Pumunta sa nilalaman

Joseph Estrada

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kontribusyon ni joseph estrada)
Joseph Ejercito Estrada
Alkalde ng Maynila
Nasa puwesto
30 Hunyo 2013 – 30 Hunyo 2019
Nakaraang sinundanAlfredo Lim
Sinundan niIsko Moreno
Ika-13 Pangulo ng Pilipinas
Ikatlong Pangulo ng Ikalimang Republika
Nasa puwesto
30 Hunyo 1998 – 20 Enero 2001
Pangalwang PanguloGloria Macapagal-Arroyo
Nakaraang sinundanFidel V. Ramos
Sinundan niGloria Macapagal-Arroyo
Ika-9 na Pangalawang Pangulo ng Pilipinas
Ikalawang Pangalawang Pangulo ng Ikalimang Republika
Nasa puwesto
30 Hunyo 1992 – 30 Hunyo 1998
Nakaraang sinundanSalvador H. Laurel
Sinundan niGloria Macapagal-Arroyo
Personal na detalye
Isinilang (1937-04-19) 19 Abril 1937 (edad 87)
Tondo, Manila
Partidong pampolitikaPartido ng Masang Pilipino (PMP)
AsawaLuisa Pimentel
TrabahoAktor

Si Jose Marcelo Ejercito (ipinanganak 19 Abril 1937), na mas kilala bilang Joseph Ejercito Estrada, at kilala rin sa kanyang palayaw na Erap, ay politiko at dating aktor na naglingkod bilang ikalabintatlong pangulo ng Pilipinas mula 1998 hanggang 2001. Siya ay nahalal na Mayor o Alkalde ng Maynila noong 13 Mayo 2013.

Siya ay isang dating aktor at nagsilbi bilang alkalde ng San Juan, senador at pangalawang pangulo bago naging pangulo ng Pilipinas noong 1998. Siya ay napatalsik sa pagkapangulo noong 2001 matapos akusahan ng korupsiyon na humantong sa impeachment at pagpoprotesta ng mga tao sa tinatawag na "EDSA II". Siya ay nahatulang nagkasala sa kaso ng pandarambong at nahatulan ng Reclusion perpetua. Siya ay humiling ng kapatawaran at pinatawad ni Gloria Arroyo noong 2007.

Si Joseph Estrada ay ipinanganak noong 19 Abril 1937 sa Tondo, Maynila kina Emilio Ejercito, Sr., na isang inhinyero at Maria Marcelo. Siya ay pinatalsik sa kanyang mga pag-aaral na pang-primarya sa Ateneo de Manila University at kalaunang pumasok sa kursong inhinyerya sa Mapua Institute of Technology. Huminto sa pag-aaral si Estrada sa kolehiyo upang pumasok sa larangan ng pelikulang Pilipino sa edad na 21. Nakagawa siya ng mga humigit kumulang na 120 pelikula, karamihan sa mga ito ay nauuri na action-comedy kung saan siya ang bida na ginaganapan ang mga papel ng mga taong mahirap o mga mababang antas ng lipunan. Napagwagian niya ang ilan sa pinakamataas na Gantimpala at Gawad sa Pag-arte at pagiging Direktor ng Pelikula. Si Estrada ay nagpakasal kay Dra.Loi Estrada|Luísa "Loi" Pimentel Estrada at nagkaroon ng 3 anak: sina Jinggoy Estrada, alkalde ng San Juan (1992–2001) at Senador (2004–), Jackie Ejercito (na ikinasal kay Beaver Lopez na anak ng Meralco chairman Manuel Lopez) at Jude Ejercito. Si Estrada ay may lima pang ibang mga anak sa ibang mga babae: sina JV Ejercito, Jojo Ejercito sa dating modelong si Joy Rowena, si Jerika, Jake at Jacob Ejercito sa dating aktres na si Laarni Enriquez. Si Estrada ay kapatid ng aktor na si George Estregan at tiyuhin ng aktor na si Gary Estrada.

