Pumunta sa nilalaman

Tangke

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa T-34)
Tangke T-34 ng Unyong Sobyet

Ang tangke[1] (Ingles: tank) ay isang makinang pandigmaan o panggiyera, o behikulong may baluti na panlaban upang mapagsanggalang o maprOtektahan ito mula mga tama ng bala ng mga baril, mga misil, at mga kanyon ng kalaban, habang nakikipagsagupaan. Mayroon itong mga pinak o pantugaygay na nakabalot sa mga gulong upang makatawid ito sa magagaspang, lubak o baku-bakong mga daanan o lupain, at upang mapalawak ang nasasakupan ng timbang nito. Karamihan sa mga tangke ang may malalakas na mga baril at isa o mahigit pang mga makinang baril.

Sa Ingles, tinatawag itong tank na unang nailapat sa mga "landship" o barkong panlupang Britaniko noong 1915 upang panatilihin ang kanilang likas na lihim bago sila pumasok sa serbisyo.[2] Ginagamit ang katawagang "tank" sa lahat ng mga lugar na nagsasalita ng Ingles, subalit may ibang terminolohiya ang iba mga bansa. Sa Pransiya, ang ikalawang bansa na gumamit ng tangke sa labanan, kinuha ang salitang tank o tanque noong una, subalit nang naglaon, dahil sa malaking impluwensiya ng pamimilit ni Koronel J.B.E. Estienne, nabago ang katawagan sa char d'assaut ("sasakyang pansalakay") o pinapayak bilang char ("sasakyan"). Noong Unang Digmaang Pandaigdig, may tendensiya ang mga Aleman na tukuyin ang mga tangkeng Britaniko bilang Tanks[3][4] at sa kanilang sarili bilang Kampfwagen.[5] Sa kalaunan, tinukoy ang mga tangke bilang "Panzer" (lit. "baluti"), isang maikling anyo ng buong pangalan na "Panzerkampfwagen", literal bilang "sasakyang panlaban na nakabaluti". Sa mundong Arabe, tinatawag ang tangke bilang Dabbāba (hango sa uri ng makinang panlusob). Sa Italyano, tinatawag ang tangke bilang "carro armato" (lit. "karong armado"), na walang reperensya sa baluti nito. Sa Noruwega, ginagamit ang katawagang stridsvogn at sa Suwesiya, ang katulad na katawagan na stridsvagn (lit. "bagon na pandigma", ginagamt din sa mga "karwahe" o "chariot"), samantalang ginagamit naman ng Dinamarka ang kampvogn (lit. bagon na panlaban). Ginagamit naman ng Pinlandiya ang panssarivaunu (bagon na nakabaluti), bagaman kolokyal ang tankki. Hinango ang pangalang Polako na czołg, mula sa pandiwang czołgać się ("gumapang"), na ginamit sa Polako na sinasalarawan ang paraan ng galaw ng makina at bilis nito. Sa Unggaro, tinatawag ang tangke bilang harckocsi (bagon na panlaban), kahit na karaniwan ang tank. Sa Hapon tinatawag ang tangke bilang sensha (戦車, lit. "behikulong panlaban") na kinuha mula sa Tsino na ginamit nila, at hiniram naman ang katawagan na ito sa Koreano bilang jeoncha (전차/戰車); bagaman sa mas kamakailang panitikang Tsino, ginagamit ang hinango sa Ingles na 坦克 tǎnkè (tangke) na salungat sa 戰車 zhànchē (sasakyang panlaban) na ginamit noong unang mga araw.

Sa Tagalog, hinango ang katawagang "tangke" sa Kastila na tanque.[6] Bagaman, tinatawag din ito na carro de combante sa Kastila.

Ang AMX-30 ay isang pangunahing digmaanng tangke na dinisenyo ng Ateliers de construction d'Issy-les-Moulineaux (AMX, GIAT noon) at unang pinadala sa Hukbong Pranses noong 1966.

Ang Leopard 2' ay isang main battle tank (MBT, o literal na "pangunahing tangkeng panlaban") na Aleman. Ginawa ng Krauss-Maffei noong dekada 1970, dumating ang tangke sa serbisyo noong 1979 at pinalitan ang naunang Leopard 1 bilang pangunahing tangkeng panlaban ng hukbong Kanlurang Alemanya. Iba't ibang mga iterasyon ng Leopard 2 ang patuloy na pinapatakbo ng hukbong sandatahn ng Alemanya, gayon din ang ibang bansang Europeo at ilang bansang di-Europeo, kabilang ang Canada, Tsile, Indonesya, at Singapore.

Ang T-34 ay isang tangke ng Unyong Sobyet na ipinakilala noong 1940, na ipinakalat sa Hukbong Pula sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig laban sa Operasyong Barbarossa. Ang T-34 ay may maayos na baluti, isang medyo malakas na makina at malawak na mga pinak. Ang paunang bersyon ng T-34 ay mayroong isang malakas na 76.2mm L-11 na kanyon, at madalas na tinatawag na T-34/76. Noong 1944, isang pangalawang bersyon ang nagsimula sa paggawa, ang T-34-85, na may mas malaki at mas malakas na 85mm ZIS-S-53 na kanyon para harapin ang mga mas bagong tanke ng Alemanya.[7]

Ang T-80ay isang main battle tank (MBT, o literal na "pangunahing tangkeng panlaban") [8] na dinisenyo at ginawa sa dating Unyong Sobyetiko at ginawa din sa Rusya. Batay ang T-80 sa T-64, habang sinasama ang mga katangian mula sa mas huling T-72 at binago ang makina sa turbinang gas.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Gaboy, Luciano L. Tank - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. "tank | Etymology, origin and meaning of tank by etymonline". www.etymonline.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-07-09.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Die Tankschlacht bei Cambrai: Dr. Georg Strutz, nilathala 1929. (sa Aleman)
  4. "Die Englischen Tanks bei Cambrai English Tanks Cambrai (Art.IWM PST 8318)". Imperial War Museums (sa wikang Aleman). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Pebrero 2015. Nakuha noong 1 Abril 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Die deutschen Kampfwagen im Weltkriege; Ernst Volckheim, 1937. (sa Aleman)
  6. "TANGKE (Tagalog)". TAGALOG LANG (sa wikang Ingles). 2022-07-05. Nakuha noong 2024-05-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Zaloga & Grandsen 1983:14 (sa Ingles)
  8. "Soviet T-80 (1976)" (sa wikang Ingles). 18 Agosto 2016. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 24 Abril 2021. Nakuha noong 22 Agosto 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)