Emilio Aguinaldo

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Para sa munisipalidad, silipin ang Gen. Emilio Aguinaldo, Cavite. Para sa alay o handog, pumunta sa aginaldo.
Emilio Aguinaldo
Emilio Aguinaldo

Unang Pangulo ng Pilipinas
Unang Pangulo ng Unang Republika
Diktador ng Pamahalaang Diktadorial
Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo
Punong Ministro Apolinario Mabini (1899)
Pedro Paterno (1899)
Pangalawang Pangulo Mariano Trias (1897)
Sinundan si Bagong Tatag
Sinundan ni (pinawalang bisa mula 1901-1935)
Wesley Merritt (Gobernador-Heneral, 1901)
Manuel Quezon (Pangulo, 1935)

Kapanganakan 22 Marso 1869
Cavite El Viejo (ngayong Kawit), Cavite, Pilipinas
Kamatayan 6 Pebrero 1964
Lungsod Quezon, Pilipinas
Partidong politikal Paksiyong Magdalo ng Katipunan (1897-1901)
National Socialist Party (1935)
Asawa (1) Hilaria del Rosario
(2) Maria Agoncillo
Hanapbuhay Militar, Guro, Rebolusyonaryo, Politiko
Relihiyon Katoliko

signature = Aguinaldo Sig.png

Si Emilio Aguinaldo y Famy[1] (22 Marso 1869–6 Pebrero 1964) ay isang Pilipinong heneral, politiko at pinuno ng kalayaan, ay ang unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas (20 Enero 1899–1 Abril 1901). Isa siyang bayaning nakibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas. Pinamunuan niya ang isang bigong pag-aalsa laban sa Espanya noong 1896. Makaraang magapi ng Estados Unidos ang Espanya noong 1898, ipinahayag niya ang kalayaan ng Pilipinas at umupo bilang unang pangulo ng Pilipinas noong Hunyo 1899. Malakas ang kaniyang loob subalit nilarawang baguhan sapagkat naniwalang tatangkilin ng Estados Unidos ang kaniyang hangarin. Nang maging ganap at lantad ang mga hangarin ng Estados Unidos hinggil sa Pilipinas, muli niyang pinamunuan ang isang pag-aaklas mula 1899 hanggang 1901. Nadakip siya sa bandang huli ng mga Amerikano noong Marso 1901, makaraang makipaglaban sa loob ng dalawang taon. Nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos subalit nagsuot ng isang itim na bow tie hanggang sa tuluyang nakamit ng Pilipinas ang kalayaan noong 1946. Tumakbo siya bilang pangulo noong 1935 ngunit nagapi sa halalan ni Manuel Quezon. Sa mga huling panahon ng kaniyang buhay, nagsilbi siya sa Konseho ng Estado ng Pilipinas.[1][2] Siya rin ang pinakabatang pangulo ng Pilipinas.

Kabataan[baguhin | baguhin ang batayan]

Si Emilio Aguinaldo y Famy ay isang Pilipinong heneral, politiko, at lider ng rebolusyon laban sa Espanya at Estados Unidos. Ipinanganak siya sa Cavite el Viejo, Cavite noong 22 Marso 1869 kina Carlos Aguinaldo y Jamir at Trinidad Famy y Valero (1820-1916) Si Don Carlos ay isang gobernadorcillo at dahil may lahi siyang Tsino, Tagalog at Mestizo, nagkaroon sila ng yaman at kapangyarihan. Bilang bata, nakatanggap siya ng edukasyon mula sa isa niyang lola at maya-mayang nag-aral ng elementarya sa paaralang elementarya ng Cavite el Viejo noong 1880. Pagkatapos, nag-aral naman siya ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran, ngunit, tumigil siya noong nasa ikatlong taon na siya para tulungan ang kanyang nabiyudang ina na patakbuhin ang kanilang bukid. Sa edad na 28, si Miong ay naging cabeza de barangay sa Binakayan, ang pinakaprogresibong barrio sa Cavite el Viejo. Hinawakan ang posisyon na ito ng 8 taon. Noong 1893, ipinasa ang Maura Law na ibinago ang sistema ng lokal na gobyerno, binago nito ang tawag na gobernadorcillo sa capitan municipal. Kaya noong 1895, si Aguinaldo ang pinakaunang taga-Cavite el Viejo na tinawag na capitan municipal..

Rebolusyong Pilipino[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong 1894, sumali siya sa Katipunan o ang K.K.K., isang sikretong organisasyon na pinamumunuan ni Andres Bonifacio, at dedikado itong organisasyon upang maitaboy ang manlulupig na Kastila at makamit ang kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng dahas. Ginamit niya ang nom de guerre na Magdalo, para kay Maria Magdalena. Ang kanyang sangay ng Katipunan na pinamumunuan ng pinsan niya na si Baldomero Aguinaldo ay tinawag ding Magdalo.