Alkalde ng San Juan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1968, si Estrada ay tumakbo sa halalan ng pagka-alkalde ng San Juan, Kalakhang Maynila. Siya ay natalo kay Dr. Braulio Sto. Domingo. Gayunpaman, si Estrada ay pinroklamang nagwagi matapos niyang magsampa ng protestang elektoral. Si Estrada ay nagsilbing alkalde ng 16 na taon.

Noong 1977, pinarangalan siya bilang "Outstanding Mayor and Foremost Nationalist" ng Inter-Provincial Information Service at ng sumunod na taon bilang "Most Outstanding Metro Manila Mayor" ng Philippines Princetone Poll.

Kabilang siya sa mga alkalde na sapilitang inalis nang humalili si Corazon C. Aquino bilang pangulo ng Pilipinas pagkaraang mapatalsik si Ferdinand E. Marcos sa pwesto noong 25 Pebrero 1986 sa pamamagitan ng People Power Revolution.

Tumakbo si Estrada sa ilalim ng partidong Grand Alliance for Democracy at matagumpay na nahalal sa Senado ng Pilipinas (Ika-walong Kongreso). Sa 24 kandidato para sa senado, si Estrada ang ika-16 kandidatong may pinakamataas na boto.

Nahirang siya bilang Chairman of the committees on Cultural, Rural Development, and Public Works. Siya rin ay naging Vice Chairman of the Committees on Health, Natural Resources and Urban Planning. Kabilang sa mga panukalang batas na isinulong nya ay yaong ukol sa agrikultura, mga proyektong irigasyon sa pagsasaka at pagpapalawig at pag-protekta sa kalabaw. Noong 1989, tinanghal siya ng Philippine Free Press bilang isa sa “Three Outstanding Senators of the Year”.

Bilang senador, bumoto siyang tapusin na ang Kasunduang baseng militar ng Estados Unidos at Pilipinas na nagresulta sa pag-alis ng mga Amerikanong servicemen sa Clark Air Base sa Pampanga at Subic Naval Base sa Zambales.

Pangalawang Pangulo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakatulong nang malaki sa pagkakapanalo niya bilang Bise Presidente ang kaniyang popularidad bilang aktor noong halalan ng Pangalawang Panguluhan noong 1992. Siya ay nagwaging pangalawang pangulo ngunit ang kanyang running mate na si Danding Cojuangco ay natalo sa pagkapangulo kay Fidel Ramos. Bilang Pangalawang Pangulo, pinamahalaan ni Estrada ang Komisyon Laban sa Krimen (Presidential Anti Crime Commission) mula 1992 hanggang 1997.

Bilang pangulo (1998–2001)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1998, nanalo si Estrada sa halalan sa ilalim ng partidong Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMMP). Nakakuha siya ng 10,956,610 boto o 39.6% ng lahat ng boto. Ang kanyang islogan sa kanyang panganampanya ang "Erap Para sa Mahirap". Sa kanyang talumpati sa inaugurasyon noong 30 Hunyo 1998, isinaad ni Estrada:

Ngayon pa lamang, ang mga kamag-anak ko ay nilalapitan na ng kung sinu-sino. Kung anu-anong deal at kickback ang ipinangangako.

Binabalaan ko sila: ang kanilang inilalapit ay ebidensiyang gagamitin ko sa pag-usig sa kanila, kapag itinuloy nila ang kanilang maruming balakin. Tandaan nila ito. Lalong mabuti, maghanda sila. Huwag nila akong subukan!

