain ni Rasmus Rask na ang wikang Islandes ay mayroong "kakayahang walang katapusan sa pagbuo ng neolohismo" na nakahihigit sa karamihan ng mga wika.
Noong ika-19 na siglo, di-mapaghihiwalay ang kaugnayan ng kilusan sa purismong lingguwistiko at rebistang Fjölnir (inilathala mula 1835 hanggang 1839 at mula 1844 hanggang 1847). Inilathala ang magasin sa Copenhagen ng apat na batang taga-Islandiya: Konráð Gíslason, Jónas Hallgrímsson, Brynjólfur Pétursson at Tómas Sæmundsson. Si Jónas Hallgrímsson ang pinakamahalaga sa apat na ito, na nagsalinwika rin ng mga akdang pampanitikan nina Heine at Ossian. Ang kanyang pagsasalin ng isang aklat-aralin sa astronomiya (Stjörnufræði, 1842) ay naging huwaran para sa sumunod na mga salin ng mga panitikan sa agham. Marami sa mga neolohismong nilikha niya ay naging mahalagang bahagi ng kasalukuyang terminoholohiya sa wikang Islandes: aðdráttarafl (grabidad), hitabelti (tropiko), sjónauki (teleskopyo), samhliða (agapay).
Inilathala ni Konráð Gíslason (1808–91), isang propesor sa mga Lumang wikang Eskandinabyo sa Unibersidad ng Copenhagen, ang unang diksyunaryong Danes–Islandes noong 1851.
Ika-20 siglo pataas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagkatamo ng soberanya noong 1918, nagsimula ang pamamahala ng gobyerno sa mga may kinalaman sa wika. Noong una, tulad ng mga pagtatangka sa pagpepreserba na naibanggit sa itaas, nakatuon ito sa ortograpiya, ngunit unti-unting lumago ang pamamahala ng mga bagay sa wika at naging mas pormal ito. Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, ang ikatlong elemento sa pagpepreserba ng Islandes, ang mga ordinaryong nagsasalita, lalo na sa mga nagsasamodernong sektor, ay nagsimula rin sa pag-aambag sa pagpapanatili ng wika. Bilang halimbawa, noong 1918 sinimulan ng Samahan ng mga Inhinyero (Verkfræðingafélagið) ang isang sistematikong pamamaraan sa mga neolohismo. Noong 1951, nagsimula ang isang Komite ng Diksyunaryo ng Unibersidad ng Islandiya (Orðabókarnefnd Háskólans) ng paglalathala ng mga talaan ng bagong salita, na nagmamarka sa panimula ng pormal na pagtataguyod ng pamahalaan sa mga neolohismo.
Noong 1965, naisabatas ng Ministeryo ng Edukasyon, Agham at Kultura (Menntamálaráðuneytið) ang Íslenzk málnefnd (Komite ng Wikang Islandes) upang "gabayan ang mga ahensya ng pamahalaan at pangkalahatang publiko sa mga bagay tungkol sa wika sa isang palaaral na paraan". Ngunit ang pangkat na ito ay nagkaroon lamang ng tatlong miyembro at hindi sila nakahabol sa ibinigay na gawain, kahit na dinagdagan sila ng dalawa pang miyembro noong 1980. Upang malunasan ang ganitong kalagayan, nagpasa ang Althing ng batas na nagpatibay sa pagsapi ng limang miyembro at nagtatag ng kalihiman na palagiang nangangasiwa, ang Íslensk málstöð (Surian ng Wikang Islandes). Pinalaki ang Surian sa 15 miyembro noong 1990, hinirang ng at mula sa mga iilang sektor. Samakatuwid, pinagtularan ng Surian ang kanyang mga katapat sa mga ibang lugar sa Eskandinabya.
Mga araw-araw na operasyon ang tungkulin ng Surian. Inookupa ang iilang mga opisina sa Neshagi, isang kalsadang malapit sa Unibersidad, at ang dating lokasyon ng sentrong pangkultura ng Embahada ng Amerika, pinamumunuan ang Surian ngayon ni Ari Páll Kristinsson, at ito ay may apat na empleyado lamang na nagpapayo tungkol sa wika at paggamit nito sa mga pampublikong awtoridad at serbisyo sa pagbobrodkast (Ríkisútvarpið) at nagsasagot ng mga tanong mula sa publiko. Noong Setyembre 2006, isinama ang Surian sa Suriang Árni Magnússon para sa Araling Islandes.