Nagsimula ang Rebolusyon sa San Juan del Monte (siyang lungsod ng San Juan, Metro Manila). Ngunit sa simula ay hindi sumali ang sangay ni Aguinaldo dahil sa kakulangan ng armas, na isa sa mga dahilan ng pagkatalo ni Bonifacio sa Pinaglabanan. Habang napilitan sina Bonifacio na gumamit ng gerilya para makilaban, nanalo sina Aguinaldo sa iba't ibang laban na nakapagtaboy ng mga Espanyol ng panandalian.

Noong 17 Pebrero 1897, natalo nina Aguinaldo at ilang Katipunero ang puwersa na pinamumunuan ni Gobernador-Heneral Camilo de Polavieja sa Labanan sa Tulay ng Zapote sa Cavite. Si Heneral Edilberto Evangelista, inhinyerong sibil, rebolusyonaryo, at tagatayo ng trintsera, ay namatay sa labanang ito. Ang probinsiya ng Cavite ay naging importanteng lokasyon ng Rebolusyon at dito rin nakanalo ang Magdalo ng marami laban sa Espanya.

Ngunit, lalong nagkaroon ng malaking agwat ang dalawang kampo sa Katipunan, ang Magdalo at Magdiwang. Dahil dito, napilitan si Bonifacio na mamagitan sa dalawang kampo. Naisip ng Magdalo na magtayo ng sarili nilang gobyerno. Si Bonifacio, kahit para sa kanya na ang Katipunan ay gobyernong ganap, pinayagan niya at pinamunuan rin ang isang halalan na sinimulan sa Kumbensiyong Tejeros sa Tejeros, Cavite noong 22 Marso 1897. Nawala rito ang pamumuno niya kay Aguinaldo, at naboto bilang Ministro ng Interyor. Ito ay kinwestyon ni Daniel Tirona, na sinasabing hindi raw nararapat ito kay Bonifacio dahil siya ay hindi nakapagtapos sa pag-aaral. Nagalit si Bonifacio (nilabas ang kanyang baril at binaril na sana si Tirona kung hindi lang siya tumigil) at dineklarang null at di-wasto ang kumbensiyon. Napilitan si Bonifacio na bumalik sa Morong, Rizal

Hindi na kinilala ni Bonifacio ang gobyernong pinamumunuan ni Aguinaldo at sinimulang ibalik ang kanyang awtoridad, pinagbintangan ang paksiyon ni Aguinaldo ng pagtataksil at nagbibigay ng utos na taliwas sa mga utos ni Aguinaldo. Sa utos ni Aguinaldo, hinuli si Bonifacio at ang kanyang mga kapatid at sa isang mock trial, nahatulan ng pagtataksil at nasintensiyahan ng kamatayan. Pagkatapos ng pag-aalanganin, naisip niyang tanggalin ang hatol, ngunit pagkatapos makumbinse ni Heneral Manuel Noriel, Pangulo ng Konseho ng Digmaan, at iba pa, binalik ni Aguinaldo ang hatol. Pinatay ang magkapatid na Andres at Procorpio sa pamamagitan ng firing squad noong 10 Mayo 1897 sa Bundok Hulog na malapit ng apat na kilometro kanluran ng Maragondon, Cavite.

Biak-na-Bato[baguhin | baguhin ang batayan]

Habang tumitindi ang tensiyon, napilitan sina Aguinaldo na lumikas papunta sa mga bundok. Dito pinirmahan niya ang Kasunduan ng Biak-na-bato. Isusuko ni Aguinaldo ang kanyang gobyerno at itigil ang digmaan kapalit ng $800,000 (Mehikano) bilang kapalit. Pinirmahan ito noong Disyembre 14 at 15, 1897. Noong Disyembre 23, umalis sila sa Pilipinas papuntang Hong Kong para lumikas. Ang dala nilang $400,000 (unang installment) ay dineposito sa mga bangko sa Hong Kong. Dito, inayos ni Aguinaldo ang gobyerno at tinawag niyang Kataas-taasang Konseho ng Bayan.

Isang rebolusyonaryong heneral, si Francisco Makabulos, ay nagtatag ng Komiteng Ehekutibong Sentral na siyang naging pamahalaan habang wala sina Aguinaldo. Kahit pumirma si Aguinaldo, tuloy pa rin ang paghuli ng mga Kastila sa mga Pilipinong sumama sa rebolusyon. Dahil dito, nagsimula muli ang rebolusyon.

Noong Abril 1898, nagkaroon ng digmaan sa gitna ng Espanya at Estados Unidos. Sa Labanan sa Look ng Maynila, nanalo ang American Asiatic Squadron na pinamumunuan ni Commodore George Dewey at nasakop ang Maynila. Si Dewey ang nagbigay ng transportasyon kay Aguinaldo pabalik ng Pilipinas. Bumalik bigla si Aguinaldo sa kanyang posisyon at linusob ang Manila.