Sa aking administrasyon, walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak.[1]

Noong 1998, sinubukan ni Pangulong Estrada na ipagpatuloy ang reporma ng nakaraang Pangulong si Fidel Ramos. Sa ilalim ng pamumuno ni Estrada mula 1998 hanggang 2000, ang aberaheng paglago ng GDP ay 2.9 porsiyento.[2] Ang administrasyong Estrada ay inakusahan ng cronyism, korupsiyon at inkompetensiya na nagdulot ng kawalang pagtitiwala ng mga imbestor na dayuhan. Ito ay karagdagang napinsala nang sa kanyang ikalawang taon, si Estrada ay inakusahan ng paggamit ng impluwensiya niya sa imbestigasyon ng isang kaibigang nasangkot sa pagmamanipula ng stock market. Ang mga kaguluhan gaya ng mga pambobomba, mga pagdukot, mga klima at iba pa ay nag-ambag sa mga problema sa ekonomiya. Tungo sa dulo ng administrasyon ni Estrada, ang deficit ay dumoble sa 100 bilyong dolyar mula 49 bilyong dolyar noong 1998. Gayunpaman, ang rate ng GNP noong 1999 ay tumaas sa 3.6 porsiyento mula 0.1 porsiyento noong 1998 at ang rate ng paglago ng GDP ay 3.2 porsiyento mula sa -0.5 porsiyento noong 1998. Ang utang ng bansa ay umabot sa 2.1 trilyong piso noong 1999. Ang utang sa loob ng bansa ay P986.7 bilyong piso samantalang ang utang sa mga dayuhan ay umabot sa US$52.2 bilyong dolyar. Ang impeachment ni Estrada dahil sa korupsiyon at ang kanyang pag-alis sa puwesto ay nagdulot ng mababang pag-unlad.

Akusasyon ng korupsiyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Oktubre 2000, ibinunyag ng malapit na kaibigan ni Estrada na si Chavit Singson, na kanyang personal na ibinigay kay Pangulong Estrada ang P400 milyong kabayaran para sa jueteng gayundin ang P180 milyon mula sa subsidiya ng presyo ng pamahalaan para sa kooperatibang marketing ng mga magsasaka ng tabako. Ito ay humantong sa paghahain ng impeachment laban kay Estrada noong 13 Nobyembre 2000. Sina Rep. Heherson Alvarez, Teodoro Casiño at Teresita Quintos Deles ay naghain ng reklamo laban kay Estrada sa mga sumusunod na kadahilanan[3]:panunuhol, pagtanggap ng jueteng payola ng P10 milyon kada buwan mula sa mga jueteng lord, pagkuha ng P130 milyon mula sa buwis ng tabako na sinasabing para sa mga gastusin ng halalang pagkapangulo noong 1998,direktang paglahok sa negosyong real estate ng kanyang pamilya na nagtayo ng mga 36 townhouse sa Vermont Park Executive Village, Antipolo City, panunumpa sa kanyang SALN na may mga negosyong interes pampamliya sa tatlo lamang mga kompanya bagaman ayon sa rekord ng gobyerno ay isa siyang shareholder, ang kanyang asawa, mga kerida at kanilang mga anak sa 59 ibang mga kompanya, pagtatangkang ipawalang sala si Dante Tan na kaibigan ni