Pumunta sa nilalaman

Kuomintang

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa KMT)
Sagisag ng partidong Kuomintang
Kuomintang ng Tsina
Pangalang Tsino
Tradisyunal na Tsino中國國民黨
Pinapayak na Tsino中国国民党
Kahulugang literalTsina Nasyon-Mamamayan Partido
Pinaikli sa
Tradisyunal na Tsino國民黨
Pinapayak na Tsino国民党
Pangalang Tibetan
Tibetanoཀྲུང་གོའི་གོ་མིན་ཏང

Ang Kuomintang ng Tsina ( /ˌkwmɪnˈtɑːŋ/ or /ʔˈtæŋ/;[1] KMT), o minsang binabaybay na Guomindang ( /ˌɡwmɪnˈdɑːŋ/; GMD) sa salintitik na Pinyin nito, ay ang partidong politikal ng Republika ng Tsina na kasalukuyang umiiral sa Taiwan. Ang pangalan ay kalimitang isinasalinwika na Partidong Nasyonalistang Tsino (Chinese Nationalist Party[2] sa Ingles)

Ang hinalinhan ng Kuomintang, ang Alyansang Rebolusyonaryo (Revolutionary Alliance), ay isa sa mga naging pinaka-pangunahing tagapag-taguyod sa pagpapabagsak ng Dinastiyang Qing at ang pagkakatatag ng naturang republika. Itinatag ang Kuomintang (KMT) nila Song Jiaoren at Sun Yat-sen pagkatapos agad ng Rebolusyong Xinhai noong 1911. Si Sun ang naging pansamantalang pangulo ngunit hindi siya nagkaroon ng kapangyarihang pang-militar at inilipat ang unang pagka-pangulo kay Yuan Shikai na isang pinuno ng militar. Pagkatapos ng kamatayan ni Yuan, hinati-hati ang Tsina ng mga hepe militar, habang na-kontrol lang ng KMT ang katimugang bahagi. Binuo ng KMT ang Pambansang Rebolusyonaryong Hukbo, sa pamumuno ni Chiang Kai-shek at nagtagumpay sa Hilagang Ekspedisyon upang pag-isahing muli ang kalakihan ng Tsina noong 1928. Iyon ang umiiral na partido sa mismong lupain ng Tsina mula 1928 hanggang sa pag-urong nito sa Taiwan noong 1949 pagkatapos matalo ng Komunistang Partido ng Tsina (CPC, Communist Party of China) noong Digmaang Sibil na Tsino. Sa Taiwan, nanatili ang KMT bilang nag-iisiang namumunong partido hanggang sa mga reporma nito noong bandang mga 1970 hanggang sa pagkawala ng paghawak nito sa puwesto. Noon pang 1987, hindi na isang nag-iisang partidong estado ang Taiwan; ganoon pa man, nananatili bilang isa sa mga pangunahing partidong politikal ang KMT, na hawak ang Lehislatibong Yuan (parlamento) at karamihan sa mga konseho nito. Kasalukuyang kasapi ang KMT ng Unyong Demokratang Pandaigdig (International Democrat Union). Ang kasalukuyang pangulong si Ma Ying-jeou, na nahalal noong 2008 at muling nahalal noong 2012 ay ang ikapitong kasapi ng KMT na hawakan ang tanggapan ng pagkapangulo.

Kasama ng People First Policy at ng Tsinong Bagong Partido, binubuo ng KMT ang kinilalang Koalisyong Lahatang-Bughaw (Pan-Blue Coalition), na sumusuporta sa inaasahang unipikasyon kasama ng Mainland. Ganoon pa man, napilitan ang KMT na pababawin ang katayuan nito sa pamamagitan ng pagtaguyod ng political at legal na status quo ng modernong Taiwan. Tinatanggap ng KMT ang Patakarang Iisang Tsina – opisyal na tinuturing nito na mayroon lang iisang Tsina, ngunit bilang Republika ng Tsina sa halip na Pangmadlang Republika ng Tsina bilang tunay at ganap na pamahalaan nito sa ilalim ng 1992 Konsenso. Subalit, simula pa noong 2008, upang mapaluwag ang tensyon nito sa PRC, pinagtibay ng KMT ang patakarang "tatlong wala" na binanggit ni Ma Ying-jeou – walang unipikasyon, walang pagsasarili, at walang paggamit ng dahas.[3]

Pangunahin: Kasaysayan ng Kuomintang (Ingles)

Mga maaagang taon, kapanahunan ni Sun Yat-sen

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang KMT na nabibigay-pugay sa tagapagtatag na si Sun Yat-sen bilang "Ama ng Nasyon." Nakalarawan si Sun dito noong 1917.

