Pumunta sa nilalaman

Kare-kare

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Kare-kare
Isang mangkok ng kare-kare
KursoUlam
LugarPilipinas
Ihain nangMainit
Pangunahing SangkapBuntot ng baka, sarsang mani, mga gulay
BaryasyonKare-kareng kambing

Ang kare-kare (mula sa salitang "kari") ay isang lutuing Pilipino na nagtatampok ng malapot na sarsang mani. Sinasangkapan ito ng mga buntot, tuwalya, paa, at laman ng baka; mga pata, paa at laman ng baboy; at paminsan-minsan, ng lamanloob ng mga hayop.[1][2][3] Dinaragdagan din ito ng mga gulay gaya ng talong, petsay o iba pang dahon, labanos, sitaw, at okra. Nagpapalasa sa sarsa ang mga binusang giniling na mani o mantikilyang mani, sibuyas, at bawang. Binibigyang-kulay ito ng atsuwete at maaaring laputan sa paglalagay ng giniling na bigas.[4][5] Maaari ring gumawa ng kare-kare na gawa sa lamang dagat, tulad ng sugpo, pusit at tahong, o sa gulay lamang.

Kadalasang may bagoong kasama na pansawsawan. Paminsan-minsan, pinapaanghang ito ng sili o ginisang bagoong, at pinapatakan ng kalamansi. Mayroon ding mga baryante ng gawa sa kambing o (bihira) manok.

Daan-daang taon na ang kasaysayan ng kare-kare bilang pagkaing Pilipino. May apat na kwento ukol sa pinagmulan nito. Una, nanggaling daw ito mula sa Pampanga (ang probinsyang kilala bilang "kabisera ng lutuin sa Pilipinas").[6] Madalas may reputasyon ang mga Kampampangan na magluto sa kasiyahan ng kani-kanilang mga puso at makabuo ng napakasarap na pagkain. Pangalawa, nangaling ang sarsa mula sa mga galyeon ng Acapulco. Malawakang ibinabiyahe ang pangunahing sangkap nito, ang mani, sa mga barko gaya ng mais, na mula rin sa Imperyong Asteka at mula sa malayong lupain. Inihahain pa rin ngayon sa Jalisco at Guerrero, mga lalawigan sa Mehiko, ang lomo encacahuatado, na kahawig na kahawig sa kare-kare. Iba lang ang ginagamit na bahagi ng baboy— lomo sa Mehiko at buntot naman sa Pilipinas. Ipinapalagay na isang diminutibo ang "kare-kare" ng salitang cari na nangangahulugang "kulay tanso"— ito nga ang naging pantukoy ng mga Kastila at Portuges sa mga katutubo na nakita nila sa mga daungan. Ikatlo, nagmula raw ito sa mga pagkain ng mga kamaharlikaan ng mga Moro na nanirahan sa Maynila bago dumating ang mga Kastila (sikat pa rin ang kare-kare sa Sulu at Tawi-Tawi).[7] Ikaapat, nanggaling daw ito sa mga Indiyanong sepoy mula sa Timugang Indiya na nagsipamayan sa Pilipinas noong pananakop ng mga Ingles sa Maynila. Sabik-makauwi, kumatha sila ng kanilang lutuin gamit ang mga makukuhang sangkap. Kari-kaari (kari) ang tawag nila rito, na naging kare-kare sa paglipas ng panahon. Reduplikasyon ang pangalan ng salitang kaṟi (Tamil: கறி, lit. 'kari; sarsang malapot').[8]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Laquian, Eleanor at Irene Sobreviñas. Filipino Cooking Here and Abroad, nasa wikang Ingles, 1977 (Unang Taon ng Paglilimbag), National Bookstore, Lungsod ng Maynila, Pilipinas, pahina 46, ISBN 9710800620
  2. Diksyunaryong Tagalog-Ingles ni Leo James English, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971910550X
  3. The Maya Kitchen Mix and Match Meals 1, Your 4-Week Guide to Home Cooking, nasa wikang Ingles, 1991 (First Printing/Unang Paglilimbag), 1998 (Tenth Printing/Ika-sampung Paglilimbag), Anvil Publishing, Inc., Lungsod ng Pasig, Pilipinas, (mula sa pahina 42) kabuuang bilang ng pahina: 97 dahon, ISBN 9712700607
  4. "Kare-Kare: Filipino ox tail stew" [Kare-Kare: nilagang buntot ng baka ng Pilipinas] (sa wikang Ingles).
  5. "Kare-Kare Recipe" [Resipi ng Kare-kare] (sa wikang Ingles).
  6. "Philippines: Kare Kare" [Pilipinas: Kare Kare]. 196 flavors (sa wikang Ingles). Enero 7, 2019. Nakuha noong Marso 5, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Hernandez, Kathrine Pearl. "Brief History of Kare-kare – Executive Gourmet Catering Services" [Maikling Kasaysayan ng Kare-kare] (sa wikang Ingles). Nakuha noong Marso 5, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Villar, Roberto (Agosto 2, 2019). "The Fascinating History of Kare-kare" [Ang Kamangha-manghang Kasaysayan ng Kare-kare]. Esquiremag.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong Marso 5, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)