Arcadio Maxilom
Arcadio Maxilom y Molero | |
---|---|
Kapanganakan | 13 Nobyembre 1862 |
Kamatayan | 10 Agosto 1924 | (edad 61)
Organisasyon | Katipunan |
Si Heneral Arcadio Maxilom y Molero (13 Nobyembre 1862–10 Agosto 1924) ay isang Pilipinong guro at bayani ng Himagsikang Pilipino.
Ipinanganak siya sa Tuburan, Cebu kina Roberto Maxilom, ang gobernadorsilyo ng bayan, at Gregoria Molero. Ang kaniyang pamilya ay mga kasapi ng lokal na prinsipalíya. Nanungkulan siya bilang guro sa lokal na paaralan bago sumapi sa Katipunan, na pinamumunuhan sa Cebu ng isang batang Negrense na si León Kilat.
Matapos panaksilan at asesinahin si Kilat, ipinagpatuloy ni Maxilom ang himagsikan sa Cebu. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, nagawang pumulong muli ng Katipunan sa gitnang kabukiran, na hindi matagos-tagos ng hukbong Kastila. Noong 16 Disyembre 1898, nagsulat si Maxilom ng liham sa autoridad na Kastila sa Cebu, na hinihikayat na sila ay sumuko. Hapo na pagkatapos ng walang-tigil na paglalaban, mabilis sumagot ang mga Kastila, hinihingan si Maxilom ng dalawa hanggang tatlong araw na makaalis sa lalawigan. Pagdating ng Bisperas ng Pasko, nakaalis na ang mga Kastila, na nag-iwan lamang ng tatlong klerigong Katoliko.[1]
Walang kaalam-alam ang mga Sebwano, sa katunayan lahat ng mga Pilipino, na ang kanilang bagong-kamit na kalayaan ay hindi magtatagal, sapagkat ipinagbili na ng Espanya ang kapalaran ng kaniyang mga dating supil sa Estados Unidos sa halagang dalawampung milyong dolyar (tingnan ang Tratado ng Paris).
Higit na naaalala si Maxilom sa kaniyang sutil na pagtangging sumuko sa hukbong pampananakop na Amerikano sa kabila ng pagsimulang magpahinuhod o magkolabora ng kaniyang mga kapwa-rebolusyonaryo sa Maynila at Cebu sa bagong mananakop.[2] Sumuko rin siya sa wakas noong 27 Oktubre 1901.
Halos makalimutan pagkatapos ng himagsikan, namatay si Maxilom sa kaniyang bayang tinubuan ng Tuburan, matapos ang isang matagal na paglalaban sa pagkalumpo,[2][3] noong 10 Agosto 1924. Ang korteho patungo sa kaniyang libing, na sinalihan ng mga namumunong tauhan ng himagsikan tulad ni Emilio Aguinaldo, ay humaba ng mga apat na kilometro, na sa ngayon ay nananatiling isa sa mga pinakamahaba sa buong kasaysayan ng Cebu.[2]
Ang Abenida Mango, isa sa mga pangunahing lansangan ng Lungsod ng Cebu, ay binago ang pangalan sa Abenida Maxilom bilang karangalan sa heneral.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ http://www.oocities.com/lkilat/page_12.html[patay na link]
- ↑ 2.0 2.1 2.2 "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-09-19. Nakuha noong 2010-08-23.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ http://kas207.blogspot.com/2005/11/lives-of-luis-flores-julio-llorente.html
Mga panlabas na kawing
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Ang mga Buhay ni Luis Flores, Julio Llorente, Juan Clímaco, at Arcadio Maxilom: Kolaborasyon at Resistance sa Sugbo, 1898–1902
- Si León Kilat at ang Himagsikan ng Sugbo (Archived 2009-10-25), na naglalaman ng mga seksiyon tungkol kay Arcadio Maxilom
- Nasaan na si Heneral Arcadio Maxilom? Naka-arkibo 2008-09-19 sa Wayback Machine.
- Ang Paghanap sa Kanyon ni Maxilom Naka-arkibo 2008-10-04 sa Wayback Machine.