Nakatura ang KMT sa ugat-ideolohiko at pang-organisasyon sa gawa ni Sun Yat-sen, ang tagapagbigay-proposisyon ng Nasyonalismong Tsino at demokrasya, na siyang nagtatag ng Revive China Society (Tsino: 興中會) sa Honolulu, Hawaii, Republika ng Hawaii noong ika-24 ng Nobyembre 1894.[4] Noong ika-20 ng Agosto 1905, nakipagsanib-lakas si Sun sa samahang laban sa mga monarkista sa Tokyo, Imperyo ng Hapon upang isa-buo ang Tongmenghui (Tsino: 同盟會), ang pangkat na nakatuon sa pagpapatalsik sa Dinastiyang Qing at pagtatag ng isang pamahalaang republikano.

Pinagbalakan at sinuportahan ng naturang pangkat ang Rebolusyong Xinhai noong 1911 at ang pagkakatatag ng Republika ng Tsina noong ika-1 ng Enero 1912. Ganoon pa man, hindi nagkaroon si Sun ng lakas-militar at inilipat niya ang probisyonal na pagka-pangulo ng republika sa maharlikang si Yuan Shikai, nagsa-ayos ng abdikasyon (pagbibitiw sa tungkulin) ng huling emperador noong ika-12 ng Pebrero.

Noong ika-25 ng Agosto 1912, naitatag ang Kuomintang sa Bulwagang Kapisanan ng Huguang sa Peking, kung saan nagsama-sama ang Tongmenghui at ang limang higit na maliliit na mga partidong maka-rebolusyon upang pasimulan ang kauna-unahang pambansang halalan.[5] Si Sun, na naging punong ministro ng Republika ng Tsina, ay napiling tagapangulo ng partido kasama si Huang Xing bilang kanyang kinatawan.

Ang pinaka-maimpluwensiyang kasapi ng partido ay si Song Jiaoren ng ikatlong ranggo, na nagpakilos ng maramihang pagsuporta mula sa mga maharlika at mga mangangalakal para sa KMT upang itaguyod ang isang demokrasyang parlamentaryong maka-saligang-batas. Sinalungat ng partido ang mga konstitusyonal na monarkista at sinubaybayan ang kapangyarihan ni Yuan. Nanalo ang KMT nang pambihirang kataasan sa kauna-unahang Pambasang Asamblea para sa halalan noong Disyembre 1912.

Ngunit sinumulang balewalain ni Yuan ang parlamentaryo sa paggawa ng mga pagpapasyang pang-pangulo. Pinapatay si Song Jiaoren sa Shanghai noong 1913. Pinaghinalaan ng mga kasapi ng KMT na pinamumunuan ni Sun Yat-sen na si Yuan ang nasa likod ng pag-asesina at kaya naman ginanap ang Ikalawang Rebolusyon noong Hulyo 1913, na isang armadong pag-aalsang malabong napag-balakan at may mahinang pagsuporta upang patalsikin si Yuan, at nabigo. Si Yuan, na binansagang mapag-himagsik at mapagkanulo, ay pinatalsik ang mga taga-suporta ng KMT mula sa parlamento.[6][7] Binuwag ni Yuan ang KMT noong Nobyembre (kung saan nagsipuntahan sa bansang Hapon ang mga kasapi nito) at inalis ang parlamento noong kasibulan ng 1914.