Estrada mula sa mga akusasyon ng insider trading at manipulasyon ng presyo ng stock ng Best World Gaming, pagtatakip sa sinasabing mga pang-aabuso ng kanyang dalawang anak na lalake na sina Jinggoy Estrada na nakipag-away sa mga doktor sa isang hospital emergency room at Jude Estrada na nagpalipad ng eroplano ng pamahalaan sa Cagayan de Oro at umalis ng hindi nagbayad sa kanyang mga hotel at restaurant bill, paghirang sa kanyang pinsang si Cecilia Ejercito de Castro bilang presidential assistant bagaman inangking hindi niya siya kilala sa kasagsagan ng 1998 textbook scandal, paghirang sa "higit sa isang daang mga kumpare bilang mga presidential adviser, mga consultants at mga assistant", mabilis na lumagong mga ari-arian sa mga negosyo ng kanyang pamilya, mismong sumali sa negosyo at kanyang pamilya at mga kaibigan, paglabas ng P100 milyon sa charity sweepstakes funds sa isang foundation sa address ng kanyang tahanan, paglabag sa panunumpa sa opisina nang magkaloob siya ng mga ini-smuggle na luxury van sa mga kasapi ng kanyang gabinete at paglabag sa isang 1994 desisyon ng korte suprema sa pamamagitan ng pahirang kina Ramon Cardenas, Magdangal Elma, Robert Aventajado, Ric Tan Legada, Gaudencio Mendoza, at Raul de Guzman sa maraming mga posisyon sa gobyerno. Ang impeachment court ay pinangasiwaan ng punong mahistradong Hilario Davide, Jr.. si Estrada ay nagplead ng "hindi guilty" at umupa kina dating punong mahistradong Andres Narvasa at Estelito Mendoza bilang kanyang mga abogado. Sa impeachment kay Estrada noong Disyembre 22, si Clarissa Ocampo na senior vice president ng Equitable PCI Bank ay nagpatotoo na si Estrada ay may layong isang talampkan mula sa kanya nang lagdaan ni Estrada ang ang mga dokumentong "Jose Velarde" na kinasasangkutan ng P500 milyong kasunduang pamumuhunan sa kanilang bangko noong Pebrero 2000. Ang unang sobre na binuksan ng tribunal ng nakaraang buwan ay naglalaman ng mga bank record ng Jose Velarde account na kinabibilangan ng isang isang trust account na pinatotohanan ni Ocampo. Sa impeachment court, ang Senado ay bumoto ng 11–10 na huwag buksan ang ikalawang sobre na naglalaman ng mga detalye ng mga account ni Jose Velarde sa EquitablePCI Bank. Noong 2001, tinukoy ni Internal Revenue Deputy Commissioner Lilian Hefti ang “Jose Velarde” bilang bahagi ng mga ari-arian ni Joseph Estrada(aka Jose Velarde at Kelvin Garcia).[4] Natuklasan rin ang P1.107 bilyon sa cash at mga ari-arian sa isa pang "Jose Velarde" account sa Banco de Oro.[4] Inangkin rin ng Wellex Group Inc. (TWGI) na pag-aari ni William Gatchalian na si Estrada ang tunay na may-ari ng Jose Velarde account.[5]