Layunin
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang wikang Islandes ay isang pangunahing elemento ng pambansang pagkakakilanlan ng mga Islandes.[1] Ang pangunahing pokus ng purismong lingguwistiko sa Islandes ay upang mapanatili ang istraktura ng wika (halimbawa bilang isang wikang saukol kumpara sa mga iba pang Kanluraning Europeong wikang Indo-Europeo, tulad ng Ingles at Pranses), at upang mabuo ang bokabularyo nito, para maaaring ipansalita ang wika tungkol sa anumang paksa—gaano man kateknikal—kung saan, naman, nag-aambag sa pagpapanatiling wika hanggang sa kasalukuyan.[2]
Paglilikha ng mga bagong salita
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga organisasyon at indibidwal sa mga mararaming larangan ng espesyalista kasama ng Surian ng Wikang Islandes ay nagpapanukala at gumagamit ng mga bagong teknikal na leksis, na nagpapayaman sa talahuluganan ng wikang Islandes sa kabuuan.[2] Kapag nagpapakilala ng mga salita para sa mga makabagong o modernong konsepto, karaniwan ang muling pagpapasigla ng mga lumang salita na hindi na ginagamit ngunit may kahawig na kahulugan o nasa parehong larangan sa semantika. Halimbawa, ibinalik ang salitang sími, isang lumang salita para sa "mahabang sinulid", na may bagong kahulugan: "telepono". Bilang kahalili, maaaring ibuo ang mga bagong salitang tambalan tulad ng veðurfræði ("meteorolohiya") mula sa mga lumang salita (sa kasong ito veður "panahon", at fræði "agham").[2] Sa gayon, madali para sa mga nagsasalita ng Islandes na magkalas ng mga salita upang hanapin ang kani-kanilang mga etymolohiya; sa katunayan mararami ang mga salitang tambalan sa wikang Islandes. Pinapadali rin nitong sistema ang pakikibagay ng mga bagong salita sa mga umiiral na alituntunin ng balarila ng Islandes: madaling kunin ang kasarian at deklensyon ng isang salitang tambalan mula sa kanyang mga deribatibo, pati na rin ang bigkas. Sa mga nakaraang taon, itinaguyod ng pamahalaan ang interes sa teknolohiya, kabilang ang mga pagtatangka upang gumawa ng mga software sa wikang Islandes at iba pang mga computer interface.[2] Isa pang bagong kombinasyon na ginagamit sa halip ng isang pandaigdigang salitang dayuhan ang skriðdreki (literal na "gumagapang na dragon") para sa "tangke".
Mga salitang hiram
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kahit gaano katindi ang sikap sa pagpapadalisay ng wika, pumapasok pa rin ang mga salitang hiram sa wika. Inangkop at hinubog ang ilan sa mga salitang hiram na ito para bumagay sa mga tuntunin ng bararilang Islandes, kabilang dito ang impleksyon at bigkas. Halimbawa, nagmumula ang salitang bíll ("kotse") sa salitang "automobile" sa pamamagitan ng pinaikling bersyon ng Danes, bil.[2] Ipinakita ni Sapir at Zuckermann (2008) kung paano "pinagbabalatkayuan" ng Islandes ang mararaming salitang Ingles sa pamamagitan ng pagtutugmang pono-semantiko.[3] Halimbawa, ang mala-Islandes na salitang eyðni, na nangangahulugang "AIDS", ay isang pagtutugmang ponosemantiko ng akronimang AIDS sa Ingles, kung saan ginamit ang pandiwang umiiral sa Islandes, eyða ("sirain") at ang naturingang hulapi sa Islandes, -ni.[4][5] Gayundin naman, nagmumula ang salitang Islandes na tækni ("tekonolohiya", "pamamaraan") mula sa tæki ("kagamitan") na pinagsama sa naturingang hulaping -ni, ngunit ito ay pagtutugmang ponosemantiko ng teknik ng Danes (o pandaigdigan) na may parehong kahulugan. Inilikha ang neolohismong ito noong 1912 ni Dr Björn Bjarnarson mula sa Viðfjörður sa silangan ng Islandiya. Bihira itong ginamit hanggang dekada '40, ngunit simula noon, lumaganap ito, bilang isang leksema at isang elemento sa mga bagong pagbubuo, tulad ng raftækni ("elektronika") na may literal na kahulugang "teknolohiyang elektrikal", tæknilegur ("teknikal") at tæknir ("tekniko").[6] Ang mga ibang pagtutugmang ponosemantiko na tinalakay sa artikulo ay beygla, bifra – bifrari, brokkál, dapur – dapurleiki – depurð, fjárfesta – fjárfesting, heila, guðspjall (ebanghelyo), ímynd (imahe), júgurð, korréttur, Létt og laggott, musl, pallborð – pallborðsumræður, páfagaukur (pikoy), ratsjá (aparatong radar), setur, staða, staðall – staðla – stöðlun, toga – togari, uppi and veira (birus).
Isang halimbawa ng paghihiram ng dayuhang salita ang "Israeli" (taga-Israel); sa wikang Islandes, mayroon itong pangmarami, Ísraelar, na binuo nang analogoso sa mga katutubong salita sa Islandes tulad ng matulaing gumi ("lalaki") at bogi ("pana").