Iprinoklama ni Yuan Shikai ang kanyang sarili bilang emperador noong 1915. Habang nasa Hapon siya noong 1914, itinatag ni Sun ang Partidong Rebolusyonaryong Tsino (Tsino: 中華革命黨) noong ika-8 ng Hulyo 1914, ngunit karamihan sa kanyang mga kasamahan sa rebolusyon, kabilang sila Huang Xing, Wang Jingwei, Hu Hanmin at Chen Jiongming, ay tumangging sumama sa kanya, ni suportahan ang kanyang mga pagsisikap sa pag-udyok ng armadong pag-aalsa laban kay Yuan. Upang makasali sa Partidong Rebolusyonaryong Tsino, ang mga kasapi ay kailangang isagawa ang panunumpa ng personal ng katapatan kay Sun, kung saan itinuring iyon ng mga sinaunang rebolusyonaryo bilang di-demokratiko at taliwas sa diwa ng rebolusyon.

Kaya naman, marami sa mga sinaunang rebolusyonaryo ang hindi umanib sa bagong organisasyon ni Sun, at malawakan siyang inisangtabi sa loob ng msimong kilusang Republikano noong panahong iyon. Nagbalik si Sun sa Tsina noong 1917 upang itatag ang katunggaling pamahalaan sa Canton, ngunit sapilitan din siyang pinaalis mula sa tanggapan at ipinatapon sa Shanghai. Doon, katuwang ng muling pinabagong pagsuporta, binuhay niyang muli ang KMT noong ika-10 ng Oktubre 1919 sa ilalim ng pangalang Kuomintang ng Tsina (Tsino: 中國國民黨) at itinatag ang himpilan niyon sa Kwangtung noong 1920.

Noong 1923, tinanggap ng KMT at ng pamahalaan nito ang tulong mula sa Unyong Sobyet matapos hindi sila binigyang-kilanlan ng mga makapangyarihang kanluranin. Ang mga tagapayong Sobyet - kung saan ang isa sa pinakatanyag na si Mikhail Borodin, isang ahente ng Comintern - ay dumating sa Tsina noong 1923 upang tumulong sa muling pagsasa-ayos at pagpapatibay ng KMT kasama sa kahanayan ng Partidong Komunista ng Unyong Sobyet (CPC), pagtatatag ng partidong mayroong anyong Leninista na nagtagal hanggang bandang 1990. Nasa ilalim ng pangangasiwa ng Comitern ang CPC na nakikipag-tulungan sa KMT, at hinimok ang mga kasapi nito umanib habang pinapanatili ang kanya-kanyang pagkakakilanlang partido, na binubuo ang First United Front sa pagitan ng dalawang partido. Sumali rin sa KMT si Mao Zedong at ang mga sinaunang kasapi ng CPC noong 1923.

Pinag-ganapan ng Unang Pambansang Kongreso ng Kuomintang noong 1924.

Tinulungan din ng mga tagapayong Sobyet ang KMT na pasimulan ang isang suriang pampulitika upang sanayan ang mga propagandista sa malawakang kilusang pamamaraan, at noong 1923, si Chiang Kai-shek, isa sa mga tenyente ni Sun mula pa sa kapanahunan ng Tongmenghui, ay ipinadala sa Mosku, para sa pag-aaral ng militar at politika ng maraming buwan. Sa unang partidong kongreso noong 1924 sa Kwangchow, Kwangtung, kung saan kabilang ang mga kinatawang di-kasapi ng KMT kagaya ng mga kasapi ng CPC, ay pinatibay at kinupkop nila ang teoriyang politikal ni Sun, kung saan kabilang ang Tatlong Saligan ng Madla (Three Principles of the People) - nasyonalismo, demokrasya at kabuhayan ng mga tao.

Pag-áko ni Chiang Kai-shek ng Pamumuno

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Heneralisimo Chiang Kai-shek, na siyang umako ng pamumuno ng KMT pagkatapos ng kamatayan ni Sun Yat-sen noong 1925.
Watawat ng KMT na naka-palipad sa Lhasa, Tibet noong 1938.

Nang mamatay si Sun Yat-sen noong 1925, napunta ang pamumunong politikal ng KMT kay Wang Jingwei at Hu Hanmin, ang mga pinuno ng kaliwang kapulungan (left wing) at kanang kapulungan (right wing) ng partido. Subalit ang tunay na kapangyarihan ay nasa mga kamay ni Chiang Kai-shek na may halos na kabuuang kontrol ng hukbong pangmilitar bilang superintendente ng Akademyang Militar ng Whampoa.