Mga senador na bumoto para buksan
ang ikalawang sobre
Mga senador na bumoto laban sa pagbukas
ng ikalawang sobre
  1. Rodolfo Biazon
  2. Renato Cayetano
  3. Franklin Drilon
  4. Juan Flavier
  5. Teofisto Guingona, Jr.
  6. Loren Legarda
  7. Ramon Magsaysay, Jr.
  8. Sergio Osmeña III
  9. Aquilino Pimentel, Jr.
  10. Raul Roco
  1. Robert Jaworski, Sr.
  2. Blas Ople
  3. Juan Ponce-Enrile
  4. Vicente "Tito" Sotto III
  5. Anna Dominique "Nikki" Coseteng
  6. John Henry Osmeña
  7. Gregorio "Gringo" Honasan
  8. Teresa "Tessie" Aquino-Oreta
  9. Ramon Revilla, Sr.
  10. Francisco "Kit" Tatad
  11. Miriam Defensor-Santiago

Pagkatapos ng boto laban sa pagbukas ng ikalawang sobre, si Sen. Aquilino Pimentel, Jr. ay nagbitiw bilang pangulo ng Senado at lumayas kasama ng mga 9 na senador ng oposisyon at mga 11 prosecutor. Ang mga pangyayaring ito ay humantong sa 3 araw na pagpoprotesta ng mga tao. Sa makasaysayang EDSA Shrine na lugar ng 1986 People Power na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos, ang mga daan daang tao ay nag-rally na humihiling kay Estrada na magbitiw. Ang mga estudyante, mga propesyonal at iba't ibang mga pangkat sibiko ay sumali sa tinatawag na "EDSA II". Ang bilang ng mga nagpoprotesta ay lumago mula sa daan daan hanggang libo libo sa ilang mga araw. Ang mga rally ay idinaos rin ng sabay sa mga probinsiya sa Visayas at Mindanao. Noong 19 Enero 2001, ang Hepe ng Armed Forces of the Philippines na si Angelo Reyes ay sumali sa mga pagtitipon sa EDSA na naghahayag na ang 113,000 kasapi ng Armed Forces of the Philippines ay nag-uurong ng kanilang suporta kay Estrada. Noong Enero 20,100, ang balita ay dumating sa mga nagtipong mga tao sa EDSA na si Estrada ay nagbitiw na. Pagkatapos ng pagdedeklara ng Korte Suprema na bakante na ang upuan ng pangulo, pinanumpa ni Chief Justice Hilario Davide ang kahalili ni Estrada ayon sa konstitusyon na si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo ng Pilipinas. Pagkatapos nito, inangkin ni Estrada na siya ay kumuha ng isang leave of absence mula sa pagkapangulo noong 20 Enero 2001 at nilisan ng temporaryo ang Malacañang.

Noong Pebrero 2001, ang ikalawang sobre ay binuksan ng Senado na nagpapakita ng kaunting higit sa P1 bilyong deposito ni Estrada sa Equitable PCI Bank sa ilalim ng pangalang "Jose Velarde" at isang liham mula sa kanyang crony si Jaime DiChaves na nag-angking siya si Velarde.[6] Ang mga dokumento sa ikalawang sobre ay nagpapakita na ang 27 tseke na nagkakahalaga ng P175 million ay winithdraw mula sa Allied Bank head office branch account ng isang "Kelvin Garcia" na isa pang pekeng pangalang ginamit ni Estrada at diniposito sa "Jose Velarde" account.[7] Ang 9 sa mga tseke para kay "Kelvin Garcia" ay may kabuuang P10 milyon, lima para sa P5 milyon at tatlo para sa P20 milyon. Noong 2002, nagpatotoo si Manuel Curato, head of legal services sa Equitable PCIBank na nilagdaam ni Estrada ang pangalang "Jose Velarde" ng mga 15 beses sa mga anim na iba't ibang dokumento ng bangko sa Malacañang Guest House "hindi bilang isang guarantor ngunit ang prinsipal na tagpagpautang".[8] Inamin ni Estrada na kanyang nilagdaan ang "Jose Velarde" account sa Equitable-PCI Bank na nagkakahalagang 3.2 bilyong piso ngunit itinangging pag-aari niya ito.[9] Kinumpirma rin ni Estrada ang patotoo ni Ocampo na siya ay "may layong isang talampakan" mula kay Ocampo nang kanyang lagdaan ang mga dokumento ng bangko bilang "Jose Velarde" noong 4 Pebrero 2000 at ito ay nangyari sa Malacanang Guest House at nasaksihan nina Manuel Curato, chief of staff, Aprodicio Laquian at abogadong si Fernando Chua.[9] Inangkin ni Estrada na kanyang nilagdaan ang mga dokumento ng bangko bilang guarantor para sa isang 500 milyong utang na kinukuha ni William Gatchalian mula kay Jaime DiChaves.[7] Nagpatotoo sina Ocampo at Curato na naglagda si Estrada bilang Jose Velarde sa ilalim ng mga nakaprintang salitang "the principal(s) by" sa Investment Management Agreement (IMA) ng bangko.[7] Hindi sinalungat ni Jaime diChaves ang desisyon ng korte na si Estrada ang may-ari ng Jose Velarde account.[10]