Deklarasyon ng Kalayaan, Diktadura, at Gobyernong Rebolusyonaryo[baguhin | baguhin ang batayan]

Pagkatapos ng pagsimula ng Digmaang Espanyol-Amerikano, bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas noong 19 Mayo 1898.

Noong Mayo 24, dineklara niya na siya ang lider ng buong militar at nagtatag ng gobyernong diktaturyal na siya bilang diktador.

Noong Hunyo 12, dineklara ang Kalayaan ng Pilipinas sa bahay ng mga Aguinaldo sa Cavite el Viejo, at binasa ang Batas na Nagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas. Ito ay sinulat sa baybay Kastila ni Ambrosio Rianzares Bautista, isang kapamilya ni Jose Rizal, na siya ring bumasa.

Noong Hunyo 18, dineklara niya sa pamamagitan ng dekrito ang opisyal na pagtatag ng kanyang diktadurya. Noong Hunyo 23, dineklara naman niya ang gobyerno na rebolusyonaryo at hindi na diktadurya, siya pa rin bilang pangulo.

Pangulo[baguhin | baguhin ang batayan]

Itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas sa Konstitusyon ng Malolos noong 21 Enero 1899 sa Malolos, Bulacan at nagtagal hanggang nahuli si Aguinaldo sa Palanan, Isabela ng mga Amerikano noong 1 Marso 1901.

Administrasyon at Gabinete[baguhin | baguhin ang batayan]

Nagkaroon ng dalawang gabinete si Pangulong Aguinaldo na siyang dahilan ng kanyang pamumuno sa pamamagitan ng mga dekrito.

Tanggapan Pangalan Termino
Pangulo Emilio Aguinaldo 1897–1901
Pangalawang Pangulo Mariano Trías 1897
Punong Ministro Apolinario Mabini Enero 21 – 7 Mayo 1899
Pedro Paterno Mayo 7 – 13 Nobyembre 1899
Ministro ng Pananalapi Mariano Trías Enero 21 – 7 Mayo 1899
Hugo Ilagan Mayo 7 – 13 Nobyembre 1899
Ministro ng Interyor Teodoro Sandico Enero 21 – 7 Mayo 1899
Severino de las Alas Mayo 7 – 13 Nobyembre 1899
Ministro ng Pandigmaan Baldomero Aguinaldo Enero 21 – 7 Mayo 1899
Mariano Trias Mayo 7 – 13 Nobyembre 1899
Ministro ng Kagalingan Gracio Gonzaga Enero 21 – 7 Mayo 1899
Ministro ng Ugnayang Panlabas Apolinario Mabini Enero 21 – 7 Mayo 1899
Felipe Buencamino Mayo 7 – 13 Nobyembre 1899
Ministro ng Pampublikong Kautusan Aguedo Velarde 1899
Ministro ng Pagawaing Bayan at Komunikasyon Máximo Paterno 1899
Ministro ng Pagsasaka, Industriya at Kalakalan León María Guerrero Mayo 7 – 13 Nobyembre 1899

Polisyang Panloob[baguhin | baguhin ang batayan]

Piskalya[baguhin | baguhin ang batayan]

Nagpagpatuloy ang mga sesyon ng Kongreso ng Malolos at maraming nagawa na maganda. Pinagpatuloy muna ang sistemang piskalya ng mga Kastila, pati rin sa sistema ng pagsingil ng buwis, hindi kasama ang sabong at iba pang katuwaan. Binabaan ang buwis sa digmaan at ang boluntaryong donasyon ay hiningi. Inayos rin ang sistema ng adwana. Binuksan ang pambansang pautang.

Edukasyon[baguhin | baguhin ang batayan]

Pinabukas kaagad ang mga paaralang elementarya. Ito ay ginawang sapilitan. Si Enrique Mendiola ay nagbukas ng Instituto de Burgos at pinili ang direktor nito ng Direktor ng Pampublikong Instruksiyon. Nagbigay ng kurso na agrikultura, pagtilingin, at komersiya, pati rin ang kursong A.B. ang unibersidad.

Isang dekrito ang nagbigay oras para buksan ang Universidad Literaria. Ang unibersidad naman na ito ay nagbigay ng kursong medisina, siruhiya, dispensaryo, at notaryo publiko. Ang pangulo ang pipili ng propesor na siyang pipili ng rektor. Ang unang rektor ay si Joaquín Gonzales. Sinundan siya ni León María Guererro.