Kaakibat ng kanilang superyoridad pangmilitar, kinumpirma ng KMT ang kanilang pamumuno sa Canton, ang kabiserang panlalawigan ng Kwangtung. Nangako ng katapatan sa KMT nang mga hepe militar ng Guangxi. Kaya ang KMT ang naging pamahalaang karibal sa pagsalungat sa Pamahalaang Beiyang na panghepe militar na naka-base sa Peking.[8]

Inako ni Chiang ang pamumuno ng KMT noong ika-6 ng Hulyo 1926. Di-katulad ni Sun Yat-sen, na kanyang lubos na hinahangaan, lubhang may bahagyang ugnayan lang noon si Chiang sa Kanluranin. Isinabuo ni Sun ang lahat ng kanyang mga ideyang pampulitika, pang-ekonomiya at pang-rebolusyonaryo batay sa kanyang mga natutunan sa Hawaii, at sa pamamagitan nang di-direkta sa Britanikong Hong Kong at Imperyo ng Hapon sa ilalim ng Pagpapanumbalik ng Meiji. Subalit, lubhang kakaunti lang ang kaalaman ni Chiang tungkol sa Kanluranin. Nag-aral din siya sa Hapon, ngunit malalim siyang naka-ugat sa kanyang pagkakakilanlang Tsino at nababad sa siya sa Kalinangang Tsino. Sa pagtakbo ng kaniyang buhay, higit niyang nakagisnan ang kalinangan at kostumbreng Tsino. Kinumpirma sa mangilan-ngilan niyang paglakbay sa kanluran ang kaniyang mga pananaw na maka-Tsino at kaniyang pinag-aralan ang Klasikong Tsino at maging ang Kasaysayang Tsino nang masigasig at may pagtitiyaga.[8] Noong 1924, ipinadala ni Sun Yat-sen si Chiang sa Mosku ng tatlong buwan upang mapag-aralan ang mga sistemang pampulitika at pangmilitar ng Unyong Sobyet. Nakakilala ni Chiang si Leon Trotsky at ang ibang mga pinuno ng Sobyet, ngunit mabilisang nauwi sa konklusyong hindi nababagay sa Tsina ang Huwarang Sobyet ng pamahalaan. Ito ang nagpasimula sa mahabaang pagsalungat sa komunismo.

Nakatuong ganap din si Chiang sa ideya ni Sun na "politikal na pangangalaga" (political tutelage). Naniniwala si Sun na ang tanging pag-asa sa iisa at higit na mabuting Tsina ay nakasalalay sa pananakop militar, kasunod ng panahon ng politikal na tutela na maaaring humantong sa transisyon patungo sa demokrasya. Gamit ang ideolohiyang ito, itinalaga ni ang Chiang ang kaniyang sarili bilang diktador ng Republika ng Tsina, na parehong sa Tsina Kontinental at nang mailipat sa Taiwan ang pambansang pamahalaan.[8]

Kasunod ng pagkamatay ni Sun Yat-sen, umusbong si Chiang Kai-shek bilang pinuno ng KMT at inilunsad ang Panghilagang Ekspedisyon upang talunin ang mga hepeng militar sa hilaga at pag-isahin ang Tsina sa ilalim ng partido. Kaakibat ng kapangyarihan nitong naka-himpil sa timog-silangan, hinirang ng Makabayang Pamahalaan si Chiang Kai-shek na punong komandante ng Pambansang Rebolusyonaryong Hukbo, at nagsimula ang Panghilagang Ekspedisyon upang pigilan ang mga hepeng militar. Kinailangang talunin ni Chiang ang tatlong magkakahiwalay na hepeng pangmilitar at dalawang nagsasariling hukbo. Nasakop ni Chiang, kasama ng tulong na Sobyet ang kalahati ng katimugan ng Tsina sa loob ng siyam na buwan.