Pag-aresto kay Estrada

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Estrada ay dinakip noong 25 Abril 2001 sa kanyang bahay sa San Juan sa kaso ng pandarambong na inihain sa kanya ng Sandiganbayan. Sa pagkaalaam ng mga tagasuporta ni Estrada ng pagdakip na ito, sila ay tumungo sa EDSA na humihiling sa kanyang pagpapalaya at pagbabalik sa pagkapangulo. Noong 1 Mayo 2001, ang mga nagpoprotestang pro-Estrada ay pumunta sa Malacanang na sumisigaw ng "EDSA III". Ang karahasan ay sumiklab sa pagitan ng kapulisan at mga nagpoprotestang pro-Estrada na nagtulak sa pamahalaan na magdeklara ng isang State of Rebellion. Nagawang sugpuin ng militar ang paghihimagsik. Ang marami sa mga tagasuporta ni Estrada ay dinakip kabilang ang mga politikong sinasabing humikayat ng kaguluhan. Si Estrada ay gumugol ng 6 na taon sa pagkakabilanggo, una sa Veterans Memorial Medical Center, pagkatapos ay sa Camp Capinpin sa Tanay at sa huli ay sa kanyang Tanay rest house.

Pagsasakdal kay Estrada sa mga kasong pandarambong at perjury

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang paglilitis ni Estrada ay naantala dahil ang kanyang mga abogado ay naghain ng petisyon na kanselahin ang paglilitis. Noong 10 Hulyo 2001, mga ilang oras bago ang panibagong skedyul ng kanyang pagsasakdal sa Sandiganbayan, ang kanyang mga abogado ay nagharin ng mosyon sa Korte Suprema upang ideklara na ang paglilitis sa Sandiganbayan ay hindi konstitusyonal. Dahil hindi nakapagpasa ang Korte Supre ng hatol sa mosyon sa panahon ng pagdinig sa Sandiganbayan, si Estrada ay sinakdal sa mga kaso ng pandarambong at perjury sa kabila ng kanyang pagtanggi na pumasok sa isang plea dahil hindi niya kinilala ang autoridad ng korte. Ang kanyang kapwa-inakusahang sina Jinggoy Estrada at abogadong si Eduardo Serapio ay tumanggi ring pumasok sa isang plea at kaya ang Korte ay nagpasok ng isang plea na "hindi guilty" sa lahat ng akusado. Noong 19 Nobyembre 2001, ang Korte Suprema ay nagpasa ng hatol na ang R.A. 7080 o Plunder Law na inamiyendahan ng R.A. 7659 ay konstitusyonal at kaya ay nagbabasura sa kawalan ng merito ng petisyon ni Estrada na ang batas ay hindi konstitusyonal.

Hatol kay Estrada sa kaso ng pandarambong

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 7 Setyembre 2007, ang korteng anti-korupsiyon ng Sandiganbayan na pinangunahan ni Teresita De Castro ay naghayag na ang korte ay magpopromulga ng isang hatol sa Setyembre 12 Setyembre 2007 para sa 6 na taong paglilitis sa mga kasong pandarambong kay Estrada. Ang mga hatol ay ibababa rin sa kanyang dalawang kapwa akusado. Noong 12 Setyembre 2007, pinawalang kaso ng Sandiganbayan si Estrada sa mga kaso ng perjury para sa hindi niya pagdedeklara ng kanyang katayuang pinansiyal sa kanyang SALN. Gayunpaman, siya ay hinatulang "nagkasala ng lagpas sa makatwirang pagdududa" para sa kaso ng pandarambong na gumagawa sa kanyang unang pangulo ng Pilipinas na nahatulan ng gayong krimen. Si Estrada ay hinatulan ng reclusion perpetua at walang katapusang diskwalipikasyon sa pagtakbo sa halalan ng opisinang pampubliko. Isinaalang-alang ng korte ang 6 na taong pagkabilanggo ni Estrada bilang panahong pinagsilbihan ngunit hindi maliwanag kung siya ay karapat dapat sa parole. Nagpasya rin ang korteng anti-graft ang pagsuko ng kanyang mga bank account sa gobyerno na nagkakahalagang 542 milyon piso kabilang ang mga interes, ang kanyang mga Jose Velarde account na nagkakahalagang 189 milyong pisa kabilang ang mga interest, ang Boracay mansion sa New Manila, Quezon City. Si Estrada ay napawalang sala sa kaso ng perjury para sa hindi totoong pagdedeklara ng kanyang SALN habang siya ay pangulo. Sina Jinggoy at Serapio ay napawalang sala. Ang isa pang akusadong si Charlie "Atong" Ang ay nahatulan ng hanggang 6 na taon sa bilanggo at nasa probasyon mula Marso 2007, Ang ibang mga kapwa akusadong sina Yolanda Ricaforte, Jaime Dichaves, Alma Alfaro, Eleuterio Tan, at Delia Rajas ay nakakalaya pa rin at hindi nasakdal.