Lokal na gobyerno[baguhin | baguhin ang batayan]

Sinunod ng Pangulo ang payo ni Apolinario Mabini at naglabas ng dalawang dekrito, isa noong Hunyo 18 at isa naman sa ika-20 para ayusin ang sistema ng gobyerno sa mga probinsiya at bayan. Nakasulat dito na kahit napilitan siya na maging diktador, gusto niya na kasama ang mga pinakanararapat na maging opisyal na sila rin ay may tiwala galing sa kanilang kababayan.

Sa mga dekritong ito, ang mga lalaking 21 taon pataas ay dapat maghalal ng isang Konseho Popular na binubuo ng isang Pangulo, Ikalawang Pangulo, Kapitan ng Barrio, Delegado ng Katarungan, Rehistrado Sibil, Delegado ng Pulis at Panloob na Kaayusan, at Delegado ng Buwis at Pagmamay-ari. Kinukumpirma ng gobyerno ang mga opisyal na ito.

Ang mga opisyal na inihalal ng Presidente at nakumpirma sa parehong paraan ay: isang Gobernador at tatlong konsehal kasama ang residente ng munisipyo ng probinsiya at ang Provincial Council. Gayundin, ang mga kumander probinsiya militar ay ibinigay para sa bawat isa sa singil ng mga sundalo ng mga Manggagawa para sa pambansang hukbo.

Pagbabago sa Konstitusyon[baguhin | baguhin ang batayan]

Dahil na rin sa abala, dahil sa ikalimang artikulo ng Konstitusyon ng Malolos na nagtatakda ng paghihiwalay ng Simbahan at Estado, si Punong Ministro Apolinario Mabini ay nagbigay ng suspensiyon ng artikulo hanggang magkaroon muli ng Kumbensiyong Konstitusyonal. Ang mga lugar na kailangan ng pari ay binibigyan ng suporta. Ito ay pinagtibay noong ika-23 ng Disyembre at naging ika-100 na artikulo na transisyunal ng Konstitusyon.

Pederasyong Bisaya[baguhin | baguhin ang batayan]

Para mapatunayan ang pagkakaisa ng Republika, ginawang presidente ng Pederasyong Bisaya si Raymundo Melliza sa loob ng dalawang taon, pagkatapos manumpa ng katapatan sa Unang Republika at pagkilala kay Aguinaldo bilang pangulo.

Polisiyang Panlabas[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga Nakakulong na Espanyol[baguhin | baguhin ang batayan]

Pinalaya ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang mga Espanyol na nakakulong sa pamamagitan ng executive clemency pagkatapos itatag ang Republika. Pinayagan din niya sila na magtrabaho sa Pilipinas.

Digmaang Pilipino-Amerikano[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong 4 Pebrero 1899, binaril ng isang Amerikanong sundalo ang isang Pilipino. Ito ang dahilan kaya nagsimula ang Digmaang Pilipino-Amerikano at nagsimula ang labanan sa gitna ng mga sundalong Amerikano at mga Pilipinong para sa kalayaan. Ang mas malakas na armas ng mga Amerikano ay nagpaalis ng mga Pilipino sa mga lungsod at kailangan maglipat ng lugar ng Gobyernong Malolos.

Lumikas si Pangulong Aguinaldo papuntang Hilagang Luzon habang hinahabol ng mga Amerikano. Noong 2 Hunyo 1899, nakatanggap ng telegrama si Heneral Antonio Luna, isa sa mga kaagaw ng pangulo at magaling na heneral, at nagtanong kung pwede sila magkita sa Kumbento ng Simbahan sa Cabanatuan. Ngunit, tinaksil siya ni Aguinaldo dahil ipinapatay siya ng mga tauhan ng pangulo matapos malaman na wala ang pangulo sa kumbento (Hunyo 5). Nilibing siya sa simbahan at walang imbestigasyong naganap. Hindi nahuli ang pumatay.

Pagkamatay ni Luna, nagkaroon na ng kapangyarihan ang pangulo sa buong militar. Dahil wala na ang kagalingan ni Luna, natalo ng natalo ang militar. Noong Nobyembre 1899, nakaabot na sina Aguinaldo sa Palanan, Isabela. Nagkaroon ng labanan sa Tirad Pass na pinamunuan ni Heneral Gregorio del Pilar para matago ang pangulo. Ngunit, natalo sila sa pwersa ng mga Amerikano at namatay pa si del Pilar at 52 sa 60 na kasama ni del Pilar.

Halos pagkatapos ng dalawang taon, nahuli si Pangulong Aguinaldo ng mga Amerikano sa pamumuno ni Heneral Frederick Funston sa pamamagitan ng pagkukunwari na sila'y mga nahuling Amerikano ng mga Macabebe Scouts na silang nagturo ng lokasyon ni Aguinaldo.

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]


Mga kaugnay na artikulo[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga panlabas na kawing[baguhin | baguhin ang batayan]

Sinundan:
Walang
Pangulo ng Pilipinas
1899–1901
Susunod:
Manuel Quezon