Isang alitan ang ang pumutok sa pagitan ng Partidong Komunistang Tsino at ng KMT, na siyang nagpabahala sa Panghilagang Ekspedisyon. Noong Enero 1927, nasakop ang lungsod ng Wuhan ni Wang Jing Wei, na namuno sa kaliwang kapulungang kakamping KMT. Katuwang ng suporta ng ahenteng Sobyet na si Mikhail Borodin, idineklara ni Wang na nailipat ang Pambansang Pamahalaan sa Wuhan. Sa pagkakasakop sa Nanking noong Marso, hininto ni Chiang ang kampanya at naghanda sa isang malupit na pakikipag-tuligsa kay Wang at sa mga komunistang kakampi nito. Ang pagpapatalsik kay Chiang at mga tagapayong Sobyet nito mula sa CPC ang nagpasimula sa Digmaang Sibil na Tsino. Isinuko rin ni Wang ang kapangyarihan nito kay Chiang. Iniutos ni Joseph Stalin ang CPC na sumunod sa pamumunong KMT. Nang maging maayos na ang pagkakawatak, ipinagpatuloy ni Chiang ang kaniyang Panghilagang Ekspedisyon at nagawang makuha ang Shanghai.[8]

Ang mga sundalo ng Pambansang Rebolusyonaryong Hukbo na nagmartsa papunta sa konsesyong Britaniko sa Hankou noong kaganapan ng Panghilagang Ekspedisyon.

Nang naganap ang Insidente sa Nanking noong March 1927, pinaulanan ng NRA ang mga konsulado ng Estados Unidos, Reyno Unido at Imperyo ng Hapon, pinagnakawan ang mga pagmamay-aring pang-ibayong-dagat at halos naipa-patay ang konsul na Hapones. Isang Amerikano, dalawang Britano, isang Pranses, isang Italyano at isang Hapones ang mga napatay.[9] Malakihan ding nasamsam ang milyon-milyong dolares na katumbas ng konsesyong Britaniko sa Hankou, at pilit na ayaw ibalik ang mga iyon sa Britanya.[10] Parehong mga nasyonalista at komunistang sundalo na nasa loob ng hukbo ang mga sumama sa pagdala ng malaking kaguluhan at sa pagsamsam ng mga dayuhang residente sa Nanking.[11]

  1. "kuomintang - Definitions". Dictionary.reference.com. Nakuha noong 2011-09-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Also sometimes translated as "Chinese National People's Party", see e.g., Derek Heater (1987-04-23). Our World This Century: New Edition for GCSE. Oxford University Press. p. 116. ISBN 978-0-19-913324-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) and "Generalissimo and Madame Chiang Kai-Shek". Time. 1938-01-03. Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-07-21. Nakuha noong 2011-05-22.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Ralph Cossa (2008-01-21). "Looking behind Ma's 'three noes'". Taipei Times. Nakuha noong 2010-02-15.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. See (Chinese) "Major Events in KMT" History Official Site of the KMT Naka-arkibo 2012-11-26 sa Wayback Machine. last accessed Aug. 30, 2009
  5. Strand 2002 59-60
  6. Hugh Chisholm (1922). Hugh Chisholm (pat.). The Encyclopædia Britannica. The Encyclopædia Britannica, Company ltd. p. 658. Nakuha noong 2011-06-13.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Hugh Chisholm (1922). The Encyclopædia Britannica: Abbe to English history ("The first of the new volumes"). The Encyclopædia Britannica, Company ltd. p. 658. Nakuha noong 2011-06-13.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. 8.0 8.1 8.2 8.3 "Nationalist China". Washington State University. 1996-06-06. Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-09-06. Nakuha noong 2015-12-07.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Foreign News: NANKING". Time. Abr 4, 1927. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-04-26. Nakuha noong 2011-04-11.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "CHINA: Japan & France". Time. Abr 11, 1927. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-04-26. Nakuha noong 2011-04-11.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Beede, R. Benjamin (1994). The War of 1898, and U.S. interventions, 1898–1934: an encyclopedia. Taylor & Francis Publishing. p. 355. ISBN 0-8240-5624-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Bibliograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Higit pang pagbabasa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • John F. Copper. The KMT Returns to Power: Elections in Taiwan, 2008 to 2012 (Lexington Books; 2013) 251 pages; A study of how Taiwan's Nationalist Party regained power after losing in 2000
  • Chris Taylor, "Taiwan's Seismic shift", Asian Wall Street Journal, February 4, 2004 (not available online)

Kawing Panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.