2010 halalan ng pagka-Pangulo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 2010, si Estrada ay tumakbo sa halalan ng pagka-Pangulo at nagkamit ng ikalawang pinakamataas na boto na 9,487,837 o 26.25% ng kabuuang boto. Bago ng halalan, naghain ng magkakahiwalay na mga petisyon ang mga abogadong sina Ely Pamatong, Evelio Formento at Mary Lou Estrada na naghahangad na idiskwalipika si Estrada sa halalan ngunit ibinasura ng COMELEC "dahil sa kawalan ng merito". Ayon sa mga petisyon, si Estrada ay pinagbabawalan tumakbo sa halalan ng pagkapangulo dahil sa pagbabawal ng Saligang Batas ng Pilipinas sa mga dating pangulo na muling tumakbo sa halalan ng pagkapangulo.

2013 halalan ng pagka-alkalde ng Maynila

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Estrada, 2013

Si Estrada ay tumakbo at nagwagi sa halalang pagka-alkalde o mayor ng Maynila laban sa nakaupong Alkaldeng si Alfredo Lim noong 13 Mayo 2013. Siya ay nagkamit ng 343,993 boto laban sa 308,544 boto ni Lim. Bago ng halalan, naghain ang abogado ni Lim na si Alicia Risos-Vidal ng petisyon na naghahangad idiskwalipika si Estrada sa pagtakbo sa halalan dahil sa kanyang kombiksiyon sa kaso ng pandarambong at parusang habang buhay na pagkabilanggo at dahil ang pagpapatawad ni Gloria Macapagal-Arroyo kay Estrada ay hindi nagbabalik ng kanyang mga karapatan sa muling pagtakbo sa pampublikong opisina. Ang petisyon ay ibinasura ng COMELEC.

  1. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-01-01. Nakuha noong 2013-04-10.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. http://www.gmanetwork.com/news/story/211655/economy/ing-phl-economy-may-average-5-3-from-2010-2016
  3. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-10-09. Nakuha noong 2013-04-07.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 http://www.philstar.com/headlines/38150/sandiganbayan-finds-p1-b-jose-velarde-account
  5. http://www.accessmylibrary.com/article-1G1-187056292/gatchalian-lawyers-tag-erap.htmle
  6. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-03-12. Nakuha noong 2013-04-08.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. 7.0 7.1 7.2 "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-05-10. Nakuha noong 2013-04-08.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-03-04. Nakuha noong 2013-04-08.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. 9.0 9.1 http://www.gmanetwork.com/news/story/6813/news/nation/estrada-admits-signing-bank-documents-as-jose-velarde
  10. http://www.philstar.com/headlines/720289/dichaves-asks-sandigan-junk-his-plunder-case
Sinundan:
Salvador H. Laurel
Pangalawang Pangulo ng Pilipinas
1992–1998
Susunod:
Gloria Macapagal-Arroyo
Sinundan:
Fidel V. Ramos
Pangulo ng Pilipinas
1998–2001
Susunod:
Gloria Macapagal-Arroyo