Pag-aaral ng banyagang wika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hindi ipinahihiwatig ng lingguwistikong pagpapadalisay ang limitasyon o pagpapabaya sa pag-aaral ng mga banyagang wika. Binibigayng-diin ang pagtuturo ng mga banyagang wika sa Islandiya, at sapilitan ang pag-aaral ng wikang Ingles at Danes (o iba pang wikang Eskandinabyo).[2] Itinuturo ang Danes dahil ang Islandiya ay nasa pamamahala noon ng Dinamarka hanggang 1918 (na may parehong hari hanggang 1944); sapilitan pa rin ang pag-aaral nito upang panatilihin ang malapit na ugnayan sa Eskandinabya. Pinag-aaralan ang Ingles bilang pangunahing pandaigdigang wika, lalo na sa pananaw ng pagsasadaigdig ng ekonomiya ng Islandiya na may masisinang kalakalan at daloy ng kapital patungo at mula sa kabihasnan. Hinihiling sa mga mag-aaral na papasok sa himnasyo na pumili ng ikatlong wikang banyaga. Ayon sa kaugalian, iyon ay Aleman o Pranses, ngunit sa mga nakaraang taon inaalok din ang Kastila sa mararaming himnasyo. Idinaragdag din ang mga ibang wika bilang opsyon ngunit kadalasan bilang bahagi ng isang kursong mabigat sa wika kapalit ng mga likas na agham. Ang mga mag-aaral na naninirahan sa iba pang bansang Nordiko, o sa anumang dahilan, may pagkaunawa sa iba pang wikang Eskandinabyo, ay maaaring mag-aral ng wikang iyon sa halip ng Danes.
Ultrapurismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mayroong isang minoryang kilusan na sinimulan ni Jozef Braekmans ng Lier, Belhika, noong mga 1992 na nilalayong tanggalin ang mga salitang hiram mula sa modernong wikang Islandes at paglilikha ng mga bagong kataga para sa lahat ng mga salitang hiram sa kasaysayan. Pinangalan itong "Mataas na Islandes" o "Hiper-Islandes" (Háíslenska o Háfrónska).[7][8][9][10][11][12] Hindi sumikat ang kilusang ito.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Colloquial Icelandic, Daisy J. Neijmann, 2001, Routledge
- ↑ 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 Icelandic: at once ancient and modern Naka-arkibo 2007-07-05 sa Wayback Machine.
- ↑ Sapir, Yair and Zuckermann, Ghil'ad (2008), "Icelandic: Phonosemantic Matching", in Judith Rosenhouse and Rotem Kowner (eds), Globally Speaking: Motives for Adopting English Vocabulary in Other Languages, Clevedon-Buffalo-Toronto: Multilingual Matters, pp. 19-43 (Chapter 2).
- ↑ See pp. 28–29 of Sapir and Zuckermann (2008 above; compare 爱滋病; aìzībìng, another phonosemantic match of AIDS, in this case in Modern Standard Chinese — see p. 36 of the same article.
- ↑ In Icelandic, eyðni competes with another, wholly Icelandic word, alnæmi. The question is not settled yet.
- ↑ See pp. 37–38 of Sapir and Zuckermann (2008) above; compare تقنيّ taqni/tiqani (lit. "of perfection, related to mastering and improving"), meaning "technical, technological", another phonosemantic match of the international word technical, in this case in Modern Arabic — see p. 38 of the same article.
- ↑ "Discussion on language site Language Hat". Language Hat.
- ↑ "is.islenska". is.islenska posts.
- ↑ "High Icelandic Language Centre". High Icelandic Language Centre website. Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-04-22.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ A 2003 section about High Icelandic on the Icelandic news programme 'Ísland í dag' (Iceland today) Naka-arkibo 2008-02-20 sa Wayback Machine. 2004 article about High Icelandic in Birtingur, the local paper of Akranes. Naka-arkibo 2004-10-13 sa Wayback Machine. 2007 article about High Icelandic Fréttablaðið Naka-arkibo 2008-03-26 sa Wayback Machine.
- ↑ Article about Braekmans neologistic work in DV (edition: January 30, 1999) Naka-arkibo July 16, 2012, sa Wayback Machine.
- ↑ "Ísland í dag". A section on the Icelandic news 'Ísland í dag' (Iceland today). Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-02-20.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)
Bibliograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Halldór Halldórsson (1979). "Icelandic Purism and its History". Word. 30: 76–86.
- Kristján Árnason; Sigrún Helgadóttir (1991). "Terminology and Icelandic Language Policy". Behovet och nyttan av terminologiskt arbete på 90-talet. Nordterm 5. Nordterm-symposium. pp. 7–21.